Pag-aalaga kay Elise
Ang awtor ay naninirahan sa Oregon, USA.
“Palaging sasamahan ka, Ipapakitang mahal ka” (Aklat ng mga Awit Pambata, 78).
Dumungaw si Daniel sa bintana. Nakita niya ang kanyang mga kaibigan na papunta sa parke at dala-dala ang kanilang mga basketball. Gusto niyang sumama sa kanila.
“Hindi kita masasamahan ngayon, Daniel,” sabi ni Inay. “Malala ang sipon ng kapatid mo ngayon. At wala ka pa sa hustong edad para umalis nang mag-isa. Pasensya na.”
Sumimangot si Daniel sa kanyang kapatid na si Elise. Nakaupo siya sa kanyang wheelchair at nasa kandungan niya ang kanyang mga laruan. Limang taong gulang na siya, pero hindi pa rin siya nakakalakad o nakakapagsalita. Umubo nang malakas si Elise. Palagi siyang nagkakasakit, at hindi siya pwedeng lumabas kapag masyadong mainit o masyadong malamig. At kinailangan niyang kumain sa pamamagitan ng isang tubo na nakakabit sa kanyang tiyan.
Mahal ni Daniel ang kanyang kapatid, ngunit kung minsan ay nagagalit din siya. Mahirap na palaging gawin ang pinakamainam para kay Elise. Gusto lamang niya na makipaglaro sa ibang mga bata. Inis na inis siya.
“Hindi ito patas!” sabi niya kay Inay. “Puro na lang si Elise!” Tumakbo siya papunta sa kanyang kuwarto.
Makalipas ang dalawang araw, lumala pa ang ubo ni Elise, at kinailangan siyang dalhin sa ospital. Sinamahan si Daniel ng kanyang lolo’t lola. Halos buong linggong kasama nina Inay at Itay si Elise sa ospital.
Masasamahan na si Daniel ng kanyang lolo’t lola na makipaglaro sa ibang mga bata. Pero nag-aalala na ngayon si Daniel kay Elise. Ikinalungkot niya ang mga sinabi niya kay Inay noong nakaraang araw. Hindi niya gusto na kung minsan ay hindi siya makapaglaro dahil kay Elise. Pero gustung-gusto ni Daniel na nakikitang nakangiti si Elise kapag kausap niya ito, at masaya siya kapag magkasama sila.
Dumungaw si Daniel sa bintana, umaasang makita sina Inay at Itay na umuuwing kasama si Elise.
Biglang nakita ni Daniel ang kotse ni Inay na papasok sa garahe. Tumakbo siya para salubungin si Inay.
“Inay, paumanhin po sa mga nasabi ko tungkol kay Elise noong araw na nagalit ako,” sabi niya, at mahigpit na niyakap si Inay.
“OK lang iyon,” sabi ni Inay, habang niyayakap din siya. “Alam kong mahal mo siya. Mukhang hindi nga patas na hindi natin palaging magagawa ang mga bagay na gusto mong gawin. Minsan mahirap ito para sa ating lahat. Pero alam ko na mapalad tayo na naging bahagi ng ating pamilya si Elise.”
Sabi ni Daniel, “Namimiss ko na siya.”
“Ako rin,” sabi ni Inay. “Sabi ng doktor malamang ay makakauwi na siya bukas.”
Pagkalipas ng dalawang linggo, magkasama sina Daniel at Elise sa Primary.
“Humanap kayo ng inyong kapareha at bumuo kayo ng bilog!” sabi ng Primary president.
Nagmamadaling pumunta sa harapan si Daniel at hinawakan ang wheelchair ng kanyang kapatid.
“Si Elise ang kapareha ko,” sinabi niya sa kanyang guro. Itinulak niya ang wheelchair nito papunta sa harapan para makasama sa bilog na binuo ng mga bata.
Tiningnan niya si Elise. Nginitian siya nito, at ngumiti rin siya.
Masaya si Daniel na nakauwi nang muli si Elise. Gusto ni Daniel na maging isang espesyal na kuya sa kanya.