Pagkapanalo sa Isang Debate
Nalaman ko na ang pagmamahal ng Diyos sa atin ay hindi batay sa ating pinag-aralan, trabaho, o kakayahang manalo sa isang debate.
Isang araw habang mainit akong nakikipagtalo sa online tungkol sa pulitika, kinutya ang mga opinyon ko dahil sa uri ng pinag-aralan ko sa kolehiyo.
Nasisiyahan ako sa isang magandang debate, pero hindi makatwiran ang personal na atake. Masakit ang mga komento dahil mukhang may pagdududa ang mga iyon sa personal kong kahalagahan. Ang malala pa, ang taong nagsabi ng mga iyon ay miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.
Gayunman, magtapos magbulay-bulay, unti-unti kong nakita na nakagawa rin ako ng pangit na personal na mga komento para lang manalo ako sa isang argumento. Natanto ko na ang ganitong uri ng pag-uugali ay karaniwan sa lipunan sa paligid ko.
Nalaman ko na ang kabiguang kilalanin ang dignidad sa iba ay maaaring magdulot ng malaking pinsala, lalo na sa Simbahan. Nangaral nang buong lakas ang propetang si Alma laban sa “inggitan, at sigalutan, at masamang hangarin, at mga pag-uusig, at kapalaluan” sa Simbahan (Alma 4:9). Nakita niya na ang gayong pag-uugali ay “malaking batong kinatitisuran” sa pag-unlad ng Simbahan (tingnan sa Alma 4:10).
Dahil sa karanasang iyon, pinagbulayan ko ang aking kahalagahan sa paningin ng Diyos. Nang mas pinag-aralan ko pa ito, nakita ko ang isang sipi ni Elder Dieter F. Uchtdorf ng Korum ng Labindalawang Apostol. Itinuro niya na “mahal [tayo ng Ama sa Langit] dahil puspos Siya ng walang-hanggang banal, dalisay, at di-maipaliwanag na pag-ibig. Mahalaga tayo sa Diyos hindi dahil sa ating résumé kundi dahil tayo ay Kanyang mga anak.”1
Nalaman ko na ang pagmamahal ng Diyos sa atin ay hindi nakasalalay sa ating pinag-aralan, trabaho, o kakayahang manalo sa isang debate. Mahal tayo ng Diyos nang dalisay, walang-hanggan, at malaya dahil Siya ang ating Ama at tayo ay Kanyang mga anak.
Ang pagkadama sa matinding pagmamahal ng Diyos ay lumusaw sa aking poot. Natanto ko na kahit OK na hindi sumang-ayon sa iba, walang nagagawa ang pakikipagtalo lamang sa isa’t isa kundi manakit at makasira.
Kung handa si Jesucristo na isuko ang Kanyang buhay, alam ko na matututuhan nating isuko ang ating kapalaluan, kalimutan ang kawalang kabuluhan ng mundo, at pahalagahan ang bawat isa tulad ng ginagawa ng Diyos. Sa Kanyang paningin, mas maraming sinasabi tungkol sa atin ang paraan ng pagtrato natin sa isa’t isa kaysa sa kung mananalo tayo sa isang online debate.