Sapatos na Pang-Tennis sa Templo
Huhusgahan ba ako ng iba tulad ng di-makatarungang paghusga ko sa iba?
Sa isang priesthood meeting, napansin kong nakamaong at sapatos na pang-tennis ang isang miyembro ng korum. Naisip ko, “Bakit siya pupunta sa simbahan na suot ang kaswal na kasuotan? Suwail ba siya? Matigas ba ang puso niya? Hindi ba niya nadarama ang Espiritu sa buhay niya?”
Kung talagang masigla ang kanyang patotoo, tiyak na mas igagalang niya ang mga sagradong miting at lugar.
Makalipas ang isang linggo nang bisitahin naming mag-asawa ang aming anak na babae, gusto naming isama siya sa templo. Pagbukas ko ng maleta ko, nagulat akong matuklasan na nalimutan ko ang sapatos kong pangsimba! Dahil malapit nang magsimula ang sesyon namin sa templo, wala na akong panahong bumili ng bagong sapatos. Kaya nagpasiya akong isuot ang sapatos kong pang-tennis.
Habang isinusuot ko ang sapatos ko, agad kong naalala ang priesthood meeting. Narito ako, na naghahandang pumunta sa isa sa mga pinakasagradong lugar sa lupa na nakasuot ng sapatos na pang-tennis. Inisip ko kung ano ang maaaring isipin ng iba. Huhusgahan ba nila ako na suwail at matigas ang puso o kulang sa Espiritu o hindi masigla ang patotoo?
Ikinahiya ko ang dati kong mabilis at di-makatarungang paghusga. Sino ako para pagdudahan ang patotoo ng isang tao dahil sa kanyang kasuotan? Wala akong alam sa kanyang sitwasyon.
Nagtuon ang Tagapagligtas sa espirituwal na pag-unlad ng lahat ng anak ng Kanyang Ama. Pinaalalahanan Niya si Samuel, “Hindi tumitingin ang Panginoon na gaya ng pagtingin ng tao. Ang tao ay tumitingin sa panlabas na anyo, ngunit ang Panginoon ay tumitingin sa puso” (1 Samuel 16:7).
Ang pananamit, hitsura, lahi, o kasarian ng isang tao ay hindi dapat gumawa ng kaibhan. Lahat tayo ay magkakapatid. Ang katotohanan na nagsisimba ang miyembrong ito ang dapat kong napagtuunan ng pansin.
Dapat nating laging sikaping isuot ang pinakamaganda nating damit kapag nagsisimba tayo o nagpupunta sa templo.1 Gayunman, hindi natin dapat husgahan ang iba ayon sa kanilang kasuotan, dahil hindi natin alam ang kanilang sitwasyon.
Lahat ng nakapaligid sa atin ay totoong may banal na potensyal. Dapat nating mahalin ang lahat ng ating kapatid tulad ng pagmamahal ni Cristo anuman ang kanilang hitsura, kahit nakasuot pa sila ng sapatos na pang-tennis sa templo!