Liahona
Open House at Dedikasyon ng Urdaneta Temple
Hulyo 2024


Mensahe Ng Area

Open House at Dedikasyon ng Urdaneta Temple

“Akala ko noon alam ko na na totoo ang Simbahan. Ngunit napakagandang pagpapatibay nito sa akin na ito nga ang simbahan ng Panginoon.”

Maraming mga miyembro ng Simbahan ang nagpahayag ng ganito ring damdamin. Na ang magiliw na mga espirituwal na sandali, kagila-gilalas na mga himala, matatamis na muling pagkikita, at nakapagpapakumbabang mga oportunidad sa paglilingkod na naranasan nila sa oras ng Open House at Dedikasyon ng Urdaneta Temple ay muling nagpatibay sa kanila na ito nga ang tanging tunay na simbahan at wala nang iba.

Mahigit 66,000 mga tao mula sa iba’t ibang relihiyon, katayuan sa buhay, at edad ang nakasaksi sa kung gaano kaganda at kabanal ang Bahay ng Panginoon. Para sa marami, iyon ay minsan lang sa buhay na pagkakataon na mamasdan ang loob ng sagradong templo.

Open House ng Urdaneta Temple

Walong taon pa. . . .

Sabik-na-sabik ang mga miyembro ng Simbahan na dalhin ang mga anak nila sa Templo, lalo na ang mga musmos.

Maraming mga mag-asawa ang nagbalik-tanaw sa kanilang kasal sa templo. Lalo pang espesyal ang karanasan dahil kasama nila ang kanilang mga anak.

Matamis ang mga sandali na tumayo sila sa harap ng mga salamin, na tinitingnan ang larawan ng kanilang pamilya at nakikinita ang isang pamilyang walang-hanggan.

Ang mga salamin ay nagpaalala rin sa kanila sa mga mahal sa buhay na yumao na.

Ibinahagi ni Zarah Angela Ramirez na, “Apat na mukha lamang ang nakita ko pero nakadama ako ng katiyakan na may limang tao sa pamilya ko. At dahil nabuklod kami ng asawa ko sa loob ng templo, ang anak kong babae na pumanaw sa edad na 14 na buwan ay makakasama namin sa habampanahon.”

Ang apat-na-taong-gulang na si Muirinne Siahna De Guzman ay kumakanta ng “Templo’y Ibig Makita” habang naglalakad siya papunta sa templo. Pagkatapos ng tour sinabi niya sa kanyang inay, “Gusto ko pong maikasal dito!”

Isang 14-anyos na dalagita ang nagsabi na ang Bride’s Room ang paborito niya.

Sinabi niya sa kanyang inay, “Tumingin po ako sa salamin at parang nakita ko ang sarili ko na mas matangkad na at nakasuot ng puting damit.”

Sagot ng kanyang ina, “Balang-araw, tutulungan kitang magbihis, lalagyan ng kaunting makeup, at aayusan ko ang buhok mo dito.”

“Ang 13-anyos kong anak na babae ay nagsabi na napakaganda niya sa mga salamin ng sealing room,” dagdag pa ng ina. “Sinabi ko sa mga anak kong babae na balang-araw, kasama ang tamang lalaki, sila ay ikakasal sa silid na ito.”

Matapos ang dalawang beses na pag-iikot sa templo kasama ang kanyang pamilya ay itinanong ng sampung taong gulang na si Maureen Maramba kung pwede ba siyang bumisita ulit. Sinabihan siya ng kanyang ama na bigyan naman ng pagkakataon ang iba pang mga bisita.

Sagot niya, “Gusto ko pong bumalik kasi hindi naman ako makalagi nang matagal kapag nasa loob ako.” Alam niya na kailangan niyang maghintay ng walong taon pa bago siya makapasok muli sa templo. Kaya’t isinama siya ng kanyang pamilya para makabisita sa ikatlong pagkakataon.

‘Nadama Ko ang Kamay ng Panginoon’

Si Josephine Abrogar, na isang kaibigang Katoliko, ay bumista sa Manila Temple mahigit isang dekada na ang nakalipas at talagang hangang-hanga siya dito. “Napakatahimik kahit na nasa labas lang ako. Nagdasal ako na sana balang-araw ay makapasok ako. At sa wakas, napakapalad namin ng pamilya ko na makapasok sa Urdaneta Temple.”

Nagpapasalamat siya sa mainit na pagtanggap sa kanila. “Salamat sa pag-share ninyo sa amin ng inyong sagradong templo. Salamat na ipinakikita ninyo sa amin na ang isang pamilya ay maaaring magsama-sama sa walang-hanggan,” ang sabi niya.

Si Chona Benar na tinuturuan ng mga missionary sa oras ng pagbisita niya ay nagsabing, “Pagpasok ko sa celestial room, dama kong hinipo ng mga Kamay ng Panginoon ang ulo ko.”

Isang titser mula sa ibang relihiyon ang naiyak sa loob ng Celestial Room dahil habang nagdarasal siya ay nakadama siya ng mainit na yakap.

Malalakas, Mapagpakumbabang mga Volunteer

Isa sa mga pinakamatandang volunteer ay ang maliit pero nakakagulat na malakas na lalaking 72-anyos. Siya si Santiago Queñano na nagtrabaho sa Physical Facilities Sub-Committee. Tumulong siya sa paglalampaso at pagwawalis ng mga sahig; paglilipat ng mga upuan, mesa, at maging ng piano! Halos araw-araw siyang naglingkod, mula alas-7 ng umaga hanggang alas-8 ng gabi. Nang tanungin kung ano ang nagpanatili sa kanya na malusog, sagot niya ay, “Sinusunod ko ang Word of Wisdom.”

Si Vilma Cortez, na Elementary School Principal, at isa pang volunteer sa Physical Facilities, na nag-absent sa trabaho para maglingkod, ay naatasang panatilihing malinis ang mga restroom o CR.

Sinabi niya na ang CR ang kanyang paboritong lugar sa kanyang tahanan.

“Gustung-gusto kong nilalampaso at nililinis ang sahig,” sabi niya. “Nakadarama ako talaga ng pagpapakumbaba sa gawaing ito. Saan man ako ma-assign, handa akong gampanan ang mga tungkulin ko.”

Sinabi ni Errol Gascon Villaflor, na volunteer na na-assign sa pantakip sa sapatos, “Ito ang pinakaabang bagay na nagawa ko. Ipinaalala nito sa akin ang sandali nang hugasan ni Jesucristo ang paa ng Kanyang mga apostol.”

Ang Pinakamainam na Lugar

“Alam ko na ang pinakamainam na Iugar para magyayang magpakasal ay sa loob ng templo dahil ipinakikita nito ang tunay kong layunin,” sabi ni Jessie Afable Bituaran.

Tatlong taon na ang nakalipas, si Shella Mae Asuncion ay nangarap na maikasal sa Urdaneta Temple, at noong Marso 28, 2024, si Aldrine Bunagan Cawile ay nag-alok sa kanya ng kasal sa Urdaneta Temple.

“Nasasabik na akong gawin ang malaking tipan na walang-hanggan na kasama niya,” sabi ni Aldrine. “Ang templo ang pinakamagandang lugar para alukin ko siya ng kasal.”

“Pangarap ng bawat babae ang maikasal sa templo para sa walang-hanggan,” sabi ni Nica Joy Calma. “Nagtanong si Marck kung pwede bang tuparin niya ang pangarap ko.”

At OO ang sagot ni Nica Joy!

‘Nakangiti sa Amin mula sa Itaas’

Namangha si LeGrand Nonales Terceño, habang tinutugtog niya sa piano ang “Templo’y Ibig Makita” sa ilalim ng magagandang puno ng Acacia sa labas ng templo, nang isa-isang lumapit sa kanya ang maliliit na bata na kinakanta ang mga titik ng awitin. Hinawakan ng ilan sa kanila ang kamay ng kanilang mga magulang at hiniling na sumabay sila sa pagkanta.

Hiniling ng ilang mga bisita na tugtugin niya ang kanilang mga paboritong himno habang naghihintay na makapasok sa templo. Sabi ng isang bisita, “Inaanyayahan mo ang Espiritu sa iyong musika.”

Sinabi ni LeGrand na, “Ang ganda ng pakiramdam ko doon. Nadama ko sa sandaling iyon na ang Ama sa Langit ay nakangiti sa amin mula sa itaas.”

Isang Napakalaking Reunion

Sa unang pagkakataon makalipas ang 17 taon, nakilala nina Jerome Patrick Garcia at Roslyn Molina ang taong pinagkunan ng mga magulang nila ng kanilang pangalan - Jerom Ruslan Laniohan, na returned missionary mula sa Philippines Laoag Mission na nagturo at nagbinyag sa kanilang mga magulang sa Simbahan.

“Ikinararangal ko na isinunod ng kanilang mga magulang ang kanilang pangalan sa akin,” sabi ni Jerom Ruslan. “Masaya ako na sa wakas ay nakilala ko sila.”

Ang nanay ni Jerome Patrick ay labis na nagpapasalamat na nakabisita siya sa Templo at muling nakita ang missionary na tumulong nang malaki sa pagbabalik-loob ng kanyang mister. “Siya ang instrumento ng Diyos. Tinulungan niya kaming palakasin ang aming pananampalataya kay Jesucristo,” sabi niya.

Isang grupo ng mga returned missionary mula sa Philippines Baguio Mission (1985-1988) ang nagtipon at umikot sa templo.

Sinabi ni Willie Almaras na mula sa Bacolod na isang taong naghanda ang grupo para sa reunion. Sabik-na-sabik siya noon na makita ang mga taong tinuruan at bininyagan niya. Marami sa kanila ang may sarili nang pamilya at ang mga anak nila ay nakapagmisyon na.

Ginunita niya ang mga panahon na nagdaraan sila sa mga puno ng acacia na nakahanay sa McArthur Hi-way sa Urdaneta City, noong nasa full-time mission siya 30 taon na ang nakalipas. “Iniisip ko noon kung para saan ang mga punong iyon,” sabi niya.

Namangha si Willie na makita ang mga puno ring iyon na ngayon ay nakapaligid sa kagila-gilalas na Urdaneta Temple.

Si Gennevieve Acain De Jesus ay nagbiyahe mula sa Palawan kasama ang kanyang pamilya, matapos mag-ipon nang mahigit isang taon kasama ang kanyang pitong-taong-gulang na anak na babae, na nagbebenta ng mga lutong pagkain, arrozcaldo, at champorado.

Dapat ay kasama nila ang kanyang ina pero hindi inaasahan na namatay siya ilang linggo bago ang pagbiyahe papunta sa templo. Nagdala si Gennevieve ng retrato ng kanyang mga magulang at nilagyan ito ng retrato ng templo sa gawing likuran, sumisimbulo na sila ay kasama pa rin niya sa diwa o espiritu.

“Nang makita namin ang Templo, natanggal ang mabigat na pasanin sa likod ko,” sabi ni Gennevieve.

Nakita nila ang mga dating kaibigan at mga bagong kakilala.

“Yakap nila kami at masaya silang makita kami,” paglalarawan niya. “Ang buong karanasan ay tulad ng pagtitipon ng Israel, isang sulyap sa malaking reunion sa ikalawang pagparito ni Cristo.”

Isang Lugar ng mga Himala

Ang Marso 23, 2024 ay isa sa mga pinakaabalang araw ng Open House na may mahigit 11,000 mga bisita. Naghihintay sa pila ang mga bisita sa napakainit na sikat ng araw.

“Pero kapuri-puri ang kanilang pasensya at pang-unawa,” sabi ng volunteer na si Dino Santos. “Makikita mo ang pananabik nila,”

Pagpapatuloy pa niya, “Marami ang nagdasal na sana ay takpan ng ulap ang araw, at nangyari nga! Talagang natakpan ang araw! Iyon ay isang himala, isang panalangin na sinagot kaagad!”

“Sa Celestial Room, nakadama ako ng katiyakan na gagaling ako,” pagpapatotoo ni Domingo Servito na may matinding problema sa kalusugan.

Mahimala siyang nakaligtas sa walong-oras na delikadong operasyon makalipas ang Open House. Makaraan ang ilang linggo, nakadalo siya sa Paglalaan, at ipinagdiwang ang kanyang ika-68 kaarawan kinabukasan pagkatapos ng Paglalaan. Nagpapatotoo siya na, “Kapag nadama mo ang pagtiyak ng Espiritu, talagang mangyayari ito.”

Sa buong serbisyo ni Arlene Quisias sa Open House, wala siyang nadamang sakit o pamamaga na dulot ng walang lunas na karamdaman na nakakaapekto sa kanyang mga ugat.

Siya ay mayroong Chronic Venous Insufficiency, na nagdudulot ng matinding pananakit sa kanyang balakang pababa sa kanyang daliri sa paa. Nangyayari ito kapag siya ay naglalakad, nakaupo, o nakatayo nang matagal. Sa kabila ng kalagayan ng kanyang kalusugan, siya ay nagboluntaryo, bumabati, at inilibot ang nga bisita na nangailangan ng paglalakad at pagtayo. Pero nagawa niya ito nang mahigit sa isang linggo nang walang pananakit.

“Isang himala iyon!” sabi niya.

Bago siya nagkasakit, nangako siya sa Panginoon na tutulong siya sa Kanyang mga gawain. Nang ibalita ang Urdaneta Temple, lalong nadagdagan ang kagustuhan niyang tuparin ang pangakong iyon.

Si Sister Ana Marie Karganilla, na Committee Coordinator, ay nag-alala dahil ang mga pantakip ng sapatos na inorder niya sa ibang bansa ay hindi nai-deliver, isang buwan bago ang open house.

Lalo pa siyang nabalisa nang isang linggo na lang bago ang event ay hindi pa dumarating ang mga item.

Nang isang araw na lang bago ang open house, ang mga pantakip ng sapatos ay himalang dumating, ang buong 200,000 piraso ng mga ito!

Natutuhan ni Ana Marie na lalo pang magtiwala at umasa sa Panginoon na hindi Niya hahayaang may humadlang sa pagsulong ng Kanyang mga gawain.

Ang isa pang hadlang na hinarap ng mga Committee Coordinator ay ang tungkol sa mga silya na gagamitin sa paglalaan o dedikasyon.

“Saan tayo aarkila ng magagandang silya?” sabi ni Elder Gregorio Karganilla. “Pero noong Pebrero, dumating sa bansa ang Tabernacle Choir.”

Ang pagbisita ng choir sa Pilipinas dalawang buwan bago ang paglalaan ay isang himala. Ang mga silya na ginamit nila ay dinala para sa paglalaan.

Tunay na ang Panginoon ay kumikilos sa mahimalang paraan.

Paglalaan ng Urdaneta Temple

Sinabi ni Pangulong Dallin H. Oaks, “Masayang-masaya kami na matanto na lalo pa kayong umuunlad sa espirituwal kumpara noong umalis kami ni Sister Oaks 20 taon na ang nakalipas.”

“Libu-libo pa sa inyo ang mga full-tithe payer kaya naging posible na maging kuwalipikado kayo para sa karagdagang mga templo na itatayo sa pinagpalang lupain na ito,” pagpapatuloy niya.

Ipinahayag din niya ang pagkamangha niya sa pagdami ng bilang ng mga miyembro ng Simbahan sa Pilipinas na nasa 870,000 na ngayon kung saan ang 200,000 sa kanila ay kabilang sa Urdaneta Temple district.

“Ang paglalaan ng templo ay nagpapaalala din sa atin na muling ilaan ang ating sarili sa katapatan sa Panginoon at sa Kanyang mga gawain,” sabi niya.

‘Walang Puwang para Mag-alala’

Nang simulan ni Elder Carlos Revillo, Jr., Ika-2 Counselor sa Area Presidency ang paglalaan sa mainit na pagbati ng “Magandang umaga,” marami, kundi man lahat, ang nagulat. Natanto na ang kaganapan ay isasagawa gamit ang wikang Filipino, lalo na nang ang mensahe ni Pangulong Rusell M. Nelson ay isinalin sa Filipino, at gumamit si President Dallin H. Oaks ng side-by-side translation.

Iyon ang unang pagkakataon sa kasaysayan ng Pilipinas na ang paglalaan ng templo ay lubusang isinagawa gamit ang katutubong wika ng bansa. Ito rin ang unang beses na inawit ng koro ang Hosanna Anthem sa Filipino.

Sinabi ni Elder Gregorio Karganilla na nagulat din siya, dahil nasanay siya na nagbibigay at nakikinig sa mga mensahe sa loob ng Simbahan sa wikang Ingles.

“Natanto ko na hindi iyon para sa akin,” sabi niya matapos makita ang isang tao sa loob ng Templo na tumatango, na nagsasabing malinaw niyang naunawaan ang bawat salita.

Nang makauwi na siya mula sa kaganapan, tinanong niya ang kanyang kasambahay kung nasiyahan siya sa Paglalaan at sinabi nitong, “Opo. Dahil naunawaan kong mabuti ang lahat.”

“Alam at nauunawaan ng Panginoon ang ating mga pangangailangan,” sabi ni Elder Karganilla.

Ang 16-anyos na si Dwan Chevelle Bondad, na isa sa mga nagsalita, ay nagsabi na hindi siya kampante sa pagbibigay ng kanyang mensahe sa Filipino, dahil Ingles ang kanyang unang wika.

“Baka hindi ko maipaliwanag nang husto ang mensahe ko,” sabi niya.

Gayundin ang ipinag-alala ng kanyang mga magulang na sina Marisol at Oliver Bondad. “Hindi siya mahusay mag-Tagalog. Baka maguluhan ang isip niya at baka mautal siya,” sabi ng kanyang ina. “Kaya isinama namin siya sa panalangin ng aming pamilya araw-araw.”

Dagdag pa niya, “Taimtim kaming nagdasal. Kampante kami na pagpapalain siya ng Panginoon.”

Habang nirerepaso ang kanyang mensahe, nahirapan si Dwan na maunawaan ang sarili niyang mensahe.

Pagkatapos ay may magandang nangyari. Paggunita niya, “Nang sandaling ibigay ko ang aking mensahe sa Celestial Room, lalo kong naunawaan ang sarili kong mensahe.”

Napanatag ang kanyang kalooban. “Natanggap ko ang kailangan kong tulong at naglaho ang pagkabalisa ko,” sabi niya. “Natanto ko na walang puwang sa pag-aalala sa loob ng Celestial Room.”

Kumakantang Kasama ng mga Anghel

Marami ang nagpasalamat sa koro sa papuring ibinigay sa Panginoon sa pamamagitan ng kanilang musika.

“Nakatulong ang makalangit na boses ng koro para madama ko ang Espiritu habang kinakanta nila ang magagandang himno,” sabi ni Blesilda Macaraeg. “Nadama ko kung gaano tayo kamahal ng Ama sa Langit at ni Jesucristo.”

“Maliit na grupo pero napakalakas!” sabi ng isa.

Sinabi ni Mark Bernard Daroy, na Music Sub-Committee Chair, “Nagtulungan ang team doon. Pinasasalamatan din namin ang mga anghel na kasama nating kumanta.”

Maningning na Anyo

Si Agustin Veras, Jr. na nakaupo sa unang hanay sa loob ng Templo, ay nagulat na makita si President Dallin H. Oaks na nakatayo malapit sa kanya.

“Talagang tuwang-tuwa ako. Iyon ang unang pagkakataon ko na makakita ng isang apostol ng Panginoon! Maningning ang kanyang anyo,” sabi niya. “Hindi ko mapigilan ang mga luha ko dahil nadama ko ang kanyang pagmamahal. Ang aking patotoo tungkol sa mga apostol ng Panginoon ay lumakas.”

Ang isang brother na naka-wheelchair ay namangha rin na di-inaasahang makikita niya si Pangulong Oaks sa harapan niya sa Waiting Room ng Templo. “Matamis ang ngiti niya, isang makisig na lalaki,” paglalarawan niya. “Wala siyang anumang sinabi pero napakalakas ng kanyang Espiritu. Nadama ko ito.”

Isang Magandang Sorpresa

Ang mga volunteer ay nagtipon sa Waiting Room ng Templo pagkatapos ng Paglalaan. Hindi nila alam na naroon sila para sa isang magandang sorpresa!

Nang bumukas ang pinto, mabilis silang nagsitindig nang makita nila si Pangulong Dallin H. Oaks sa kanilang harapan!

Pinuri at pinasalamatan ni Pres. Oaks ang lahat ng tumulong para maging matagumpay ang Open House at Paglalaan.

Idinagdag niya, siguro tungkol sa 15-minutong pagkawala ng kuryente sa sesyon sa hapon, “Maaaring magkamali ang kahit ano pero walang bagay na hindi natin magagawan ng paraan.”

Nagpatuloy pa siya, “Marami na akong napuntahan na mga paglalaan ng templo at masasabi ko na napakahusay ng team na ito, kung hindi man ito ang pinakamahusay.”

Sinabi ni Elder Gregorio Karganilla:

“Nang magpunta si Pres. Oaks sa Waiting Room bago sila umalis pabalik sa Utah, napag-isip ko na para kaming binisita ni Jesucristo sa silid para ipaabot ang Kanyang pasasalamat sa lahat ng ginawa namin para magbigay-lakas at magtagumpay ang Paglalaan ng Templo.”

At ipinahayag ni Pangulong Oaks ang pagmamahal niya sa mga volunteer at iniwan silang may espiritung lumuluha at nagagalak.

Isang Templong para sa Pilipino

Marami ang namangha na ang ikatlong templo ng Simbahan sa bansa ay talagang para sa Pilipino. Ang mga stained glass window ay may disenyong gaya ng mga bulaklak ng sampagita at mga dahon ng manga. May orihinal na mga ipinintang larawan din na nagpapakita ng mga tanawin sa Pilipinas, na paalala sa mga Pilipinong Banal na talagang iniisip ng Panginoon ang Kanyang mga tao sa bahaging ito ng ubasan.