Digital Lamang: Mga Young Adult
Kabaitan: Isang Bagay na Kailangan ng Buong Mundo
Sa pagiging mabait, makakatulong tayo sa sarili nating maliit na paraan para mas mapaganda pa ang mundo.
Nang dumating ang panahon para basbasan ang anak kong si Amelia, napakarami kong gustong isama sa kanyang basbas. Habang pinagninilayan ko muna kung ano ang sasabihin, nadama ko na dapat ko siyang basbasan para lumaki siyang malusog at malakas. Nadama ko rin na dapat ko siyang basbasan na masentro ang kanyang buhay sa ebanghelyo ni Jesucristo.
Habang nakatayo ako sa bilog sa sacrament meeting at nagsimulang basbasan ang aking munting anak, ibinahagi ko ang lahat ng bagay na ito at ang iba pang mga espirituwal na impresyon. Pagkatapos ay bigla kong nadama na dapat kong idagdag ang isang bagay. Nagulat ako dahil napakalakas ng pahiwatig na ito sa akin.
Habang karga ko si Amelia, sinabi ko, “Kung minsan, magiging masungit sa iyo ang mga tao, pero binabasbasan kita na tularan mo ang halimbawa ng Tagapagligtas at lagi kang maging mabait.”
Pinag-isipan ko na nang husto ang bahaging ito ng basbas kay Amelia mula noon. Natanto ko na ang kabaitan ay hindi isang bagay na nais ko para lamang sa aking anak. Ang kabaitan ay isang bagay na kailangan ng buong mundo. Kadalasa’y tila nasa lahat ng dako ang kalupitan at kawalan ng isip, pero narito ang ilang paraan para magawa nating mas mabait ang mundo sa ating paligid.
1. Maging Mabait sa Iba Kahit Hindi Ka Sang-ayon sa Kanila
Tingnan ang isang balita kamakailan at hindi magtatagal ay makikita mo ang kalupitan ng mga tao sa isa’t isa. Ang ilan ay itinuturing ang mga taong iba ang pananaw na walang-muwang, mali, o masama pa. Kumikilos sila na para bang walang puwang para sa magkakaibang opinyon, at ang paggalang sa iba pang mga pananaw ay kadalasang itinuturing na kahinaan. Pero hindi ito kailangang magkagayon.
Sabi ni Pangulong Dallin H. Oaks, Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan: “Ang mga [alagad] ni Cristo ay dapat maging halimbawa ng paggalang. Dapat nating mahalin ang lahat ng tao, pakinggan silang mabuti, at isaalang-alang ang tapat nilang pinaniniwalaan. Hindi man tayo sumasang-ayon, hindi rin tayo dapat nakikipagtalo.”1
Ang pagiging mabait anuman ang ating mga opinyon ay makakatulong sa atin na hanapin ang pinakamabuti sa isa’t isa at madama na mas konektado tayo.
2. Magtuon sa Kabaitan sa Tahanan
Sinabi minsan ni Pangulong M. Russell Ballard, Gumaganap na Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol na, “Gaya ng maliliit na butil ng ginto na natitipon sa paglipas ng panahon para maging malaking kayamanan, ang ating maliliit at mga simpleng kabaitan at paglilingkod ay matitipon upang maging isang buhay na puspos ng pagmamahal sa Ama sa Langit, katapatan sa gawain ng Panginoong Jesucristo, at diwa ng kapayapaan at kagalakan sa tuwing nagtutulungan tayo.”2
Ang tahanang puno ng kabaitan ay isang lugar na may pagmamahalan, habag, at sigla. Sa mga hamon ng buhay, ang kabaitan ay naghahatid din ng katiyakan, pag-unawa, at malasakit sa mga pamilya. Nagpapaganda ito sa mga relasyon sa pamilya at mahalaga kung nais nating lumikha ng isang payapa at mapagmahal na tahanan.
3. Magpasensya sa Iba—at sa Iyong Sarili—Kapag May mga Pagkakamaling Nagagawa
Kapag ang mga tao sa paligid natin ay may ginagawang mga bagay na ikinagagalit natin, maaari pa rin nating piliing magpasensya at maging mabait sa kanila, sa paraang katulad ng gusto nating tratuhin nila tayo. Maaari din nating piliing maging mabait kapag tumalikod ang ating mga minamahal at pinagmamalasakitan mula sa mga bagay na nais ipagawa sa atin ng ating Ama sa Langit.
Sinabi ni Elder Dieter F. Uchtdorf ng Korum ng Labindalawang Apostol, ang ating tungkulin “ay mahalin ang Diyos at ang [ating] kapwa.” Kung gagawin natin ito, “gagawa ang Diyos ng mga himala sa pamamagitan [natin] upang pagpalain ang Kanyang minamahal na mga anak.”3
Kailangan din tayong maging mabait sa ating sarili. Sabi ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Bilang mga anak ng Diyos, hindi natin dapat ibinababa o minamaliit ang ating sarili, na para bang ang pagpaparusa sa ating sarili ay hahantong sa taong nais ng Diyos na kahinatnan natin.”4 Lahat ng tao ay nararapat pagpasensyahan at pakitaan ng kabaitan, at kasama na kayo riyan.
4. Kapag Masungit ang Iba, Maging Mabait pa Rin
Kung minsan, masungit ang pagtrato sa atin ng mga tao. Kapag nangyari iyan, mahirap man, kailangan pa rin nating sikaping maging mabait.
Itinuro ng Tagapagligtas: “Ibigin ninyo ang inyong mga kaaway, at idalangin ninyo ang umuusig sa inyo” (Mateo 5:44).
Hindi ito nangangahulugan na papayagan nating tapak-tapakan tayo ng iba na parang punasan ng paa—laging mahalaga na panatilihin ang kaunting distansya. Pero dapat nating sikaping tratuhin ang bawat tao bilang anak ng Ama sa Langit, at dapat nating tandaan na lahat ay may mga hamon, marami na hindi natin nakikita.
Sa pagtulong nang may kabaitan at paglilingkod sa mga taong masungit, maaari ninyo silang tulungang magbago. Pero kahit hindi sila magbago, ang pagpapakita ng kabaitan ay makakagawa ng kaibhan para sa inyo. Ang pagpiling maging mabait ay nagpapalaya sa inyo mula sa pagtutuon sa kasungitan ng iba. Tinutulutan din kayo nitong humanap ng mga paraan para matulungan ang mga nasa paligid ninyo at makadama ng kaligayahan habang ginagawa ito.
Sundan ang Landas ng Tagapagligtas
Maraming paraan para matutong maging mas mabait, pero ang pinakamainam na paraan ay tumingin sa Tagapagligtas at sundan ang Kanyang halimbawa.
Nagpakita Siya ng kabaitan sa lahat ng Kanyang sinabi at ginawa. Kung titingin tayo sa iba at kikilos nang may kabaitan, maging sa mga taong masungit, makakatulong tayo sa sarili nating maliit na paraan na mas mapaganda ang mundo.
Kapag tinularan natin ang Tagapagligtas at ibinaling natin ang ating puso sa ibang tao, makakahanap tayo ng mga pagkakataong tulungan ang mga taong nangangailangan nito. At sa paglilingkod sa iba, mas mapapalapit tayo sa Tagapagligtas at lalo pang mag-iibayo ang ating pagmamahal at kabaitan. Sabi ni Elder Gary E. Stevenson ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Kapag inunawa natin ang mga pangyayari sa pananaw ng ebanghelyo, malalaman natin na tayo man ay nasa ilalim ng pangangalaga ng mahabaging tagapag-alaga, na tumutulong mismo nang may kabaitan at nangangalagang espiritu.”5
Kaya inaanyayahan ko kayo, pati na si Amelia, na magpalaganap ng kaunting kabaitan at gumawa ng kaibhan sa maghapon ng isang tao! Tulad ng sinabi minsan ni Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008), “Ang [mga] himala ay maaaring mangyari at mangyayari kapag may kabaitan, paggalang, at pagmamahal.”6