Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Propesiya ng Digmaan, Reseta para sa Kapayapaan
Sa paghahayag, nakinita ni Joseph ang Digmaang Sibil ng Amerika at ang iba pang mga kalamidad ngunit tumanggap din siya ng banal na patnubay kung paano maging payapa.
Ilang taon na ang nakalipas, sa pagtatapos ng isang partikular na nakapagpapalakas at masayang araw ng pagdiriwang ng Pasko kasama ng aking pamilya, tumingin pataas sa akin ang isa sa mga anak ko at nagtanong, “Gaano po katagal bago muling sumapit ang Pasko?”
Kahit na Agosto ngayon, marami sa atin, anuman ang edad, ay madaling makapaglalarawan sa isip at makaaasa sa mga bagay na maaari nating gawin at tamasahin sa darating na ika-25 ng Disyembre.
Sa kabila ng totoong posibilidad ng kapaguran ng buong mundo sa mga nakapaligid na panganib ng COVID-19, mga hamon sa ekonomiya, at pagkakawatak-watak dahil sa pulitika at kultura, malamang na isasantabi ng karamihan sa atin ang gayong mga bagay at lubusang makikilahok sa isang maligaya at espirituwal na pagdiriwang ng pagsilang ng ating Tagapagligtas. Ngunit sa ating kasalukuyang kalagayan, maaaring makaugnay tayo sa nasa isipan ni Joseph Smith noong Disyembre 25, 1832.
Ang mga Alalahanin ay Humantong sa Paghahayag
Sa pagtatapos ng taon, nababahala ang Propeta sa mga dumaraming alalahanin ng mga bansa (Doktrina at mga Tipan 87, pambungad na bahagi). Partikular na binanggit niya ang isang pandaigdigang pandemya ng kolera at ang banta ng “mabilis na pagkabuwag” ng Estados Unidos. Sa kanyang mga salita, ang estado ng Timog Carolina na hindi sang-ayon sa direksyon at mga patakaran ng pederal na pamahalaan, ay “nagpasa ng mga ordenansa, ipinahahayag ang kanilang estado na isang malaya at nagsasariling bansa.”1
Noong Disyembre 25, 1832, ang mga alalahaning ito ay nagbukas ng puso at isipan ni Joseph sa pinakakamangha-manghang paghahayag, na kilala ngayon bilang bahagi 87 ng Doktrina at mga Tipan. Ipinropesiya sa paghahayag ang mahahalagang aspeto ng Digmaang Sibil ng Amerika halos 30 taon bago ito nagsimula. Nagbigay din ito ng malinaw at espirituwal na tagubilin para sa lahat ng mapanganib na panahon.
Mapagmasid o Isang Propeta?
Nagsimula ang paghahayag sa isang babala: hindi magtatagal ang Estados Unidos ay gagambalain ng digmaan, na magsisimula sa “paghihimagsik ng Timog Carolina” (talata 1). Sa mga sumunod na sagupaan, “ang [mga Estado sa Timog] ay mahahati laban sa [mga Estado sa Hilaga],” (talata 3).
Kung ito ang lawak ng propesiya, maaaring masabi na si Joseph Smith ay mapagmasid lamang, hindi isang propeta. Noong 1832 ay tila mapaghimagsik na ang Timog Carolina at ang digmaang iyon ay maaari nang mangyari.
Ngunit higit pa riyan ang nasa propesiyang ito at sa mga kaganapang nakapalibot dito.
Sinabihan si Joseph na:
-
Ang labanang ito ay mauuna sa digmaan na “bubuhos sa lahat ng bansa” (talata 3). Wala pang 50 taon mula sa katapusan ng Digmaang Sibil, nagsimula ang una sa dalawang pandaigdigang digmaan.
-
Ang lahat ng paglalabanang ito ay “matatapos sa kamatayan at paghihirap ng maraming kaluluwa” (talata 1). Hanggang sa ngayon, ang bilang ng mga Amerikanong binawian ng buhay sa Digmaang Sibil ay mas malaki kaysa sa lahat ng iba pang digmaang Amerikano.2 Binanggit ni Pangulong Abraham Lincoln ng U.S. sa kanyang ikalawang talumpati ng pagpapasinaya, “Hindi inaasahan ng alinman sa mga partido ang digmaan, na aabot sa ganito ang tindi o tagal nito.”3 At, napakamadugo man ng Digmaang Sibil, ang bilang ng mga namatay rito ay napakaliit kung ihahambing sa mga sumunod na dalawang digmaang pandaigdig, kung saan ang tinatayang pinagsamang bilang ng mga namatay ay nasa pagitan ng 70 milyon hanggang 160 milyon.4
-
Ang timog ay “tatawag sa … Great Britain” para sa suporta (talata 3), at “pagkaraan ng maraming araw, ang mga alipin ay maghihimagsik laban sa kanilang mga panginoon,” at “isasaayos … para sa digmaan” (talata 4). Nangyari ang dalawang bagay na ito.5
Napapasailalim sa Pangungutya
Matapos humupa ang krisis noong 1832 sa Timog Carolina at bago nagsimula ang Digmaang Sibil noong 1861, si Joseph ay hindi itinuturing na “mapagmasid.” Kinutya siya at ang iba pang naniniwala sa paghahayag.
Sinabi ni Elder Orson Pratt (1811–1881) ng Korum ng Labindalawang Apostol na mula noong siya ay 19 na taong gulang, ipinangaral niya ang propesiyang ito sa lahat ng nasa dakong itaas ng Estados Unidos. Sa pangkalahatan, ang kanyang pagtuturo ay itinuturing na “nasa rurok ng kawalang katuturan,” at siya ay “pinagtawanan … dahil sa pangungutya.” Partikular niyang tinukoy ang reaksyon sa Kansas, kung saan marami ang nakatitiyak na kung darating ang digmaan, tiyak na magsisimula ito roon, kung saan ang mga sang-ayon at di-sang-ayon sa pang-aalipin ay madalas na may matindi at kung minsan ay madugong sagupaan.
Ngunit sinabi ni Elder Pratt, “Masdan at narito! Sa paglipas ng panahon [ang mga pangyayaring ito] ay naganap [tulad ng ipinropesiya ni Joseph], na muling nagtatatag ng kabanalan ng gawaing ito, at nagbibigay ng isa pang katibayan na ang Diyos ay nasa gawaing ito, at ginagawa ang Kanyang sinabi.”6
Ang bahagi 87—isang detalyado at walang pagkakamaling paglalarawan ng mahahalagang pangyayari sa Digmaang Sibil 30 taon bago ito naganap at ng likas na katangian ng mga digmaang pandaigdig (bukod sa iba pa) na susunod sa madaling panahon—ay makapangyarihang patotoo sa inspiradong katangian at tungkulin bilang propeta ni Joseph Smith. Subalit higit pa rito ang iniaalok nito.
Tumayo sa mga Banal na Lugar
Bukod pa sa mga digmaan na gagambala sa mundo sa mga huling araw, nagsalita rin si Joseph tungkol sa mga taggutom, salot, lindol, kulog, at maliwanag na kidlat na mararanasan ng “mga naninirahan sa mundo” hanggang sa “ganap na katapusan ng lahat ng bansa” (talata 6). Upang makaligtas sa lahat ng ito, ang Panginoon ay nagbigay ng napakalinaw na utos: “Tumayo kayo sa mga banal na lugar, at huwag matinag, hanggang sa ang araw ng Panginoon ay dumating” (talata 8).
Ipinaliwanag kamakailan ni Elder Ronald A. Rasband ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Kapag nakatayo tayo sa mga banal na lugar—ang ating mabubuting tahanan, ang inilaan na mga simbahan natin, ang inilaan na mga templo—nararamdaman natin na kasama natin ang Espiritu ng Panginoon. Nakahahanap tayo ng mga sagot sa mga tanong na bumabagabag sa atin o ng kapayapaan na isantabi muna ang mga ito. Iyan ang Espiritu na kumikilos. Ang mga sagradong lugar sa kaharian ng Diyos sa lupa ay humihingi ng ating pagpipitagan, ng ating respeto para sa iba, ng ating pinakamabuting pagsasabuhay ng ebanghelyo, at ng ating paghahangad na isantabi ang ating mga takot at hangarin ang nagpapagaling na kapangyarihan ni Jesucristo sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala.7
Ngunit, tulad ng iminungkahi ni Elder Rasband, maging sa nahahawakang mga lugar na ito ng kabanalan, ang kung paano tayo tumatayo ay mas mahalaga kaysa kung saan tayo nakatayo. Kailangang palagi tayong namumuhay ayon sa buong liwanag ng Panginoong Jesucristo. Kapag nanatili tayong hindi natitinag sa paggawa nito, tayo ay tatayo sa isang banal na lugar saan man tayo pisikal na naroroon at anuman ang panganib na nakapaligid sa atin.
Isang Lugar ng Kanlungan
Sa Kelsey, Texas, noong 1942, sa kasagsagan ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, isang grupo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang lumapit kay Pangulong Harold B. Lee (1899–1973), na noon ay miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol. Itinanong nila, “Ngayon na ba ang araw para umakyat kami sa Sion, … kung saan kami mapoprotektahan mula sa ating mga kaaway?”
Seryosong tinanggap ni Pangulong Lee ang tanong. Matapos magnilay-nilay, mag-aral, at manalangin nang ilang panahon, sinabi niya: “Alam ko na ang lugar ng kaligtasan sa mundong ito ay hindi isang itinakdang lugar; hindi gaanong nakagagawa ng kaibhan kung saan tayo nakatira; ngunit ang pinakamahalaga sa lahat ay ang paraan ng ating pamumuhay, at nalaman ko na ang seguridad ay maaaring dumating sa Israel kapag [tayo] ay sumusunod sa mga utos, kapag [tayo] ay namumuhay sa paraan na matatamasa [natin] ang pagsama, pagpatnubay, pagpanatag, at paggabay ng Banal na Espiritu ng Panginoon, kapag [tayo] ay handang makinig sa mga kalalakihang ito na itinakda ng Diyos upang mamuno bilang Kanyang mga tagapagsalita, at kapag sinusunod natin ang mga payo ng Simbahan.”8
Isang Gabay sa Kapayapaan
Ang bahagi 87 ay napatunayang isang kamangha-manghang propesiya. Ang ganitong propesiya ay dapat na tumulong na mapatibay ang ating pananampalataya kay Cristo at sa Kanyang mga piling tagapaglingkod. Kailangan natin ang gayong pananampalataya nang higit kailanman dahil mahinahon na paalala din ang paghahayag na ito sa darating na mga hamon.
Habang patuloy na nakakarinig ang mundo ng “mga digmaan at alingawngaw ng mga digmaan” (Doktrina at mga Tipan 45:26) at ng iba’t ibang sakunang dulot ng kalikasan at ng tao, tayong lahat ay dapat magpasalamat na sa isang maligayang Disyembre 25, 1832, isang maalalahanin at inspiradong propeta ng Diyos ang nag-ukol ng panahon na pakinggan at maingat na itala ang mga salita ng babala at nakapagliligtas na utos ni Jesucristo Mismo. Sa isang mahalagang regalo sa Pasko na tulad nito ay maaari nating sabihin na, “Dito ay ligtas at payapa.”9