Mga Young Adult Profile
Pagtatayo ng Kaharian sa Australia
Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.
Hindi mapipigil ng mga problema at kawalan ng pandinig ang young adult na ito sa pagtulong na mapabilis ang gawain ng Panginoon sa Australia.
Sa pagsikat ng araw sa Bundok ng Baw Baw, ginagawa ni Callan Brooks ang gustung-gusto niya: ang pagtatayo. Napangiti siya habang iniaakma ang isa pang dos-por-cuatro sa kalalagyan nito, nadarama ang ligaya para sa trabahong nagawa nang maayos.
Habang pinagmamasdan ang paggawa ni Callan, hindi mo maiisip na may kapansanan siya sa tainga. Subalit hindi ito nakapagpabagal sa gawain niya. Para kay Callan, tila isinilang siya para sa gawaing ito. At marahil ay gayon nga—limang henerasyon nang tagapagtayo ang kanyang pamilya.
“Noong 15 anyos ako, tumigil ako sa pag-aaral para simulan ang aking apprenticeship,” sabi niya. “Kung matagpuan mo ang isang apprenticeship na gusto mo, karaniwan na sa mga Australian na tumigil na sa pag-aaral at gawin iyon nang full time.” Nagtatayo na si Callan simula noon. Nagtatayo man siya ng mga bahay, nagpapalakas ng sariling patotoo, o tumutupad sa calling o tungkulin, si Callan ay palaging abala sa pagtatayo ng kaharian ng Diyos.
Tulad ng kanyang pandinig na hindi nakahadlang sa kanyang trabaho sa konstruksyon, hindi rin ito nakahadlang sa kanyang hangaring matuto at ipangaral ang ebanghelyo.
“Habang lumalaki ako, hindi ko halos maunawaan ang 10 porsiyento ng sinasabi mula sa pulpito,” sabi ni Callan. Gusto niyang magmisyon nang full-time ngunit hindi angkop dahil sa kanyang pandinig. Gayunman, nanalangin siya at nagtiwala na ang kalooban ng Panginoon ang mangyayari. Pagkatapos ay may nangyaring hindi inaasahan: lumubha ang kapansanan sa pandinig ni Callan.
“Noong 18 anyos ako, talagang wala na akong marinig sa loob ng anim na mahahabang buwan. Nagsimba ako para sa mga bagay na mararamdaman ko, dahil iyan lang ang aking natatamo,” paliwanag niya.
Sa panahong ito, pinatatag ni Callan ang kanyang patotoo at umasa sa Espiritu. Pero parang ang tila mas malaking pagsubok noong una ay naging sagot sa kanyang mga dalangin. Dahil sa biglaang paghina ng kakayahan niyang makarinig, naging kwalipikado siya sa isang cochlear implant na nagpabuti sa kanyang pandinig at naging kwalipikado siya para magmisyon. Kalaunan ay umalis si Callan para maglingkod sa Perth, Australia.
Ngayong nakauwi na siya at naninirahan na sa Moe, Victoria, naglilingkod si Callan sa kanyang ward Young Men presidency, kung saan tinutulungan niya ang 10 kabataang lalaki na manatiling matatag sa ebanghelyo sa isang lugar na mahirap itong gawin. Para magawa ito, binigyang-diin niya ang ginagampanan ng Espiritu sa pagkakaroon ng tunay na pagbabagong-loob.
“Sinisikap naming akayin ang mga kabataang lalaki na maranasan ang kanilang sariling pagbabagong-loob sa pamamagitan ng pagbabasa ng Aklat ni Mormon at ng mga programa ng Simbahan,” sabi niya.
Ang epekto ng ginawa ng ikalimang henerasyong tagapagtayong ito ay kitang-kita, sa kanyang ginawang mga gusali, sa kanyang patotoo sa ebanghelyo, at sa kanyang pagtuturo sa mga kabataang lalaki sa kanyang ward.