Mga Banal sa mga Huling Araw
Kumilos na Ako sa Pagkakataong Ito
Inilagay ko ang aking anak na babae sa luma nang car seat. Wala kaming masyadong pera, kaya nagpapasalamat ako sa binigay na luma nang gamit na ito. Nagsilbi itong booster seat dahil hindi na kasya ang anak kong babae sa dati niyang car seat. Nasabik akong gawin ang mga lakarin ko sa magandang araw na iyon.
Huminto kami sa una naming pupuntahan, ang library. Habang kinukuha ang anak ko mula sa car seat, napansin ko ang isang bata pang babaeng Latino na nakaparada sa tabi namin. Isang sanggol, na hindi pa kayang ituwid ang kanyang sarili, ang nakabaluktot na nakaupo sa likod ng sasakyan. Nahirapan ang ina na higpitan ang seat belt para maiupo ang sanggol nang maayos dahil sa maliit niyang katawan. Dalawang bagay ang pumasok sa isipan ko.
“Wala siyang car seat para sa kanyang anak. Pwede kong ibigay iyong sa akin.”
At pagkatapos ay sinabi ko sa sarili ko na huwag na itong gawin.
“Siguro hindi naman siya nagsasalita ng Ingles. Baka masaktan ko pa ang damdamin niya. Lumang-luma na ang car seat ko, baka hindi niya ito magustuhan. Kung gusto man niya ito, paano ko ito papalitan?”
Kaya wala na lang akong ginawa.
Umupo siya sa driver’s seat at umalis na.
Bago ako nakarating sa pintuan ng library, labis akong nabagabag. Alam ko na mali ang naging desisyon ko, at walang paraan para itama ang pagkakamaling iyon.
Hinatak ko ang mga pintuan pero hindi ito gumalaw. Sarado pa ang library. Itinuloy ko ang iba ko pang lakad at patuloy ko ring binabalik-balikan sa isip ko ang pangyayari, nakokonsensya dahil wala akong ginawa.
Matapos ang huli kong lakad, nagpasiya akong bumalik sa library. Pumarada ako sa dating pinaradahan ko. Nagulat ako nang makita ko ang parehong ina at anak na sanggol na lalaki na nakaparada sa tabi ko. Napakalaking ginhawa ang naramdaman ko sa puso ko.
Sa pagkakataong ito, kumilos ako nang walang pag-aalinlangan. Kinuha ko ang car seat at lumapit sa bata pang ina. Hindi siya marunong mag-Ingles. Gamit ang pagsenyas, itinuro ko ang kanyang sanggol, ang car seat at ang kanyang kotse. Pinagtulungan naming ilagay ang car seat sa kanyang kotse. Habang ipinapakita ko sa kanya kung paano ito gamitin, alam ko na ang tanging salitang Espanyol na kailangan kong malaman: “gracias.”
Umapaw sa pasasalamat ang puso ko sa isang maawaing Ama sa Langit dahil binigyan Niya ako ng pangalawang pagkakataon na tulungan ang isang kapatid na nangangailangan.
Dinagdagan ko ng huling gagawin ang listahan ko—pagpunta sa malapit na thrift store. Inilagay ko ang aking anak sa upuan at maingat na nagmaneho papunta sa tindahan. Sa likuran ng tindahan, nakalagay sa sahig ang isang car seat—na kaparehong-kapareho ng kabibigay ko pa lang at parehong luma na. Binili ko ito, at hindi ako makapaniwala at napakumbaba sa pagkakasunud-sunod ng mga pangyayari ng umagang iyon.
Sa pamamagitan ng magiliw ngunit mabisang turo ng Tagapagligtas, ang aral na iyon ay malalim na tumanim sa puso ko: sundin ang mga pahiwatig ng Espiritu Santo—sa unang pagkakataon.