2021
Pagtatatag ng Isang Espirituwal at Temporal na Kanlungan
Agosto 2021


Pagbuo ng Espirituwal at Temporal na Kanlungan

Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.

Ang pandemya at mga kaugnay na kakulangan, pagsasara, at mga kaguluhang pang-ekonomiya ay nagdulot sa marami sa atin na mag-isip, Paano ako magiging mas handa para sa hinaharap?

a small house is surrounded by water

Mga paglalarawan ni David Green

Tayo ay pinayuhan na magtatag ng isang kanlungan para sa ating pamilya kapwa sa pisikal at espirituwal. Itinuro ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Bilang mga disipulo ng Tagapagligtas, iniutos sa atin na ‘ihanda ang bawat kinakailangang bagay’ [Doktrina at mga Tipan 88:119; idinagdag ang pagbibigay-diin].” Itinuro pa niya: “Ipinangako rin sa atin na ‘kung kayo ay handa kayo ay hindi matatakot’ [Doktrina at mga Tipan 38:30]. … Maraming dekada nang paulit-ulit na ipinayo ng mga lider ng Simbahan na maghanda.”1

Upang makapaghanda, maaari tayong bumaling sa gabay na mula sa Panginoon. Sinabi ni Pangulong Russell M. Nelson:

“Matagal na tayong hinihikayat ng mga propeta ng Panginoon na mag-imbak ng pagkain, tubig, at mag-ipon ng pera para sa oras ng pangangailangan. … Hinihikayat ko kayong gumawa ng mga hakbang para maging handa sa temporal na paraan. Ngunit mas inaalala ko ang inyong espirituwal at emosyonal na paghahanda.”2

Alam natin na ang mga huling araw ay hindi para sa mahihina ang puso. Ang mundo ay makakaranas ng mas marami pang kaguluhan, at susubukin ang matatapat. Sinabi ni Pangulong Nelson: “Mangyari pa, maaari tayong mag-imbak ng pagkain at tubig at mag-impok ng pera. Ngunit mahalaga rin ang pangangailangan nating punan ng pananampalataya, katotohanan, at patotoo ang ating personal na espirituwal na imbakan.”3

Mahalagang ang bawat isa sa atin ay maging handa sa mga bagay na darating hindi lamang sa temporal at pisikal kundi maging sa espirituwal. Ang mga ito ay may kapansin-pansin na pagkakatulad sa ating mga paghahanda.

Tubig at Tubig na Buhay

Isa sa mga pangunahing pisikal na pangangailangan natin ay ang magkaroon ng sariwang inuming tubig na nakaimbak. Para sa maraming tao, ang tagtuyot, kontaminadong pinagkukunan ng tubig, at iba pang problemang may kinalaman sa tubig ay naging sanhi ng matitinding alalahanin. Kung maaari, magandang magkaroon ng panustos na tubig na maaaring tumagal nang hindi kukulangin sa ilang araw hanggang sa muling magkaroon ng makukuhang tubig na maiinom. (Ang bawat isa ay nangangailangan ng mga apat na litro kada araw para sa pag-inom at kalinisan.)

Sa espirituwal, kailangan din natin ng regular na suplay ng tubig na buhay mula sa ating Tagapagligtas na si Jesucristo (tingnan sa Juan 4:10). Masasabing ang pangunahing mensahe na ibinigay ng ating propeta nang dumating ang pandemya ay ang pakinggan Siya—ang dinggin si Jesucristo sa pamamagitan ng Kanyang Espiritu at Kanyang mga turo. Sinabi ni Pangulong Nelson:

“Sa nakalipas na ilang linggo, dumanas ang marami sa atin ng pagkagambala sa ating personal na buhay. Ang mga lindol, sunog, baha, salot, at ang mga ibinunga nito ay gumambala sa mga karaniwang gawain at nagdulot ng kakapusan sa pagkain, pangunahing bilihin, at naipong pera. …

“Bilang mga disipulo ni Jesucristo, ang mga pagsisikap nating pakinggan Siya ay kailangang gawin nang mas may hangarin. Kailangan ng kusa at tuluy-tuloy na pagsisikap na punuin ang bawat araw ng ating buhay ng Kanyang mga salita, Kanyang mga turo, Kanyang mga katotohanan. …

Muli akong nakikiusap sa inyo na gawin ang anumang dapat gawin upang madagdagan ang inyong espirituwal na kakayahang tumanggap ng personal na paghahayag.

“Ang paggawa nito ay makatutulong sa inyo na malaman kung paano magpatuloy sa inyong buhay, kung ano ang gagawin sa panahon ng krisis, at kung paano makahiwatig at makaiwas sa mga tukso at panlilinlang ng kaaway.”4

Paulit-ulit na hiniling sa atin ng propeta na dagdagan ang ating kakayahan na tumanggap ng paghahayag. Mahalaga para sa bawat isa sa atin na gumawa ng malalim na espirituwal na pagsisikap na magkaroon ng tubig na buhay araw-araw para marinig, matanggap, at maisagawa natin ang personal na paghahayag.

Pagkain at Espirituwal na Pangangalaga

Ang pagkakaroon ng sapat na panustos na pagkain ay mahalaga rin upang manatiling buhay sa oras ng emergency. Kung ang sitwasyon man ay pagkawala ng trabaho, natural na mga kalamidad, o iba pang mga kagipitan, ang pag-iimbak ng pagkain ay makatutulong sa atin na malampasan ang mga pagsubok sa buhay. Hinikayat tayo ng mga propeta na mag-imbak ng pagkain kapag tayo ay may kakayahan. Ang pagsisimula sa ilang linggong suplay ay mahalagang unang hakbang sa pag-iipon ng sapat na imbak na pagkain para sa ating pamilya sa oras ng pangangailangan.

Kailangan din tayong maging handa sa pamamagitan ng pagpili na maging bahagi ng ating pang-araw-araw na buhay ang espirituwal na pangangalaga. Itinuro ni Pangulong Nelson: “Ang tunay na hangarin natin sa buhay ay maghandang humarap sa ating Lumikha. Ginagawa natin ito sa araw-araw na pagsisikap na maging katulad ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo. At ginagawa natin iyan kapag nagsisisi tayo araw-araw at tumatanggap ng Kanyang kapangyarihang maglinis, magpagaling, at magpalakas. Sa gayo’y madarama natin ang walang-maliw na kapayapaan at galak, maging sa maligalig na mga panahon.”5

Malinaw na itinuturo ng talinghaga ng sampung dalaga ang alituntuning ito. Sinabi ni Pangulong Dallin H. Oaks, Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan:

“Nakakakilabot ang mensahe ng talinghagang ito. Ang sampung dalaga ay hayagang simbolo ng mga miyembro ng Simbahan ni Cristo, dahil lahat ay inanyayahan sa kasalan at alam ng lahat kung ano ang kailangan upang makapasok pagdating ng kasintahang lalaki. Ngunit kalahati lang ang handa nang dumating siya. …

“… Tulad ng turo sa Aklat ni Mormon, ‘ang buhay na ito ang panahon para sa mga tao na maghanda sa pagharap sa Diyos’ (Alma 34:32). … Naghahanda ba tayo?”6 Hindi tayo maaaring maghintay hanggang sa dumating ang Panginoon bago natin espirituwal na pangalagaan o palusugin ang ating sarili.

Komunikayon at Panalangin

Sa isang krisis, ang komunikasyon ay isang mahalagang pangangailangan. Sa panahon ng pagkawala ng kuryente o iba pang mga kalamidad, ang mga tore ng cell phone ay mabilis na lubhang nahihirapan, at ang kakayahang makipag-usap ay labis na naaapektuhan. Ang pagkakaroon ng isang plano ng komunikasyon para sa mga miyembro ng pamilya at ward ay isang mahalagang paghahanda. Paano natin makakausap ang ating mga kapamilya kung hindi gumagana ang ating phone o kung hindi natin sila makikita nang personal? Ang pagkakaroon ng plano ay tutulong sa mga miyembro ng pamilya na malaman kung ano ang dapat gawin para magawa nilang makipag-usap.

Itinatag ng ating Ama sa Langit ang Kanyang plano sa komunikasyon sa pamamagitan ng paghihikayat ng regular na panalangin. Kaylaking karangalan na makipag-usap sa ating Ama sa Langit kahit kailan at kahit saan man natin naisin! “Maging matapat,” sinasabi sa atin ng Tagapagligtas, “nananalangin tuwina, taglay ang inyong mga ilawan na tinabasan at nagniningas, at may langis na dala kayo, upang kayo ay maging handa sa pagparito ng Kasintahang lalaki” (Doktrina at mga Tipan 33:17).

Sa pagsisikap nating manalangin nang taimtim, magiging komportable tayong kausapin at tanggapin ang patnubay ng ating Ama sa Langit, at magbibigay iyon ng mahalagang koneksyon na gagabay sa atin at sa ating pamilya sa oras ng pangangailangan.

Kanlungan at Pagtayo sa mga Banal na Lugar

a house built on a rock sits up high where the floodwaters are unable to reach it

Karamihan sa atin ay hinihilingang “humanap ng kanlungan” habang may pandemya. Nalaman natin mismo na ang pagkakaroon ng ligtas na kanlungan at sapat na suplay ay mahalaga para maging handa. Matalino ring maghanap ng mga alternatibong kanlungan kung sakaling ang ating mga tahanan ay hindi na maging ligtas dahil sa mga kalamidad na dulot ng kalikasan o iba pang mga sitwasyon kung saan ay kakailanganin nating lumikas.

Gayundin, hinihikayat tayong “magkubli” sa ebanghelyo. Itinuro ni Pangulong Oaks: “Sinusunod ba natin ang utos ng Panginoon na ‘Tumayo kayo sa mga banal na lugar, at huwag matinag, hanggang sa ang araw ng Panginoon ay dumating; sapagkat masdan, ito ay dagling darating’? (D at T 87:8). Ano ang ‘mga banal na lugar’ na iyon? Tiyak na kasama rito ang templo at mga tipan dito na tapat na sinusunod. Tiyak na kasama rito ang tahanan kung saan ang mga anak ay minamahal at nirerespeto ang mga magulang. Tiyak na kasama rito ang tungkuling itinalaga sa atin ng mga awtoridad ng priesthood, pati na ang mga misyon at tungkuling tapat na ginagampanan.”7

Nadama ng mga miyembro ng Simbahan ang mahalagang nawala sa kanila nang hindi na tayo sama-samang nagtitipon bilang mga kongregasyon o naglilingkod sa templo. Ngunit nalaman din namin kung gaano kahalaga na itatag ang ating mga tahanan bilang mga banal na lugar. Ang pagdalo sa mga pulong ng Simbahan, paglilingkod sa templo, at pagkakaroon ng tahanang santuwaryo ng pananampalataya ay magpapatatag sa atin at sa ating pamilya habang naghahanda tayo para sa Ikalawang Pagparito.

Paunang Lunas at Pagsisisi

Ang mabubuting suplay at kasanayan sa paunang lunas ay mahalaga sa temporal na kahandaan. Ang buong mundo ay naghahanap ng maaayos na mask at mga supply na gamot sa panahon ng pandemya. Ang pag-iimbak ng gamot at medikal na suplay ay mahalagang bahagi ng pagiging handa para sa mga natural na kalamidad at iba pang mga pagsubok na darating.

Sa katulad na paraan, ang espirituwal na paunang lunas ay mahalaga rin. Naglaan ng paraan ang Panginoon upang mapagaling tayo. Ang pagsisisi ay nagbibigay sa atin ng pagkakataong itama ang ating pag-uugali at maging malinis sa pamamagitan ng balsamo ni Jesucristo at ng Kanyang Pagbabayad-sala. Sinabi ni Elder Hans T. Boom ng Pitumpu, “Ang ilan sa atin ay sugatan, ngunit ang paunang lunas ng Panginoon ay sapat ang laki ng mga benda upang matakpan ang lahat ng ating mga sugat.”8

Ang regular na pagsisisi ay tutulong sa atin na madalisay bilang paghahanda para sa darating na panahon. Kapag palagi tayong nagsisisi, tayo ay magiging mas malakas, mas mabuti, at mas nakaayon sa Panginoon. Itinuro ni Pangulong Nelson:

“Kaya, sa pag-uutos ni Jesus sa inyo at sa akin na ‘mangagsisi,’ inaanyayahan Niya tayo na baguhin ang ating pag-iisip, kaalaman, espiritu. …

“Wala nang mas nagpapalaya, mas nagpapabanal, o mas mahalaga sa ating indibiduwal na pag-unlad kaysa sa regular at araw-araw na pagtutuon sa pagsisisi. … Kapag nilakipan ng pananampalataya, ang pagsisisi ay nagiging daan para magamit natin ang kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo.”9

Katatagan ng Isipan at Patotoo

Maraming tao ang nahirapang panatilihin ang kalusugan ng kanilang isipan sa panahon ng pandemya. Bahagi ng ating paghahanda ang pagkakaroon ng mga gawi na nagtataguyod ng mabuting kalusugan ng isipan. Marami sa atin ang nasubok nang mas tumagal at lumaki ang mga pagsubok sa paglipas ng panahon. Hinikayat tayo ng mga lider ng Simbahan na gawing bahagi ng ating kahandaan ang kalusugan at katatagan ng isipan.

Sa espirituwal na aspeto, dapat tayong magtuon sa pagpapalakas ng ating mga patotoo upang madaig ng mga ito ang mga pagsubok na darating sa lahat ng matatapat. Sinabi ni Pangulong Russell M. Nelson: “Ang ating Tagapagligtas at Manunubos, na si Jesucristo, ay gagawa ng ilan sa Kanyang mga pinakadakilang gawain ngayon at hanggang sa Kanyang muling pagparito. Makakakita tayo ng mahihimalang mga palatandaan na ang Diyos Ama at ang Kanyang Pinakamamahal na Anak ay namumuno sa daigdig na ito sa karingalan at kaluwalhatian. Ngunit sa darating na mga araw, hindi magiging posible na espirituwal na makaligtas kung walang patnubay, tagubilin, at nakapagpapanatag na impluwensya ng Espiritu Santo.”10

a house built on a large rock sits up high above the surrounding area

Tulad ng itinuro ng Tagapagligtas, kailangang itayo ng bawat isa sa atin ang ating espirituwal na bahay sa ibabaw ng bato—na ang ibig sabihin ay mamuhay na sumusunod sa Kanyang mga turo—para magkaroon tayo ng matibay na pundasyon (tingnan sa 3 Nephi 14:24–25). Kailangan ito upang makaligtas sa mga espirituwal na pamiminsala na tiyak na darating.

Sa pagsisikap nating ihanda ang ating sarili at ang mundo para sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo, dapat nating ihanda ang ating mga pamilya sa temporal dahil sa mga ipinropesiya tungkol sa panahong iyon. Ang mga sakunang dulot ng kalikasan, kaguluhang panlipunan, at ligalig na dulot ng pulitika ay naghihintay sa atin ayon sa ipinropesiya ng ating mga propeta. Ang mga pangyayaring ito ay mangangailangan ng maingat na paghahanda upang maprotektahan ang ating sarili at ang ating pamilya.

Gayundin, dapat nating protektahan ang ating sarili at ang ating pamilya mula sa mga kasamaang sisira sa atin. Ang pagsalig sa personal na paghahayag; pagsasagawa ng mga karaniwang gawi sa espirituwal na pangangalaga, kabilang na ang panalangin at pagsisisi; at ang pagtayo sa mga banal na lugar ay tutulong sa atin na magkaroon ng mga patotoo na matibay at hindi natitinag.

Nang sa gayon ay makatiyak tayo sa pangako ng Panginoon na kung tayo ay handa—kapwa sa temporal at espirituwal—hindi tayo kailangang matakot (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 38:30).

Mga Tala

  1. David A. Bednar, “Susubukin Natin Sila,” Liahona, Nob. 2020, 9.

  2. Russell M. Nelson, “Yakapin ang Bukas nang may Pananampalataya,” Liahona, Nob. 2020, 74.

  3. Russell M. Nelson, “Pambungad na Pananalita,” Liahona, Mayo 2020, 6.

  4. Russell M. Nelson, “Pakinggan Siya,” Liahona, Mayo 2020, 88.

  5. Russell M. Nelson, “Pambungad na Pananalita,” 6.

  6. Dallin H. Oaks, “Paghahanda para sa Ikalawang Pagparito,” Liahona, Mayo 2004, 8.

  7. Dallin H. Oaks, “Paghahanda para sa Ikalawang Pagparito,” 10.

  8. Hans T. Boom, “Pagkaalam, Pagmamahal, at Paglago,” Liahona, Nob. 2019, 105.

  9. Russell M. Nelson, “Maaari Tayong Gumawa nang Mas Mahusay at Maging Mas Mahusay,” Liahona, Mayo 2019, 67.

  10. Russell M. Nelson, “Paghahayag para sa Simbahan, Paghahayag para sa Ating Buhay,” Liahona, Mayo 2018, 96.