2016
Walang Neutral Ground: Paano Tayo Naiimpluwensiyahan ng Media
September 2016


Walang Neutral Ground: Paano Tayo Naiimpluwensiyahan ng Media

Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.

Ang ating responsibilidad ay hindi upang lubusang iwasan ang media o tanggihan lamang ang mga negatibong media kundi ang piliin ang mabubuti at nakasisiglang media.

young adult woman on cell phone

Sa ating makabago at puno ng teknolohiyang mundo, tayo ay nalalantad sa mga opsiyon: panoorin ito, basahin iyan, pakinggan ito. Ang ating lipunan ay puno ng media at libangan at ang impluwensya nila sa ating mga paniniwala, pag-iisip, at kilos ay dahan-dahan at paunti-unit ngunit napakatindi. Ang mga bagay na tinutulutan nating pumuno sa ating isipan ay siyang humuhubog ng ating pagkatao—tayo ay nagiging kung ano ang iniisip natin. Dinala ako ng aking graduate studies sa pagsasaliksik tungkol sa impluwensya ng media, at ang hindi maikakailang konklusyon na natuklasan ko ay na ang media na pinipili nating gamitin ay tiyak na may epekto sa atin, positibo man o negatibo.

Ipinaliwanag ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Ang teknolohiya mismo ay hindi likas na mabuti ni hindi masama. Sa halip, ang mga layunin na naisasagawa ng at sa pamamagitan ng teknolohiya ay ang mga pangunahing sukatan ng kabutihan o kasamaan.”1 Ang responsibilidad natin ay hindi upang tanggihan ang teknolohiya kundi ang gamitin ito sa paraan na magpapaunlad sa ating buhay.

Magagamit natin ang kapangyarihan ng media sa ating kapakinabangan, para mapabuti ang ating mga kaisipan at pag-uugali sa pamamagitan ng:

(1) Pagkilala na tayo ay naiimpluwensyahan ng media at kung paano ito nakakaimpluwensiya sa atin.

(2) Pagtukoy at pagpili ng mabuting media.

Paano Tayo Naaapektuhan ng Media?

Walang sinuman ang hindi naiimpluwensyahan ng media. Hindi maaaring magpakasawa tayo sa media na nilayong impluwensyahan ang ating isipan at damdamin at pagkatapos ay hindi mananatili sa ating isipan ang impluwensiya nito matapos mapanood ang pelikula, maisara ang aklat, o matapos ang awitin. Ang mga taong naniniwala na hindi sila naaapektuhan ng media ay madalas yaong mga taong labis na naaapektuhan nito dahil ikinakaila nila ang impluwensya nito kaya wala silang proteksyon laban dito. Tulad ng tubig na patuloy na papasok sa butas ng isang bangka, alamin man natin o hindi, patuloy na maiimpluwensyahan ng media ang ating isipan gumawa man tayo o hindi ng paraan para malutas ang epekto nito.

Ang nakalilibang na media ay makaiimpluwensya sa ating isipan kapag bumaling tayo dito para makaramdam ng ginhawa mula sa pagod at mga alalahanin sa ating araw-araw na buhay. Madalas gusto nating maglibang para maaliw sandali mula sa ating mga problema sa araw-araw, ito man ay sa pamamagitan ng mga pelikula, aklat, telebisyon, magasin, o musika. Bagama’t bumabaling tayo sa nakalilibang na media para maaliw, hindi natin dapat ibaba ang mga pamantayan natin. Ito ang mismong oras na kailangan tayong maging maingat sa mga tinutulutan nating pumasok sa ating isipan.

Upang lubos na masiyahan sa paglilibang, tinatanggap ng ilang tao ang anumang mensaheng ibinibigay ng media, at dahil dito naiimpluwesyahan ang kanilang pananaw. Inilarawan ng mga kritiko sa pelikula ang paggamit ng konseptong ito sa pelikula:

“Ang katotohanan ay itinatatag nang maaga at nang lubos sa nakahihikayat na pagkakaroon ng naiiba o napakagandang kapaligiran, na ginawa sa ibang panahon, o may mga di-karaniwang tauhan, kaya tayo ay naaakit sa kabuuang diwa, sitwasyon, at pangyayaring nakapaloob sa pelikula. Kung ang tagagawa ng pelikula ay magaling sa paglikha ng ganitong pagkakahawig sa katotohanan, kusa tayong sumasang-ayon na isantabi ang pagiging hindi natin mapaniwalain, at balewalain ang realidad at ang pag-iisip nang makatwiran sa pagpasok natin sa di-makatotohanang daigdig ng pelikula.”2

Kung isasantabi natin ang pag-aalinlangan, malamang na maging mas bukas tayo sa mga pinahahalagahan, inaasahan at paniniwalang ipinapakita sa media. Dahil dito, maaaring paunti-unting maimpluwensyahan ng media ang ating isipan. At sa impluwensyang ito ay ang panganib na matanggap ang mga pananaw na maaaring hindi naaayon sa mga alituntunin ng ebanghelyo.

Pinansin ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol ang layunin ng entertainment media nang sabihin niya, “Alam ba ninyo na ang orihinal na kahulugan sa salitang Latin ng salitang libangan ay ‘pang-aaliw ng isipan na nilayong manlinlang’?”3 Paminsan-minsan, hinahangad nating malibang o maaliw. Bumabaling tayo sa media para malibang tayo mula sa mga tunay na problema natin sa mundo, at umaasa tayo na mapaniwalaan ang anumang ibinibigay nito. Kapag mas kapani-paniwala ang medium, tama man o mali, mas nakasisiya ito sa atin.

Sinabi ng social psychologist na si Karen E. Dill: “Kapag natuon ang ating isipan sa daigdig ng mga kathang-isip, ang ating mga pag-uugali at paniniwala ay nagbabago para maging mas tugma sa mga ideya at paniniwala na nangyayari sa loob ng kuwento. Inaalis natin ang pagiging hindi natin mapaniwalain at sa paggawa nito, hinahayaan natin ang ating sarili na tanggapin ang sistema ng paniniwala na isinasadula sa di-makatotohanang mundo at kumikilos ayon sa mga paniniwala at ideyang iyon. Kadalasan ang nakikita natin sa screen o pelikula ay nagbubunsod ng isang pagbabago o pagtugon nang hindi natin namamalayan. Ganito hinuhubog ng pantasiyang mundo ng media ang ating tunay na buhay.”4

Sa pagpapahintulot sa media na isakatuparan ang layunin nito na libangin tayo, maaaring mapalitan ang ating makatwirang pag-iisip ng mga kaisipan na iminungkahi ng media, na sa huli ay hahantong sa pagbabago ng ating mga paniniwala at pag-uugali. Sinabi ni Elder David B. Haight (1906–2004) ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Tulad ng isipan na naghihikayat sa atin na kumilos, ang pagkalantad ay maaaring humantong sa pagsasagawa ng nabubuo sa isipan.”5

Upang palaging makontrol ang impluwensya ng media sa ating buhay, mahalagang piliin natin ang nagbibigay-inspirasyong media at alamin kung madali tayong maimpluwensya nito. Nakakaapekto ang media sa ating isipan kaya, maiimpluwensyahan nito ang ating mga ikinikilos. Ang payo ni Haring Benjamin ay angkop sa atin ngayon: “[Bantayan] ang inyong sarili, at ang inyong mga isipan, at ang inyong mga salita, at ang inyong mga gawa” (Mosias 4:30).

Paano Natin Pinipili ang Mabubuting Opsiyon sa Media?

woman on laptop

Kapag naunawaan natin ang impluwensya ng media sa ating buhay, malalaman natin ang gagawin sa mga opsiyon na nasa ating harapan. Ang ating mga pagpili ay makagagawa ng malaking kaibhan sa pag-alam sa pagiging sensitibo natin sa Espiritu at sa kabutihang nakapaligid sa atin. Bawat desisyong ginagawa natin ay naglalapit o naglalayo sa atin sa ating Ama sa Langit.

Isinulat ng Kristiyanong awtor na si C. S. Lewis: “Ang ating paglilibang, maging ang ating paglalaro, ay isang napakaseryosong bagay. Walang neutral ground sa sansinukob: bawat kuwadrado pulgada, bawat iglap, ay inaangkin ng Diyos o inaagaw ni Satanas.”6

Ang ating responsibilidad ay hindi upang lubusang iwasan ang media o tanggihan lamang ang mga negatibong media kundi ang masigasig na paligiran ang ating sarili ng mabubuti at nakasasiglang media. Mabuti na lamang, sa napakaraming pagpipilian sa media, maraming magaganda at mabubuti, kung saan itinataguyod at iginagalang ang mga nakaugaliang kagandahang-asal. May mga di-mabilang na aklat, pelikula, awitin, at iba pa na may mga mensahe ng pag-asa at kaligayahan, pagmamahal at kabaitan, kagalakan at pagpapatawad.

Sinabi ni Elder M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Dahil sa malawak na impluwensya nito, ang media ngayon ay nagpapakita ng malawak at malinaw na magkakaibang opsiyon. Kabaligtaran sa nakapipinsala at mapagpahintulot na katangian nito, ang media ay nagbibigay ng maraming positibo at kapaki-pakinabang na bagay. … Kung gayon ang pinakamalaking hamon sa atin ay matalinong piliin ang ating pinakikinggan at pinanonood.”7

Marahil may isang palabas sa telebisyon o serye ng aklat na dating kinalulugdan natin ang naging mas imoral ngunit nahihirapan tayong talikuran ito, o marahil isang bagong pelikula ang popular o kaakit-akit at nakikita natin na wala namang masama kung panonoorin ito. Gayunman, ang kaunting pagbibigay-daan para dito ay humahantong sa lalo pang pagpapaubaya hanggang sa malulong tayo rito at mahirapan tayong ibalik ang ating sarili. Ngunit sa pagtatakda ng pamantayan para sa ating sarili na pahintulutan lamang ang mabubuting media sa ating buhay, tinutulutan natin ang ating sarili na mas madaling madama ang Espiritu.

Maaari nating sundin ang payo ni Susanna Wesley noong 1725 sa kanyang anak na si John, ang nagtatag ng Methodism: “Hahatulan mo ba ang pagiging matwid o di-pagiging matwid ng kasiyahan, [ang kawalang-muwang sa kasamaang ginawa? Sundin ang tuntuning ito.] Anuman ang nagpapahina ng inyong pangangatwiran ay nagpapamanhid sa inyong konsiyensya, nag-aalis ng takot sa Diyos, o kaya’y pumapawi sa pagkalugod ninyo sa mga espirituwal na bagay; sa madaling salita, anuman ang nagpapaibayo ng lakas at kapangyarihan ng inyong katawan na dumadaig sa inyong isipan; ang bagay na iyan ay kasalanan sa inyo, gaano man kawalang-muwang ito.”8

Ang Kapangyarihang Pumili

young adult man reading magazine

Sa pagpili na makibahagi sa nagbibigay-inspirasyong media, inaanyayahan natin ang Espiritu at hinahayaan natin Siyang mapalakas tayo. Itinuturo sa atin ng ebanghelyo ni Jesucristo na tayo ay binibigyan ng kapangyarihan na kumilos para sa ating sarili (tingnan sa 2 Nephi 2:26). Ang paghahanap sa mga yaong bagay na “marangal, kaaya-aya, o magandang balita o maipagkakapuri” (Saligan ng Pananampalataya 1:13) ay nagbubukas sa ating puso’t isipan sa pagsunod sa mga kaisipan at kaugalian na aakay sa atin sa pagkakaroon ng mabubuting pag-uugali. Sa mga pagsisikap na ito, poproteksyunan tayo laban sa impluwensya ng kaaway (tingnan sa Helaman 5:12).

Ang malalaking pag-unlad sa teknolohiya ng media na ipinagkaloob sa atin ng Panginoon ay may kaakibat na responsibilidad na piliin natin ang paraan kung paano gamitin ang mga teknolohiyang ito. Sa pamamagitan ng pag-aaral at karanasan, nakita ko ang epekto ng media sa atin, aminin man natin ito o hindi. Nasa harapan natin ang mga opsiyon na piliin yaong nakabababa ng moralidad o ang mabubuti at nakasisigla. Mayroon tayong pagpipilian—ngunit ang mas mahalaga, mayroon tayong kapangyarihang pumili.

Mga Tala

  1. David A. Bednar, “To Sweep the Earth as with a Flood” (Brigham Young University Education Week devotional, Aug. 19, 2014), speeches.byu.edu.

  2. Joe Boggs at Dennis Petrie, The Art of Watching Films (2004), 43; idinagdag ang pagbibigay-diin.

  3. Jeffrey R. Holland, “Sanctify Yourselves,” Liahona, Ene. 2001, 48.

  4. Karen Dill, How Fantasy Becomes Reality: Seeing Through Media Influence (2009), 224.

  5. David B. Haight, “Personal Morality,” Ensign, Nob. 1984, 70.

  6. C. S. Lewis, Christian Reflections, ed. Walter Hooper (1967), 33.

  7. M. Russell Ballard, “Let Our Voices Be Heard,” Liahona, Nob. 2003, 16; idinagdag ang pagbibigay-diin.

  8. Susanna Wesley: The Complete Writings (1997), 109.