2016
Piliing Mabuhay: Daigin ang Pag-iisip na Magpakamatay
September 2016


Piliing Mabuhay: Daigin ang Pag-iisip na Magpakamatay

Ang Ilaw ng Sanlibutan ay nakatulong sa akin na makayanan ang mahihirap na panahon na nararanasan ko ang seasonal depression.

woman sitting in the grass

Larawang kuha ng iStock/Thinkstock

Ang pakikipaglaban ko sa pag-iisip na magpakamatay ay nagsimula matapos kaming lumipat sa isang malamig na lungsod sa Iceland, kung saan ang kakulangan sa sikat ng araw ay nagdulot ng matinding seasonal affective disorder (SAD). Kapag tumitindi ang sakit na di ko na makayanan, iniisip ko ang pagpapakamatay.

Sa unang taon nito, hindi ko matanggap na may depresyon ako. Takot akong magsabi kahit kanino, kahit sa asawa ko, tungkol sa iniisip ko. Walang sinuman sa aking pamilya o sa simbahan ang nakaaalam na dumaranas ako ng isang nakamamatay na sakit; at ang alam nila isa akong aktibong miyembro ng Simbahan na may taimtim na patotoo at walang nararanasang mga malalaking hamon sa buhay. Madalas akong nagdarasal, na humihingi ng kaginhawahan, at pinalakas ako ng Ama sa Langit. Naging mas maingat ako sa aking pagkain, nag-ehersisyo nang madalas, nagtuon sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan, naglingkod sa iba, at sinunod ang mga kautusan. Pero hindi pa rin ito sapat.

Nilamon ako ng depresyon na parang isang higanteng alon. Kaya mas nagtrabaho ako, naging mas taimtim pa ang pagdarasal ko, pero hindi ko pa rin maiwasan ang nararamdaman kong matinding pagkalungkot. Nilabanan ko ito, nanalangin na mapagtagumpayan ko ito hanggang sa makauwi ang mga anak ko galing sa eskwela o kahit hanggang tanghalian. May mga araw na nakikipaglaban ako minu-minuto, gamit ang matinding lakas ng isip para madaig ang mga iniisip at mga pagtatangka ko.

Naaalala ko na nakadama ako ng matinding sakit sa isipan noong unang beses na muntik na akong magpakamatay. Hindi ko ito plinano o inisip—pansamantalang nawalan ako ng kakayahang mag-isip nang tama. Pagkatapos ay natanto ko kung gaano kalapit ko nang kitilin ang sarili kong buhay. Inisip ko kung ano ang problema ko. Sinabi ko sa sarili ko na hindi ko dapat naiisip magpakamatay, kaya nagkunwari akong hindi ito nangyayari sa akin. Kinumbinsi ko ang sarili ko na hindi ko na iisiping muli ang mga ito.

Pero patuloy pa ring sumasagi sa isip ko ang pagpapakamatay sa panahong hindi ko inaasahan. Malakas ang tukso na tapusin ko na ang napakatinding sakit. Subalit gusto kong gumaling. Bagaman hindi ko naunawaan noon na dumaranas ako ng malalang sakit (isang sakit na matindi at biglaan), alam ko na maaari akong gumaling. Kaya humingi ako ng basbas ng priesthood.

Ang asawa ko, na hindi alam ang mga paghihirap ko, ay nagbigkas ng mga pagpapala na sinabing alam ng Ama sa Langit ang nangyayari sa akin. Nangako siya na kaya kong harapin ang mga hamon sa akin. Ang agarang paggaling ay hindi solusyon pero alam ko na tutulungan ako ng Ama sa Langit para malampasan ang mga paghihirap ko.

Sumapit ang tag-init, at puno ito ng liwanag at mahahabang araw. Kahit kailan ay hindi dumilim, kahit sumapit na ang hatinggabi. Sumaya ako at bumalik sa dating ako. Subalit habang umiiksi ang mga araw nang sumapit ang Setyembre, bumalik ang aking depresyon at sumaging muli sa isip ko ang pagpapakamatay. Natakot ako. Noong una ay sinikap kong gawin ang ginawa ko noong nakaraang taon: lalong nagdasal, lalong nag-ehersisyo, at lalong ginalingan ang lahat ng bagay. Ngunit ang tuksong magpakamatay ay lalong lumakas at tumindi. Nahirapan ako sa loob ng dalawang buwan at sa huli ay naging maliwanag sa akin na hindi ko kakayanin ang isa pang taglamig nang mag-isa. Napag-isip-isip ko na biniyayaan tayo ng Ama sa Langit ng mga makabagong lunas at mga doktor. Para gumaling, kinailangan kong maging handang makipag-usap sa ibang tao tungkol sa aking depresyon at magpatingin sa doktor.

Ang humingi ng tulong ang pinakamahirap na bagay na ginawa ko. Halos hindi ako makapagsalita sa kaiiyak nang sabihin ko sa asawa ko ang tungkol sa aking depresyon at na kailangan ko ng tulong. Hindi ko masabi ang salitang pagpapakamatay nang malakas. Nakipag-appointment ang asawa ko sa isang psychiatrist para sa akin.

Niresetahan ako ng doktor ng gamot na nakatulong sa akin na makayanan ang taglamig. Tulad ng maraming tao, nahirapan akong mahanap ang tamang dosis at harapin ang mga epekto nito. Naghatid ito ng karagdagang stress sa aming mag-asawa at pamilya, ngunit sinuportahan ako ng aking asawa at mga anak.

Nang sumapit ang tagsibol, nawala ang depresyon ko, at hindi ko na kinailangan ang gamot. Lumipat kami sa isang maaraw na lunsod. Akala ko ay maayos na ang lahat at na mawawala na ang sakit ko sa pag-iisip. Pero hindi ako tuluyang gumaling. Nakonsensya ako sa mga iniisip, nararamdaman at pagtatangka ko noon. Hindi ko nagustuhan na natanto ng mga tinedyer kong anak na may ugali akong magtangkang magpakamatay. Naramdaman ko na para bang sinayang ko ang mahigit isang taon ng buhay ko.

At saka, natatakot ako—lalo na nang dumating na naman ang maiikling araw ng Setyembre. Naranasan ko araw-araw ang maalala ang mga dati kong nararamdaman at natakot ako na baka dumanas akong muli ng matinding depresyon. Ngunit nakita ko ang tulong na ginawa ng Panginoon sa buhay ko nang makilala ko ang isang kahanga-hangang doktor ko at sinimulan ko ang therapy. Nalaman ko na dumaranas rin ako ng post-graduate stress disorder (PTSD). Sa patnubay ng doktor, hinarap ko ang PTSD.

At pagkatapos ay naranasan ko ang isang himala. Matapos akong taimtim na manalangin at hangarin ang biyaya ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas sa buhay ko, mabilis at kapansin-pansin na inalis ng Panginoon ang mga nadarama kong pagkabagabag. Ipinaliwanag ng kanyang tinig na hindi ko kailangang mabagabag dahil ang depresyon ay hindi ko kasalanan. Pasan na ni Jesucristo ang bigat nito para sa akin sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Kanyang Pagbabayad-sala. Napuno ako ng liwanag at nadama na may pag-asa pa akong muli.

Christ healing woman

Hindi ko alam ang lahat ng dahilan kung bakit kailangan kong danasin ang hirap ng nakamamatay na sakit. Bagama’t dala ko pa rin ang lahat ng alaala, ang sakit sa isip at katawan ay naglaho na. Araw-araw nagpapasalamat ako sa aking pamilya, sa aking doktor, at sa oras ko rito sa lupa. Dahil sa sakit ko, nagkaroon ako ng pag-unawa at pagmamahal sa iba. Umunlad ako sa emosyonal at espirituwal na aspeto at nagkaroon ng kaalaman na hindi ko matatamo kung hindi nangyari ang mga ito. Naranasan ko ang mahahalagang espirituwal na sandali kasama ang aking Ama sa Langit at ang aking Tagapagligtas. Ang mga karanasan ko ay naghikayat sa akin na mahalin ang buhay.