2021
Pinagaling Ako ng Panginoon
Agosto 2021


Digital Lamang: Mga Larawan ng Pananampalataya

Pinagaling Ako ng Panginoon

Magmula nang matagpuan namin Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, hindi na kami kinulang sa mga pagpapala.

matandang lalaking nakasumbrero sa Bolivia

Larawang kuha ni Leslie Nilsson

Maraming taon akong maysakit. Uminom ako ng gamot, pero hindi bumuti ang kalagayan ko. Halos hindi ako makalakad nang isang kanto nang hindi tumitigil para magpahinga nang tatlo o apat na beses. Naisip ko na sinusubukan siguro ako dahil hindi ako nagsisimba.

Malaki ang pasasalamat namin ng asawa kong si Silvia sa mga kapatid na nagdala sa amin sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Sabi ng isang brother, “Hindi ko sasabihin sa inyo na kailangan ninyong magsimba. Ang Panginoon ang humihiling sa inyo na magsimba.”

Iyan ang nadama namin.

Pinagsisihan namin ang aming mga kasalanan nang ipakilala sa amin ang Simbahan. Napakahalaga ng pagsisisi. Tinalikuran namin ang aming mga bisyo at sumamo kami sa Panginoon na patawarin kami sa aming mga kasalanan at huwag kaming pabayaan hanggang kamatayan.

Nang matagpuan namin ang ebanghelyo at magsimula kaming dumalo sa mga miting, nagsimulang gumanda ang pakiramdam ko. Nang magsimula kaming dumalo sa templo, lalo pang bumuti ang kalusugan ko. Nakapaglaro akong muli ng fútbol. Pinagaling ako ng Panginoon sa aking karamdaman. Ngayon ay may mga pisikal na hamon pa rin kaming mag-asawa, pero dahil sa aming pananampalataya, pinagpapala at pinalalakas kami ng Panginoon.

Mula nang matagpuan namin ang Simbahan, hindi na kami kinulang sa mga pagpapala. Nagbabayad kami ng aming ikapu, at mas marami pang ibinibigay ang Panginoon sa amin kaysa ibinibigay namin sa Kanya. Nagpapasalamat kami sa tahanang naipagkaloob Niya sa amin. Nagpapasalamat kami na mayroon kaming sapat na maibibigay sa mahihirap. Nagpapasalamat kami sa malusog na buhay na natatamasa namin. Masayang-masaya kami. Mahal namin ang Simbahan at nagpapasalamat kami para dito. Alam naming ito ay totoo!

Alam namin na ang aming buhay ay nasa mga kamay ng Ama sa Langit at ni Jesucristo, kaya ilang beses sa isang araw kaming nagdarasal sa Ama sa Langit. Hindi namin alam kung kailan darating ang panahon na mamamatay kami, kung kailan darating ang Panginoon para sa amin, pero nagpapasalamat kami na naipakita Niya sa amin ang landas pabalik sa Kanya.