Ano ang dapat kong gawin kung nagdududa ako sa isang bagay na itinuro ng propeta?
Nang itatag ang ipinanumbalik na Simbahan, tumanggap si Joseph Smith ng paghahayag na nagsasabi sa mga naunang Banal, “Ang kanyang salita [ng propeta] ay inyong tatanggapin, na parang mula sa sarili kong bibig, nang buong pagtitiis at pananampalataya” (D at T 21:5).
Sinabi rin ni Joseph Smith na “ang propeta [ay] isang propeta lamang kapag kumikilos nang naaayon dito.”1 Nangangahulugan ito na “ang isang pahayag ng isang lider sa isang pagkakataon ay kadalasang kumakatawan sa personal na opinyon, bagama’t pinag-isipang mabuti, at hindi nilayong maging opisyal o maybisa sa buong Simbahan.”2 Ito ay karaniwang kitang-kita kapag ang propeta ay “kumikilos nang naaayon dito,” tulad ng pagtugon sa mga miyembro ng Simbahan sa opisyal na katungkulan.
Pribiliheyo nating humiling sa Ama sa Langit ng sarili nating patotoo “tungkol sa anumang naipahayag ng Kanyang propeta.”3 Kung wala tayong natatanggap na patotoo, dapat nating pag-aralan ang sinabi ng iba pang mga propeta tungkol sa bagay na iyon at piliin ang gagawing hakbang. Ang pinakamainam na gawin ay sundin ang pinagsama-sama at di-nagbabagong payo ng mga propeta “nang buong pagtitiis at pananampalataya.” Kapag ginawa natin ito, pagpapalain tayo (tingnan sa 1 Nephi 2:11, 16, 19).