2021
Mula sa Samahan ng mga Nananahi hanggang sa Maging Relief Society
Agosto 2021


Mga Unang Kababaihan ng Pagpapanumbalik

Mula sa Samahan ng mga Nananahi hanggang sa Maging Relief Society

Ano ang maaaring gawin ni Margaret Cook, isang dalagang maliit ang kinikita, para makapag-ambag sa pagtatayo ng Nauvoo Temple?

Margaret Cook sewing

Paglalarawan ni Toni Oka

Sa Nauvoo noong mga unang taon ng dekada ng 1840, ang mga Banal ay dukha at kakaunti o walang makuhang mga suplay. Dahil sa pangangailangan, kumilos silang lahat sa pagtatayo ng mga bahay at negosyo. Subalit ang pangunahin nilang interes ay nasa pagtatayo ng Nauvoo Temple.

Nanawagan nang madalas ang mga pinuno ng Simbahan sa mga Banal sa lugar at sa ibang bansa na tumulong sa pagtatayo at sa mga materyales. Sa pahayagan ng Simbahan na Times and Seasons, itinuro sa mga Banal na “ang templo ay itatayo sa pamamagitan ng ikapu at paglalaan, at lahat ay malayang iukol ang lahat ng nais nilang gawin na bukal sa kanilang puso …, pera man iyon o anumang biyayang bigay sa kanya.” Hinimok din ng mga pinuno ng Simbahan ang mga Banal na magbigay ng “mga kumot, medyas, mittens, sapatos, lahat ng klaseng damit, at mag-imbak ng mga kalakal … para sa kaginhawahan ng mga trabahador sa taglamig na ito.”1

Noong Marso 1, 1842, bumisita si Margaret Cook kay Sarah Kimball upang manahi para sa kanya. Pinag-usapan nila ang mga bagong apela para sa suporta ng mga trabahador sa templo. Kakaunti lamang ang kabuhayan ni Margaret, ngunit maaaring makatulong ang kanyang kakayahang manahi para sa mga nangangailangan ng damit. Kung may makukuhang tela, sinabi ni Margaret na “ikalulugod niyang manahi kung kakailanganin ito.”2 Sinabi ni Sarah na siya ang magbibigay ng tela, at habang patuloy silang nag-uusap, inisip nila kung nais ding tumulong ng iba. Kinausap nila ang mga kaibigan tungkol sa pag-oorganisa ng isang samahan ng mga mananahi.

Ang pag-uusap na ito, na pinasimulan nina Margaret at Sarah na kumilos ayon sa inspirasyon, ay humantong sa iba pang inspiradong pakikipag-usap sa iba, pati na kay Propetang Joseph Smith. Bilang tugon, sinabi ng Panginoon sa Kanyang propeta na mayroon Siyang “mas mainam” [na balak] para sa kababaihan at binigyang-inspirasyon si Joseph na iorganisa sila sa ilalim ng priesthood “ayon sa pagkakaayos sa priesthood.”3 Ito ang naglatag sa pundasyon ng paghahayag na alam natin ngayon bilang Relief Society, isa sa mga pinakamatanda at pinakamalaking organisasyon sa paglilingkod ng kababaihan.

Mga Tala

  1. “Baptism for the Dead,” Times and Seasons, Dis. 15, 1841, 626, 627; ginawang makabago ang pagbabaybay.

  2. Paggunita ni Sarah M. Kimball, sa Mga Anak na Babae sa Aking Kaharian: Ang Kasaysayan at Gawain ng Relief Society (2011), 11.

  3. Mga Anak na Babae sa Aking Kaharian, 13.