2016
Mga Kautusan = Pagmamahal
September 2016


Mga Kautusan = Pagmamahal

Ano ang kinalaman ng pagmamahal sa mga kautusan?

young man holding sign

Kapag iniisip ninyo ang mga kautusan, maaari ninyong isipin ang mga tapyas na bato, patakaran, hangganan, mga hinihingi o ipinagagawa. Siguro hindi mo kaagad maiisip ang tungkol sa pagmamahal. Ano ang kinalaman ng pagmamahal sa mga kautusan?

Siyempre, lahat-lahat.

Dahil Mahal Niya Tayo

Naaalala ba ninyo nang kayo ay maliliit pa at hindi kayo pinayagan ng inyong mga magulang na maglaro sa kalsada na maraming sasakyan at taong dumaraan? o nang pinakakain kayo ng mas maraming gulay o pinatutulog nang mas maaga kaysa gusto ninyo?

Siguro hindi ninyo naunawaan kung bakit napakaraming patakaran. At siguro ay hindi rin kayo palaging masaya dahil doon. Subalit ngayong lumaki na kayo, nakikita ba ninyo kung bakit binigyan kayo ng mga magulang ninyo ng gayong mga patakaran?

Iyon ay dahil mahal nila kayo at nais nila ang pinakamabuti para sa inyo.

Bilang pinakaperpektong magulang, nagbibigay sa atin ang Ama sa Langit ng mga patakaran o kautusan sa ganyan ding dahilan: mahal Niya tayo at hangad ang pinakamabuti para sa atin. Higit pa riyan, nais Niyang maging katulad tayo Niya at tanggapin ang lahat ng mayroon Siya.

Ipinaliwanag ito ni Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol sa pamamagitan ng talinghagang ito:

“Alam ng isang mayamang ama na kung ipagkakaloob niya ang kanyang kayamanan sa isang batang hindi pa nagkakaroon ng kailangang karunungan at pangangatawan, ang pamana ay malamang na masayang lamang. Sinabi ng ama sa kanyang anak:“

‘Lahat ng mayroon ako ay nais kong ibigay sa iyo—hindi lamang ang yaman ko, pero gayon din ang aking kalagayan at katayuan sa mata ng tao. Yaong meron ako ay madali kong maibibigay sa iyo, pero yaong kung sino ako ay dapat makamtan mo sa iyong sarili. Ikaw ay magiging karapat-dapat sa iyong mana sa pamamagitan ng pagkatuto ng natutuhan ko at sa pamumuhay tulad ng ginawa ko. Bibigyan ko ikaw ng mga batas at alituntunin kung saan nakuha ko ang aking karunungan at pangangatawan. Sundin ang halimbawa ko, nagpapakadalubhasa gaya ng pagpapakadalubhasa ko, at ikaw ay magiging tulad ko, at lahat ng mayroon ako ay mapapasaiyo.’”1

Gaya ng ama sa kuwento ni Elder Oaks, nais ng Ama sa Langit na magkaroon tayo ng lahat ng mayroon Siya at maging lubos na katulad Niya. Ang Kanyang mga utos ay tulad ng mga batong tuntungan upang tulungan tayong matuto at umunlad at maging katulad Niya.

“Ibinibigay ko sa inyo ang isang bagong kautusan, … o, sa madaling salita, ibinibigay ko sa inyo ang mga tagubilin kung paano kayo kikilos sa harapan ko, upang ito ay bumalik para sa inyong kaligtasan” (D at T 82:8–9).

Tulad ng isang paslit na hindi nauunawaan kung bakit hindi siya pinapayagang maglaro sa gitna ng abala at mapanganib na kalsada, hindi natin laging nauunawaan ang dahilan ukol sa ilang kautusan o pamantayan. Ngunit kapag naunawaan natin na binibigyan tayo ng Diyos ng mga kautusan dahil mahal Niya tayo at nais na gabayan tayo upang maging katulad Niya, nagiging mas madaling sundin Siya.

Dahil Mahal Natin Siya

Pwede ninyong isipin na bawat kautusan ay isang malaking karatula na “Mahal kita!” mula sa Diyos. At kapag pinili nating sundin ang Kanyang mga utos, parang sinasabi rin nating “Mahal kita!” pabalik sa Kanya.

Si Pangulong Dieter F. Uchtdorf, Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan, ay ganito ang sinabi nang sagutin niya ang tanong na “Bakit tayo mag-aabala sa mga utos ng Diyos?”

“Sinusunod natin ang mga utos ng Diyos—dahil sa ating pagmamahal sa Kanya! …

“… Ang ating pagsunod sa mga utos ng Diyos ay nagiging likas na bunga ng ating walang-hanggang pagmamahal at pasasalamat sa kabutihan ng Diyos.”2

Ibinigay sa atin ng Ama sa langit ang lahat ng mayroon tayo—mula sa kakayahang kumilos hanggang sa mismong hangin na ating hinihinga—at ang tanging hiling Niya ay sundin ang Kanyang mga kautusan (tingnan sa Mosias 2:21–22). Iyan ang pinakamainam na paraan na maipapakita natin ang ating pagmamahal at pasasalamat sa Kanya.

Sinabi ito ni Jesucristo mismo (tingnan sa Juan 14:15).

Bakit tayo binibigyan ng Ama sa Langit ng mga kautusan? Dahil mahal Niya tayo.

Bakit natin sinusunod ang Kanyang mga kautusan? Dahil mahal natin Siya.

Ang mga kautusan ay katumbas ng pagmamahal.

Ganyan iyan kasimple.

Mga Tala

  1. Dallin H. Oaks, “The Challenge to Become,” Liahona, Ene. 2001, 40.

  2. Dieter F. Uchtdorf, “Ang Kaloob na Biyaya,” Liahona, Mayo 2015, 109.