2016
Mga Klase sa Pananahi at Ikalawang Pagkakataon
September 2016


Mga Klase sa Pananahi at Ikalawang Pagkakataon

Ang awtor ay naninirahan sa Salta, Argentina.

Hindi ko nagawang ibahagi ang ebanghelyo sa piano teacher ko. Magagawa ko kaya ito sa susunod na pagkakataon?

sewing classes and a second chance

Noong 18 anyos ako, lumipat ang pamilya ko sa hilagang Argentina mula sa timog ng Argentina, kung saan ang aking ama ay naglilingkod bilang mission president. Nahirapan kaming mag-adjust ng pamilya ko sa unang ilang buwan. Wala pa kaming mga kaibigan, kaya naghanap kami ng mga aktibidad na pagkakaabalahan. Nagpasiya akong kumuha ng piano lesson.

Ang aking piano teacher, si Mabel, ang pinakamahusay na naging guro ko. Napakasaya ko sa mga klase namin, at mabilis akong natutong tumugtog. Gayunman, si Mabel ay maysakit na kanser at nahihirapan. Nag-ukol siya ng maraming oras sa paglalakbay upang bisitahin ang mga nanggagamot, doktor, at pari sa iba’t ibang lugar. Kinailangan siyang maospital nang ilang beses, ngunit gumagaling siya at bumabalik sa pagtuturo nang may gayon ding kasiglahan at dedikasyon.

Pagkatapos ng bawat araw, bawat klase, gusto kong ibahagi sa kanya ang pag-asa sa plano ng Diyos, ang pag-asa na si Jesucristo ay nagpapala taglay ang Kanyang kapangyarihan, ngunit hindi ko alam kung paano.

Nang magsimula ang klase matapos ang bakasyon sa tag-init, nagkasakit muli si Mabel. Pagkaraan ng ilang araw na wala akong balita sa kanya, tumawag ako at nag-iwan ng mensahe na kinukumusta siya. Kinabukasan sinabi sa akin ng kanyang anak na babae na si Mabel ay pumanaw na. Nabalot ako ng matinding kalungkutan. Alam ko na dapat ay naibahagi ko ang ebanghelyo sa kanya ngunit ipinagpaliban ko ang sandaling iyon nang napakatagal kaya nawalan na ako ng pagkakataon.

Sinimulan kong dumalo sa mga klase sa pananahi, at nagkaroon ako ng isa pang kahanga-hangang guro. Siya ay naniniwala sa Diyos ngunit kasapi siya ng ibang relihiyon. Sa isa sa mga klase, napag-usapan ang ebanghelyo, at nang itanong niya kung ano ang relihiyon ko, sumagot ako na ako ay miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Medyo naguluhan siya sa pangalan, at nilinaw ko, “Kilala rin kami ng mga tao bilang mga Mormon.” Kaagad siyang natuwa at sinabing, “Gustung-gusto ko ang mga Mormon!” na may ngiti sa mukha.

Nagpatuloy siya, “Masasabi ko na isa kang Mormon,” at sinimulan niyang sabihin ang mga dahilan kung bakit. Masaya ako na napansin niya na sinisikap kong ipamuhay ang ebanghelyo. Tinanong niya ako nang kaunti tungkol sa binyag sa Simbahan. Habang nagpapaliwanag ako, kaagad niyang sinabi, “Hindi ako pwedeng mabinyagan sa inyong simbahan dahil kinalakihan ko na ang ibang relihiyon.” Sa pakikinig sa sinasabi niya tungkol sa kanyang mga pinaniniwalaan, marami akong natutuhan tungkol sa kung ano ang maaari kong ibahagi sa kanya. Nakadama ako ng payapa ngunit malakas na pahiwatig na bigyan siya ng Aklat ni Mormon, at alam kong ang Espiritu ang nangungusap sa akin.

Kumuha ako ng isang Aklat ni Mormon, isang kapirasong papel, at isinulat ang isang maikli ngunit taos-pusong mensahe kasama ang numero ng aking telepono sa kabila, sakaling may mga tanong siya. Isiningit ko ang papel sa aklat, binalot ito, at nilagyan ng laso. Ibinigay ko ito sa kanya nang sumunod na klase. Tuwang-tuwa siya nang matanggap ito at pinasalamatan ako.

Buong linggo kong inisip kung ano ang reaksyon niya sa pagbubukas ng regalo—kung gusto niya ito o hindi. Sa sumunod na klase medyo nahuli ako ng dating at nagulat sa kanyang reaksyon nang pumasok ako sa silid. Niyakap niya ako at mariing sinabi, “Gustung-gusto ko ito, gustung-gusto ko, gustung-gusto ko! Ang aklat na ibinigay mo sa akin ay napakaganda, simula sa pambungad na sinasabi ang tungkol sa mga lamina. Totoong totoo! Mayroon itong magagandang banal na kasulatan. Sinimulan kong magbasa, at nangangalahati na ako. Hindi ako makatigil sa pagbabasa nito!”

Nang marinig ang sobrang katuwaan, ang buong klase ay napalingon para tingnan kung ano ang nangyayari. Isa sa mga kaklase ko, na kinukwentuhan ko tungkol sa Aklat ni Mormon, ay nagtanong kung ang aklat na ito ay nagdudulot ng kapayapaan. Sumagot ang titser ko, “Pinaiiyak ako nito, hindi sa kalungkutan kundi dahil ako ay pinagpapala.” Hindi niya mapigil ang pagngiti at pagyakap sa akin.

Napakasaya ko. Sa sandaling iyon, natanto ko na hindi natin mahuhusgahan kung sino ang handang tumanggap ng salita ng Diyos. Hindi natin alam kung gaano nakabukas ang puso ng isang tao. Kung binibigyan tayo ng inspirasyon ng Diyos na magbahagi, kailangan nating kumilos dahil alam Niya ang lahat kaysa sa atin.