2022
Ipagdasal Sila
Oktubre 2022


“Ipagdasal Sila,” Liahona, Okt. 2022.

Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw

Ipagdasal Sila

Ang mga pagsasara ng templo ay nagtulot sa akin na makalikha ng mga bagong paraan upang makibahagi sa gawain ng Diyos sa pamamagitan ng pagtulong sa iba na nabubuhay pa.

Larawan
babaeng medical professional na nakikipag-usap sa isang pasyenteng babae

Ilang taon na ang nakararaan, nagpasiya akong dumalo sa templo linggu-linggo. Noong panahong iyon, nakatira kami malapit sa templo. Ang gawaing ito ay naging mapagkakatiwalaang pinagmumulan ng liwanag at kapangyarihan na maaasahan ko.

Makalipas ang isang taon, nang lumipat ang aming pamilya sa ibang dako ng bansa, hindi na kami nakatira malapit sa templo. Hindi imposible ang pagdalo sa templo, ngunit dahil sa mas matagal na paglalakbay at mga pangangailangan ng aking maliit na pamilya, dalawang beses lang akong dumalo sa isang buwan.

Nang magsimula ang pandemyang COVID-19, hindi ako makadalo sa templo, na tila isang kaparusahan matapos kong isaayos muli ang buhay ko para lamang madalas na makadalo. Inisip ko kung paano ako patuloy na uunlad sa espirituwal, at naging mabigat ang pakiramdam ko dahil tila hindi makatarungan ang mga bagay-bagay.

Sa isang regular na dental cleaning, nahirapan akong panatagin ang aking isipan. Nang tanungin ako ng hygienist kung ano ang gusto kong pakinggan habang nililinis ang mga ngipin ko, sumagot ako ng, “Gusto ko ng nakakarelaks na musikang para sa pagninilay-nilay.”

Sinabi niyang wala pang humiling ng ganoon, pero pinagtugtog niya ito. Pagkaraan ng labinlimang minuto, sinabi niya kung gaano siya nasisiyahan sa aming “paglilinis na may pagninilay-nilay.” Pagkatapos ay ikinuwento niya sa akin ang pagkabalisa sa buhay niya, na kinabibilangan ng kanyang 13 taong gulang na anak na lalaki na nasugatan kamakailan. Napaliligiran ng abalang opisina, ibinahagi niya sa akin ang kanyang pasanin, at magkasama kaming nakahanap ng kapayapaan.

Sa panatag na kalagayan ng aking isipan, naisip ko ang templo. Natagpuan ko ang aking sarili na umuunlad sa pamamagitan ng isang sesyon ng initiatory, sa mga salita ng aking mga tipan sa templo na maayos na dumaraan sa aking isipan. Pagkatapos ay sumunod ang tatlong malilinaw na pahiwatig mula sa Espiritu:

  • Itanong sa hygienist ang pangalan ng kanyang anak.

  • Sabihin mo sa kanya na ipagdarasal mo ang kanyang anak.

  • Ipagdasal silang dalawa nang binabanggit ang mga pangalan nila.

Sa tila simpleng pag-uusap na ito, nadama kong naging pagpapala ang aking pasanin. Naunawaan ko kung paano ako natulungan ng aking mga tipan na mahalin ang Ama sa Langit at ang aking kapwa. Itinuro sa akin ng Espiritu na ang pagdalo sa templo ay tungkol din sa pagtulong sa iba sa panig na ito ng tabing o mga taong nabubuhay pa dahil espirituwal na nagpapalakas ito sa akin at sa aking mga ninuno.

Hindi napabagal ng mga pagsasara ng templo ang aking espirituwal na pag-unlad. Sa halip, tinulutan ako na lumikha ng mga bagong paraan upang makibahagi sa gawain ng Diyos at tumanggap ng pagmamahal, liwanag, at kaalaman mula sa langit.

Print