Tumatanda nang may Katapatan
Mga Mithiin para sa mga May Batang Puso
Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.
Nang malaman ko ang tungkol sa bagong programa ng Mga Bata at Kabataan, gusto kong maging bahagi nito.
Nang sinimulan ng Simbahan ang bagong programa na Mga Bata at Kabataan, narinig kong pinag-uusapan ng aming mga anak at apo ang kanilang mga plano para sa kanilang mga mithiin at aralin. Halos 80 taong gulang na ako, pero gusto kong maging bahagi ng malaking pagkakataong ito ng pagpapatatag ng patotoo.
Ang aking mga anak at apo ay nakatira sa iba’t ibang lugar sa buong bansa, kaya hindi kami maaaring magkita nang personal. Sa halip, nagpasiya kaming magdaos ng buwanang online meeting. Isa sa mga apo ang magbibigay ng lesson at mangunguna sa talakayan tungkol sa ebanghelyo. Pagkatapos nito, ang lahat ay magbabahagi ng kanilang mga mithiin at kung paano sila sumusulong para makamit ang mga ito. Siyempre, may ilang mithiin na personal, at iginalang namin ang privacy ng bawat tao.
Habang nag-uusap kami ng mga apo ko tungkol sa kanilang mga mithiin, nagsimula akong mag-isip tungkol sa sarili kong mga mithiin. Ano ang gusto kong maisakatuparan?
Narito ang listahan ng mga mithiing ginawa ko na alinsunod sa mga paksa at huwarang ginamit sa programang Mga Bata at Kabataan. Gusto kong tawagin ang mga ito na aking mga mithiin para sa bata ang puso.
Intelektuwal. Hiniling ng aming stake Relief Society presidency sa mga sister na isaulo ang “Ang Buhay na Cristo.”1 Mahaba ito, pero alam kong kaya ko pa ring isaulo ang gayon karaming teksto, at iyon ay tila makabuluhang mithiin.
Espirituwal. Kapag naglilingkod ako sa templo, kung minsan ay nakatayo ako sa loob ng isang oras o mahigit pa sa isang hagdanan at ginagabayan ang mga patron papunta sa dressing room. Gusto ko na laging abala ang isipan ko, kaya nagpasiya akong isaulo ang mga talata sa lumang seminary Scripture Mastery para sa Aklat ni Mormon. Nang isara ang mga templo dahil sa pandemyang COVID-19, ipinagpatuloy ko pa rin ang mithiing ito. Sa pagsasaulo ay naging abala ang isip ko at pinupuspos ako nito ng Espiritu.
Pisikal. Ang pisikal na mga mithiin ng aming mga apo ay may kinalaman sa pagsasayaw, volleyball, at surfing, bukod sa iba pa. Wala sa mga iyon ang angkop para sa akin, kaya nagpasiya akong maglakad nang ilang milya bawat araw. Nalaman ko na mas alerto ako kapag nag-eehersisyo ako. Ito ay mabuti para sa aking isip at sa aking katawan.
Pakikisalamuha. Gustung-gusto kong nakikipag-ugnayan sa mga anak at apo ko. Nag-uusap kami sa telepono noon (at hanggang ngayon), ngunit ang pagte-text na ang bagong paraan ng pakikipag-usap ngayon. Tinuruan ako ng mga bata tungkol sa mga emoji at maiikling video.
Isinama ng ilan sa mga apo ko ang pag-aaral na magluto bilang mithiin. Kapag pumupunta sila rito, magkasama kaming nagluluto. Para sa mga mas malayo ang tirahan, nagvi-video call kami sa isa’t isa para talakayin ang mga resipe at magluluto nang sabay.
Gustung-gusto ko ring tinatawagan ang mga sister ko sa ministering. Noong may social distancing dahil sa pandemya, ang pakikipag-usap sa telepono ay naging napakagandang paraan para makipag-ugnayan. Kung minsan ay nagpupunta ako sa kanilang mga tahanan at nag-iiwan sa kanilang pintuan ng nakabalot nang mga makakain na may maiikling mensahe na nagpapakita ng pagmamahal ko sa kanila.
Paglago sa Ebanghelyo
Napakalaking pagpapala ang programang Mga Bata at Kabataan para sa akin at sa aking pamilya sa panahon ng pandemya. Kahit mag-isa ako sa bahay araw-araw, mayroon akong mga mithiin. Ang mga apo ay patuloy na nagpapaunlad ng kanilang mga talento at lumalago sa ebanghelyo, at nagagawa kong suportahan sila. Inaasam namin ang aming mga online na miting at oras ng pagbabahagi.
At salamat sa inspirasyong dumating habang tinutulungan ko ang aking mga apo na gawin ang kanilang mga mithiin, mas malinaw ang pagtutuon ko ngayon sa aking mga mithiin, kapwa panandalian at para sa walang-hanggan. Araw-araw akong gumagawa at nagdarasal na “hayaang manaig ang Diyos” sa aking buhay at sa buhay ng mga miyembro ng aking pamilya.2