Ikapu, Tiyempo, at Transportasyon
Ang awtor ay naninirahan sa São Paulo, Brazil.
Wala kaming pera para makapagsimba, kaya nagsimula kaming maglakad.
Isang araw ng Sabado nalaman naming mag-asawa na wala kaming sapat na pera para sa pamasahe namin sa pampublikong sasakyan para makapagsimba kinabukasan, at walang paraan para makapag-withdraw kami sa bangko. Nasa loob na ng isang sobre ng donasyon ang ikapu namin at handa nang maibigay sa bishop. Sinimulan naming pag-usapan kung paano kami magbibiyahe papuntang simbahan. Kung gagamitin namin ang pera ng ikapu para ipamasahe, nadama namin na mauunawaan iyon ng Panginoon; gayunman, nagdesisyon kami na hindi iyon tama.
Ang isa pang posibilidad ay huwag nang magsimba, at muli naming naisip na mauunawaan iyon ng Panginoon dahil kahit kailan hindi pa kami lumiban. Gayunman, kung mangyari iyon, hindi namin maibibigay ang aming ikapu sa bishop, kaya hindi na rin namin inisip na gawin iyon.
Sa pagsisikap na maging matapat, nagpasiya kaming umalis nang mas maaga kaysa rati at maglakad na lang papunta sa simbahan. Umalis kami na maaliwalas ang araw ng Sabbath para magpunta sa chapel, na mga tatlong milya (4.8 km) mula sa aming tahanan. Para sa aming apat na anak (ang panganay ay anim na taon), parang party iyon, at natuwa silang tumakbo at maglaro sa daan.
Pagdating namin sa isang lugar sa isang malawak at mapanganib na kalsada, narinig kong sinabi sa akin ng Espiritu na, “Tumawid na kayo ngayon.” Sinabi ko iyon sa asawa ko, at sinabi niya na mapanganib iyon dahil nagsimulang kumurbada ang bahagi ng lansangang iyon, kaya hindi namin makita ang paparating na mga kotse. Sumagot ako na nadama ko na dapat na kaming tumawid doon, kaya mabilis kaming tumawid, na bawat isa sa amin ay may kasamang dalawang anak. Paghakbang namin sa bangketa, tumigil ang isang kotse sa gilid na iyon, at nagtanong ang tsuper, “Papunta ba kayo sa simbahan?”
Ang tsuper ay isang miyembrong lalaking hindi namin ka-ward, ngunit nakilala ko na siya dati dahil nakabisita na ako sa ward nila. Tumango kami, at nag-alok siyang ihatid kami roon. Nang makasakay na kami sa kotse, ipinaliwanag ng miyembrong ito na hindi siya talaga dumadaan doon at napadaan lang siya dahil nawala ang mga susi sa opisina ng kasosyo niya sa negosyo kaya dadalhin niya ang mga susi sa kanya.
Naisip ko sa sarili ko na hindi lang iyon nagkataon. Batid ng Panginoon na kailangan namin ng masasakyan para magsimba. Nasa bulsa ko ang aming ikapu, at binigyan kami nito ng pagkakataong turuan ang aming mga anak tungkol sa mga pagpapalang nagmumula sa pagbabayad ng ikapu. Dumating kami sa chapel nang mas maaga kaysa rati ngunit masaya at nagpapasalamat. Nakibahagi kami sa lahat ng miting at hindi namin sinabi kaninuman ang nangyari.
Ang mga tag-araw sa São Paulo ay napakainit, lalo na sa tanghali, kapag tapos na ang mga miting namin sa Simbahan. Naghahanda na kaming umuwi nang lumapit sa amin ang isang tao at tinanong kami ng, “May maghahatid ba sa inyo pauwi?” Sumagot kami na wala, at sinabi niya sa amin, “Gusto ba ninyong ihatid ko kayo?” Tinanggap namin ang kanyang alok, at nagtinginan kaming mag-asawa nang may emosyonal na ngiti sa aming mga labi.
Hindi lang minsan kami napagpala nang malaki ng Panginoon dahil sa aming pagsunod.