Video Game Stoplight
Ano ang magagawa ni Nathan para makaabot sa berde?
Mariing pinindot ni Nathan ang mga button sa controller. Muntik na niyang malagpasan ang level na ito! Nakatitig siya sa TV habang iniiwasan ng kanyang rocket ship ang mga berdeng pagsabog.
“Nathan, kakain na!” pagtawag ni Inay.
Bam! Tinamaan ang barko ni Nathan. Umungol si Nathan. Ngayon kailangan niyang mag-restart. Pero alam niya na kaya niyang lagpasan ang level na ito kung minsan pa niyang susubukan.
Pumasok si Itay sa kuwarto. “Narinig mo ba si Inay? Kakain na.”
Bumuntong-hininga si Nathan at huminto sa paglalaro. Naupo sila ni Itay kasama ang buong pamilya. Binilisan ni Nathan ang kain niya. Gusto niyang balikan ang laro niya.
“Salamat po! Ang sarap.” Mabilis siyang tumayo mula sa mesa.
“Dahan-dahan, anak,” sabi ni Itay. “Gusto ka naming makausap ni Inay.”
Lagot. Pagagalitan ba si Nathan?
Nang tapos nang kumain ang lahat, nanatili sina Inay at Itay sa mesa kasama si Nathan.
“Napansin namin na maraming oras ang ginugugol mo sa kalalaro ng mga video game,” sabi ni Itay.
Alumpihit si Nathan. “Masaya po kasi talaga.”
“Totoo ‘yan,” sabi ni Inay. “Pero masaya rin ang iba pang mga bagay. Na-miss ka namin kahapon nang maglaro kaming buong pamilya. Mas masaya kasi palagi kapag kasama ka namin!”
Sinikap ni Nathan kagabi na marating ang magandang bonus level. Nang marating niya ito, tapos nang maglaro ang pamilya niya. Medyo nalungkot siya na hindi siya nakasali sa laro ng pamilya.
Sumimangot si Nathan. “Ibig sabihin po ba nito hindi na ako puwedeng maglaro ng mga video game?”
“Hindi namin sinasabi iyan,” sabi ni Itay. “Gusto lang naming mas mamalayan mo ang oras na ginugugol mo roon. At para matiyak na hindi ka nito pinipigilan sa iba pang mahahalagang bagay, tulad ng mga gawaing-bahay at homework at pag-aaral ng banal na kasulatan.”
Napayuko si Nathan. “Napapabayaan ko na nga yata ang ilang bagay.”
“Sigurado kami na maiisip mo kung paano mas mababalanse ang oras mo,” sabi ni Itay.
“Puwede n’yo po ba akong tulungan?” tanong ni Nathan.
Ngumiti si Inay. “Siyempre naman.”
Magkakasamang nagpasiya sina Nathan, Inay, at Itay kung gaano karaming oras ang dapat gugulin ni Nathan sa video game bawat araw. At nakaisip sila ng plano. Maglalagay sila ng poster ng stoplight sa tabi ng TV. Kung makakatigil si Nathan sa paglalaro kapat tinawag siya nina Inay at Itay, magiging dilaw ang stoplight. Kung hindi lang minsan siya pinatigil, magiging pula ito. At kung makakatigil siyang mag-isa bago nila siya patigilin, magiging berde ito.
Gabi-gabi bago matulog, pinag-uusapan nila kung ano ang ginawa ni Nathan sa araw na iyon. Kung naging pula ang stoplight, mababawasan ang oras niya sa paglalaro kinabukasan. Pero kung nanatili ito sa berde, dadalhin siya nina Inay at Itay sa space museum!
Alam ni Nathan na mahihirapan siyang baguhin ang kanyang mga gawi. Pero handa na siya para sa hamon.
Sa unang ilang araw, nanatiling dilaw ang stoplight. At nasobrahan sa laro si Nathan, at naging pula ito. Gusto niyang pagsikapan pang mabuti iyon sa susunod. Kaya kinabukasan, nag-set siya ng alarm para alam niya kung gaano katagal na siyang naglalaro. Sa wakas, nagawa niyang berde iyon!
Pagkaraan ng ilang araw na berde, dinala siya nina Inay at Itay sa space museum. Tinitigan ni Nathan ang isang napakalaking rocket. Kamukha iyon ng nasa laro niya, pero mas maganda ito. Ngumisi siya. Masayang makasama rito sina Inay at Itay. Gusto niyang makita kung gaano katagal siyang mananatili sa berde!