Dinirinig ng Ama sa Langit ang Inyong mga Dalangin
Minsan noong bata pa ako, kinailangan kong malaman kung kilala ako ng Ama sa Langit at kung nauunawaan Niya ang mga problema na nararanasan ko. Hiniling ko sa Kanya na ipaalam sa akin ang isang banal na kasulatan na magpapagaan sa aking pakiramdam. Binuklat ko ang mga banal na kasulatan at nabasa ko, “Nangagagalak tayo sa ating mga kapighatian na nalalamang ang kapighatian ay gumagawa ng katiyagaan, at ang katiyagaan, ng pagpapatunay; at ang pagpapatunay, ng pagasa: at ang pagasa ay hindi humihiya; sapagka’t ang pagibig ng Dios ay nabubuhos sa ating mga puso” (Mga Taga Roma 5:3–5). Itinuro sa akin ng banal na kasulatang ito na ang mga mahihirap kong karanasan ay makatutulong sa akin na magkaroon ng pagtitiyaga, karanasan, at pag-asa, at madama ang pagmamahal ng Diyos para sa akin. Alam ko na dinirinig ng Ama sa Langit ang panalangin ko at sinasagot ako sa pamamagitan ng mga banal na kasulatan. May pananampalataya ako na magiging maayos ang lahat.
Nalaman din ng aking apo na si Stuart na pinakikinggan ng Ama sa Langit ang ating mga panalangin. Kailangan niya ng isang kaibigan sa paaralan. Nagpasiya sila ng kanyang ina na manalangin upang matulungan siyang makakita ng isang kaibigan. Tuwing tumutunog ang recess bell araw-araw, alam ni Stuart na ipinagdarasal siya ng kanyang ina. Hindi nagtagal ay nagkaroon siya ng isang bagong kaibigan! Nalaman ni Stuart na may malasakit ang Ama sa Langit sa kanyang mga pangamba. Nalaman niya na sasagutin ng Ama sa Langit ang kanyang mga panalangin.
Noong 10 taong gulang ang apo kong si Jack, sumali siya sa isang soccer team. Kinausap ni Jack ang kanyang mga magulang at nagdesisyon na igagalang niya ang araw ng Sabbath at hindi siya maglalaro sa araw ng Linggo. Nag-alala siya na hindi siya humuhusay dahil hindi siya nakakasali sa mga laro sa araw ng Linggo. Alam ng nakababatang kapatid ni Jack na si Charles na nag-alala siya. Isang araw si Charles ang nanguna sa panalangin ng kanilang pamilya. Hiniling niya sa Ama sa Langit na tulungan si Jack na huwag mag-alala tungkol sa soccer. Alam ni Charles na ang isang mabisang paraan upang matulungan niya ang kanyang kapatid ay ang ipagdasal ito. May pananampalataya siya na makatutulong kay Jack ang kanyang panalangin.
Kailangan natin ng tulong sa buhay na ito, at nais ng Ama sa Langit na bigyan tayo ng tulong na iyon. Mahal Niya tayo. Makikinig Siya kapag tayo ay nanalangin!