2021
Magkapatid ba Kayo?
Agosto 2021


Magkapatid ba Kayo?

Nagulat ako sa tanong ng bata at tinuruan ako ng isang mahalagang aral.

picture of author and her friend

Larawang kuha sa kagandahang-loob ng awtor

Ang kaibigan kong si Laurie Wharemate Keung ay isang Maori. Ako naman ay lahing Ingles. Magkaiba ang kulay ng aming balat, kulay ng mata, kulay ng buhok, at tangkad. Wala nang iba pang mas malinaw na pagkakaiba. Subalit isang araw habang naglilingkod kami ni Laurie sa mga bata sa isang paaralan ng mga maralita, nagulat kami sa tanong ng isang batang lalaking Maori.

“Magkapatid ba kayo?” tanong niya.

Natawa ako nang lihim, inaakalang biro lang ang tanong niya. Gayunman, muli akong tinanong ng bata, “Magkapatid ba kayo?”

Nang matanto ko na hindi siya nagbibiro, tumigil ako sandali at nag-isip, “Hindi kaya nakikita ng batang ito ang malinaw na pagkakaiba namin sa hitsura at lahi?” Marahil ay nakita niya pero naisip niyang walang kaibhan iyon. Sabik niyang hinintay ang sagot ko.

Sinabi ko sa kanya na hindi kami magkapatid, na ikinalungkot niya. Pero idinagdag ko na madalas naming madama na magkapatid kami habang magkasama kaming naglilingkod. Tila nasiyahan siya sa sagot na iyon at tumakbo na sa mesa niya.

Ang tapat na tanong ng batang ito ay nakaimpluwensya nang matagal sa akin. Bakit? Dahil ang kanyang tanong ay nangusap ng katotohanan sa akin—na ang pamilya ay hindi limitado sa mga katangiang namana o sa hitsura. Mapalad kaming mag-asawa na maampon ang dalawa sa aming mga anak. Mahal namin sila, at ang pagmamahal at paglilingkod ay mahalagang bahagi ng mga pamilya.

Tutal, lahat tayo ay anak ng ating “isang Diyos at Ama” (Efeso 4:6).

Naisip ko na baka pinanonood ng batang ito si Laurie at ako. Siguro nang makita niyang magkatulong o magkayakap kami, ipinalagay niyang magkapatid kami. Ipinaalala sa akin ng kanyang tanong na palaging pinanonood ng mga bata ang matatanda at bumubuo sila ng mga opinyon ayon sa ating sinasabi at ginagawa at kung paano natin tinatrato ang isa’t isa. Kung maaaring ipalagay ng batang ito na magkapatid kami, tiyak na maaaring ipalagay ng mga bata sa buong mundo na magkakapatid tayong lahat kung mahal at pinaglilingkuran natin ang isa’t isa.

Ang mga pagkakaiba namin ay nagtulot sa amin ni Laurie na magdulot ng iba’t ibang kalakasan at pananaw sa aming pagkakawanggawa, kaya mas epektibo ito. Sa halip na hayaang paghiwalayin kami ng aming mga pagkakaiba, ginamit namin ang mga iyon sa paggawa ng kabutihan at sa gayo’y makabuo ng matalik na pagkakaibigan. Ang tanong ng batang lalaki ay maaaring maging aral sa lahat ng anak ng Diyos.