Pagpapakamatay
Paano Tutulungan ang Isang Taong May Mabigat na Pinagdaraanan


“Paano Tutulungan ang Isang Taong May Mabigat na Pinagdaraanan,” Paano Tutulong (2018).

“Paano Tutulungan ang Isang Taong May Mabigat na Pinagdaraanan,” Paano Tutulong.

Paano Tutulungan ang Isang Taong May Mabigat na Pinagdaraanan

6:35

Palaging seryosohin ang mga palatandaan ng pagpapakamatay at ang anumang banta ng pagtatangkang magpakamatay, kahit na sa palagay mo ay hindi seryosong iniisip ng indibiduwal na iyon na magpakamatay o gusto lamang niyang mapagtuunan ng pansin. Sundin ang tatlong hakbang na ito para makapagbigay ng suporta—Magtanong, Magmalasakit, Magsabi.

Unang Hakbang: Magtanong. Diretsahang tanungin ang taong iyon kung iniisip niyang magpakamatay. Maaari mong itanong, “Iniisip mo bang kitilin ang iyong buhay?” Kung sasabihin niya na iniisip niyang magpakamatay, tanungin siya kung mayroon siyang plano. Maaari mong itanong, “Mayroon ka bang plano na saktan ang iyong sarili?” Kung mayroon siyang plano, tulungan siyang makapunta kaagad sa isang ospital o pagamutan, o tumawag sa isang emergency service provider o crisis helpline sa inyong lugar. (Tingnan ang “Mga Crisis Helpline” para sa mga link sa mga helpline sa buong mundo.) Kung wala siyang plano, tumuloy sa ikalawang hakbang.

Ikalawang Hakbang: Magmalasakit. Ipakita na nagmamalasakit ka sa pamamagitan ng pakikinig sa sinasabi niya. Bigyan siya ng oras para maipaliwanag kung ano ang nararamdaman niya. Igalang ang nararamdaman niya sa pamamagitan ng pagsasabi ng, “Nalulungkot ako na labis kang nasasaktan” o “Hindi ko naisip na ganito kahirap ang mga bagay-bagay para sa iyo.” Maaari kang mag-alok na tulungan siyang gumawa ng isang plano para makaiwas sa mapanganib na situwasyon para mapigilan ang pagpapakamatay (tingnan sa “Paano Gumawa ng Plano para Mapigilan ang Pagpapakamatay,” Doug Thomas, Liahona, Set. 2016, 33). Ang isang plano para makaiwas sa mapanganib na sitwasyon ay makatutulong sa mga tao na matukoy ang kanilang mga personal na kalakasan, mga positibong relasyon, at magagandang kasanayan sa pagharap sa mga problema. Makababawas din ito sa posibilidad na makakuha sila ng mga bagay na ginagamit sa pananakit sa sarili, tulad ng mga armas o pills. Kung hihilingin niya sa iyo na huwag mong sabihin kaninuman ang nararamdaman niya, ipaliwanag na igagalang mo ang kanyang pribadong buhay hangga’t maaari ngunit kailangan niya ng higit na tulong kaysa sa maibibigay mo. Huwag kailanman mangakong ililihim na iniisip niyang magpakamatay.

Ikatlong Hakbang: Magsabi. Hikayatin ang taong iyon na magsabi sa isang taong makapagbibigay ng karagdagang suporta. Ibahagi ang contact information ng makatutulong na resources sa iyong lugar. Maaaring kabilang sa resources ang mga ospital ng pamayanan, mga pagamutan para sa agarang lunas, o mga libreng crisis helpline. Kung ayaw niyang humingi ng tulong, kailangan mo itong ipagbigay-alam sa kinauukulan para sa kanya. Maaari mong sabihin ang tulad nito, “Nagmamalasakit ako sa iyo at nais kong maging ligtas ka. Magsasabi ako sa isang taong makapagbibigay sa iyo ng tulong na kailangan mo.” Igalang ang kanyang pribadong buhay sa pamamagitan ng pagsasabi lamang sa isang tao na sa palagay mo ay makatutulong, tulad ng isang malapit na kapamilya, bishop ng taong iyon, isang counselor sa paaralan, isang doktor, o iba pang propesyonal sa pangangalaga ng kalusugan. Kung hindi ka sigurado kung kanino magsasabi, kausapin ang iyong bishop o tumawag sa isang libreng crisis helpline sa inyong lugar. Tandaan, hindi inaasahang suportahan mo nang mag-isa ang taong iyon.

Paalala: Kung namumuno ka sa isang talakayan, maaari mong hilingin sa mga kalahok na gawin ang mga hakbang na ito. Maglarawan sa kanila ng isang sitwasyon kung saan mayroong lumapit sa kanila at nagpahayag na iniisip nitong magpakamatay, at hilingin sa kanilang magsanay kung paano sila tutugon.

Karagdagang Resources