2016
Ang Aking Di-Namamalayang Investigator
September 2016


Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw

Ang Aking Di-Namamalayang Investigator

dad painting the house

Nabiyayaan ako ng mabait na mga magulang. Ang aking ina ay miyembro ng Simbahan, at bagama’t ang aking ama ay hindi miyembro, sinusuportahan niya kami sa mga aktibidad ng Simbahan. Habang lumalaki, araw-araw akong nagdarasal na sana ay sumapi na ang aking ama sa Simbahan.

Nang matanggap ko ang aking patriarchal blessing sa edad na 16, nangako ako na magiging mabuting impluwensya ako sa pagtulong sa aking ama na sumapi sa Simbahan. Kinausap ko siya tungkol sa mga bagay na natutuhan ko sa seminary. Sinabi ko sa kanya ang tungkol sa mga banal na kasulatan na nagsasabing kailangang mabinyagan at makumpirma para makapasok sa kaharian ng Diyos (tingnan sa Juan 3:5). Umiiyak, sinabi ko sa kanya ang tungkol sa mga pagpapala ng templo na maaari kaming magkasama-sama magpakailanman.

Nag-aaral ako noon sa isang maliit na paaralan sa Arizona, USA. Mayroon akong mababait na kaibigan sa hayskul kahit ako lang ang miyembro ng Simbahan sa klase ko. Noong panahong iyon, si Pangulong David O. McKay (1873–1970) ang propeta. Kadalasan ay naririnig natin ang payo niya na “bawat miyembro [ay maging] misyonero” (tingnan sa Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: David O. McKay [2015], kabanata 6). Isang tag-init, inanyayahan namin ng kapatid kong si Marilyn ang ilang kaibigan na magpaturo sa mga missionary. Tinuruan sila ng dalawang beses at pagkatapos hindi na sila naging interesado. Nalungkot kami, pero hindi nawala ang pagkakaibigan namin.

Nagkolehiyo na ako pagkatapos ng tag-init na iyon. Noong semestre sa tagsibol, nakatanggap ako ng sulat mula sa tatay ko. Isinulat niya: “Isang napakalaking karangalan na maging ama ng tahanang may mga kahanga-hangang babae. Dahil sa matatag ninyong patotoo sa ebanghelyo at sa mga pagmimiting at pagiging interesado sa iba pang kabataan noong nakaraang tag-init, nagsimula akong maging interesado sa Simbahan. Habang nagpipintura ako sa labas ng bahay at ikaw at ang mga bata ay nagmimiting sa loob, natiyak ko na sa sarili ko na sapat na ang aking pagmamasid. Maraming beses ko nang pinasalamatan ang Ama sa Langit para sa iyong ina at sa katotohanang lumaki siya sa Simbahan at sa paraan kung paano niya kayo pinalaki.”

Hindi nagtagal nabinyagan ang aking ama, at isang taon kalaunan nabuklod ang aming pamilya sa kawalang-hanggan sa Mesa Arizona Temple.

Kahit wala ni isa sa aming mga kaibigan ang sumapi sa Simbahan, ang pinakamahalagang tao sa aming buhay ay sumapi. Hindi natin alam kung paano tayo pagpapalain kapag sinunod natin ang payo ng propeta.