2021
Ang Priesthood ay Kapangyarihan ng Diyos
Agosto 2021


Mga Pangunahing Alituntunin ng Ebanghelyo

Ang Priesthood ay Kapangyarihan ng Diyos

Pinagpapala tayo ng Diyos sa pamamagitan ng kapangyarihan ng priesthood. Ang mga pagpapala ng priesthood ay para sa lahat.

people partaking of the sacrament at church

Ang priesthood ay ang kapangyarihan ng Diyos. Ginagamit Niya ang kapangyarihang ito upang pagpalain ang lahat ng Kanyang anak at tulungan silang makabalik sa Kanyang piling. Ibinigay ng Diyos ang kapangyarihan ng priesthood sa Kanyang mga anak sa lupa. Sa kapangyarihang ito, ang mga priesthood leader ay maaaring mamuno sa Simbahan, at ang mga priesthood holder ay maaaring magsagawa ng mga sagradong ordenansa, tulad ng binyag, na tumutulong sa atin na mas mapalapit sa Diyos. Bawat lalaki at babaeng karapat-dapat tumanggap ng mga ordenansa ng priesthood at tumutupad ng mga tipan (mga sagradong pangako) ay may access sa kapangyarihan ng Diyos.

Ang Kapangyarihan ng Priesthood ay Ibinigay kay Joseph Smith

Noong nasa lupa si Jesucristo, pinamunuan Niya ang Kanyang Simbahan gamit ang kapangyarihan ng priesthood. Ibinigay rin Niya ang kapangyarihang ito sa Kanyang mga Apostol. Sa mga sumunod na siglo pagkamatay nila, maraming miyembro ang tumalikod sa Simbahan. Mali ang pagbabagong ginawa nila sa ebanghelyo at sa pagpapatakbo ng Simbahan. Nawala na ang priesthood ng Diyos sa lupa. Noong 1829, isinugo ni Jesus si Juan Bautista at ang mga Apostol na sina Pedro, Santiago, at Juan para ibigay kay Joseph Smith ang priesthood. Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang tanging organisasyon sa lupa na may ganitong awtoridad mula sa Diyos.

Mga Susi ng Priesthood

President Russell M. Nelson speaking at general conference

Ang mga susi ng priesthood ay ang awtoridad na pamahalaan ang paggamit ng priesthood, tulad ng pagbibigay ng pahintulot na magsagawa ng mga ordenansa. Hawak ni Jesucristo ang lahat ng susi ng priesthood. Ang Pangulo ng Simbahan ang tanging tao sa lupa na maaaring gumamit ng mga susing ito upang pamahalaan ang buong Simbahan. Sa ilalim ng kanyang pamamahala, maaaring gamitin ng iba ang ilang susi para gawin ang gawain ng Diyos. Ginagamit ng mga lider na tulad ng mga bishop at stake president ang mga susi ng priesthood para mamuno sa kanilang mga ward at stake. Dahil ang mga calling na maglingkod ay nagmumula sa mga lider na may mga susi ng priesthood, gumagamit ng awtoridad ng priesthood ang mga lalaki at babaeng naglilingkod sa mga calling kapag ginagawa nila ang kanilang tungkulin.

Melchizedek Priesthood at Aaronic Priesthood

Ang priesthood ay may dalawang bahagi: ang Melchizedek Priesthood at ang Aaronic Priesthood. Sa pamamagitan ng Melchizedek Priesthood, pinamamahalaan ng mga lider ng Simbahan ang lahat ng espirituwal na gawain ng Simbahan, tulad ng gawaing misyonero at gawain sa templo. Ang Aaronic Priesthood ay gumagana sa ilalim ng awtoridad ng Melchizedek Priesthood. Ginagamit ito sa pagsasagawa ng mga ordenansa tulad ng binyag at ng sakramento.

Mga Pagpapala ng Priesthood

bridge and groom standing outside a temple

Sa pamamagitan ng mga tipan at ordenansa, ipinagkakaloob ng Diyos ang mga pagpapala ng priesthood sa lahat ng Kanyang mga anak. Kabilang sa mga pagpapalang ito ang binyag, kaloob na Espiritu Santo, sakramento, at mga ordenansa sa templo. Ang kalalakihan at kababaihang tumatanggap ng endowment sa templo ay tumatanggap ng kaloob na kapangyarihan ng Diyos sa pamamagitan ng kanilang mga tipan. Maaari din tayong tumanggap ng mga basbas ng priesthood para mapagaling, mapanatag, at mapatnubayan.

Ano ang Sinasabi sa mga Banal na Kasulatan tungkol sa Priesthood?

Ang priesthood na umiral noong unang panahon ay siya ring priesthood na umiiral ngayon (tingnan sa Moises 6:7).

Tinitiyak ng mga susi ng priesthood na isinasakatuparan natin ang gawain ng Panginoon sa maayos na paraan (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 42:11).

Ang kalalakihang maytaglay ng priesthood ay magagamit ito “alinsunod lamang sa mga alituntunin ng kabutihan” (Doktrina at mga Tipan 121:36).

Ang ilan sa mga tungkulin ng mga maytaglay ng priesthood ay inilarawan sa Doktrina at mga Tipan 20:38–67.