Digital Lamang: Mga Young Adult
4 na Paraan para Magamit ang Kapangyarihan ng Positibong Komunikasyon
Higit pa ito sa pagngiti o pagsasabi ng magagandang bagay—ito ay tungkol sa pagtulong sa iba na madama ang pagmamahal ng Diyos.
Bagama’t ang mga kaswal na kakilala ay madalas maniwala na isa akong positibong tao, hindi ko naisip kailanman na napakasaya kong tao. Sa katunayan, mayroong medyo malaking paalala sa akin ng aking di-gaanong-masayahing disposisyon kung minsan na nakasabit sa dingding ng sala ng bahay ng mga magulang ko.
Isang panahon ng tag-init noong bata pa ako, bumisita ang lolo’t lola ko, at sinamantala namin ang pagkakataong kunan ng ilang retrato ang pamilya. Handang-handa ako sa aking gingham dress na kulay rosas at katerno nitong sumbrero, pero sumama ang loob ko nang hindi ako binigyan ng bangko na katulad ng inupuan ng ilang kapamilya.
Dismayado, nakasimangot ako habang kinukunan kami ng retrato, na nakasira sa naging maganda sanang karanasan na kasama ang pamilya ko at nagpasimula sa ilang dekada ng mga biruan tungkol sa “masungit na damit.”
Bagama’t pinagtatawanan ko na iyon ngayon, ang larawang iyon ng pamilya ay patuloy na nagpapaalala sa akin sa kapangyarihan ng pagiging positibo. Ang pagiging positibo ay malinaw na mas nagpapasaya sa buhay—dahil sino nga ba ang tunay na nasisiyahan sa pagiging galit sa lahat ng oras? Bukod pa riyan, ang pagiging positibo ay matagal nang nauugnay sa iba-ibang kabutihang dulot nito sa kalusugan tulad ng nabawasang stress, mas mababang peligrong magkaroon ng sakit sa puso, at mas mahabang buhay.1
Pero ang pagiging positibo ay hindi nakakaapekto sa atin bilang mga indibiduwal lamang. Ang ating pagiging positibo (o kawalan nito) ay maaaring makaapekto sa bawat taong nakakaugnayan natin. Inutusan tayong “magalak” (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 61:36; 78:18), at kapag ginawa natin ito sa ating mga komunikasyon, tayo mismo—at ang mga nasa paligid natin—ay madarama nang mas sagana ang pagmamahal ng ating Ama sa Langit at ng Tagapagligtas.
Narito ang ilang paraan na maaari tayong makinabang sa kapangyarihan ng positibong komunikasyon.
1. Sundin ang huwaran ng Tagapagligtas sa komunikasyon.
Para sa pangunahing halimbawa ng positibong komunikasyon, maaari tayong umasa sa Tagapagligtas, na nagpamalas ng Kanyang pagmamahal sa iba sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan nang may kabaitan, habag, at pag-unawa.
Itinuro ni Elder L. Lionel Kendrick, isang emeritus General Authority Seventy: “Ang mga komunikasyon na katulad ni Cristo ay mga pagpapahayag ng pagmamahal at hindi ng galit, ng katotohanan at hindi ng gawa-gawa lamang, ng habag at hindi ng pakikipagtalo, ng paggalang at hindi ng pangungutya, ng payo at hindi ng pamimintas, ng pagwawasto at hindi ng panghuhusga. Sinasambit ang mga ito nang malinaw at hindi nakalilito. Maaaring magiliw o marahas ang mga ito, ngunit kailangan ay palaging kontrolado ang mga ito.”2
Malinaw na ang kung paano natin sinasabi ang isang bagay ay kasing-halaga ng kung ano ang ating sinasabi,3 isang aral na natutuhan ko noong nag-aaral ako ng piyano. Dahil halos buong buhay akong nag-aral ng piyano, marami akong naranasang estilo ng pagtuturo. Bagama’t maaaring nakakadismaya ang mabigyan ng walang-katapusang listahan ng mga musikal na piyesang papraktisin hanggang sa maperpekto, mapalad akong magkaroon ng mga gurong napakahuhusay sa pagtutuwid sa nakaeengganyo at mahabaging paraan, at nalaman ko ang malaking kapangyarihan ng isang salitang magiliw na sinambit.
2. Sikaping magkaroon ng positibong pananaw.
Natatanto man natin o hindi, makakaapekto ang ating pag-uugali sa paraan ng komunikasyon natin sa iba—at maraming iba pang aspeto ng ating buhay. Sabi ni Pangulong Thomas S. Monson (1927–2018): “Napakaraming bagay sa buhay ang nakadepende sa ating saloobin. Kung paano natin tingnan ang mga bagay-bagay at tugunin ang iba ang gumagawa ng malaking kaibhan. Ang gawin ang pinakamainam sa abot ng ating makakaya at piliing maging masaya sa ating sitwasyon, anuman ito, ay makapagdudulot ng kapayapaan at kapanatagan.”4
Ang isang paraan para magkaroon ng positibong pananaw ay ang anyayahan ang Espiritu sa ating buhay. Magagawa natin ito kung aalisin natin ang pagdududa at takot at papalitan ito ng pananampalataya (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 6:36), tatanggapin natin ang kaloob na pagsisisi, aktibo nating sisikaping palakasin ang ating patotoo, at hahangarin nating kilalanin ang impluwensya at kapangyarihan ng Panginoon sa ating buhay. Nalaman ko rin na kapag nag-iskedyul ako (at nag-ukol) ng oras sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan, mas positibo ang pakiramdam ko sa buong maghapon. Lahat ng bagay na ito ay ipinadarama sa atin nang mas sagana ang Espiritu Santo, na naghahatid ng mas malaking pag-asa.
Mangyari pa, ang pagiging positibo ay hindi rin nangangahulugan ng pagpigil sa lahat ng negatibong emosyon. Nahulog na rin ako sa bitag ng pag-iisip na wala akong pananampalataya kung nag-aalala ako o nalulungkot. Pero tulad ng ipinaliwanag ni Sister Sharon Eubank, Unang Tagapayo sa Relief Society General Presidency: “Ang maging masaya ay hindi nangangahulugan na pakunwari kayong ngumiti anuman ang nangyayari. Pero nangangahulugan ito ng pagsunod sa mga batas ng Diyos at pagpapalakas at pagtulong sa iba. Kapag pinalalakas natin ang iba, kapag pinagagaan natin ang pasanin ng iba, pinagpapala nito ang ating buhay sa mga paraang hindi kayang alisin ng ating mga pagsubok.”5 Samantalang daranas tayong lahat ng mga negatibong emosyon habambuhay, makadarama tayo ng higit na kaligayahan kapag iniwasan nating magtuon sa ating mga kalungkutan at hinangad nating pasiglahin ang iba.
3. Isaalang-alang ang antas ng ating relasyon.
Maaaring hindi masusukat ang positibong pananaw, pero matutulungan tayo ng ilang pamantayan para masukat kung gaano tayo kapositibo sa ating mga pakikipag-ugnayan. Sa loob ng maraming dekada, napag-aralan ng psychologist na si John Gottman kung ano ang nagpapaganda sa isang relasyon. Matapos obserbahan ang libu-libong mag-asawa, nakabuo siya ng isang pormula na makakatulong na mahulaan kung ang mga mag-asawa ay mananatiling magkasama o maghihiwalay sa darating na mga taon na may mahigit 90 porsiyentong katumpakan.6
Ang kanyang pangunahing natuklasan? Sa mga sandali ng hidwaan, ang masasayang mag-asawa ay karaniwang sumusunod sa isang ratio na hindi bababa sa limang positibong pag-uugnayan para sa bawat isang negatibong pag-uugnayan. Ang mga positibong pag-uugnayan ay maaaring kabilangan ng isang pagpuri, pagdamay, at pagpapatibay sa pananaw ng ibang tao, samantalang ang mga negatibong pag-uugnayan ay maaaring kabilangan ng pagpapakita ng inis, pagtatanggol sa sarili o kawalan ng malasakit, at pamimintas.7
Bagama’t nakatuon ang pagsasaliksik ni Gottman sa mga romantikong mag-asawa, ang kanyang konklusyon ay maaaring iangkop sa lahat ng uri ng relasyon at bigyang-diin ang nakapipinsalang mga epekto ng pagiging negatibo.
Itinuturo sa atin sa mga banal na kasulatan na, “Anumang masamang salita ay hindi dapat lumabas sa inyong bibig, kundi ang mabuti lamang para sa ikatitibay, ayon sa pangangailangan, upang ito ay makapagbigay ng biyaya sa mga nakikinig” (Efeso 4:29). Maaaring hindi palaging magkatugma ang ating pananaw, pero maaari tayong kumontra sa paraang hindi nakakagalit. At kapag hinangad nating magpasigla—kahit may hidwaan—maaari tayong magpagaan ng mga pasanin at magbigay ng puwang sa mas malaking kagalakan.
4. Maging “halimbawa ng mga mananampalataya.”
Ngumingiti na ako ngayon kapag nagpapakuha ng retrato ang pamilya (kahit kailanganin ko pang tumayo), at nauunawaan ko na kung paano makakaapekto ang sarili kong pag-uugali sa mga nasa paligid ko, makabuti man ito o makasama.
Bagama’t malayo pa ako sa pagiging perpekto, sinisikap ko na magtuon talaga kapag may kausap ako, na magpasalamat para sa asawa ko at sa iba ko pang mga mahal sa buhay, at sa huli ay “maging halimbawa ng mga mananampalataya sa pananalita, [pakikipag-usap], pag-ibig [sa kapwa]” (1 Timoteo 4:12).
Ang kumbinasyon ng maliliit na bagay na ito—isang taingang nakikinig, isang positibong pagpapatibay, isang taos-pusong paghingi ng paumanhin—ang madalas na may pinakamalaking epekto. Ang maliliit na bagay na ito, na tumutulong sa atin na tularan ang ating Tagapagligtas, ay nagtutulot sa atin na ibahagi ang pagmamahal ng Diyos.
At sa pagbabahagi ng Kanyang pagmamahal, madarama rin natin ito.