Mula sa Misyon
Puntahan Ninyo si Rebecca
Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.
Walang lumapit sa pinto nang kumatok kami, pero alam naming kami ang ipinadala roon para tulungan ang isang anak ng Diyos.
Ilang buwan na ako noon sa aking misyon sa Illinois Chicago South Mission at naglilingkod pa rin sa aking unang area. Ang area ng mga sister na katabi namin ay isinara kamakailan, kaya responsibilidad namin ang lahat ng mga investigator na Espanyol ang salita sa lugar na iyon. Isa sa kanila ang isang babaeng nagngangalang Rebecca.
Sa unang pagkakataon na nakilala namin si Rebecca, humanga kami sa kanyang pananampalataya. Nakatira siya sa silong ng isang bahay, kaya kinailangan naming katukin ang kanyang bintana para buksan niya ang pinto para sa amin. Naturuan na siya ng mga naunang missionary matapos siyang humiling ng Finding Faith in Christ video. Kung hindi siya tumawag para sa isang video, hindi siya matatagpuan ng mga missionary kailanman.
Masasabi ko na batay sa mga sinabi niya sa amin na si Rebecca ay hirap sa buhay. Dati ay masayang-masaya siya, ngunit ngayon siya ay hiwalay sa kanyang anak na lalaki at iba pang kapamilya. Bagama’t siya ay nasa abang kalagayan, nadama ko ang pagmamahal ng Panginoon para sa kanya.
Habang tinuturuan namin siya, masasabi kong nadarama niya ang Espiritu. Labis na gumagaan ang kanyang kalooban sa aming mga pagbisita. Sa kasamaang-palad, malayo ang kanyang tirahan, at mahirap siyang mabisita nang madalas gaya ng gusto namin.
Isang araw ng Biyernes nagkaroon kami ng zone conference. Nagplano kami pagkatapos na pumunta sa bahaging iyon ng aming area dahil nangangalahati na ang layo namin doon. Tinanong namin si Rebecca kung nasa bahay siya, ngunit sinabi niyang magtatrabaho siya. Nagpasiya kaming bisitahin pa rin ang iba pang mga investigator namin sa lugar na iyon.
Natapos kami nang may natitira pang oras, at hindi namin tiyak kung ano ang gagawin. Pagkatapos ay sinabi ng kasama ko, “Palagay ko dapat nating puntahan si Rebecca at tingnan kung nasa bahay na siya.” Walang saysay ang mungkahing ito sa akin dahil sinabi sa amin ni Rebecca na wala siya sa bahay. Noon din ay may narinig akong tinig na nagsasabi sa akin, “Bumalik kayo at puntahan siya.” Nadama kong parang literal na hinihila ang aking katawan patungo sa direksyon ng bahay ni Rebecca. Iyon ang pinakamatinding impresyon na nadama ko.
Sinabi ko sa kompanyon ko na ibalik ang sasakyan, at nagpunta kami sa bahay ni Rebecca. Kumatok kami sa mga bintana nang dalawang beses, at walang sinumang sumagot. Nadismaya ako dahil alam kong may isang dahilan kaya ipinadala kami ng Panginoon. Iminungkahi ko na kumatok kami muli. Naghintay kami, at nang papaalis na kami ay binuksan ni Rebecca ang pinto.
Nasa bahay siya dahil natanggal siya sa trabaho at kailangan niyang may makausap. Ipinagdarasal niya na dumating kami. Sinabi niya sa amin na kami ay kanyang mga anghel. Nag-usap kami at napagaan namin ang kanyang pakiramdam sa pagtuturo pa sa kanya tungkol sa ebanghelyo.
Napakasaya ko na nagmamalasakit ang Ama sa Langit sa bawat isa sa Kanyang mga anak at pinakinggan ang panalangin ni Rebecca, at natutuwa ako na sinunod namin ang pahiwatig na bisitahin siya, upang kami ang maging sagot sa panalangin niya. Alam ng ating Ama sa Langit ang lahat ng bagay na nangyayari sa bawat isa sa ating buhay, at kapag tayo ay umaasa sa Kanya at humihiling nang may pananampalataya, tutulungan Niya tayo sa mga bagay na kailangan natin.