2016
Ang Bahaging para sa Atin
September 2016


Ang Bahaging para sa Atin

Nakita ng Diyos ang Aking Kalungkutan

young woman receiving envelope

Ni Danelys W. Rodriguéz, Dominican Republic

Isang araw ng Linggo sa simbahan, napagtanto ko na malapit nang matapos ang panahon ko sa Young Women program at magiging bahagi na ako ng young single adults. Nalungkot ako dahil magbabago na ang lahat. Pagkatapos ng Sunday School, sinikap kong maging masaya, ngunit hindi ko ito magawa. Sinikap kong sabihin sa aking sarili na ayaw ng Ama sa Langit na malungkot ako, at gusto Niya akong maging masaya (tingnan sa 2 Nephi 2:25).

Muntik na akong umiyak sa balikat ng aking kaibigan sa may pasilyo nang lumapit sa akin ang ward clerk at nagsabing, “Sister Danelys, may sulat ka!” Iniabot niya sa akin ang puting sobreng nakapangalan sa akin. Interesado akong malaman kung ano iyon, kaya tinanong ko ang clerk kung kanino iyon galing. Habang paalis siya, sinabi niya sa akin na mula iyon sa patriarch at iyon ay isang kopya ng aking patriarchal blessing. Lumuha ako, ngunit ito ay mga luha ng kagalakan dahil alam kong nakita ng Diyos ang aking kalungkutan at naglaan Siya ng paraan upang magkaroon ako ng kagalakan sa aking mga kalungkutan. Sa wakas ay dumating na rin ang kopya ng aking patriarchal blessing sa mismong sandaling kailangan ko ito.

Nang makauwi ako at binasa ito, naiyak ulit ako at nanalangin at nagpasalamat sa Diyos para dito at sa pagtulong Niya sa akin na maalala kung gaano ako kapalad na maging anak Niya, at magkaroon ng liwanag ng walang-hanggang ebanghelyo sa buhay ko.

Kapag dumating ang malulungkot na panahon, at kahit hindi ko pa maunawaan ang mga ito, alam kong matutulungan ako ng Diyos na makahanap ng kaligayahan. Nalaman ko ito sa pamamagitan ng pagmamahal na ipinagkakaloob ng Diyos sa aking buhay. Ipinagkakaloob Niya sa lahat ang pagmamahal na ito, at nasa sa atin na kung tatanggapin natin ang kahanga-hangang damdaming ito. Madaraig natin ang mga pagsubok sa patnubay ng Diyos. Maaari tayong ngumiti at maging masaya.

Paglalarawan ni Ben Simonsen

Ang Paborito Kong Banal na Kasulatan

Ni Kwamena Koomson, Ghana

Helaman 5:12

Tinulungan ako ng banal na kasulatang ito na maintindihan na madaraig lamang natin ang kaaway sa pamamagitan ng pagtutuon natin ng ating buhay kay Jesucristo. Kahit na dumating ang mga pagsubok sa atin, lahat ng bagay ay posible kung tayo ay nakatayo sa bato na si Jesucristo.

Natulungan ako ng banal na kasulatang ito na manatiling matatag sa gitna ng mga pagsubok.

Alam kong buhay ang Diyos at na ipinadala Niya ang Kanyang Bugtong na Anak sa mundo upang magbayad-sala para sa mga kasalanan ng sangkatuhan.