2022
Pag-anyaya kay Emma
Oktubre 2022


Pag-anyaya kay Emma

Gustong aliwin ni Sam si Emma. Ano ang puwede niyang gawin?

Mom and son ordering food at a restaurant

Itinulak ni Sam ang pintuan papasok ng restawran. Kumalam ang sikmura niya. Gutom na gutom siya! Pinakamasarap ang pritong manok sa restawrang ito. Madalas pumunta rito ang pamilya niya pagkatapos magpraktis ng soccer.

Naglakad sina Sam at Inay papunta sa counter para umorder. “Hi, Emma!” sabi ni Sam. Si Emma ang paborito nilang server. Lagi itong magiliw at mabait.

“Kumusta ang praktis ng soccer?” nakangiting tanong ni Emma.

“Ayos naman. Mananalo kami sa susunod na laro!” sabi ni Sam.

“Kailangan mong ikuwentong lahat sa akin iyon,” sabi ni Emma.

Ngumiti si Sam, at umorder na ang pamilya niya.

Nang sumunod na linggo ay nanalo nga ang team ni Sam! Hindi siya makapaghintay na sabihin iyon kay Emma. Pero wala si Emma sa restawran.

Wala rin siya roon nang sumunod na linggo. Miss na siya ni Sam.

Makalipas ang ilang linggo, muling nagpunta ang pamilya ni Sam sa restawran. Nakita ni Sam si Emma na naglilinis ng mga mesa. Nagmamadali siyang lumapit para mag-hello.

“Nakabalik ka na!” sabi ni Sam. “Na-miss ka namin.”

“Masayang-masaya kaming makita ka ulit,” sabi ni Inay.

“Salamat po.” Medyo ngumiti si Emma. Pero talagang malungkot ang mga mata niya.

“OK ka lang ba?” tanong ni Sam.

“Hindi. Namatay ang asawa ko. Kaya ako nawala rito.”

Niyakap ni Inay si Emma. Nalungkot din si Sam nang makitang malungkot si Emma.

Nang handa na ang pagkain nila, tumulong si Sam na dalhin ang tray sa mesa nila. Hindi niya mapigilang isipin kung gaano kalungkot si Emma. Naupo siya pero parang wala siyang ganang kumain ng anuman. Gusto niyang tulungan itong gumanda ang pakiramdam. Pero ano ang puwede niyang gawin?

Pagkatapos ay may naalala si Sam. Nagbigay ng maliliit na card ang bishop nila sa lahat ng pamilya sa simbahan. Nakasulat sa mga card kung anong oras mapapanood ng mga tao ang pangkalahatang kumperensya sa TV o mapapakinggan sa radyo. Sinabi ng bishop na ang kumperensya ay isang napakagandang pagkakataon para makadama ng kapayapaan.

“Inay, puwede ba nating bigyan ng card si Emma para sa pangkalahatang kumperensya?” tanong ni Sam. Kung mapapanood ni Emma ang kumperensya, baka makatulong iyon na gumanda ang pakiramdam niya.

“Magandang ideya iyan.” Dumukot si Inay sa kanyang pitaka at naglabas ng isang card. “Heto,” sabi niya. “Maaari mong ibigay ito sa kanya.”

Kinuha ni Sam ang card kay Inay. Naglakad siya papunta sa counter at tinanong ang nagtatrabaho roon kung puwede niyang kausapin si Emma.

“Sori, pero abala siya ngayon,” sabi ng lalaki.

“OK lang po,” sabi ni Sam. “Puwede ba n’yong ibigay ito sa kanya? Imbitasyon ito para panoorin ang isang espesyal na kumperensya para sa aking simbahan.” Iniabot ni Sam ang card sa lalaki. “Maaari din kayong manood, kung gusto n’yo!”

Boy holding up a picture of Jesus

Ngumiti ang lalaki. “Salamat! Sisiguraduhin kong ibigay ito sa kanya.”

Nang bumalik si Sam sa mesa nila, sumigla ang kanyang kalooban.

“Ano ang nangyari?” tanong ni Inay.

“Abala po si Emma, kaya ibinigay ko ang card sa isa pang nagtatrabaho roon para ibigay sa kanya,” sabi ni Sam. “Ngayo’y dalawang tao na ang makakakita sa card! Siguro pareho silang manonood ng kumperensya at makadarama ng kapayapaan.”

Page from the October 2022 Friend Magazine.

Mga larawang-guhit ni Christine M. Schneider