Mensahe ng Unang Panguluhan
Matapos Magmahal, Ano na ang Kasunod?
Itinuro ng ating pinakamamahal na propetang si Pangulong Thomas S. Monson, na “pag-ibig ang pinakadiwa ng ebanghelyo.”1
Ang pagmamahal ay napakahalaga kaya ito tinawag ni Jesus na “ang dakila at pangunang utos” at sinabi na ang bawat bahagi ng batas at mga salita ng mga propeta ay nakasalalay rito.2
Pag-ibig ang pangunahing motibo sa lahat ng ginagawa natin sa Simbahan. Bawat programa, bawat pulong, bawat kilos na kabahagi tayo bilang mga disipulo ni Jesucristo ay dapat magmula sa katangiang ito—sapagkat kung walang pag-ibig sa kapwa, “ang dalisay na pag-ibig ni Cristo,” wala tayong kabuluhan.3
Kapag naunawaan na natin ito sa ating puso’t isipan, kapag ipinahayag na natin ang ating pagmamahal sa Diyos at sa ating kapwa—ano na ang kasunod?
Sapat na ba ang pagkahabag at pagmamahal sa iba? Natutugunan ba ng pagpapahayag ng pagmamahal natin sa Diyos at sa ating kapwa ang obligasyon natin sa Diyos?
Ang Talinghaga tungkol sa Dalawang Anak na Lalaki
Sa templo sa Jerusalem, lumapit ang mga punong saserdote at elder ng mga Judio kay Jesus upang hulihin Siya sa Kanyang mga sinasabi. Gayunman, binaligtad ng Tagapagligtas ang sitwasyon sa pagkukuwento sa kanila.
“[May] isang taong may dalawang anak,” pagsisimula Niya. Nagpunta ang ama sa una at pinagtrabaho ito sa ubasan. Pero ayaw ng anak. Kalaunan “nagsisi [ito], pagkatapos ay naparoon.”
Pagkatapos ay nagpunta ang ama sa kanyang pangalawang anak at pinagtrabaho ito sa ubasan. Tiniyak sa kanya ng pangalawang anak na pupunta ito, ngunit hindi ito nagpunta kailanman.
Pagkatapos ay bumaling ang Tagapagligtas sa mga saserdote at elder at nagtanong, “Alin baga sa dalawa ang gumanap ng kalooban ng kaniyang ama?”
Kinailangan nilang aminin na iyon ay ang unang anak—ang nagsabing hindi siya pupunta ngunit kalaunan ay nagsisi at nagtrabaho sa ubasan.4
Ginamit ng Tagapagligtas ang kuwentong ito upang bigyang-diin ang isang mahalagang alituntunin—sila yaong mga sumusunod sa mga kautusan ang tunay na nagmamahal sa Diyos.
Marahil ito ang dahilan kaya sinabihan ni Jesus ang mga tao na pakinggan at sundin ang mga salita ng mga Fariseo at eskriba ngunit huwag tularan ang kanilang halimbawa.5 Iba ang ginagawa ng mga gurong ito ng relihiyon kaysa sinasabi nila. Gustung-gusto nilang pag-usapan ang relihiyon, ngunit nakalulungkot na nakaligtaan nila ang pinakadiwa nito.
Mga Kilos at ang Ating Kaligtasan
Sa isa sa mga huling turo ng Tagapagligtas sa Kanyang mga disipulo, binanggit Niya sa kanila ang huling Paghuhukom. Ang masasama at ang mabubuti ay ihihiwalay. Ang mabubuti ay magmamana ng buhay na walang hanggan; ang masasama ay dadalhin sa walang-hanggang kaparusahan.
Ano ang kaibhan ng dalawang grupong ito?
Yaong mga nagpakita ng pagmamahal sa kanilang kilos ay naligtas. Yaong mga hindi ay isinumpa.6 Ang tunay na pagbabalik-loob sa ebanghelyo ni Jesucristo at sa mga pinahahalagahan at alituntunin nito ay makikita sa ating mga kilos sa ating pang-araw-araw na buhay.
Sa huli, ang pagsasabi lang na mahal natin ang Diyos at ang ating kapwa ay hindi magpapamarapat sa atin na matamo ang kadakilaan. Dahil, itinuro ni Jesus, “hindi ang bawa’t nagsasabi sa akin, Panginoon, Panginoon, ay papasok sa kaharian ng langit; kundi ang gumaganap ng kalooban ng aking Ama na nasa langit.”7
Ano ang Kasunod ng Pagmamahal?
Ang sagot sa tanong na “Matapos magmahal, ano na ang kasunod?” ay maaaring maging simple at tuwiran. Kung talagang mahal natin ang Tagapagligtas, itutuon natin ang ating puso sa Kanya at pagkatapos ay lalakad tayo sa landas ng pagkadisipulo. Kapag mahal natin ang Diyos, sisikapin nating sundin ang Kanyang mga utos.8
Kung talagang mahal natin ang ating kapwa, gagawin natin ang lahat para matulungan “ang mga maralita at ang mga nangangailangan, ang maysakit at ang naghihirap.”9 Dahil sila na gumagawa ng mga di-makasariling pagpapakita ng habag at paglilingkod na ito,10 sila rin ay mga disipulo ni Jesucristo.
Ito ang kasunod ng pagmamahal.
Ito ang diwa ng ebanghelyo ni Jesucristo.