2021
Paano Ako Makakasulong sa Landas ng Tipan Habang Wala pa Akong Asawa?
Agosto 2021


Digital Lamang

Paano Ako Makakasulong sa Landas ng Tipan Habang Wala pa Akong Asawa?

Ang awtor ay naninirahan sa Samar, Philippines.

Anuman ang panahon natin sa buhay, ang ibig sabihin ng pagsulong ay paglapit kay Cristo.

dalagitang naka-kulay rosas na amerikana

Nang makauwi ako sa Pilipinas pagkatapos ng misyon ko, ang unang ginusto kong gawin ay makakilala ng isang karapat-dapat na priesthood holder na maaari akong pakasalan sa templo at bumuo ng isang pamilyang nakasentro kay Cristo.

Akala ko madali ko siyang mahahanap. Pero ngayon ilang taon na ang nakalipas mula nang umuwi ako, at kailangan ko pang makahanap ng mapapangasawa.

Buong buhay na akong nagtatakda at nagsasakatuparan ng mga mithiin. Sa high school, gumawa ako ng mga mithiin para sa aking hinaharap, lalo na ng mga mithiing tutulong sa akin na sumulong sa landas ng tipan—ang tanging landas na aakay sa akin, at sa ating lahat, na makabalik sa piling ng Ama sa Langit sa huli.

Nagtakda ako ng mga mithiin na makatapos sa seminary at institute, makatapos sa aking pag-aaral, matanggap ang endowment sa templo, magmisyon, makakita ng trabaho na may kaugnayan sa aking kurso, at bumuo ng isang walang-hanggang pamilya.

Nakamit ko na ang lahat ng mithiing iyon maliban sa isa, at kahit ipinagmamalaki ko ang lahat ng nagawa ko, pakiramdam ko kung minsan ay parang hindi na ako sumusulong.

Isang Paghinto sa Pagsulong

Sa loob ng maraming taon nakapag-ukol ako ng maraming oras sa paghahanap at pagdarasal na makakita ng isang taong makakasama ko sa kawalang-hanggan. Lagi kong sinusunod ang mga kautusan, ipinamumuhay ang mga turo ng mga propeta at pinuno, at sinisikap na maging karapat-dapat na pumasok sa templo. Kaya, dahil sa inis, kung minsa’y iniisip ko, matapos magsikap nang husto, kung bakit hindi ko pa rin naaabot ang isang mithiing ito at kadalasa’y hindi ko magawang sumulong sa landas ng tipan.

Ano pa ang kulang sa akin?

Isang gabi habang pinanghihinaan ako ng loob tungkol sa pagiging dalaga ko at parang hindi ako sumusulong, ibinuhos ko ang damdamin ko sa Ama sa Langit. Pakiramdam ko hindi ako sumusulong, nalulumbay ako, at hindi ko alam ang gagawin. Habang nagdarasal ako at nagninilay, isang malinaw na paalala ang dumating sa akin:

“Sa Panginoon ay buong puso kang magtiwala. …

“Sa lahat ng iyong mga lakad siya’y iyong kilalanin, at itutuwid niya ang iyong mga landasin” (Mga Kawikaan 3:5–6).

Sa sandaling iyon, natanto ko na kabilang sa “mga landasin” na iyon ang landas ng tipan.

Naalala ko na kung aking “hahayaang manaig ang Diyos” sa buhay ko, tulad ng itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson,1 gagabayan Niya ako patungo kay Cristo at pagkakalooban ako ng espirituwal na lakas, ipinangakong mga pagpapala, at walang-hanggang pag-unlad.

Patungo kay Cristo

Itinuro ni Elder Marvin J. Ashton (1915-94) ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Itakda ang inyong mga mithiin. … Ngunit huwag masiphayo dahil walang malilinaw na tagumpay. Ipaalala sa inyong sarili na ang pagsisikap ay maaaring mas mahalaga kaysa pagkakamit ng mga mithiin.”2

Sa napakatagal na panahon nagtuon lang ako sa pag-asam kong makapag-asawa at sa aking “kabiguan” na hindi ko nakakamit ang tipang iyon. Nalimutan ko ang kahalagahan ng mga tipang nagawa ko at kung paano ako natulungan ng mga tipang iyon na lumapit patungo kay Cristo.

Nalimutan ko na kung gaano kaganda ang aking sitwasyon. Ngayon, dahil wala akong mga anak o maraming obligasyon sa bahay, may oras ako para magkaroon ng mas maraming kasanayan para sa hinaharap. Nakakapagbigay ako ng mas maraming oras sa paglilingkod sa iba at sa mga nasa ward namin. Mas marami akong nakikilalang mga tao at natututo ako mula sa kanila. Nakakapag-ukol ako ng oras na mapaganda pa ang mga relasyon ko sa aking mga magulang at kapatid. At ang pinakamahalaga, marami pa rin akong pagkakataon na patuloy na maging lalong katulad ng Tagapagligtas.

Natanto ko na kung naglalakad pa rin ako sa landas na umaakay sa akin patungo kay Jesucristo, nasa tamang lugar ako na dapat kong kalagyan.

Sumusulong ako sa landas ng tipan.

Itinuro din ni Pangulong Nelson na “nasaan man kayo sa landas ng tipan … ipinapangako ko sa inyo na kung taos-puso at matiyaga ninyong gagawin ang espirituwal na gawaing kailangan upang malinang ang mahalaga at espirituwal na abilidad ng pakikinig sa bulong ng Espiritu Santo, mapapasainyo ang lahat ng gabay na kailangan ninyo sa buhay.”3

Alam ko na kung inaakay ako ng Espiritu, aakayin ako kung saan Niya ako nais magpunta, at samakatwid ay kung saan ko nais magpunta.

Paano Tayo Patuloy na Susulong?

Kung nadidismaya kayo o hindi kayo sumusulong sa landas ng tipan, alam ko ang nadarama ninyo. Kung minsan pakiramdam ko hindi ako komportable o hindi ako kabilang sa simbahan dahil dalaga ako. Nakarinig na rin ako ng maraming magagandang biro mula sa aking pamilya at ward tungkol sa pagiging dalaga ko—tulad ng marami sa atin na walang-asawa.

Pero nalaman ko na anuman ang aking sitwasyon, maaari akong patuloy na sumulong sa landas ng tipan. Maaari akong magtuon sa mga tipang nagawa ko at sa pagsulong at sa walang-hanggang mga pangakong nagmumula sa pagtupad sa mga tipang iyon.

Anuman ang ating kasalukuyang sitwasyon, may pagkakataon tayong pagbutihin ang ating sarili at maging mga taong tumutupad sa tipan na nais ng Panginoon na kahinatnan natin.

Tulad ng payo ng Panginoon kay Emma Smith, maaari nating “isantabi muna ang mga bagay ng daigdig na ito, at hangarin ang mga bagay na mas mabuti” at kumapit nang mahigpit sa ating mga tipan sa Diyos (Doktrina at mga Tipan 25:10).

May-asawa man o wala, may mga anak man o wala, lahat tayo ay maaaring sumulong sa landas ng tipan kapag sinusunod natin ang Kanyang payo, minamahal at pinaglilingkuran natin ang iba, tinutukoy ang mga pagpapalang mayroon kayo, nadarama at ipinapahayag ang pasasalamat, kinikilala na kailangan ang ating mga pananaw sa pagtatayo ng kaharian ng Diyos, ginagawa ang gawain sa family history, tinutupad ang ating mga calling, sinisikap na laging maging karapat-dapat na pumasok sa templo, at tinutulungan ang iba na manatili rin sa landas.

Alam ko na habang patuloy tayong sumusulong at kumikilala sa kahalagahan ng ating mga tipan at sa espirituwal na kapangyarihang laan ng mga ito, maihahanda natin ang ating sarili (at ang mundo) para sa muling pagparito ng Tagapagligtas, at magiging mas handa pa tayong tanggapin ang mga ipinangakong pagpapala sa hinaharap.

Mga Tala

  1. Russell M. Nelson, “Hayaang Manaig ang Diyos,” Ensign o Liahona, Nob. 2020, 92–95.

  2. Marvin J. Ashton, “Choose the Good Part,” Ensign, Mayo 1984, 11.

  3. Russell M. Nelson, “Pag-asa ng Israel” (pandaigdigang debosyonal para sa mga kabataan, Hunyo 3, 2018), HopeofIsrael.ChurchofJesusChrist.org.