2016
Paano Gumawa ng Plano na Mapigilan ang Pagpapakamatay
September 2016


Paano Gumawa ng Plano na Mapigilan ang Pagpapakamatay

Maaari kang gumawa ng plano at kung sakaling may balak kang saktan ang iyong sarili, maaari kang magsimula sa step 1 at magpatuloy sa mga sumusunod na hakbang hanggang sa maramdaman mong ligtas ka na. Ang pinakamagandang panahon para gawin ang plano mo ay bago ka pa magkaroon ng krisis. Isulat ang plano mo kung saan madali mo itong makita, tulad sa iyong cellphone. May mga website at apps na makatutulong na may mga template na maaari mong sulatan, o maaari kang gumawa ng plano sa tulong ng isang eksperto (tingnan sa step 6 sa ibaba) o kaya naman ay gumawa ka ng sarili mong plano gamit ang mga mungkahing ito:

1. Kilalanin ang mga palatandaan.

Anong uri ng mga ideya, damdamin, at pag-uugali ang nagsasabi sa iyo na nagsisimula mo nang maisip na magpakamatay Isulat ang mga ito sa sarili mong salita. Halimbawa: “Kapag itinigil ko ang mga gawain ko at gusto ko lang matulog.” “Kapag iniisip kong pabigat lang ako.” “Kapag balisa ako, at gusto kong may gawin kaagad para mawala ang sakit na nararamdaman ko.” Ang pagpansin sa mga babalang ito ay makatutulong sa iyo na malaman na kailangan mo nang isagawa ang iyong plano.

2. Subukang maging mahinahon at panatagin ang iyong sarili.

Gumawa ng listahan ng mga gawaing nakaka-relax na maari mong gawin kapag naiisip mo o gusto mong saktan ang iyong sarili. Maaaring kabilang dito ang paglalakad, paliligo ng maligamgam na tubig, pag-eehersisyo, pagdarasal, o pagsusulat sa journal.

3. Isipin ang iyong mga dahilan kung bakit ka nabubuhay.

Kung minsan, maaaring madaig ng sakit ang mga positibong nararamdaman natin. Gumawa ng listahan na magpapaalala sa iyo ng mga taong mahal mo, mga bagay na gustung-gusto mong gawin, at mga pagpapala na ipinagpapasalamat mo.

4. Tulungan ang iba at humingi ng tulong.

Maglista ng ilang tao (kasama ang numero ng telepono) na maaari mong kausapin at handang tumulong sa iyo na maisagawa ang plano mo sa oras na naiisip mong magpakamatay. Ang mga taong ito ay maaaring mga kaibigan, miyembro ng ward, at kapamilya.

5. Tiyakin na ikaw ay nasa ligtas na lugar.

Kasali rito ang paghingi ng tulong sa isang tao na alisin ang mga bagay na maaari mong gamitin para saktan mo ang iyong sarili, o para samahan ka sa ibang lugar hanggang sa bumuti ang iyong pakiramdam. Gumawa ng listahan ng mataong lugar—tulad ng mga parke, gym, sinehan at iba pa—na ligtas at nakalilibang.

6. Kung nararamdaman mong gusto mo pa ring saktan ang iyong sarili, kontakin ang isang propesyonal.

Ilista ang pangalan, numero at lokasyon ng mga doktor, emergency room, at mga crisis hotline. Ang Suicide.org/international-suicide-hotlines.html ay may listahan ng numero ng mga hotline sa napakaraming bansa. Halimbawa, ang numero sa Estados Unidos ay 1-800-273-TALK.

7. Matapos gawin ang lahat ng ito, kung sa palagay mo ay hindi ka pa rin ligtas, tumawag sa emergency service o magpunta sa pinakamalapit na ospital at humingi ng tulong.