2022
Ang Mahabang Biyahe ni Silvia Papunta sa Templo
Oktubre 2022


Mga Pioneer sa Bawat Lupain

Ang Mahabang Biyahe ni Silvia Papunta sa Templo

Alam ni Silvia na magiging sulit ang biyahe.

Family driving away from the temple

Paluksu-luksong pumasok si Silvia sa kuwarto ng Primary at umupo. Palaging maganda ang pakiramdam niya sa Primary.

Itinaas ni Sister Rioja ang isang larawan ng templo. “Sa templo, maaari tayong mabuklod sa ating pamilya,” sabi niya. “Ibig sabihi’y makakasama natin sila magpakailanman kung susundin natin ang mga utos ng Diyos.”

Nagtaas ng kamay si Silvia. “Pupunta po ako sa templo para mabuklod sa pamilya ko ilang araw mula ngayon!” sabi niya. “Sabik na sabik na po ako.”

Ngumiti si Sister Rioja. “Mahabang biyahe iyon para sa iyo! Pero alam kong magiging sulit iyon.”

Wala pang templo noon sa Spain, kung saan nakatira ang pamilya ni Silvia. Kaya kailangan nilang magbiyahe papunta sa templo sa Switzerland. Aabutin iyon ng dalawang araw!

Sa Martes ng umaga, gumising nang maaga si Silvia. Tinulungan niya ang kanyang mga magulang na magkarga ng mga gamit sa kotse. Oras na para magbiyahe papunta sa templo.

Sa kotse, sinikap ni Silvia na makibagay sa kanyang ate at nakababatang kapatid na lalaki. Naglaro sila at kumanta ng mga awitin. Nagpatugtog si Papá ng klasikong musikang Espanyol habang nagbibiyahe sila. Nang mapagod siya, tumanaw si Silvia sa bintana. Pinanood niya ang luntiang kaburulan hanggang sa makatulog siya.

Lumipas ang unang araw. Parang walang katapusan ang biyahe. Pero naalala ni Silvia ang sinabi ni Sister Rioja. Magiging sulit iyon, naisip niya.

Pagkatapos ng isa pang araw ng pagbibiyahe, sa wakas ay namataan ni Silvia ang puting tore ng templo. “Ayun!” Tumuro siya sa bintana. “Ayun ang templo!”

Pumalakpak ang nakababatang kapatid ni Silvia. Nagpahid ng mga luha ng kaligayahan si Mamá.

“Nakarating din tayo,” sabi ni Papá.

Sa loob ng templo, nagpalit ng puting damit si Silvia at ang kanyang pamilya. Isang mabait na temple worker ang naupo sa tabi ni Silvia at ng kanyang mga kapatid. Pagkatapos ay dinala sila nito sa sealing room.

Kumislap ang liwanag mula sa chandelier. Lumuhod sina Mamá at Papá sa isang altar na may takip na malambot na lace. Nakangiti sila.

Lumuhod si Silvia, ang kanyang kapatid na lalaki, at ang kanyang ate sa tabi nina Mamá at Papá. Tumingin si Silvia sa malalaking salamin sa dingding sa tabi nila. Walang katapusan ang nakikita sa salamin. Napuspos ng mainit na damdamin ang kanyang puso. Ngayo’y maaari nang mabuklod ang pamilya niya magpakailanman.

Nang oras na para umuwi, nagsibalik sa kotse si Silvia at ang kanyang pamilya. Kabilang sila sa ilan sa mga unang miyembro ng Simbahan mula sa Spain na nagpunta sa templo, at dahil diyan ay mga pioneer sila!

Habang papalayo sila, minsan pang tumanaw sa bintana si Silvia. Nagniningning ang templo sa ilalim ng kalangitan sa tag-init. Hindi na siya makapaghintay na muling makabalik sa templo balang-araw.

Ang Spain ay isang bansa sa kanlurang Europa na Espanyol ang sinasalita.

Ngayon ay may templo na sa Madrid, ang kabiserang lunsod ng Spain.

Mas maraming olibo sa Spain kaysa alinmang bansa sa mundo.

Anim na taong gulang si Silvia nang mabinyagan ang kanyang mga magulang.

Tumulong siya sa Primary sa pagiging isang greeter at pagtanggap sa mga bata pagdating nila.

Ngayo’y ibinuklod na si Silvia sa kanyang asawa’t tatlong anak.

Page from the October 2022 Friend Magazine.

Mga larawang-guhit ni Sammie Francis