2016
Pinalakas ng Salita ng Diyos
September 2016


Pinalakas ng Salita ng Diyos

Nang malaman ko kung paano ipinamumuhay ang mga salita ng mga propeta, binago ko ang aking buhay mula sa kung ano ang gusto kong marating tungo sa nais ng Panginoon na marating ko.

scriptures

Habang lumalaki ako sa Korea, pinayagan kami ni Itay na magsimba kung saan namin gusto, ngunit kadalasan sa hapunan ay hindi kami nagkakasundo tungkol sa magkakaiba naming paniniwala sa relihiyon. Dahil sa pagtatalu-talong ito, ginusto ng tatay ko na magkaisa ang aming pamilya sa mga paniniwala sa relihiyon. Dahil dumadalo ang nakababatang kapatid ko sa mga pulong ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw kasama ng tito ko, nagsimula ang tatay ko na magsimba kasama nila para matuto pa tungkol sa Simbahan. Dumalo rin ako at humanga sa masasayang aktibidad sa Mutual at kung paano espirituwal na pinalalakas ng seminary program ang mga kabataan.

Noong 16 anyos ako, ako at ang aking mga magulang ay nabinyagan, at ang natitira sa 23 miyembro ng aming pamilya at mga kamag-anak ay sumapi sa Simbahan sa loob ng pitong buwan.

Nang sumapi kami sa Simbahan, nangako kaming magiging ganap na aktibo at patuloy na aalamin ang mga doktrina ng ebanghelyo. Ginawa namin ito sa pamamagitan ng matapat na pag-aaral ng mga banal na kasulatan araw-araw, at kasabay nito ay binasa namin ang marami pang mga aklat at manwal ng Simbahan. Sa sumunod na ilang taon, natutuhan ko ang dalawang mahahalagang alituntunin tungkol sa pananatiling matatag sa Simbahan:

  1. Pag-aralan ang mga banal na kasulatan sa seminary, simbahan, at tahanan.

  2. Pakinggan at sundin ang payo ng propeta.

Lakas sa mga Banal na Kasulatan

young man reading the scriptures

Bukod pa sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan sa tahanan, kami ng kapatid kong lalaki ay matapat ding dumalo sa seminary at Mutual. Noong mga panahong iyon, sa umaga ang Sunday School, at sa hapon naman ang sacrament meeting. Dahil sa malayo kami sa aming meetinghouse, nanatili kami sa gusali ng simbahan, dumalo sa klase sa seminary, at nasiyahan sa pakikipag-usap at pakikihalubilo sa iba pang mga miyembro ng Simbahan hanggang sa matapos ang sacrament meeting. Maraming kabataan ang sumasapi sa Simbahan sa Korea noong panahong iyon, at habang sama-sama kaming natututo at nasisiyahan sa mga aktibidad, naging malapit kami sa bawat isa.

Ako ay tinawag na maglingkod sa aming korum sa Aaronic Priesthood at nakipagtulungang mabuti sa mga kabataang babae na naglilingkod sa kanilang klase. Natutuhan namin kung paano magmalasakit at manalangin para sa mga taong pinamumunuan namin at kung paano sama-samang magplano ng mga aktibidad at gamitin nang matalino ang aming oras.

Sa buong linggo, pinag-aralan ko ang mga banal na kasulatan para sa seminary bago ko gawin ang aking mga gawain sa paaralan. Kapag pagod na pagod na ako para gawin ang mga takdang-aralin ko o may mga hamon sa paaralan, binubuksan ko ang aking manwal sa seminary, pinag-aaralan ito, at nananalangin. Natuklasan ko na kapag ginagawa ko iyon, nagiging maaliwalas ang isipan ko at mas nakapagtutuon ako sa aking mga takdang-aralin. Ginagawa ko pa rin ito sa buhay ko. Ngayon, sa tuwing nahihirapan ako, binabasa ko pa rin ang aking banal na kasulatan o mga mensahe sa pangkalahatang kumperensya para mapasigla ang aking isipan.

Maraming mga estudyante sa hayskul sa Korea ang gumugugol ng maraming oras sa pagpasok sa paaralan at pag-aaral hanggang sa gabi. Nalaman namin na kapag nag-uukol kami ng panahon para sa seminary at mga aktibidad sa Mutual, sumisigla ang aming pakiramdam at pinagpapala kami na mas mainam na maisagawa ang aming mga gawain sa paaralan. Ang mga aral na natutuhan ko roon ay nakatulong din sa akin sa iba pang mga sitwasyon noong nag-aaral pa ako.

young people at school

Isang araw sa paaralan, isa sa mga titser ko ang nagturo ng tungkol sa Utah, USA, sa aming geography class at may sinabing ilang bagay tungkol sa Simbahan na mali. Naisip ko, “Dapat ko ba siyang itama sa harap ng lahat, o dapat ko ba siyang kausapin nang sarilinan pagkatapos ng klase?” Sa sandaling iyon, pumasok sa isipan ko ang mga salita ng aking guro sa seminary. Sabi niya, “Huwag makipagtalo o saktan ang damdamin ng sinuman kapag may sinabing mali ang isang tao tungkol sa Simbahan.”

Nadama ko na dapat manatili akong tahimik at magalang sa klase. Nang kausapin ko siya kalaunan, sinabi ko sa kanya na ako ay miyembro ng Simbahan, at itinama ko ang mga maling bagay na itinuro niya sa klase. Sabi niya, “Hindi ko alam na ikaw ay Mormon. Salamat at sinabi mo sa akin.” Pagkatapos ay itinama niya ang kanyang lektyur para magbigay ng tumpak na impormasyon, at may respeto pa rin siya sa akin. Ipinagpasalamat ko ang payo na itinuro sa akin sa pamamagitan ng aking guro sa seminary.

young man at church

Military o Misyon?

Noong bata pa ako, gusto kong maging isang heneral sa army. Nagplano akong mag-apply sa military academy para ipagpatuloy ang mithiin ko. Ang ibig sabihin ng desisyong iyon ay hindi ako umaasang makapagmimisyon ako dahil alam ko na ang programa sa academy para sa mga opisyal ng militar ay hindi papayagan ang sinuman para sa anumang gawaing ukol sa relihiyon.

Pagkatapos ay nagkaroon ako ng pagkakataong magpunta sa isang regional conference sa Seoul, Korea—isang karanasang nagpabago sa direksyon ng buhay ko. Sa kumperensya, narinig ko ang payo ni Pangulong Spencer W. Kimball (1895–1985) sa mga kabataan na:

  1. dumalo sa seminary,

  2. maglingkod nang marangal sa misyon,

  3. magpakasal sa templo, at

  4. sikaping makamit ang kadakilaan.

Alam kong tama ang kanyang payo, at naalala ko ang talata na nagsasabing, “Ang aking salita ay hindi lilipas, kundi matutupad na lahat, maging sa pamamagitan ng sarili kong tinig o sa tinig man ng aking mga tagapaglingkod, ito ay iisa” (D at T 1:38).

Nang marinig kong magsalita ang propeta tungkol sa kahalagahan ng pagmimisyon bilang isang priyoridad sa buhay, nadama ko na dapat akong magtiwala sa Panginoon, maglingkod sa misyon, at talikuran ang aking mithiin na maging heneral, inaalaala na “hanapin muna ninyo ang kaniyang kaharian, at ang kaniyang katuwiran; at ang lahat ng mga bagay na ito ay pawang idaragdag sa inyo” (Mateo 6:33).

Kahit wala na akong balak na dumalo sa military academy, ang paglilingkod ng tatlong taon bilang sundalo ay kailangan pa ring gawin ng lahat ng kabataang lalaki. Ako ay naglilingkod na ng isang taon sa Korea Busan Mission nang matanggap ko ang kautusan mula sa pamahalaan ng Korea na mag-report para gampanan ko ang aking tungkulin sa militar. Naglingkod ako ng tatlong taon sa army, at pagkatapos nito, gusto kong tapusin ang misyon ko. Ako ay tinawag na maglingkod sa Korea Seoul Mission at naglingkod ako doon ng isa pang taon.

“Nababaliw Ka na Ba?”

Pagbalik ko mula sa aking misyon, muli akong pinagpala ng pagsunod sa payo ng mga propeta. Halimbawa, nang matapos ko ang aking misyon, nagpasiya akong magpakasal, kahit hindi pa ako tapos mag-aral. Sa Korea, ang tradisyon ay dapat matatag na ang iyong trabaho at kabuhayan at tapos ka na sa pag-aaral bago ka magpakasal at magsimula ng pamilya. Ngunit alam ko na dapat kong sundin ang payo ng propeta at kaagad na maghanda para sa pagpapakasal. Nagkakilala kaming mag-asawa sa youth program ng Simbahan at naging matalik na magkaibigan bago pa ako magmisyon, kaya kilalang-kilala na namin ang isa’t isa. Ikinasal kami kaagad pagkatapos kong makauwi, kahit na ang mga kaibigan niya ay nagsabing, “Nababaliw ka na ba? Wala ka pang pera.”

Hindi namin sinunod ang tradisyon ng aming kultura dahil alam namin na kailangan naming sundin ang payo ng Panginoon. Napagpala ang aming buhay sa pagsunod sa payo ng propeta, at nagkaroon kami ng mga karanasan na hindi namin matatamo kung hindi kami sumunod.

Ang payo ng Panginoon na gawin ang lahat ng bagay sa karunungan at kaayusan (tingnan sa Mosias 4:27) ay iba kung minsan sa kung ano ang itinuturo ng lipunan, ngunit kapag sinusunod natin ang plano ng Panginoon, makikita natin ang mas mabuting pagbabago sa ating buhay. Nagpapasalamat ako sa buhay na propeta, na siyang gumagabay sa atin sa paraan ng Panginoon. Alam ko na “kapag tayo ay nagtatamo ng anumang mga pagpapala mula sa Diyos, ito ay dahil sa pagsunod sa batas kung saan ito ay nakasalalay” (D at T 130:21).