2021
Awtoridad, mga Ordenansa, at Paghahanda
Agosto 2021


Awtoridad, mga Ordenansa, at Paghahanda

Ang mga ordenansa ng kaligtasan at kadakilaan ay mahalaga sa dakilang plano ng Diyos para sa, at sa paghahanda ng Kanyang mga anak.

Tegucigalpa Honduras Temple

Larawan ng Tegucigalpa Honduras Temple na kuha ni Cody Bell

Ang mga banal na kasulatan ay sagana sa mga pagtukoy sa Ikalawang Pagparito, isang kaganapang sabik na hinihintay ng mabubuti at kinatatakutan o itinatatwa ng masasama. “Paratingin ang pahayag sa lahat ng tao,” ang babala ng Panginoon sa simula ng Pagpapanumbalik. “Masdan, at narito, ang Lalaking kasintahan ay dumarating. … Ihanda ang inyong sarili para sa dakilang araw ng Panginoon” (Doktrina at mga Tipan 133:10; tingnan din sa 34:6).

Paghahandang Humarap sa Diyos

Nabubuhay tayo sa panahong ipinropesiya “kung kailan ang kapayapaan ay aalisin sa mundo” (Doktrina at mga Tipan 1:35), kapag “lahat ng bagay ay magkakagulo; at … magsisipanlupaypay ang mga puso ng tao” (Doktrina at mga Tipan 88:91). Napapaligiran tayo ng mga hamon sa lahat ng panig, ngunit sa pagsampalataya sa Diyos, nagtitiwala tayo sa mga pagpapalang naipangako Niya sa mga sumusunod sa Kanyang mga utos at naghahanda.

Bilang bahagi ng ating paghahandang humarap sa Kanya, iniutos na ng Panginoon na, “Tumayo kayo sa mga banal na lugar, at huwag matinag, hanggang sa ang araw ng Panginoon ay dumating; sapagkat masdan, ito ay dagling darating” (Doktrina at mga Tipan 87:8). Ano ang “mga banal na lugar” na iyon? Tiyak na kabilang doon ang templo, na dinadaluhan ng mga taong tapat na tinutupad ang kanilang mga tipan. Tiyak na kasama roon ang mga lugar na pinaglilingkuran ng matatapat na missionary at ng iba pang tinawag ng awtoridad ng priesthood. Kapag nakatayo tayo sa mga banal na lugar, ginagamit natin at napapailalim tayo sa awtoridad ng priesthood at hangad natin ang mga ordenansang kailangan para sa kadakilaan at buhay na walang-hanggan.

Awtoridad ng Priesthood sa Ipinanumbalik na Simbahan

Tatlumpung taon na ang nakalipas, naranasan ko kung paano naiiba ang awtoridad ng priesthood sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw sa iba pang mga uri ng awtoridad. Dumating ang asawa ng isang kilalang Protestanteng pastor sa aking opisina. Maraming taon na silang naglingkod ng kanyang asawa nang buong sigasig sa Panginoon sa isang Kristiyanong relihiyon. Ngayon ay nais sumapi ng babae sa ipinanumbalik na Simbahan, ngunit may alinlangan siya.

Tinanong niya ako kung bakit kailangan siyang mabinyagan samantalang nabinyagan na siyang Kristiyano ng kanyang asawang pastor, na maraming nabinyagang tao sa kanyang kongregasyon. Tanong niya, “Sinasabi mo ba sa akin na walang awtoridad ang asawa ko na binyagan ang lahat ng taong bininyagan niya?”

Tinulungan ako ng Espiritu, habang nagdarasal kami sa mga sitwasyong ito.

“Hindi, sigurado akong may awtoridad ang asawa mo para sa mga binyag na iyon,” sagot ko. “Taglay niya ang lahat ng awtoridad na kayang ibigay sa kanya ng kanyang simbahan, ng kanyang kongregasyon, at ng mga batas ng lupain. Ginamit niya ang awtoridad na iyon sa pagbibinyag, pagsasagawa ng mga kasal, paggamit ng mga tao para sa mga pisikal na pangangailangan ng gusali ng kanyang simbahan, at paghirang sa mga tao na makibahagi sa mga pagsamba nito. Hindi namin pinagdududahan ang awtoridad na iyan, ngunit nais naming malaman mo ang isang naiibang klase ng awtoridad: ang kapangyarihang itinatalaga ng Diyos sa mga mortal.”

Ipinaliwanag ko na kaya kailangan natin ng binyag para sa mga taong umanib sa ipinanumbalik na Simbahan ni Jesucristo ay dahil kailangang mabinyagan tayo sa pamamagitan ng banal na awtoridad na ibinigay ni Jesus kay Pedro at sa iba pang mga Apostol. Sa awtoridad na iyan, sinabi Niya sa kanila na anumang kanilang talian sa lupa ay tatalian sa langit (tingnan sa Mateo 16:19; 18:18). Sa madaling salita, magiging mabisa at epektibo ito hanggang sa kabilang-buhay upang matugunan ang mga hinihingi ng langit. Pinatotohanan ko sa kanya na ipinanumbalik na ang awtoridad na ito at sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw lamang ito umiiral ngayon. Kalaunan, parehong nabinyagan ang babaeng ito at ang kanyang asawa. Maraming taon ko na silang kilala bilang matatapat na miyembro.

Malinaw ang kahalagahan ng awtoridad sa maraming salaysay sa mga banal na kasulatan tungkol sa ministeryo ng ating Tagapagligtas sa lupa. Mababasa natin na ang mga taong Kanyang tinuruan ay “namangha … sa kanyang aral; sapagkat nagturo siya sa kanila na tulad sa may awtoridad at hindi gaya ng kanilang mga eskriba” (Mateo 7:28–29; tingnan din sa Marcos 1:22; Lucas 4:32). Sa isang sinagoga “namangha” sila na “may kapangyarihan siyang mag-utos maging sa masasamang espiritu at siya’y kanilang sinusunod” (Marcos 1:27; tingnan din sa Lucas 4:36). Sinabi ni Jesus sa mga nagdududang eskriba na “ang Anak ng Tao ay may awtoridad sa lupa na magpatawad ng mga kasalanan” (Marcos 2:10; tingnan din sa Lucas 5:24).

Kalaunan, tinanong Siya ng mga punong saserdote at elder kung sa anong awtoridad Siya kumilos (tingnan sa Mateo 21:23–27; Marcos 11:27–33). Hindi nila tinugunan ang hinihingi o kailangan Niya para sa isang sagot. Ngunit ang sinabi at ginawa Niya kalaunan ay naghayag sa Kanyang sagot. Nang tawagin Niya ang Kanyang mga Apostol, “itinalaga” Niya sila (Juan 15:16), “upang sila’y suguin niyang mangaral, at magkaroon ng kapangyarihang [magpagaling ng mga sakit, at] magpalayas ng mga demonyo” (Marcos 3:14–15; tingnan din sa Mateo 10:1; Lucas 9:1; Mga Gawa 8:18–19). Nang tawagin Niya ang Pitumpu, binigyan Niya sila ng “awtoridad” (Lucas 10:19).

Ang Tagapagligtas ay may banal na kapangyarihan at awtoridad, at ibinahagi Niya ito. Tulad ng sinabi ni Juan Bautista, “inilagay [ng Ama] sa kanyang kamay ang lahat ng mga bagay” (Juan 3:35).

Ang Papel na Ginagampanan ng Ordenansa

Ang pinakapamilyar na mga halimbawa ng paggamit ng awtoridad ng priesthood ay kinabibilangan ng mga ordenansa. Ang mga ordenansa at priesthood ay hindi mapaghihiwalay. Ang ordenansa ay sagradong gawain na may walang-hanggang kahalagahan, na ginagawa sa awtoridad ng priesthood. Kasabay nito ang paggawa ng mga tipan at pagpapangako ng mga pagpapala. Kasama sa mga ordenansa ng ipinanumbalik na Simbahan ni Jesucristo ang binyag, pagtanggap ng sakramento (ang pinakamadalas na isagawang ordenansa sa Simbahan), at mga ordenansa sa templo, kabilang na ang kasal para sa buhay na ito at sa buong kawalang-hanggan at ang kaloob na tinatawag nating endowment, na binubuo ng kaalaman, mga tipan, at mga ipinangakong pagpapala.

Ang pangangailangan ng mga ordenansa ay bigay ng Diyos at may walang-hanggang epekto. “May isang batas, hindi mababagong utos sa langit bago pa ang pagkakatatag ng daigdig na ito, kung saan ang lahat ng pagpapala ay nakasalalay” (Doktrina at mga Tipan 130:20). At “lahat ng magkakaroon ng pagpapala sa aking mga kamay ay susunod sa batas na itinakda para sa pagpapalang yaon, at ang mga batayan nito, gaya ng pinasimulan bago pa ang pagkakatatag ng daigdig” (Doktrina at mga Tipan 132:5).

Ang mga ordenansa ng kaligtasan at kadakilaan ay mahalaga sa dakilang plano ng Diyos para sa Kanyang mga anak. Itinuro ni Jesus na ang kaligtasan sa kaharian ng Diyos ay nagmumula sa “[pagkapanganak] ng tubig at ng Espiritu” (Juan 3:5). Ang kadakilaan (buhay na walang-hanggan, “ang uri at kalidad ng pamumuhay ng Ama sa Langit at ng Kanyang Pinakamamahal na Anak”1) ay nagmumula sa mas matataas na tipan at ordenansa sa templo (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 14:7; 84:38; 88:107; 132:16–17, 20–21). Itinuro ng ating propetang si Pangulong Russell M. Nelson: “Ang buhay na ito ang panahon ng paghahanda para sa kaligtasan at kadakilaan. Sa walang-hanggang plano ng Diyos, ang kaligtasan ay nasa tao; ang kadakilaan ay nasa pamilya.”2

Paghahandang Humarap sa Tagapagligtas

Jesus Christ descends to earth at His Second Coming

He Comes Again to Rule and Reign [Pumarito Siyang Muli upang Mamuno at Maghari], ni Mary Sauer

Sa makabagong paghahayag, sinabi sa atin na siyang may takot sa Panginoon ay “[aasa] sa dakilang araw ng Panginoon na dumating, maging sa mga palatandaan ng pagparito ng Anak ng Tao” (Doktrina at mga Tipan 45:39). Sa huling panahon bago nagwakas ang Kanyang mortal na ministeryo, binanggit ni Jesus ang Kanyang Ikalawang Pagparito. Inilarawan Niya ang mga paghihirap na darating muna at ang kahalagahan—sa kabila ng mga paghihirap na iyon—ng maging “handa” (Mateo 24:44). Pagkatapos ay ipinahayag Niya, “Mapalad ang alipin na kung dumating ang kanyang panginoon ay maratnan siyang gayon ang kanyang ginagawa” (Mateo 24:46; tingnan din sa Lucas 12:37, 43).

Itinuro ni Pangulong Nelson na, “Nagtatayo pa lamang tayo tungo sa pinakamahalagang bahagi ng huling dispensasyong ito—kapag nagkatotoo na ang Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas.”3 Ang mga palatandaan ng Ikalawang Pagparitong iyon ay nasa ating paligid at tila lalong dumadalas at tumitindi. Sa buong mundo, nararanasan o nalalaman natin ang tungkol sa mga lindol, taggutom, bagyo, baha, salot, at armadong labanan. Ngunit hindi lahat ng palatandaang ito ay nakakatakot. Ang isang positibong palatandaan ng panahon ay ang ipinropesiyang pagtitipon ng Israel, na ipinahayag ni Pangulong Nelson na “pinakamahalagang nangyayari sa mundo ngayon.”4

Habang nangyayari ang pagtitipong ito, nag-oorganisa tayo ng mga stake na “maaaring maging isang tanggulan, at isang kanlungan mula sa bagyo, at mula sa poot sa panahong ito ay ibubuhos nang walang halo sa buong lupa” (Doktrina at mga Tipan 115:6). Pinabibilis din natin ang pagtatayo ng mga templo, kung saan maaaring magtipon ang matatapat sa sarili nilang bansa upang gumawa ng mga tipan na nagtutulot sa kanila na maging marapat sa buhay na walang-hanggan (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 84:19–22; 131:1–3).

Tulad ng itinuturo sa Aklat ni Mormon, “Ang buhay na ito ang panahon para sa mga tao na maghanda sa pagharap sa Diyos” (Alma 34:32). Naghahanda ba tayo?

Paano kung bukas na pala ang pagdating Niya? Kung alam nating haharap tayo sa Panginoon bukas—sa pamamagitan ng ating kamatayan o ng Kanyang pagdating—ano ang gagawin natin ngayon? Ano ang mga ipagtatapat natin? Anong mga gawi ang ititigil natin? Anong mga pagpapatawad ang ipaparating natin? Anong mga ordenansa ang hahangarin natin? Anong mga karagdagang bagay ang gagawin natin para matupad ang ating mga tipan? Kung magagawa natin ang mga bagay na iyon, bakit hindi pa ngayon? Kung halos ubos na ang langis sa ating ilawan, agad nating punuing muli ito.

Mga Tala

  1. Russell M. Nelson, “Apat na Regalo mula sa Tagapagligtas,” Liahona, Dis. 2019, 7.

  2. Russell M. Nelson, “Kaligtasan at Kadakilaan,” Liahona, Mayo 2008, 10.

  3. Russell M. Nelson, “Ang Kinabukasan ng Simbahan: Paghahanda sa Mundo para sa Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas,” Liahona, Abr. 2020, 8.

  4. Russell M. Nelson, “Pag-asa ng Israel” (pandaigdigang debosyonal para sa mga kabataan, Hunyo 3, 2018), HopeofIsrael.ChurchofJesusChrist.org.