Pagiging Matapang
Ngayon ang programa ng Primary, at kabado si Brayden. Nagpraktis siya nang nagpraktis ng bahagi niya. Pero takot siyang magsalita sa harap ng napakaraming tao.
“Ayaw ko pong magsimba ngayon.” sabi ni Braden. “Nakakatakot pong bigkasin ang bahagi ko.”
Niyakap siya nang mahigpit ni Inay. “Alam kong nakakatakot magsalita sa simbahan. Pero maraming beses ka nang nagpraktis. Alam kong kaya mo iyan.”
“Gusto mong magdasal tayo?” tanong ni Itay. “Maaari nating hilingin sa Ama sa Langit na tulungan kang maging matapang.”
Tumango si Brayden.
Lumuhod sina Inay, Itay, at Brayden at humalukipkip.
“Mahal na Ama sa Langit,” pagdarasal ni Inay, “tulungan po ninyo si Brayden na maging matapang. Tulungan po Ninyo siyang mabigkas ang kanyang bahagi.”
Pagkatapos ng panalangin, sumakay sa kotse si Brayden, at nagpunta na silang lahat sa simbahan.
Natatakot si Brayden habang nakaupo siya sa pulpito kasama ang iba pang mga bata. Pero naalala niya ang panalangin. Gumanda nang kaunti ang pakiramdam niya dahil doon.
Hindi nagtagal ay si Brayden na ang magsasalita. Tumingin siya sa mga taong nakangiti sa kanya. Naroon sina Inay at Itay! Huminga siya nang malalim. Pagkatapos ay malakas at malinaw niyang sinabi ang kanyang bahagi. Naalala pa niya ang lahat ng salita.
“Ang galing mo,” sabi ni Inay pagkatapos magsimba. “Mukhang nasagot ang panalangin natin.”
Ngumiti si Brayden. “Tinulungan ako ng Ama sa Langit!”
Sabay silang naglakad pabalik sa kotse. “Ano ang naramdaman mo?” tanong ni Itay.
“Natakot pa rin po ako, pero OK lang,” sabi ni Brayden. “At maganda ang pakiramdam ko nang mabigkas ko na ang bahagi ko.”
“Alam mo ba kung ano ang magandang pakiramdam na iyon?” tanong ni Inay.
Nag-isip sandali si Brayden. “Palagay ko po ang Espiritu Santo iyon.”
“Palagay ko rin,” sabi ni Inay. “At kahit natakot ka, tinulungan ka ng Espiritu Santo na maging matapang.”