Mga Young Adult
Mga Missionary na Umuwi nang Maaga: Hindi Kayo Nag-iisa
Ang awtor, na mula sa France, ay nag-aaral sa Utah, USA.
Ibinahagi ng mga young adult kung paano sila nakahanap ng kahulugan at kapayapaan pagkatapos umuwi nang maaga mula sa kanilang mga misyon at kung paano mo rin magagawa iyon.
Ang hukbo ng mga full-time missionary na nagsisikap na tuparin ang kanilang tungkuling “imbitahin ang iba na lumapit kay Cristo”1 ay nagdadala ng “malaking pag-asa at labis na kagalakan” (Alma 56:17) sa marami. Ang mga missionary na iyon, tulad ng mga kabataang mandirigma sa Aklat ni Mormon, ay lumalaban bawat araw nang may gayong “kahiwagang lakas; at lakip ang gayong makapangyarihang lakas” (Alma 56:56).
Subalit kahit sa 2,060 kabataang mandirigma, mayroon pa ring 200 na “nawalan ng malay-tao dahil sa kawalan ng dugo” (Alma 57:25). Nabawasan ba ang kanilang kagitingan dahil dito? Nabawasan ang lakas? Nabawasan ang tapang? Nabawasan ang pagkamarapat kaysa sa iba? Hindi ni katiting.
Katulad nila, kayong mga missionary na umuwi nang maaga dahil sa kadahilanang nauugnay sa pangkaisipan o pisikal na kalusugan ay hindi nabawasan ng kagitingan, lakas, tapang, o pagkamarapat. Ang inyong pagsisikap sa gitna ng inyong mga pagsubok ay—at nararapat na maging—kagila-gilalas. Kayo ay naligtas—maaaring nasugatan nang matindi, subalit naligtas. Ang inyong mga sugat, maging pisikal, pangkaisipan, o espirituwal man, ay kailangan na ngayong gamutin (tingnan sa Alma 57:28). Para sa mga yaong umuwi dahil sa mga kadahilanang may kinalaman sa pagkamarapat, ang pagsisisi ay magiging mahalagang bahagi ng inyong paggaling.
Habang kayo ay nag-a-adjust sa pag-uwi, tiyaking binibigyan ninyo ng oras ang inyong sarili upang maghilom at tandaang palaging magtiwala sa Diyos (tingnan sa Alma 57:27). Ipinaalala Niya sa atin: “Kapag ako ay nagbigay ng kautusan sa sinuman sa mga anak na lalaki [o babae] ng tao na gumawa ng gawain sa aking pangalan”—halimbawa, ang paglilingkod ng mission—“yaong mga anak na lalaki [at babae] ng tao ay gaganap nang buo nilang lakas at sa lahat ng mayroon sila upang magampanan ang gawaing yaon, at hindi tumitigil sa kanilang pagsisigasig, at ang kanilang mga kaaway”—sa ilang pagkakataon, ang ating mga pisikal na sakit o sakit sa pag-iisip o iba pang karamdaman—“ay sumapit sa kanila at hinadlangan silang magampanan ang gawaing yaon, masdan, mamarapatin ko na huwag nang hingin ang gawaing yaon sa [kanilang] mga kamay … , kundi tatanggapin ang kanilang mga handog” (Doktrina at mga Tipan 124:49).
Anumang sugat ang inyong natamo—o naramdaman muli—sa labanan, basta’t naglingkod kayo nang karapat-dapat o nagsisi nang lubos, ang inyong kontribusyon ay kinakailangan at tinatanggap ng Panginoon.
Ang pagbasa sa sumusunod na mga kuwento ay maaaring makatulong sa inyong makahanap ng paghilom sa pamamagitan ng pag-alam na hindi kayo nag-iisa at na ang pagbabahagi ng inyong kuwento ay maaaring makatulong sa iba.
Unawaing Nadama na ng Tagapagligtas ang Sakit na Nadarama Ninyo
Sa biyahe sakay ng eroplano patungo sa aking mission, naisip ko kung ano kaya ang mangyayari kapag natapos ko na ang aking misyon at nakauwi na ako. Magsisigawan sa tuwa at yayakapin ako ng aking pamilya at mga kaibigan, at mamumuhay ako nang payapa, tinatamasa ang bawat pagpapalang kaakibat ng pagiging marangal na returned missionary.
Pagkalipas ng labing-isang buwan, sa biyahe sakay ng eroplano pauwi, ang bawat sandali ay ginugol sa pagkabalisa sa pag-iisip hinggil sa kung ano ang kasunod na mangyayari. Ang aking pamilya ay naghihintay, at bagama’t nagsigawan sila sa tuwa at niyakap ako, bago ko namalayan, nag-iisa na ako nang walang ideya tungkol sa aking hinaharap.
Nakita ng Tagapagligtas ang mahihirap na panahon sa aking buhay. Alam Niya kung ano ang nadama ko habang nakahiga sa kama sa loob ng tatlong linggo nang umiiyak at natutulog para maiwasan ang sitwasyong kinalalagyan ko. Alam Niyang kakailanganin ko ang Kanyang lakas dahil walang sinuman sa mga nakapalibot sa akin ang makakaunawa o makakaramdam kung ano ang pinagdaraanan ko. Ngunit nagawa Niya. Hindi ko makakayanan ang aking misyon o ang pag-uwi nang maaga nang wala Siya.
Ali Boaza, Queensland, Australia
Maging Handang Sundin ang Kalooban ng Panginoon
Maayos ang lahat ng bagay sa aking mission. Nagkaroon ako ng kamangha-manghang mga karanasan na mananatili sa puso ko magpakailanman. Gayunman, pagkatapos ng walong buwan, nagsimula akong magkaroon ng mga problema sa kalusugan. Matapos ang maraming pag-aayuno at pagdarasal, pinauwi ako. Nanlumo ako. Naisip kong kasalanan ko ang lahat ng iyon. Tumigil ako sa pagbabasa ng aking mga banal na kasulatan at sa madalas na pagdarasal. Inisip ko kung hindi ko ba nagawa ang lahat ng bagay na magagawa ko para manatili.
Subalit napagtanto ko na ako ay sinusubukan para makita kung mananatili akong tapat sa Panginoon. Napakahirap nito, pero nagtiwala ako sa Kanya, at bumalik ako sa mission field, kung saan muli akong nagkaroon ng kamangha-manghang mga karanasan.
Pagkatapos, bumalik ang aking mga problema sa kalusugan. Subalit sa pagkakataong ito ay mas handa na akong sundin ang kalooban ng Ama sa Langit. Kaya umuwi ako sa pangalawang pagkakataon. Mahirap ito, pero alam kong matututo ako mula sa lahat ng bagay na pinagdaanan ko.
Bagama’t hindi ako naglingkod sa loob ng 24 buwan, alam kong naglingkod ako ng isang marangal na misyon. Alam ko na ang oras na naglingkod ako sa Panginoon ay makabuluhan para sa akin at sa mga taong tinulungan ko. Nagpapasalamat ako sa aking Tagapagligtas para sa Kanyang walang-hanggang Pagbabayad-sala. Alam Niya ang lahat ng hamon sa ating buhay. At kung aasa tayo sa Kanya nang may buong katiyakan, hindi tayo mag-iisa kailanman.
Fillipe Hoffman, Goiás, Brazil
Huwag Mag-aksaya ng Oras sa Pag-iisip Kung Bakit
Ang ideya ng pag-uwi nang maaga ay nakapanlulumo. Nang iminungkahi ito ng tagapayo, nakadama ako ng komplikado at halu-halong emosyon: Kahihiyan. Kaginhawahan. Kurot sa budhi. Kapayapaan. Pighati. Lahat nang sabay-sabay.
Alam kong sinusuportahan ako ng Diyos dahil kahit papaano ay nalampasan ko ang aking unang linggo ng pag-uwi. At pagkatapos ay nalampasan ko ang isa pang linggo. At ang isa pa. Hanggang sa madama ko sa wakas na nagbalik na ang dating ako. Ang aking tatay ang naging pinakamalaking suporta ko at tunay niya akong pinatnubayan. Palagi niyang gustong makipag-usap at pag-ukulan ako ng oras. Hindi para usisain kung ano ang “nangyaring masama,” kundi para lamang kumustahin ako.
Nang pumanaw ang aking tatay sa isang aksidente sa rock climbing pagkalipas ng ilang buwan, nalaman ko nang walang pagdududa na may plano ang Diyos para sa akin. Ang makasama ang aking tatay sa huling mga buwan ng kanyang buhay ay nagpatibay sa aking patotoo sa plano ng kaligtasan. Hindi ko pa rin nauunawaan ang lahat ng dahilan kung bakit kinailangan kong umuwi noong nangyari iyon, pero natutuhan ko rin na kung gugugol ka ng maraming oras sa pagtataka kung bakit, hindi mo mapapansin ang kahanga-hangang mga himala na ibinibigay sa iyo ng Diyos araw-araw.
Kristen Watabe, Ohio, USA
Isaayos ang Iyong mga Inaasahan
Noong tumindi ang aking sakit at hindi ko na maipagpatuloy ang aking misyon, alam kong nais ng Diyos na umuwi ako, pero iyon ang kabaligtaran ng gusto ko. Nabagabag din ako sa biglaang pagbagsak ng aking kalusugan, na kalaunan ay napatunayan na simula ng isang patuloy at nakakapinsalang kondisyon.
Habang naninibago sa aking sakit, nadama kong nawala ang aking hangarin. Nangailangan ako ng maraming tulong at nadama kong wala akong maibibigay. Subalit alam kong kinakailangan kong magpatuloy na sumampalataya, kaya nagpatuloy ako sa pag-aaral, pagdarasal, at pagsubok na sundin ang Espiritu. Isang araw, habang pinag-aaralan ko ang Bagong Tipan, nakakita ako ng isang larawang ipininta ni James Tissot na pinamagatang Jesus Commands the Apostles to Rest. Ang pagsasalarawang ito ng Marcos 6:30–31 ay kaagad na umalo sa akin. Nang makita ko si Cristo na nagbabantay sa Kanyang mga tagapaglingkod na nagpapahinga, nadama ko kung gaano Niya sila kamahal. At ako.
Kalaunan, natutuhan ko na ang mga inaasahan ko para sa aking sarili ay hindi katulad ng mga inaasahan ng Diyos para sa akin. Sa ibang paraan, ang mga inaasahan Niya ay mas personal na hamon, pero ang mga ito ay higit na mas naaayon sa aking mga pangangailangan. Lubos akong nagpapasalamat sa paraan ng pagtuturo Niya sa akin na tanggapin nang mas lubos ang Kanyang tulong at ang Kanyang ganap na pag-ibig. Ang tiwala Niya sa akin ay nagbibigay sa akin ng pag-asa na kailangan ko para sumulong.
Sabrina Maxwell, Utah, USA
Manatili sa Landas ng Ebanghelyo
Ako ay umuwi nang maaga mula sa Philippines Cebu East Mission. Ang pag-iisip ng mga “paano kung” at ang pakiramdam na hindi ko nasunod ang karaniwang inaasahan sa mga missionary dahil umuwi ako nang maaga ay nagpahirap sa aking pagbabalik. Dahil naglingkod ako sa aking bansa, nahirapan ako sa pag-iisip na nabigo ko ang aking branch at nalalamang hindi ko naabot ang kanilang mga inaasahan. Ang paghahambing sa aking sarili sa mga “tunay” na returned missionary ay naging dahilan para ituring ko ang aking sarili bilang hindi karapat-dapat na katulad nila o maramdaman kong tila ako ay isang tagalabas.
Kalaunan, itinuro sa akin ng Panginoon na ang isang misyon ay isa lamang sa maraming paraan para mapaglingkuran Siya. Hindi mahalaga kung saan o kung gaano katagal ka naglingkod, subalit ang mahalaga ay kung paano ka naglilingkod. Tinuruan Niya ako na maging mapagpakumbaba at manatili sa landas ng ebanghelyo kahit na ang mga bagay ay nagiging mahirap at hindi naaayon sa aking kagustuhan.
Jasper Gapuz, Philippines
Isaalang-alang ang Ama sa Langit at si Jesucristo
Tinawag akong maglingkod sa New Zealand Wellington Mission. Nang malaman kong kinakailangan kong umuwi nang maaga, nadama kong nabigo ko ang Ama sa Langit at ang aking mga magulang.
Marami akong natutuhan mula sa aking misyon at mula sa sitwasyong ito. Hindi ko pa kinailangang umasa sa Ama sa Langit at sa Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas nang katulad ng ginawa ko noong umuwi ako nang maaga. Kinailangan kong magtiwala sa Diyos at tanggapin ang anumang nais Niyang pagdaanan at matutuhan ko. Hindi ko maitatatwa ang kapangyarihan ng Pagbabayad-sala at kung paano ko tunay na nalaman na si Jesucristo ang aking Tagapagligtas. Natutuhan ko na ginagawa ng Diyos na maging mababa ang aking kalooban at tinuturuan ako sa pamamagitan ng aking mga kahinaan at mahihirap na karanasan.
Nasaan man ako, o kung may name tag man ako sa dibdib, ako ay isa pa ring disipulo ni Jesucristo. Alam kong mahal pa rin ako ng Panginoon at Siya ay napapasaakin, at nais Niyang magpatuloy ako sa paglilingkod sa iba. At bagama’t nakauwi na ako, alam kong hindi ako kabiguan dahil tinulungan Niya akong maging mas mabuting tao sa pamamagitan ng karanasang ito.
Natasha Krisanalome, Thailand
Pagtibayin ang Iyong Ugnayan sa Tagapagligtas
Nagkaroon ako ng pribilehiyong magmisyon sa Anchorage, Alaska, USA. Nakakadurog ng puso ang umuwi nang maaga dahil sa mga komplikasyong nagmula sa pagkapilay ng parehong bukung-bukong at mga paa. Talagang hindi madali iyon, pero nagkaroon ako ng maraming karanasang nagturo sa akin ng mahahalagang aral. Natutuhan ko na ang Ama sa Langit ay may layunin para sa lahat ng bagay na nangyayari sa ating mga buhay. Natutuhan ko rin kung paano lagpasan ang mga pagsubok nang may mas mabuting pananaw. Ang aking pakikipag-ugnayan sa Tagapagligtas ay mas tumibay kaysa rati dahil natutuhan ko kung gaano naaangkop ang naghihilom na kapangyarihan ng Kanyang Pagbabayad-sala.
Tunay na tinulungan ako ng Ama sa Langit sa mahirap na panahong ito. Bagama’t nahihirapan pa rin ako kung minsan, alam ko na ang Ama sa Langit ang namamahala at na mas alam Niya kung ano ang kailangan ko sa aking buhay.
Amber Bangerter, Utah, USA
Dapat Mong Malaman na Nagpapatuloy ang Gawaing Misyonero Nasaan Ka Man
Naglingkod ako sa Hungary Budapest Mission. Noong umuwi ako nang maaga, mahirap ito dahil ang lahat ng aking kompanyon ay naglilingkod pa rin sa kanilang misyon at hinahanap-hanap ko ang pagiging missionary. Natakot din ako na baka husgahan ako ng ibang mga miyembro ng Simbahan, subalit sa kabutihang-palad, tinrato ako ng lahat nang may pagmamahal at inunawa ang aking sitwasyon.
Sa paglipas ng panahon, mas bumuti ang pakiramdam ko. Nabasa ko ang isang artikulo sa Liahona tungkol sa mga missionary na umuwi nang maaga na nakatulong para mas bumuti ang pakiramdam ko dahil hindi ko na nadaramang nag-iisa ako (tingnan sa Destiny Yarbro, “Mas Maagang Umuwi Kaysa Nakaplano,” Liahona, Ene. 2018, 44–47). At humugot rin ako ng lakas-ng-loob sa sinabi ng aking tiyahin: “Nagpapatuloy ang gawaing misyonero saan man tayo naroon.”
Lucas Ludwig Saito, São Paulo, Brazil
Palibutan ang Iyong Sarili ng Kabutihan
Hindi ko kailanman naisip na uuwi ako nang maaga mula sa aking misyon, at nahihiya at kinakabahan akong harapin ang lahat ng tao. Bagama’t isa ito sa mga pinakamahirap na bahagi ng aking buhay, lumago rin ako mula sa karanasang ito. Hinubog ako nito upang maging mas mabuting tao.
Umuwi ako para dumaan sa proseso ng pagsisisi. Ang ilan sa mga pagpiling ginawa ko bago ang aking mission ay hindi naaayon sa mga turo at mga kautusan ng ebanghelyo. Dahil sa aking kahihiyan at paghahangad na mapanatili ang aking katayuan sa Simbahan, hindi ako dumaan sa proseso ng pagsisisi kasama ng aking bishop bago magsimula ang aking misyon. Subalit sa unang ilang buwan, nadama kong kinakailangan kong umuwi para magsisi upang makapaglingkod ako nang may karangalan at integridad.
Ang mga bagay na talagang naghikayat sa akin noong umuwi ako ay ang pakikibahagi sa mga gawaing nakapagpapataas ng espirituwalidad, kabilang ang mga miting sa Simbahan, mga proyekto ng paglilingkod, at ang templo, noong maaari ko nang gawin iyon. Gayunman, ang pinaka-nakatulong sa akin ay ang mga taong nakapalibot sa akin—pamilya, ilang kaibigan, at maging ang mga taong hindi ko pa nakilala dati ay nagpakita sa akin ng pagmamahal at kabaitan.
Sa kabuuan, sa tulong ng Panginoon at sa mga halimbawang katulad ni Cristo na nakapalibot sa akin, nagawa kong bumalik sa Florida para tapusin ang aking misyon. Umaasa akong sisikapin nating lahat na maging katulad ni Cristo sa ibang mga tao, umuwi man sila nang maaga mula sa kanilang misyon o kahit na nangangailangan lamang.
Caigen Stuart, Utah, USA
Umasa sa Tagapagligtas
Natanggap ko ang aking mission call sa Zambia Lusaka Mission. Isa sa mga pinakamahirap na bagay tungkol sa pag-uwi nang maaga ay ang hindi pag-unawa ng mga miyembro sa mga missionary na umuwi nang maaga.
Noong bumalik ako, kinailangan kong maospital nang tatlong linggo, at walang miyembro mula sa simbahan na tumawag o bumisita. Ang tanging mga taong pumunta ay ang lider ng grupo at ang mga missionary na nangangasiwa sa sakramento para sa akin kada Linggo—at iyon ay dahil lamang sa hiniling ko ito sa kanila. Tunay na nagamit ko sana ang tulong ng mga miyembro upang palakasin ang aking katawan at pananampalataya kay Jesucristo noong unang ilang linggong iyon pagkatapos kong umuwi, pero kinailangan kong gawin iyon nang mag-isa.
Patuloy akong tinuturuan ng Panginoon araw-araw tungkol sa kung bakit mas maaga akong umuwi kaysa sa inaasahan, kahit na mahirap pa ring unawain ito kung minsan. Napagtanto ko ngayon na ang pag-uwi nang maaga ay nagtulot sa akin na mahanap ang aking ama at ang kanyang pamilya at bumuo ng ugnayan sa kanila. Nagtulot ito sa akin na malamang may sakit ako na patuloy na magiging bahagi ng aking buhay. At nalaman ko kung ano ang aking mga kalakasan at kahinaan—halimbawa, paano sabihing “hindi.” Dati, napakahirap para sa aking tumanggi sa anuman o sinuman. Palagi akong handang gawin ang mga bagay na nais o kailangang ipagawa ng iba at unahin ang iba, kahit gaano man ako kapagod o kaabala—na hindi naman mali, subalit dahil sa pagsubok na ito, natutuhan ko na kung minsan ay kailangan kong unahin ang aking sarili.
Patuloy pa rin akong nakakatuklas ng mga bagong bagay tungkol sa Panginoon at kung bakit kinailangan kong umuwi nang maaga. Subalit maraming pagpapala ang dumating sa akin, at araw-araw akong umaasa sa Panginoon. Bagama’t mahirap kung minsan at hindi palaging nauunawaan ng mga tao, alam kong nauunawaan ng Tagapagligtas. At patuloy akong umaasa sa Kanya at sa Kanyang walang- hanggang Pagbabayad-sala.
Lindi Chibase, Gauteng, South Africa
Ang pangakong matatagpuan sa iyong missionary call letter, na ibinigay sa iyo noong nagpasiya kang makibahagi sa gawaing ito, ay matutupad: “Pagpapalain ka ng Panginoon para sa iyong matuwid na pamumuhay at tapat na paglilingkod.” Sa pamamagitan ng pag-aasikaso at pag-aalaga, ang iyong mga sugat ay maaaring mapagaling at maging paraan para makatulong ka sa iba na lumapit kay Cristo. Iyon, pagkatapos ng lahat, ang tungkulin ng mga missionary.