2016
Ang Malaking Hadlang sa Sion
September 2016


Hanggang sa Muli Nating Pagkikita

Ang Malaking Hadlang sa Sion

Mula sa “Beware of Pride,” Ensign, Mayo 1989, 4–7. Isinunod sa pamantayan ang pagbabantas.

Ang kapalaluan ay talagang likas na pakikipagkumpitensya.

man blowing trumpet

Paglalarawan © ng iStock/Thinkstock

Ang kapalaluan ay isang kasalanang di gaanong nauunawaan, at marami ang nagkakasala nito nang di nalalaman (tingnan sa Mosias 3:11; 3 Nephi 6:18). Sa mga banal na kasulatan walang nakasulat na matwid na kapalaluan—lagi itong itinuturing na kasalanan. …

Ang pinakatanda ng kapalaluan ay pagkapoot—pagkapoot sa Diyos at sa ating kapwa. Ang kahulugan ng pagkapoot ay “pagkamuhi, pagiging masungit, o pagsalungat.” Ito ang kapangyarihang hangad ni Satanas para makapaghari sa atin.

Ang kapalaluan ay talagang likas na pakikipagkumpitensya. Sinasalungat natin ang kalooban ng Diyos. Kapag nagmamataas tayo sa Diyos, iyon ay dahil sa ugaling “ang aking kalooban ang masusunod at hindi ang inyo.” …

Ang ating kalooban na salungat sa kalooban ng Diyos ay nagpapahintulot sa mga di mapigilang pagnanasa, gana, at silakbo ng damdamin (tingnan sa Alma 38:12; 3 Nephi 12:30).

Hindi matatanggap ng palalo ang awtoridad ng Diyos na pumatnubay sa kanilang buhay (tingnan sa Helaman 12:6). Iginigiit nila ang pagkaunawa nila sa katotohanan laban sa dakilang kaalaman ng Diyos, ang kanilang mga kakayahan laban sa kapangyarihan ng priesthood ng Diyos, ang kanilang mga nagawa laban sa Kanyang mga dakilang gawain.

… Nais ng mga palalo na sumang-ayon sa kanila ang Diyos. Ayaw nilang baguhin ang kanilang mga opinyon para umayon ito sa Diyos.

Isa pang malaking bahagi ng laganap na kasalanang ito ng kapalaluan ang pagkapoot sa ating kapwa. Natutukso tayo araw-araw na mas iangat ang ating sarili kaysa sa iba at hamakin sila (tingnan sa Helaman 6:17; D at T 58:41).

Nagiging kaaway ng palalo ang bawat tao sa pamamagitan ng paggigiit ng kanilang talino, opinyon, trabaho, yaman, talento, o iba pang panukat ng mundo laban sa ibang tao. Sa mga salita ni C. S. Lewis: “Ang kapalaluan ay hindi nasisiyahan sa pagkakamit ng isang bagay kundi sa pagkakaroon ng mas higit nito kaysa sa iba. … Ang pagkukumpara ang dahilan kaya ka nagmamalaki: ang kasiyahan ng pagiging angat mo kaysa sa iba. Kapag wala nang pakikipagkumpitensya, wala nang kapalaluan” (Mere Christianity [1952], 109–10). …

Ang mga mapagmataas ay mas natatakot sa kahatulan ng tao kaysa kahatulan ng Diyos (tingnan sa D at T 3:6–7; 30:1–2; 60:2). Ang “Ano ang iisipin ng mga tao tungkol sa akin?” ay mas pinahahalagahan nila kaysa sa “Ano ang iisipin ng Diyos tungkol sa akin?” …

Kapag naimpluwensyahan ng kapalaluan ang ating puso, nawawalan tayo ng kalayaan sa mundo at nagpapaalipin tayo sa paghatol ng mga tao. Mas malakas ang sigaw ng mundo kaysa mga pagbulong ng Espiritu Santo. Binabalewala ng pangangatwiran ng mga tao ang mga paghahayag ng Diyos, at bumibitiw ang palalo sa gabay na bakal (tingnan sa 1 Nephi 8:19–28; 11:25; 15:23–24). …

Ang kapalaluan ay ang malaking hadlang sa Sion. Inuulit ko: Ang kapalaluan ay ang malaking hadlang sa Sion. …

Kailangan nating sundin ang mga “panghihikayat ng Banal na Espiritu,” hubarin ang palalong “likas na tao,” maging “banal sa pamamagitan ng pagbabayad-sala ni Cristo, ang Panginoon,” at maging “tulad ng isang bata, masunurin, maamo, mapagpakumbaba” (Mosias 3:19; tingnan din sa Alma 13:28).