2021
Ang Liwanag ni Cristo
Agosto 2021


Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin

Ang Liwanag ni Cristo

Doktrina at mga Tipan 88

“Ito ang liwanag ni Cristo. Gayon din siya ay nasa araw, at ang liwanag ng araw, at ang kapangyarihan niyaon na sa pamamagitan nito ito ay nagawa” (Doktrina at mga Tipan 88:7).

illustration full of light, stars, and clouds representing the universe

Gitna: imaheng gawa ni Cary Henrie

Binabanggit sa Doktrina at mga Tipan 88:7–10 kung paano “nagniningning” ang katotohanan at siyang Liwanag ni Cristo. Sinasabi roon na Siya ay nasa o ang siyang liwanag ng araw, buwan, at mga bituin at ang kapangyarihang lumikha sa mga ito at sa daigdig.

Ang liwanag ay isa sa mga pinakamalalim at mahalagang nilalang sa buong kalikasan. Inililipat nito ang enerhiya, init, at impormasyon patawid sa malamig na kahungkagan ng kalawakan sa isang paraan na sinisikap pa ring maintindihan ng siyensya. Dalawang bagay lamang ang alam natin kung bakit posible ito: isang sapa ng mga particle na tinatawag na “photons” o isang masiglang alon na tuluy-tuloy ang ”enerhiya” patawid ng kalawakan. Sa kabila ng daan-daang taon ng malalaking pagsisikap, hindi pa rin natin masasabi kung alin nga dito sa mga ito, sapagkat parang sabay ang dalawang ito.

Mangyari pa, ang kakulangan natin sa pag-unawa ay hindi humahadlang sa atin na makinabang sa liwanag. Ang liwanag mula sa araw ay nagpapainit at nagpapasigla sa lupa, na paraan para maging posible ang buhay. Nabubuhay tayo araw-araw dahil lamang sa nakakakita tayo, at nakakakita tayo dahil lamang sa liwanag na dumadaloy sa kalakhan ng kalawakan mula sa lahat ng bagay na nagniningning o nagliliwanag. Tinutulutan tayo ng liwanag na makaalam at matuto kapag dumadantay ito sa ating mga mata. Dahil sa liwanag, maaari tayong kumilos, umunlad, at lumago. Alisin ninyo ang liwanag at lahat ay magiging malamig at mapanglaw. Ang mga tao sa mga lugar na walang liwanag ay madadapa lamang sa kadiliman.

Kaya pala katumbas ng Liwanag ni Cristo ang katotohanang nagniningning. Ang katotohanan at ang lakip nitong pag-ibig sa kapwa, kapayapaan, kabutihan, at lahat ng mabuting bagay ay dumadaloy mula sa Tagapagligtas patungo sa atin. Tulad ng binibigyan tayo ng pisikal na liwanag ng pang-unawa sa mga pisikal na bagay kapag dumantay ito sa ating mga mata, binibigyan tayo ng liwanag ni Cristo ng pang-unawa sa mga espirituwal na bagay kapag dumantay ito sa ating puso. Dahil ang sansinukob ay puno ng liwanag ni Cristo, maaari tayong espirituwal na matuto, umunlad, at lumago. Alisin ninyo ang Liwanag ni Cristo at lahat ay mawawalan ng kahulugan at magiging mapanglaw. Ang mga taong wala ng liwanag na ito ay madadapa sa malamig na kadiliman ng kamalian, na walang patnubay.

Sinasabi sa mga talatang ito sa banal na kasulatan na si Cristo ang liwanag at ang kapangyarihang lumikha sa mga bagay na nasa kalangitan. Sasabihin ng mga astronomo na ang mga puwersa mula sa gravity, init, at pag-uugnay ng mga atom ang lumikha sa mga bituin, araw, daigdig, at buwan at nagbigay sa kanila ng mga likas nilang katangian. Totoo ito, ngunit para ipakahulugan sa ibang pananalita ang sinabi ng Nobel laureate na si Richard Feynman, inilalarawan naming mga siyentipiko kung paano gumagana ang mga malikhaing puwersang ito nang hindi talaga nalalaman kung bakit gayon ang mga ito. Ang pagtatanong ng bakit ay pagtatanong kung ano talaga ang layunin ng mga puwersa. Sinasabi sa atin ng mga banal na kasulatang ito na si Cristo, at kasama Niya ang gawain at kaluwalhatian ng Diyos sa pagsasakatuparan ng kawalang-kamatayan at buhay na walang-hanggan ng tao (tingnan sa Moises 1:39), una sa lahat ang nasa mismong layunin at dahilan ng pagkakaroon ng pisikal na sansinukob.

Ang pisikal na liwanag ay nagsisilbing simbolo ng espirituwal na Liwanag ni Cristo. Nalaman natin mula sa Doktrina at mga Tipan 88:11 na maaaring may mas malaking kaugnayan kaysa isang talinghaga lamang. Sinasabi sa talatang ito, “At ang liwanag na nagniningning, na nagbibigay sa inyo ng liwanag, ay sa pamamagitan niya na nagbibigay-liwanag sa inyong mga mata, na siya ring liwanag na nagpapabilis ng inyong mga pang-unawa.” Tila iminumungkahi nito na ang pisikal na liwanag at espirituwal na liwanag ay magkakaibang pagpapamalas ng iisang bagay. Marahil ay mahirap para sa siyensya na unawain ang kakanyahan ng liwanag dahil hindi ibinibigay ng tanong lamang ng siyensya ang buong larawan. Maaaring ang pag-unawa sa liwanag ay kailangang kapalooban ng likas na katangian ni Jesucristo mismo para maging buo. Kapag lubos na nating naunawaan ang mga proseso kung paano tayo nililiwanagan ng Diyos, saka lamang din natin mauunawaan ang likas na katangian ng pisikal na liwanag, at kasabay nito ang likas na katangian ng Kanyang sansinukob.