Lingguhang YA
Pagpili sa Liwanag ng Ebanghelyo kaysa sa Kadiliman ng Sanlibutan
Agosto 2024


“Pagpili sa Liwanag ng Ebanghelyo kaysa sa Kadiliman ng Sanlibutan,” Liahona, Ago. 2024.

Mga Young Adult

Pagpili sa Liwanag ng Ebanghelyo kaysa sa Kadiliman ng Sanlibutan

Ipinaalala sa akin ng isang espirituwal na karanasan ang mahahalagang pagpapalang hindi ko natatamasa dahil hindi ko sineseryoso ang ebanghelyo ni Jesucristo.

binatang nakaupo sa sopa at nagbabasa ng mga banal na kasulatan

Larawang ginamitan ng modelo

Ibang-iba ang pagkatao ko noon kaysa ngayon.

Bagama’t isinilang ako sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, hindi ko ito sineryoso. Hindi ko talaga inisip kung ano ang maaaring kahulugan ng mga katotohanan ng ebanghelyo para sa buhay ko.

Sa Bulgaria, isa ako sa iilang miyembro ng Simbahan. Bawat araw, napaliligiran ako ng maraming makamundong pag-uugali at impluwensya. Maraming kabataan dito ang walang mabubuting pag-uugali o pinahahalagahan, at kung minsan ay tila wala ang Espiritu sa mundo.

Ilang taon na ang nakalipas, noong ako ay 17 taong gulang, ako ay malungkot at walang layunin sa buhay. Hindi ako sumasama sa mabubuting kaibigan o gumagawa ng mabubuting bagay. Isang araw ay sinabi sa akin ng aking ama na ipinalista niya ako upang dumalo sa isang kumperensya ng For the Strength of Youth sa kalapit na bansa. Ayaw kong pumunta, pero dahil alam ko na gusto niya akong dumalo, atubili akong pumunta.

Nakakagulat na ang mga espirituwal na karanasan ko sa kumperensyang iyon ay lubos na nagpabago sa aking buhay.

Sa FSY ay tunay na nakita ko ang ibig sabihin ng pagiging disipulo ni Cristo—ang mamuhay nang naiiba kaysa sa mundo. Ang lahat ng matatapat na kabataang ito ay kabaligtaran ng mga negatibong impluwensyang karaniwang nakapaligid sa akin. Pakiramdam ko ay talagang nakita ko ang liwanag na taglay ng mga disipulong ito. Bawat araw, nadarama ko nang napakatindi ang Espiritu habang ako ay nag-uukol ng oras kasama ang mabubuting tao, nag-aaral ng mga banal na kasulatan, natututo ng iba pa tungkol sa ebanghelyo, at mas kinikilala ang Ama sa Langit at ang Tagapagligtas.

Paggawa ng mga Pagbabago

Natanto ko na kailangan kong baguhin ang aking pag-uugali at simulang unawain kung ano ang maidudulot ng ebanghelyo ni Jesucristo sa aking buhay.

Nang makauwi ako, ayokong mawala ang ugnayan sa Espiritu na nadama ko sa kumperensya, kaya minithi kong gawin ang kinakailangan upang manatiling matatag ang aking bagong natuklasang saligan sa ebanghelyo at mapasaakin ang Espiritu sa tuwina.

Medyo mahirap noong una ang paggawa ng mga pagbabago. Kinailangan kong itigil ang pag-uukol ng oras sa ilang kaibigan dahil hindi sila mabubuting impluwensya sa akin. Sinikap kong tanggalin ang ilang masasamang gawi. Sinimulan kong seryosohin ang simbahan. Ang paggawa ng mga desisyong ito ay nakatulong sa akin na punuin ng kabutihan ang aking buhay. Ang nakatulong sa akin na mapanatili ang ugnayan sa Espiritu ay ang paglalaan ng oras bawat araw upang pag-aralan ang mga banal na kasulatan, lalo na ang Aklat ni Mormon.

Mga Paalala ng mga Pagpapala ng Ebanghelyo

Ipinapaalala sa akin ng mga turo sa mga banal na kasulatan kung ano talaga ang mahalaga sa buhay ko. Kapag nalulungkot ako sa aking relihiyon, lalo na dahil iilan lamang ang mga miyembro rito sa Bulgaria, tinutulutan ko ang mga katotohanan ng mga sinaunang propeta na palalimin ang aking pananampalataya kay Jesucristo.

Ang isa sa mga paborito kong talata ay ang Moroni 10:32: “Lumapit kay Cristo, at maging ganap sa kanya, at pagkaitan ang inyong sarili ng lahat ng kasamaan; at kung inyong pagkakaitan ang sarili ng lahat ng kasamaan, at iibigin ang Diyos nang buo ninyong kakayahan, pag-iisip at lakas, kung magkagayon ang kanyang biyaya ay sapat sa inyo, upang sa pamamagitan ng kanyang biyaya kayo ay maging ganap kay Cristo.”

Ang mga banal na kasulatang tulad nito ang nagpapaalala sa akin ng liwanag na ibinibigay ng ebanghelyo at nagpapanatili sa aking malakas kapag nahihirapan ako. Laging pinalalakas ng mga banal na kasulatan ang aking saligan ng pananampalataya.

Ngayon, naghahanda na akong magmisyon, at nahaharap pa rin ako sa mga bagay na hindi inaasahan at mga hamon (tulad ng pagkasuri kamakailan na maysakit ako na type 1 diabetes). Pero ang pag-una sa mga espirituwal na gawi ay nakatutulong sa akin na madama ang pagmamahal ng Ama sa Langit nang higit kailanman.

Ipinaalala sa atin ni Pangulong Russell M. Nelson kamakailan na “ang pag-iisip nang selestiyal ay nangangahulugang pagiging espirituwal sa kaisipan.”

Ang pagsisikap na gawin ang mga bagay na nagpapanatili ng Espiritu sa akin araw-araw ay talagang tumutulong sa akin na mag-isip nang selestiyal—na maging espirituwal sa kaisipan. Nadama ko na nagiging higit akong katulad ni Cristo habang iniisip ko kung ano ang gagawin Niya. Ang pagpapanatiling kasama ko ang Espiritu ay tumutulong sa akin na magkaroon ng pag-asa at alalahanin ang mga pagpapalang inilaan ng Ama sa Langit para sa lahat ng pinipiling sumunod sa Kanya.

Pagkapit sa Liwanag

Ang pamumuhay sa isang masamang mundo kung saan tila wala ang Espiritu ay maaaring mahirap kung minsan. Pero tinutulungan din ako nitong mas makilala ang maningning at naiibang init at liwanag ng ebanghelyo ni Jesucristo. Hindi ko naranasan ang kahalagahan ng kamangha-manghang pagpapalang ito sa buhay ko sa loob ng maraming taon. Labis akong nagpapasalamat sa mga espirituwal na karanasan na maaakay tayo ng Ama sa Langit, dahil ngayon, nakakapit ako sa liwanag at kagalakan ng ebanghelyo nang higit kailanman.

Pinatototohanan ko na kung magtitiwala ka sa Panginoon at mag-aaral ng Aklat ni Mormon araw-araw, magiging mas madali ang iyong buhay. Masisimulan mong makita ang mga pagpapalang ibinibigay sa atin ng ating mapagmahal na Ama sa Langit araw-araw, at malalaman mo kung magiging sino ka sa tulong ng Panginoon.

Ang awtor ay naninirahan sa Varna, Bulgaria.