2021
3 Kabatiran sa Pagbuo ng Isang Matibay na Pundasyon sa Pagsasama ng Mag-asawa
Agosto 2021


Digital Lamang: Mga Young Adult

3 Kabatiran sa Pagbuo ng Isang Matibay na Pundasyon sa Pagsasama ng Mag-asawa

Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.

Ang mga hamong kinakaharap natin sa pagsasama ng mag-asawa ay maaaring magpadalisay sa ating mga relasyon.

bata pang mag-asawa na naglalakad sa daan na napapalibutan ng niyebe

Ang pag-aasawa ay hindi palaging madali.

Pero marami sa atin—sa kaibuturan ng ating puso—ang naniniwala na dapat mangyari iyon.

Hindi mahirap unawain kung bakit ganoon iyon. Itinuturo sa atin ng lahat ng popular na aklat at pelikula na ang tunay na hamon sa buhay ay ang paghahanap at panliligaw sa tunay nating iniibig—pero kapag nag-asawa na tayo, puro iyon kaligayahan magpakailanman. At ang pinagandang mabuti na mga social media post ng ating mga kaibigang may-asawa ay maaaring tila nagpapatibay sa maling paniniwalang ito!

Kaya ano ang gagawin natin kapag pakiramdam natin ay naiiba ang pagsasama natin ng ating asawa kaysa inasahan natin?

Bilang mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, mapalad tayong maunawaan na ang mortalidad ay dinisenyo na may kasamang mga hamon. Magkakaroon tayo ng malaking kaligayahan sa pag-aasawa kapag tinanggap natin ito bilang isang pagkakataon para lumago, umasa kay Jesucristo, at tulutan Siyang dalisayin tayo.

Kung nahihirapan kayong ituring na isang pagpapala ang mga hamon sa pag-aasawa, isipin ang sumusunod na mga kabatiran.

1. Ang hindi natupad na mga inaasam ay maaaring isang pagkakataon para pag-ibayuhin ang pagkakaisa.

Malaki ang inaasahan ng marami sa atin sa pag-aasawa—katuparan ng mga inaasam o nakapagtatakang kaligayahang hindi natin nadama noong wala pa tayong asawa. Pero kung hindi tayo maingat, maaari tayong makabuo ng mga inaasam sa inaakala nating nararapat sa pagsasama ng mag-asawa sa halip na hangaring maunawaan kung ano ang tinutukoy ng Panginoon na pag-aasawa.

Ipinahayag ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Ang pag-iisang-dibdib bilang isang banal na orden batay sa tumatagal na mga tipan, tungkulin, at habambuhay na sakripisyo ay ibang-iba sa isang makabagong sekular na konsepto ng pag-iisang-dibdib. Ang makamundong pagbabalangkas na iyan ay walang kinalaman sa pag-uukol ng inyong buhay sa paglilingkod sa pamilya o pagsasakripisyo ng sarili para sa asawa at mga anak.”1

Sa kabutihang-palad, ang mga pagsasama ng mag-asawa ay maaaring patuloy na paghusayin! Paano kung, sa halip na umasa na awtomatikong mas liligaya tayo kapag nag-asawa tayo, itinuring natin itong isang pagkakataon para magsakripisyo at maglingkod sa isa’t isa—para mas magpakumbaba, lumago, at maging lalong katulad ni Cristo ang dalawang taong hindi perpekto?

Maaaring parang nakakatakot alisin ang pag-asam na nararapat na maging kaligayahang walang-hanggan ang pagsasama ng mag-asawa. Pero kapag pinalitan natin ito ng pangakong magsakripisyo para sa isa’t isa—tulad ng inilarawan ni Elder Bednar—mas maiaayon natin ang ating buhay kay Cristo. Ang kagandahan ng pamamaraang ito ay na patatatagin ng Panginoon ang pagsasama natin ng ating asawa at tutulungan tayong makamtan ang kaligayahang matagal na nating hinahangad!

2. Ang mga di-pagkakasundo ay maaaring humantong sa mas malalim na relasyon.

Kapag nagsama ang dalawang tao, hindi sila palaging magkakasundo:

Saan tayo titira? Paano natin gagastusin ang ating pera? Gaano karaming oras ang iuukol natin sa mga biyenan? Gaano kadalas lilinisin ang bahay?

Pero ang di-pagkakasundo sa gayong mga bagay ay hindi kailangang maging masama. Sa katunayan, ang pagkatutong tumutol nang may kabaitan at konsiderasyon ay napakagandang paraan para magpakumbaba at mahabag. At habang hinahangad ninyong unawain ang pananaw ng inyong kabiyak, maaaring tumindi ang inyong pagmamahal habang mas nakikilala ninyo siya.

Itinuro ni Pangulong Jean B. Bingham, Relief Society General President, kung paano natin magagawa iyan. Sabi niya: “Ang pagkakaisa ay mahalaga sa banal na gawain na pribilehiyo natin at tinawag tayo na gawin, ngunit hindi ito basta-basta nangyayari. Kailangan ang pagsisikap at panahon para makapag-usap nang mabuti at magsanggunian sa isa’t isa—makinig sa isa’t isa, unawain ang mga pananaw ng bawat isa, at magbahagi ng mga karanasan—ngunit ang mga resulta nito ay mas inspiradong mga desisyon.”2

Kapag may mga di-pagkakasundo, kadalasa’y maiiwasan ang pagtatalo sa pamamagitan lamang ng pagsasaisip sa mas malaking mithiin sa halip na magtuon sa partikular na di-pagkakasundo. Epektibo ito kapwa sa maliliit at malalaking aspeto ng pagsasama ng mag-asawa.

Halimbawa, siguro naiinis kayo sa paraan ng paglalagay ng inyong asawa ng mga hugasin sa dishwasher: Mga tasa dapat ang naroon, hindi mga mangkok!

Ano ang mas malaking mithiin? Ang magkaroon ng malilinis na pinggan. Nailalagay ba ang mga hugasin sa dishwasher sa mga indibiduwal ninyong pamamaraan? Mabuti! Kung gayon walang problema o dahilan para magtalo.

Tingnan natin ang mas mabigat na isyu sa pagsasama ng mag-asawa—pagpapalaki ng mga anak. Ang isa sa inyo siguro ay naniniwala sa isang sistema ng malinaw na pagdidisiplina samantalang ang isa naman ay naniniwala na dapat magkaroon ng kaluwagan at konsiderasyon. Paano ba talaga mapagsasabay ang dalawang opinyong iyon? Sa pagtutuon sa mas malaking mithiin.

Ang mas malaking mithiin ninyong dalawa ay ang magpalaki ng mga anak na masaya, responsable, at nakatuon sa ebanghelyo ni Jesucristo. Nakaayon na kayo sa mga bagay na pinakamahalaga!

Masiyahan sa pagkatuto kung paano kayo nagtutulungang makamit ang mithiing iyon. Kung epektibo ninyong magagamit ang inyong mga pagkakaiba at pamamaraan sa buhay, ang inyong mga anak—na bawat isa ay may sariling natatanging personalidad—ay magkakaroon ng iba’t ibang paraan ng pakikipag-ugnayan sa inyong dalawa sa makabuluhang paraan.

Mas mabuti palagi na magkaroon hindi lamang ng iisang pananaw kundi ng maraming pananaw na hindi lamang nagmumula sa isang tao.

Maganda ang pagkaturo sa atin ni Pangulong Henry B. Eyring, Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan, kung paano tayo tinutulutan ng mga pagkakaiba na makumpleto ang isa’t isa sa pagsasama ng mag-asawa:

“Naging mas mabuting tao na ako nang mahalin ko at makapiling [ang aking asawa]. Magkatulong kami sa lahat ng anumang bagay na maiisip ko. Dahil sa kakayahan niyang pangalagaan ang iba, lumago rin ang kakayahan kong gawin iyon nang kami ay maging isa. Dahil sa kakayahan kong magplano, mamahala, at mamuno sa aming pamilya, lumago rin ang kakayahan niyang gawin iyon nang kami ay makasal. Natatanto ko na ngayon na naging isa kami—na unti-unting inaaangat at hinuhubog ang isa’t isa, sa paglipas ng mga taon. Sa paghugot namin ng lakas mula sa isa’t isa, hindi iyon nakabawas sa aming mga personal na kaloob.

“Ang aming mga pagkakaiba ay nagsama na para bang nilayon ang mga ito para lumikha ng isang mas mabuting kabuuan. Sa halip na paghiwalayin kami, pinagbigkis kami ng aming mga pagkakaiba.”3

3. Tayo ang responsable para sa ating indibiduwal na kaligayahan.

Kadalasan ay umaasa tayo na ipadarama ng ating asawa na tayo ay tiwala, minamahal, at may kasiguruhan samantalang ni hindi natin alam kung paano gawin ang mga bagay na iyon para sa ating sarili! Ang pag-asam na tutuparin ng inyong asawa ang lahat ng naisin at pangangailangang ito ay maaaring humantong sa kabiguan at hinagpis sa pagsasama ng mag-asawa.

Responsable kayo para sa inyong indibiduwal na kaligayahan. Minsa’y ibinahagi ni Elder Dieter F. Uchtdorf ng Korum ng Labindalawang Apostol ang kabatirang ito:

“Habang nagkakaedad tayo, mas nagbabalik-tanaw tayo at nalalaman natin na may mga bagay na hindi talaga mahalaga o nagpapasaya sa atin.

“… Tayo ang nagpapasiya kung ano ang ikasasaya natin.”4

Alamin kung ano ang kailangan ninyo para mapamahalaan ang sarili ninyong emosyonal na kalusugan. Hindi mapapamahalaan ng inyong asawa ang inyong mga emosyon para sa inyo—naririyan sila para pamahalaan ang sarili nilang damdamin na kasabay ninyo.

Isa sa mga lubos na nagpapalayang katotohanan tungkol sa pagsasama ng mag-asawa ay ang pagkaalam na ang ating mga emosyon ay hindi dikta ng mga sinasabi o ginagawa ng ating kabiyak. Sa madaling salita, maaari tayong kumilos at hindi pinakikilos (tingnan sa 2 Nephi 2:26; Doktrina at mga Tipan 58:27–28). May kapangyarihan tayong pigilan kung paano tayo mag-iisip at, samakatwid, kung ano ang ating madarama sa pagsasama natin ng ating asawa.

Kapag hindi nailabas ng asawa ko ang basura, mapipili kong maniwala na iyon ay dahil wala akong halaga sa kanya. Tutal, alam naman niya na nagagalit ako kapag punung-puno ang basurahan sa kusina.

Pero ano ang resulta ng pag-iisip na iyon? Masama ang pakiramdam ko. At siguro pakiramdam ko wala akong koneksyon sa kanya. Paano kung sa halip ay inisip ko na nalimutan lang niya talaga? O mas mabuti pa, paano kung piliin kong maniwala na ni wala man lang kinalaman ang hindi niya paglalabas ng basura sa pagpapahalaga niya sa akin? Mas malamang na hindi siya nababahala sa basura, kaya nalimutan niyang ilabas iyon. Kung nakakabahala iyon sa akin, ako na dapat ang maglabas niyon!

Ang pagbabago ng isip ninyo para baguhin ang inyong karanasan sa pagsasama ninyong mag-asawa ay maaaring hindi madaling gawin, pero sulit ito. At siguradong mas madali ito kaysa sikaping baguhin ang ugali ng inyong asawa!

Ang pag-aasawa ay isang paglalakbay tungo sa paglago.

Ang pagsasama ng mag-asawa ay laging magkakaroon ng mga kasiyahan at kalungkutan, pero ang paglalakbay tungo sa mga kasiyahan at kalungkutang iyon ay maaaring maging kagalakan at pakikipagsapalaran kapag naaalala natin na ang pag-aasawa ay isang pagkakataon para tayo lumago. Ang buhay na ito ay isang panahon para maghandang maging lalong katulad ng ating mga magulang sa langit, at ang pag-aasawa ay tinutulungan tayong gawin iyan!

Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson: “Hindi tayo dapat masiraan ng loob kung ang taimtim nating mga pagsisikap na maging sakdal ngayon ay parang napakahirap at walang katapusan. Ang pagiging perpekto ay hindi pa dumarating. Darating lamang ito nang lubusan pagkaraan ng Pagkabuhay na Mag-uli at sa pamamagitan lamang ng Panginoon.”5

Lubos akong nagpapasalamat sa kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo, na ginagawang posible na gumanda at maging mas maligaya ang pagsasama naming mag-asawa sa paglipas ng panahon. Walang-hanggan ang pasasalamat ko sa isang Tagapagligtas na makakatulong, sa kabila ng mga kahinaan naming mag-asawa na patuloy naming pinagtutulungan, para kami ay maging lalong katulad Niya, at makakagawa ng hakbang upang ang pagsasama naming mag-asawa ay tunay na matawag na “selestiyal.”

Mga Tala

  1. David A. Bednar, “The Divine Pattern of Eternal Marriage,” Ensign, Set. 2020, 37.

  2. Jean B. Bingham, “Nagkakaisa sa Pagsasakatuparan ng Gawain ng Diyos,” Ensign o Liahona, Mayo 2020, 62.

  3. Henry B. Eyring, “Renaissance of Marriage: To Become as One” (mensaheng ibinigay sa The Complementarity of Man and Woman: An International Interreligious Colloquium, Vatican City, Rome, Nob. 18, 2014), ChurchofJesusChrist.org.

  4. Dieter F. Uchtdorf, “Mga Panghihinayang at Pagpapasiya,” Ensign o Liahona, Nob. 2012, 23.

  5. Russell M. Nelson “Perfection Pending,” Ensign, Nob. 1995, 88.