Paano Ko Masusuportahan ang Isang Anak na Nakakaramdam ng Depresyon?
Kapag pinanghihinaan-ng-loob ang inyong anak, paano kayo makakatulong?
Kung minsan ay nalulungkot o pinanghihinaan-ng-loob ang lahat. Bilang magulang, maaari kayong makakita ng mga pagbabago sa pag-uugali ng inyong anak nang hindi lubos na nauunawaan ang dahilan nito. Narito ang ilang bagay na dapat bantayan at mga paraan para matulungan ang inyong anak.
Pagtukoy sa mga Potensyal na Alalahanin
Kung mas nagagalit o nalulungkot ang inyong anak nang higit sa dalawang linggo, maaaring nag-iisip-isip na kayo kung nakararanas ba siya ng depresyon. Maaaring naiiba ang depresyong nararanasan ng mga bata at kabataan kung ihahambing sa mga nasa hustong gulang. Kapag ang inyong anak ay nalulungkot o may depresyon, maaaring kabilang sa mga sintomas ang:
-
Malalaking pagbabago sa pag-uugali.
-
Masyadong bumababa ang mga marka sa paaralan, gaya ng naging F ang dating A na marka.
-
Mga pagbabago sa mga grupo ng kaibigan at kadalasan ay bumabaling sila sa mga kaibigan na hindi positibo.
-
Pagkabagot.
-
Pagkawala ng interes sa mga gawain.
-
Pagbabago ng mga gawi sa pagtulog, kabilang na ang labis na pagtulog o halos hindi makatulog.
-
Hindi makapokus.
-
Sobrang pagod.
-
Hindi nag-aalala tungkol sa hinaharap.
-
Pagrereklamo tungkol sa mga pagkirot at sakit na walang pisikal na pinagmulan.
-
Pagkokomento o pag-iisip tungkol sa kamatayan o pagpapakamatay.
-
Mga pagbabago sa paraan ng pagkain.
Kapag ang isang bata ay may depresyon, maaaring madama ng mga magulang na ito ay kanilang kasalanan o may nagawa silang mali. Tandaan na hindi laging nagsisimula ang depresyon dahil sa ginawa ng isang tao, at hindi ito mapipigilan sa pagsasabi sa bata na tigilan ang pagkakaroon ng depresyon. Ang depresyon sa mga bata ay kadalasang nagmumula sa pakiramdam na labis na silang nahihirapan. Bilang magulang, gawin ang lahat para manatiling kalmado at magtuon sa pakikinig at sabihing mahalaga siya. Maaari ninyong sanayin ang inyong anak sa pagdadala ng emosyon at matiyaga siyang gabayan na magkaroon ng mga kasanayang kailangan para makayanan ang mga bagay-bagay. Makakatulong ang mga ito sa pagharap sa matinding emosyon.
Paano Tutulungan ang Inyong Anak
Magkaroon ng mas malakas na ugnayan sa inyong anak bilang magulang
Kung napapansin ninyo ang ilan sa mga sintomas na nakalista sa itaas, tulungan ang inyong anak na maramdaman na siya ay sinusuportahan at minamahal. Maghanap ng mga paraan para maging mas malapit sa inyong anak. Matutulungan nito ang inyong anak na higit na makayanan ang mahihirap na sitwasyon. Ang ilang paraan upang maging mas malapit sa inyong anak ay kinabibilangan ng:
-
Paggugol ng oras sa bawat anak.
-
Pakikipag-usap at pakikinig.
-
Panatagin ang inyong anak at sabihing bubuti rin ang mga bagay-bagay.
-
Pagbibigay ng papuri.
-
Pagkilala sa magagandang katangian.
-
Pagpapadama ng pagmamahal.
-
Paglilingkod sa inyong anak.
Paghingi ng suporta sa iba
Bagama’t responsibilidad ninyong tulungan ang inyong anak, huwag ninyong subukang gawin ito nang mag-isa. Sinabi ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Kung kayo ay may apendisitis, aasahan ng Diyos na magpapabasbas kayo sa priesthood at magpapagamot sa pinakamahusay na doktor. Gayon din sa depresyon o emotional disorder. Inaasahan ng ating Ama sa Langit na gagamitin natin ang lahat ng magagandang kaloob na ibinigay Niya sa dakilang dispensasyong ito.”1
Humingi ng tulong sa Ama sa Langit sa panalangin, at humingi rin ng suporta mula sa pamilya at mga kaibigan, mga lider ng Simbahan (kabilang na ang mga lider ng Aaronic Priesthood o Young Women), at maging sa mga propesyonal sa kalusugan ng isipan.2 Kung magpapasiya kayong humingi ng propesyonal na tulong, pumili ng isang therapist na may karanasan sa pakikipagtulungan sa mga bata at kayang maunawaan ang mga ipinag-aalala ninyo sa inyong anak. Mahalagang maging bahagi kayo sa paggagamot sa inyong anak at, sa maraming kaso, dumalo sa therapy na kasama niya.
Ang doktor ng inyong anak ay isa pang resource na maaari ninyong hingan ng tulong. Maaaring magreseta ang doktor ng gamot kapag kailangan para maayos ang mga sintomas ng depresyon.
Magdagdag ng istruktura sa buhay
Mahalaga para sa inyong anak na magkaroon ng istruktura. Kung alam ng inyong anak kung ano ang aasahan at kung kailan ito mangyayari, magiging mas matatag siya at mas makakaya niyang makibagay. Narito ang ilang paraan upang magdagdag ng istruktura sa araw o linggo ng inyong anak:
-
Magdesisyon kung ano ang regular na oras ng pagtulog.
-
Gumising sa parehong oras sa bawat araw.
-
Ibahagi ang iskedyul sa bawat araw sa kanila.
-
Limitahan ang oras ng paggamit ng gadget.
-
Maging aktibo sa pisikal na paraan—ang paglalakad bilang pamilya ay magandang gawin.
-
Sama-samang lumago sa espirituwal na kinabibilangan ng paggawa ng regular na pag-aaral ng ebanghelyo at panalangin ng pamilya.
-
Sama-samang kumain bilang pamilya araw-araw.
Hikayatin ang inyong anak na sumali sa mga aktibidad ng pamilya tulad ng sama-samang paglalaro o panonood ng sine. Makatutulong din ang maging huwaran ng pag-aalaga sa sarili at turuan ang inyong anak ng mga paraan ng paglalaan ng panahon para maalagaan ang sarili. Maaari ninyong piliing mag-ehersisyo o gawin ang mga aktibidad nang may kamalayan (mindfulness) kasama ang inyong anak o bilang pamilya.
Tandaan na namamana ang depresyon kaya ang sarili ninyong mga paghihirap ay maaaring magpahina ng inyong loob habang nilulutas ninyo ang depresyon ng inyong anak. Kung mayroon kayong mga sintomas ng depresyon, mahalaga na harapin ang mga sintomas na iyon at humingi ng propesyonal na tulong kung magsisimula na kayong mabigatan nang labis. Kung hindi ninyo inaalagaan ang inyong sarili, mas mahihirapan kayong suportahan ang inyong anak sa kanyang mga pakikibaka.