“Nagkakatipon sa Aking Pangalan”
Ang awtor ay naninirahan sa California, USA.
Inilaan ng Panginoon ang mga ward at branch council upang tulungan tayong maglingkod nang may pagmamahal at pagkakaisa.
Hindi pa katagalan dumalo ako sa family home evening ng isang pamilyang mahal na mahal ko: isang bata pang mag-asawa at kanilang maliit na anak na babae. Bilang bishop nila naroon ako sa kanilang tahanan dahil nainspirasyunan ako ng Espiritu at dahil din nainspirasyunan ang mapagmalasakit na ina at kapatid na babae ng bata pang ama na ito, na naroroon din. Tinutulungan ng Panginoon ang pamilyang ito na makagawa ng malalaking pagbabago sa kanilang buhay at maibalik sa kanila ang mga pagpapala ng ebanghelyo at Simbahan. Ngunit may nangyari noong araw na iyon.
Maraming buwan nang nababahala ang bata pang amang ito kung paano niya bubuhayin ang kanyang pamilya. Matatapos na ang termino niya sa trabaho, at siya at ang kanyang asawa ay nasa gitna ng pagdedesisyong lumipat sa ibang estado. Nangangahulugan iyon na magkakaroon ng malalaking pagbabago sa pamilya. Maaga noong araw na iyon nalaman ng amang ito na ang labis niyang inaasahang pinansyal na tulong ay hindi na darating; nakapanlulumo itong balita.
Pagdating ko sa apartment nila, nakita ko ang matinding panghihina ng loob sa kanyang mukha. Ang responsibilidad na maglaan para sa pamilya at ang masamang balita ay nakaragdag sa problema ng bata pang amang ito.
Nakapili ang kanyang asawa ng isang kabanata sa mga banal na kasulatan para sa lesson upang makatulong sa nadarama nilang panghihina ng loob. Binasa ng ama ang buong kabanata. Maaalala ninyo ang mga salitang ito mula sa Isaias 55:
“Lahat na nangauuhaw, magsiparito kayo sa tubig at siyang walang salapi; magsiparito kayo, kayo’y magsibili, at magsikain; oo, kayo’y magsiparito, kayo’y magsibili … ng walang salapi at walang bayad. …
“Sapagka’t ang aking mga pagiisip ay hindi ninyo mga pagiisip, o ang inyo mang mga lakad ay aking mga lakad, sabi ng Panginoon” (mga talata 1, 8).
At pagkatapos ay tinalakay ng pamilya kung ano ang ibig sabhin ng mga talatang iyon para sa kanila. Napuspos ng Espiritu ng Panginoon ang maliit na apartment na iyon at ang family home evening ay nauwi sa family council. Ibinahagi ng bata pang ama ang kanyang takot at mga alalahanin at hangarin, at lahat ay nagbahagi ng kanilang pagmamahal at pagmamalasakit sa isa’t isa. Pinag-usapan nila kung ano ang gagawin, ang mga opsiyon na mayroon sila, at kung anong mga hakbang ang susundin.
Pag-uusap iyon na makapagsasalita o makapagbibigay ng opinyon ang lahat. Mayroong ilang mga di pagkakasundo. Nainspirasyunan akong makinig lamang at magmasid. Sa huli, sa pagkakaisa ng mag-asawa, nagpasiya sila na gumawa ng desisyon kasama ang Panginoon sa pamamagitan ng panalangin. Pagkatapos ay nagbigay ako ng mga salita ng pagsuporta at paghihikayat.
Ang Huwaran ng Paghahayag ng Panginoon
Naaalala ko na ilang beses kong nadama ang Espiritu ng Panginoon nang mas matindi pa kaysa sa nadama ko doon sa maliit na apartment nang gabing iyon kasama ang mapagkumbaba at nahihirapang pamilyang iyon. Isang katuparan iyon ng pangako ng Panginoon na ibinigay sa Kanyang mga disipulo noon: “Kung saan may dalawa o tatlong nagkakatipon sa aking pangalan, ukol sa isang bagay, masdan, ako ay naroroon sa gitna nila—maging ako ay nasa gitna ninyo” (D at T 6:32).
Ang mga salitang iyon ng Tagapagligtas ay hindi lamang mabuting payo o simpleng salita ng kapanatagan. Para sa batang propetang si Joseph Smith at Oliver Cowdery, ang mga salitang iyon ng Tagapagligtas ang nagtakda ng doktrina at huwaran sa pagtamo ng paghahayag at patnubay at sa paggawa ng mga desisyon sa kaharian ng Diyos.
Ang Panginoon ay nasa gitna ng family council nang gabing iyon. Inanyayahan nila ang Kanyang Espiritu sa pamamagitan ng panalangin at pag-aaral ng mga banal na kasulatan. Nagkakaisa sila sa layunin. Sila ay napuspos ng pagmamahal sa isa’t isa. Dinala nila ang kanilang pinakamainam na mga ideya at karanasan at inihayag sa harapan ng bawat isa at sa harapan ng Panginoon at hiningi ang Kanyang patnubay. Gumawa sila ng desisyon na nagkakaisa at pagkatapos ay kumilos.
Ang Simbahan ay Pinamamahalaan sa pamamagitan ng mga Council
Itinuro sa hanbuk ng Simbahan ang doktrina ng council:
“Ang Simbahan ng Panginoon ay pinangangasiwaan sa pamamagitan ng mga council sa general, area, stake at ward level. Ang mga council na ito ay mahalaga sa kaayusan ng Simbahan.
“Sa ilalim ng mga susi ng pamunuan ng priesthood sa bawat antas, ang mga lider ay nag-uusap-usap para sa kapakanan ng indibiduwal at mga pamilya.”1
Sa lahat ng antas ng Simbahang ito, sinisikap nating mangasiwa ayon sa ganoon ding mga alituntuning itinuro ng Tagapagligtas sa Kanyang mga disipulo at kina Oliver at Joseph—na magkakasama sa pagkakaisa at kapulungan.
Ang bawat ward ay may ward council na “kinabibilangan ng bishopric, ward clerk, ward executive secretary, high priests group leader, elders quorum president, ward mission leader, at mga pangulo ng Relief Society, Young Men, Young Women, Primary, at Sunday School.”2
Lahat ng ginagawa ng grupong ito ng mga lider ng ward ay nakatuon sa pagtulong sa “mga indibiduwal na palakasin ang kanilang patotoo, tumanggap ng nakapagliligtas na ordenansa, sundin ang mga tipan, at maging inilaang mga disipulo ni Jesucristo.”3
Maaaring narinig na ninyo ang pahayag na ito “May kaligtasan sa pagsasanggunian.”4 Bakit? Isa sa mga dahilan ay ang simpleng katotohanan na wala ni isa sa atin ang kasingtalino ng marami na sama-sama. Bawat isa sa atin ay may kakaibang pananaw at mga karanasan at ideya.
Itinuro rin sa hanbuk ng Simbahan kung paano nagiging mas epektibo ang ward council sa pagkilala sa iba’t ibang pananaw ng bawat miyembro ng council: “Habang nagpupulong, ipinapaliwanag ng bishop ang bawat bagay na pag-uusapan, ngunit karaniwang hindi siya nagpapasiya kung paano ito lulutasin hangga’t hindi niya naririnig ang talakayan tungkol dito. Naghihikayat siya ng talakayan nang hindi ito pinangungunahan. Nagtatanong siya at maaaring humingi ng mungkahi sa mga miyembro ng council. Nakikinig siya nang mabuti bago magdesisyon. Ang talakayang ito ay dapat naghihikayat ng diwa ng inspirasyon.”5
Sa madaling salita, ibinabahagi natin ang ating mga kakaibang talento at kakayahan at pananaw. Nakikiusap tayo sa Panginoon na samahan tayo, gabayan tayo ng Kanyang Espiritu, punan ang ating mga pagkukulang, at tulungan tayong malaman ang mga pangangailangan ng mga miyembrong pinaglilingkuran natin. Tinatalakay natin ang pangangailangan ng mga pamilya at indibiduwal at sinisikap na magkaroon ng iisang desisyon. Pagkatapos ay gumagawa tayo at hiniling sa Panginoon na pagpalain ang mga miyembro ng ward.
Sama-Samang Magsanggunian sa Ward Council
Walong buwan bago ako dumalo sa home evening ng pamilyang iyon, nagtipon ang ward council sa umaga ng Linggo. Sinimulan namin ito sa panalangin at nanood ng video tungkol sa pagtulong sa mga indibiduwal at pamilya na matanggap ang mga biyaya at mga ordenansa ng ebanghelyo. Tinanong ko ang mga miyembro ng council kung may naisip silang miyembro habang pinanonood ang video. Humantong iyon sa isang talakayan tungkol sa pamilyang ito. Ipinahayag namin ang aming pagmamahal sa kanila. Tinalakay namin ang mga tungkuling maaaring ibigay sa kanila, paano namin matutulungan ang amang pagsikapang matanggap ang Melchizedek Priesthood, at paano namin matutulungan ang mag-asawa na pagsikapang matanggap ang mga ordenansa sa templo.
Bilang bishop nagbigay ako ng ilang assignment. Malapit nang matapos ang talakayan, ngunit may isang bagay akong nadama na parang hindi tama. Ang Young Women president ang sa huli ay nagsabi, “palagay ko, napakabilis ng pagpapasya natin. Sa palagay ko parang kailangan nating magtuon muna sa mga pangunahing alituntunin tulad ng family home evening at pagbabasa ng mga banal na kasulatan at panalangin.” Pagkatapos ay nadama kong ito ang tamang gawin. Nagsalita siya, hindi para sa organisasyon ng Young Women, kundi dahil sa pagmamahal niya sa pamilyang ito, at sa sandaling iyon ang Espiritu ay nagpatotoo sa amin ng katotohanan ng kanyang mungkahi.
Nagpatuloy ang talakayan dahil sa sinabi ng sister na ito. Pinag-usapan namin kung paano tutulungan ang pamilya na ugaliin ang pag-aaral ng banal na kasulatan, pagdarasal, at pagpa-family home evening. Naglilingkod bilang isa sa aming mga ward missionary ang kapatid na babae ng amang ito, kaya nakipagtulungan ang ward mission leader at mga home teacher sa kanya na masimulan ang regular na family home evening. Inihatid naming mag-asawa ang isang kopya ng Family Home Evening resource guidebook at himnaryo sa kanilang tahanan.
Ang patuloy na suporta at lakas ay nagmula sa ina at kapatid na babae ng bata pang amang ito sa pamamagitan ng kanilang palaging pagdalo sa family home evening kasama ang pamilya, na sa huli ay humantong sa mahalagang gabing iyon ng pamilya na ikinarangal kong madaluhan.
Sinabi sa hanbuk: “Dapat madama ng kalalakihan at kababaihan na ang kanilang mga mungkahi ay pinahahalagahan bilang lubos na kabahagi ng council. … Kung minsan, ang opinyon ng kababaihan ay naiiba sa kalalakihan, at ito ay nakadaragdag ng mahalagang pananaw sa pag-unawa at pagtugon sa mga pangangailangan ng mga miyembro.”6 Bilang bata pang bishop, naupo ako sa council kasama ang mga pangulo ng Primary, Young Women at Relief Society na may higit na karunungan at karanasan at kabatiran sa buhay kaysa sa akin. Sila kadalasan ang mga tagapagturo ko sa mga katangian ni Cristo at maging sa pagiging mabuting ama at priesthood holder.
Nagpapasalamat ako sa mga kababaihan ng Simbahang ito. Umaasa ako na hindi kailanman madarama ng ating kababaihan na hindi sila napapakinggan o nababalewala sila sa mga miting ng council. Ang mga miyembro ng ward council ay naglilingkod na magkakapantay. Ang mga susi ng panguluhan na ibinigay sa bishop ay para sa kaayusan, organisasyon, at pag-aatas ng responsibilidad at hindi kailanman ibinigay upang makapangibabaw o maging mataas sa espirituwal.
Pagkakaisa
Inilarawan ng hanbuk ang kahalagahan ng pagkakaisa: “Pagkatapos ng malayang talakayan, maaari nang gumawa ng desisyon ang bishop, o maaari ding talakayin pa nila ng kanyang mga counselor ang bagay na ito. Pagkatapos niyang gumawa ng desisyon, ang mga miyembro ng council ay dapat suportahan ito nang may pagkakaisa at pagkakasundo.
“Kapag hindi komportable ang nadarama ng mga miyembro ng council tungkol sa isang mahalagang desisyon, maaaring magkaroon ng isa pang council meeting ang bishop upang isaalang-alang ang desisyon at humingi ng espirituwal na pagpapatibay at pagkakaisa.”7
Ang pagkakaisa ay isa pang dahilan kaya may kaligtasan sa council. Kung minsan bilang mga indibiduwal iniisip natin na alam natin kung ano ang mga hakbang na gagawin, at madalas sabik tayong malaman kaagad ang resulta nito. Nalilimutan natin na ang pangunahing layunin ng Panginoon ay hindi ang kung paano bumuo ng planong gagawin. Iyon ay ang makilala Siya ng bawat anak Niya. Naaalala ninyo kung paano manalangin ang Panginoon para sa Kanyang mga disipulo:
“Ito ang buhay na walang hanggan, na ikaw ay makilala nila na iisang Dios na tunay, at siyang iyong sinugo, sa makatuwid baga’y si Jesucristo. …
“Idinadalangin ko sila: hindi ang sanglibutan ang idinadalangin ko, kundi yaong mga sa akin ay ibinigay mo; sapagka’t sila’y iyo. …
“… Amang Banal, ingatan mo sila sa iyong pangalan yaong mga ibinigay mo sa akin, upang sila’y maging isa, na gaya naman natin. …
“Ako’y sa kanila, at ikaw ay sa akin, upang sila’y malubos sa pagkakaisa” (Juan 17:3, 9, 11, 23).
Ang layunin ng Panginoon ay na tayo ay maging sa Kanya—na tayo ay maging isa sa Kanya, sa ating Ama sa Langit, at sa isa’t isa. Ang proseso ay kasinghalaga ng resulta nito. Ang mga council ay bahagi ng mga paraan na inilaan ng Diyos kung saan ang pagkakaisa ay natatamo at kung saan tayo ay nagiging kay Cristo. Ipinahayag ng Panginoon, “Maging isa; at kung hindi kayo isa kayo ay hindi sa akin” (D at T 38:27).
Ang utos na iyon ay maaari ring gamitin bilang isang batayan. Halimbawa, maaaring ganito rin ang sabihin ng Panginoon, “Sa ganito’y malalaman ninyo na kayo ay sa akin, kung kayo ay isa at isa sa akin.”
Ang ama ng pamilya ay maaaring tumanggap ng paghahayag na ang paglipat ng pamilya ay magdudulot ng pagpapala at pagkakaisa. Ngunit kung wala ang pagkakaisa ng kanyang asawa at mga anak, ang kanyang plano ay hindi magdadala ng inaasahang mga resulta.
Ang bishop ay maaaring tumanggap ng paghahayag para sa ward mission plan, ngunit maliban kung ang ward council ay nagkakaisa sa paghahayag na iyan, hindi darating ang mga pagpapala, at ang bishop ay maiiwang nag-iisip kung ano ang naging mali.
Ganito inilarawan ni Pangulong Russell M. Nelson, Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol, ang pagkilos ng Kapulungan ng Unang Panguluhan at Korum ng Labindalawang Apostol:
“Ang pagtawag sa 15 kalalakihan sa banal na pagkaapostol ay naglalaan ng malaking proteksyon para sa atin bilang mga miyembro ng Simbahan. Bakit? Dahil kailangan ay nagkakaisa ang mga desisyon ng mga pinunong ito. Naiisip ba ninyo kung gaano kailangang bigyang-inspirasyon ng Espiritu ang 15 lalaki para magkaisa sila? Ang 15 lalaking ito ay may iba’t ibang pinag-aralan at propesyon, magkakaiba ang opinyon tungkol sa maraming bagay. Maniwala kayo! Alam ng 15 lalaking ito—mga propeta, tagakita, at tagapaghayag—ang kalooban ng Panginoon kapag nagkaisa sila!”8
Pinatototohanan ko na ang Panginoon ay interesado sa mga detalye ng buhay ng bawat isa sa atin. Lagi akong namamangha sa kung gaano kahanda ang Tagapagligtas na humayo, o magpadala ng isa sa Kanyang mga lingkod, upang sagipin ang isa sa Kanyang mga anak. Nagpapasalamat ako para sa mga council na itinalaga na kaakibat ang responsibilidad na pangalagaan ang mga anak ng Ama sa Langit.
Para malaman pa ang tungkol sa mga family council, tingnan sa mensahe ni Elder M. Russell Ballard sa pangkalahatang kumperensya ng Abril 2016 na, “Mga Family Council.”