2021
Bakit Ko Sinusunod ang Word of Wisdom Habang Paulit-ulit Akong Nahaharap sa Tukso
Agosto 2021


Digital Lamang

Bakit Ko Sinusunod ang Word of Wisdom Habang Paulit-ulit Akong Nahaharap sa Tukso

Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.

Ang pag-inom ng alak at kape ay araw-araw na gawain ng mga katrabaho ko, kaya madalas kong madama na para akong tagalabas. Pero ang pag-alaala sa dahilan kung bakit may Word of Wisdom ay nakatulong sa akin na manatiling matatag.

babaeng namimili ng mga produkto

Habang lumalaki ako, madalas akong malantad sa alak, tsaa, at kape, kadalasa’y kapag kasama ko ang mga kamag-anak ko. Kami lang ng pamilya ko ang mga miyembro ng Simbahan sa aming magkakamag-anak, at kung minsa’y nakakadismaya at nakakaasiwa kapag minamaliit ng iba ang mga paniniwala ko. Pero alam kong totoo ang Diyos, nanampalataya ako sa Kanyang ipinanumbalik na ebanghelyo at sa aking mga tipan sa binyag, at alam ko na nais Niyang gumawa ako ng mabubuting desisyon.

Nang lumipat ako sa London, England, noong mga beinte anyos ako, nagsimula akong magtrabaho sa isang international bank. Lahat ay umiinom ng tsaa at kape para makayanan nila ang trabaho sa maghapon sa aming palapag na mabilisan ang trabaho. Noong ikalawang araw ko sa trabaho, ipinagtimpla ako ng manager ko ng isang tasa ng tsaa. Pinasalamatan ko siya pero ipinaliwanag ko na hindi ako umiinom ng tsaa—agad niya akong inalok ng kape bilang kapalit niyon.

Alam ko na nagmamagandang-loob lang siya, pero determinado akong sundin ang aking mga pamantayan. Bagama’t medyo naasiwa ako, ipinaliwanag ko nang mas detalyado kung bakit hindi ako umiinom ng tsaa o kape, at naibahagi ko sa kanya ang ilan sa mga paniniwala ko, kabilang na ang Word of Wisdom.

Napakaganda ng karanasang iyon, pero may mga sitwasyong katulad niyon na hindi naging maganda.

Pagharap sa Tukso

Sa paglipas ng panahon, dahil napaligiran ako ng karaniwang pag-inom ng alak ng iba, nahirapan akong sundin ang aking mga pamantayan. Ang pagpunta sa mga bar kasama ang mga kliyente at katrabaho ay regular na sitwasyon na madalas kong napasukan. Napagod ako sa kapapaliwanag kapag tumanggi ako sa isang inumin, at kung minsa’y gusto ko lang makibagay.

Pero bukod pa sa kagustuhan kong makibagay, ginusto kong maging halimbawa ng isang disipulo ni Jesucristo, kaya may natutuhan akong ilang paraan para mapaglabanan ko ang tukso:

  1. Ipinagdasal ko tuwing umaga na magkaroon ako ng lakas na gumawa ng mabubuting desisyon.

  2. Madalas akong makinig sa mga mensahe sa kumperensya o sa mga himno habang daan papasok sa trabaho.

  3. Idinikit ko ang paborito kong talata sa banal na kasulatan sa salamin ng banyo ko para mabasa ko araw-araw: “Oo, nalalaman kong ako’y walang halaga; kung sa akin lamang lakas ay mahina ako, kaya nga hindi ako nagmamalaki sa aking sarili, kundi ipagmamalaki ko ang aking Diyos, sapagkat sa kanyang lakas ay maaari kong magawa ang lahat ng bagay” (Alma 26:12).

  4. Humingi ako ng tulong sa pinakamalalapit kong katrabaho, na hinihiling na suportahan nila ako kapag may nag-alok sa akin ng “isang tagay lang.” Alam nila kapag hindi ako komportable at nagkukusa silang orderan na lang ako ng “tubig na may yelo” para maiwasan kong maasiwa sa mga pagtitipong ito.

  5. Nakipagtulungan ako sa maraming iba pang taong relihiyoso na kapareho ko ang moralidad. May naging kaibigan akong ilang aktibong Muslim, at madalas kaming magtabi-tabi sa upuan kapag may mga pagtitipon sa opisina para magkaroon kami ng lakas. Nakatulong sa akin nang lubusan ang mapalibutan ng mga taong katulad ko ang isipan na iginagalang ang aking mga pamantayan (tingnan sa Eclesiastes 4:9–10).

  6. Sinikap kong magtuon sa aking tipan sa binyag na “lagi Siyang aalalahanin” (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 20:77, 79), na ipinadama sa akin nang mas sagana ang Espiritu. Nangako akong sundin ang Diyos at maging disipulo ni Cristo, at nakatulong sa akin ang paghahangad na laging alalahanin ang Tagapagligtas para mapanatili ang walang-hanggan at walang-katapusang pananaw sa mga sandali ng tukso.

Pag-alaala sa Mas Mataas na Layunin

Pero ang mas nakatulong sa akin sa paglaban sa tukso ay ang pagkaalam na ang Panginoon ay may mas mataas na layunin kapag sinusunod ang lahat ng Kanyang utos, pati na ang Word of Wisdom. At alam ko na ang pananatiling tapat sa mga kautusan ay laging nagpapala sa buhay ko sa napakaraming paraan. (Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 82:10.)

Natanto ko na ang Word of Wisdom ay hindi lamang pag-iwas sa alak at iba pang matatapang sangkap. Ibinigay sa atin ng Ama sa Langit ang kautusang ito para tulungan tayong manatiling malusog at magkaroon ng pagpipigil sa sarili, para protektahan tayo mula sa posibleng nakapipinsalang mga adiksiyon at iba pang mga bunga nito, at tulutan tayong makahanap ng mas malaking karunungan at kaalaman (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 89).

Nakita ko na kapag nagpapamalas tayo ng pagsunod sa mga simpleng bagay na hinihiling sa atin ng Panginoon, lumalago ang ating kakayahan at hangaring sundin ang lahat ng Kanyang utos, at matututo tayong daigin kahit ang mas malalaking tukso at hamon (tingnan sa 2 Nephi 28:30).

Alam ko na mahal ako ng Ama sa Langit at na sa pamamagitan ng lakas Niya at ng Tagapagligtas, madaraig ko ang pamimilit at tukso ng mga kaibigan. Lagi kong naaalala ang Alma 7:11–12, na nagpapaliwanag kung paano nauunawaan ng Tagapagligtas ang lahat ng kinakaharap natin—mga pasakit, paghihirap, at kahit mga tukso. Alam niya kung paano “tutulungan ang kanyang mga tao alinsunod sa kanilang mga kahinaan.”

Nang umasa ako kay Jesucristo para tulungan ako sa aking mga kahinaan, nadama ko ang pagpasok ng Kanyang lakas sa aking buhay, at mas lubos kong nakikita na talagang nauunawaan Niya tayo. At kapag nahaharap tayo sa tukso, handa Siyang tulungan tayong makita ang buong pangyayari at makapili nang mabuti. Kailangan lang nating lumapit sa Kanya.