Si Jesucristo ang Sagot
Gabi Kasama ang Isang General Authority • Pebrero 8, 2019 • Salt Lake City Tabernacle
Mga kapatid, lahat kayo na narito ngayon sa Tabernacle sa Temple Square at lahat kayo na nagtitipon sa iba’t ibang panig ng mundo, ikinararangal namin ni Sister Rasband na makasama kayo. Naiisip ko ang naging impluwensya sa akin ng aking mga guro sa seminary at sa institute na nakapagpabago sa aking buhay. Hanggang ngayon, nakikita ko pa rin ang impluwensya ng aking mga guro sa paraan kung paano ko pinag-aaralan ang mga banal na kasulatan at, lalo na, sa tindi ng aking pagmamahal sa Aklat ni Mormon.
Pinahalagahan ko rin ang aking karanasan sa pakikisama sa isang ligtas na lugar kasama ang aking mga kaibigan na masayang nag-aaral ng ebanghelyo. Nagpalipas kami ng oras sa gusali ng seminary noong nasa hayskul kami at sa institute noong nasa kolehiyo kami. Lagi kong inaasam noon na makasama si Melanie Twitchell sa mga sayawan sa institute. Si Melanie ay ang maganda at kahanga-hangang asawa ko ngayon.
Bilang mga guro sa seminary at sa institute, maraming oras kayong nagtatrabaho sa pagdadala ng mga kaluluwa kay Jesucristo. Ipinagdarasal ninyo ang inyong mga estudyante; nag-aaral kayo para masagot ninyo ang kanilang mga katanungan; inihahanda ninyo ang inyong sarili sa espirituwal para makapagturo sa pamamagitan ng Espiritu; ipinapakilala, pinagtutuunan ng pansin, at ipinapaliwanag ninyo ang mga katotohanan ng ebanghelyo.
Kapag naghahanap ang Panginoon ng mga taong makakatulong sa isang estudyante na nahihirapan, sa isang kabataan na hindi sigurado sa kanyang patotoo, sa isa sa Kanyang mga pinakamamahal na anak na pinanghihinaan ng patotoo o pang-unawa, inihanda Niya kayo para manguna sa pakikipagtulungan sa mga magulang at mga lider ng Simbahan. Tumatayo kayo sa harap ng inyong mga estudyante at pinagtitibay muli ang katotohanan na buhay si Jesucristo, na mahal ng ating Ama sa Langit ang bawat isa sa atin, at na mahalaga tayo sa Kanyang walang hanggang plano. At ang pinakamahalaga sa lahat, pinaniniwalaan ninyo ito.
Kayo ay, tulad ng palaging sinasabi ni Elder Jeffrey R. Holland, “isang guro na nagbuhat sa Dios.”1
“Kayrami … [ang] nadala na magsiawit ng mapagtubos na pag-ibig, at ito ay dahil sa kapangyarihan ng kanyang salita na nasa [inyo], kaya nga hindi ba may malaking dahilan upang [kayo] ay magsaya?
“Oo, may dahilan upang purihin [ninyo] siya magpakailanman, sapagkat siya ang Kataas-taasang Diyos.”2
Ngunit kung minsan, ang bigat ng pagbibigay-inspirasyon, pagtuturo, at paghihikayat sa mga kabataan ay halos higit pa sa kaya ninyong pasanin. Alam ng Panginoon na ang gawaing ito ng pagdadala ng mga kaluluwa sa Kanya ay maaaring maging mahirap. Natutunan ko iyon noong ako ay naging mission president sa New York City at ang talatang ito mula sa Alma ay naging napakahalaga sa akin: “Ngayon, nang ang ating mga puso ay manghina, at tayo sana ay magbabalik na, masdan, inaliw tayo ng Panginoon, at sinabi: Humayo sa inyong mga kapatid … at batahin nang buong pagtitiyaga ang inyong mga paghihirap, at ipagkakaloob ko sa inyo ang tagumpay.”3
Ang kaaway ay hindi pa kuntento sa naging negatibong impluwensya niya sa kaharian ng Diyos sa lupa. Gusto niya ng higit pa. Siya ay agresibo at walang awa. Pinupuntirya niya ang mga taong inaalagaan ninyo; nakikita natin sa ilan na “[n]agsisipanglupaypay [sila] dahil sa takot.”4
Ang ilan sa mga estudyante ay naliligaw ng landas ngunit, sa tulong ng Espiritu ng Panginoon, maaari ninyo silang matulungan na makabalik sa tamang landas. Tandaan ang sinabi ni Pablo, “Nangagigipit kami, gayon ma’y hindi nangaghihinagpis; nangatitilihan, gayon ma’y hindi nangawawalan ng pagasa; pinaguusig, gayon ma’y hindi pinababayaan; inilulugmok, gayon ma’y hindi nangasisira.”5
Bakit?
Dahil ang gawain ni Cristo ay nag-aanyaya sa atin taglay ang walang hanggang pangakong ito: “Magsiparito sa akin, kayong lahat na nangapapagal at nangabibigatang lubha, at kayo’y aking papagpapahingahin.”6
Sinabi ng Panginoon: “Kaya nga, magalak, at huwag matakot, sapagkat ako ang Panginoon ay kasama ninyo, at tatayo sa tabi ninyo; at magpapatotoo kayo sa akin, maging si Jesucristo, na ako ang Anak ng buhay na Diyos, na ako ang noon, na ako ang ngayon, at na ako ay paparito.”7
Hindi tayo maaaring “magalak”8 at matigilan dahil sa takot. Ang dalawa—galak at takot—ay hindi natin maaaring maramdaman nang magkasabay. At kung susundin natin ang utos ng Panginoon—kung tayo ay magagalak—magiging handa tayong magpatotoo sa Kanya, ang Tagapagligtas ng sanlibutan. Makikilala natin kung sino talaga Siya at malalaman ang mahalagang tungkulin Niya sa pagtulong sa atin na madaig ang mga problema ng mundo.
Ang magalak ay nangangahulugang magtiwala sa Kanya kapag hindi nangyayari ang mga bagay tulad ng inaasahan natin. Nangangahulugan ito na magpatuloy kahit may mahihirap na sitwasyon na nagpapabago sa ating mga buhay at kahit tila hindi na posible ang mga nais nating mangyari dahil sa mga pagsubok. Ngunit ipinapaalala sa atin ng Panginoon, “Sa daigdig na ito ang inyong kagalakan ay hindi lubos, subalit sa akin ang inyong kagalakan ay lubos.”9
Malalaman ninyo kung sinong mga estudyante sa inyong mga klase ang namumuhay nang may “galak.” Mayroon pa rin silang mga pagsubok at mga problema, ngunit hinaharap nila ang mga ito nang may pananampalataya at tiwala sa Diyos. Pumapasok sila sa klase, sabik na masagot ang mga tanong, umaasang malaman ang mga katotohanang itinuturo, at malakas ang loob dahil alam nila kung sino sila. Para sa kanila, ang “Ako ay anak ng Diyos”10 ay kapwa kaalaman at kasiguraduhan, hindi lamang ala-ala sa pagkanta sa Primary. Pumapasok sila sa klase na naghahangad ng mga karanasang espirituwal, kabatiran, at pag-unawa na makakatulong sa kanila na makahanap ng mga sagot sa kanilang mga tanong. Nais nilang mapalakas muli ang kanilang pag-asa habang naglalakbay sila sa isang mapamintas na mundo, at kahit na maraming nanggigipit sa kanila, ang kanilang pag-asa ay mas malakas kaysa sa kanilang pang-araw-araw na problema.
Noong ako ay nasa seminary at institute—tila napakatagal na nito, masasabi kong—ang mga estudyante ay pumapasok sa klase na naniniwala, o parang ganoon ang tingin ko. Hindi sila napupuno ng pagdududa dahil sa mga nakikita nila sa internet, dahil wala namang internet noon. Hindi sila nagkaroon ng magkakaparehong alalahanin na nagpapaisip sa kanila hinggil sa relihiyon, paghahayag, mga propeta, o paniniwala sa Diyos.
Paano naman ang mga estudyante na nasa hulihan ng klase na nakasubsob ang mga mukha sa kanilang mga aklat habang natutulog? O ang batang babae na katatapos lamang magpakalbo at ayaw tumingin ng diretso sa inyo? Ang dalawa na dating pumapasok sa klase na masayang nag-uusap ngunit ngayon ay hindi na nag-iimikan? Paano na ang magaling na estudyante na tila nawalan na ng gana sa talakayan tungkol sa ebanghelyo at madalas nang lumiban ng klase? Paano na ang ilang estudyante na mukhang hindi interesado, na nakatingin sa kawalan, at hindi nagsisikap na matuto? Ang ilang estudyante ay pumapasok sa klase, umuupo lamang … at pagkatapos ay lumalabas nang walang dalang kahit ano—kahit man lamang ang Espiritu. Ang kanilang mga natatanging buhay ay nilamon na ng stress, takot, tukso, krisis, at pagkabigo.
Naitanong na ba ninyo sa inyong sarili, “Ano ang nangyayari dito?” Naitanong ko na!
Takot at pagkasiphayo: iyan ang nangyayari. Takot sa hindi pagtanggap ng mga kaibigan. Takot sa pang-akademikong gawain, mahigpit na mga pangangailangan, at mga problema sa tahanan na hindi nila masolusyunan. Takot na wala silang mapagkatiwalaan at walang nagtitiwala sa kanila. Takot sa pag-iisa, o takot sa pagiging bahagi ng mga grupo. Takot na pabigat sila sa iba. Takot sa organisadong relihiyon o anumang relihiyon. Takot na walang solusyon o lunas sa sakit na nararamdaman nila. Inuudyukan ng takot ang kawalang pag-asa, pagkabalisa, at kalungkutan; lumilikha ang takot ng mga kabiguan na walang magandang kahihinatnan. Ang takot ay nagiging dahilan para maniwala ang mga tao na walang nakakaintindi sa kanila at, mas matindi pa, wala man lamang nagtatanong, “Ano’ng problema?”
Ang takot sa maraming anyo nito, sa kasamaang-palad, ay makikita sa pinakamalupit na kahihinatnan—pagpapakamatay.
Nang bumuo ang gobernador ng Utah ng isang natatanging grupo noong nakaraang taon para masolusyunan ang biglaang pagdami ng kaso ng pagpapakamatay ng kabataan, hiniling niya kay Pangulong Russell M. Nelson na magtalaga ng isang lider ng Simbahan para maging bahagi ng grupong iyon. Itinalaga sa akin ni Pangulong Nelson ang mahalagang tungkulin na iyon. Natutunan ko na walang hindi maaapektuhan nito. Ang pagpapakamatay ng kabataan ay isang krisis na nangyayari sa buong mundo. Ipinapakita ng mga istatistika na ang pagpapakamatay ay isa na sa tatlong nangungunang sanhi ng pagkamatay ng mga kabataan na edad 15 hanggang 24. At ito pa: “Ang mga tangkang pagpapakamatay ay 20 beses na mas madalas kaysa sa mga ganap na pagpapakamatay.”11Iyan, minamahal kong mga kapatid, ang malupit na katotohanan.
Dapat nating harapin lahat ang isyu na ito. Bilang mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, dapat tayong mangako na gawin ang lahat ng ating makakaya para mabago ang pag-iisip na ang pagpapakamatay ay isang sagot, isang tugon na maaaring maging solusyon sa kanilang problema. Dapat nating kausapin ang mga kabataan tungkol sa pagpapakamatay at mahalin sila para hindi nila isipin na ang pagpapakamatay ay solusyon sa sakit na nararamdaman nila. Ang buhay ni Pangulong Thomas S. Monson ay isang magandang halimbawa ng “pagsagip.” Dapat natin iyong ituring bilang tungkulin natin.
Iyon ang ginawa ng Tagapagligtas para sa ating lahat. Sinagip Niya tayo gamit ang Pagbabayad-sala, at patuloy Niyang ipinadarama ang matinding pagmamahal na iyon sa pamamagitan ng pagpapagaling sa atin, paghihikayat sa atin, at pagdudulot sa atin ng kapayapaan kung babaling lamang tayo sa Kanya.
Maaari tayong magpakita ng pagmamahal kung iyon ang kailangan ng mga kabataan, hanapan sila ng kaibigan, makinig sa kanila, at kumustahin sila gamit ang isang simpleng pagbati o pagkaway. Maaaring kailanganin nating makipagtulungan sa kanilang mga magulang at bishop para makakuha ng mga serbisyo sa pagpapayo para sa mga paghihirap, kalungkutan, o iba pang sakit sa pag-iisip. Makagagawa tayo ng kaibhan sa kanilang buhay. Lalo nang madaling matukso na magpakamatay ang mga kabataan at mga young single adult na nakikibaka sa mga isyu hinggil sa kasarian. Dapat silang yakapin sa bisig ng kanilang Tagapagligtas at malaman na minamahal sila. Palagi tayong tinatawag ng Panginoon; inaasahan Niya na tayo ang tatanggap sa kanila at magiging mapagmahal na bisig Niya. Dapat nating hikayatin ang kanilang mga kaibigan na gawin din iyon.
Ang pagpapakamatay ay may malapit na kaugnayan sa sakit na dulot ng mga tanong na hindi nasagot, kalungkutan, pighati, mga paano-kung at ano-na-ngayon. Ang pagkawala ng mga buhay na ito ay mga trahedya na kakila-kilabot kaya dapat bilang mga guro ay maghanap tayo ng mga bago at mas mainam na paraan para mapayuhan, mapakitaan ng pag-aaruga at malasakit, at manatiling malapit sa at masuportahan ang ating mga kabataan. Subukang sabihin ang pangalang “Jesucristo” sa isang mapanganib na sitwasyon sa isang taong nawalan ng pag-asa. Kahit ang simpleng pagtawag lamang sa Kanya sa pamamagitan ng Kanyang pangalan ay maaaring makagawa ng kaibhan sa isang mahirap na sandali.
Ang ilang komunidad ay nahaharap sa tinatawag nilang “mga kumpol” ng pagpapakamatay kung saan isang kabataan ang nagpapakamatay at nakikita ito ng ilan bilang isang pagpipilian at nagpapakamatay rin sila.
Hayaan ninyong ibahagi ko sa inyo ang kuwento ng isang kabataan mula sa Britanya na nabalita sa BBC News noong Abril 2018. Ang kuwento ay tungkol sa isang 16-taong-gulang, si Hati Sparey-South, na “sinubukan nang magpakamatay. At maaaring sinubukan niya ulit ito at marahil ay nagtagumpay siya kung hindi dahil sa isang guro na nakapansin kung gaano siya kalungkot.” Tatlo sa kanyang mga kaibigan ang nagpakamatay na. Dalawang taon na siyang nagdurusa dahil sa labis na kalungkutan.
Sabi ni Hati, “Palagi akong napakalungkot. At hindi ako makatulog.” Nagpatuloy ang kadiliman. Naghiwalay ang kanyang mga magulang, at ang kanyang ina ay labas-masok sa ospital dahil sa sunud-sunod na problema sa kalusugan. Dahil ang lahat ng atensyon ay nasa kanyang ina, walang nakakapansin sa nadaramang kalungkutan ni Hati. Walang nagtatanong, “Paano mo kinakaya ang lahat ng nangyayari sa iyo? Anong nararamdaman mo?”
Isang araw, pumasok siya sa klase na may suot na kalunus-lunos na T-shirt, at katatapos lang niyang magpakalbo. Tinanong siya ng kanyang guro, “Uy, ayos ka lang ba? Kumusta na?”
Sumagot si Hati ng, “Ayos lang po.” Ngunit hindi lamang iyon ang sinabi niya. May nakapansin sa kanya. “Sa totoo lang, napakasama po ng pakiramdam ko,” sabi niya. “Sobra po akong nalulungkot. At lagi po akong naiiyak.”
At pagkatapos ay umiyak nang umiyak si Hati, at kumalat ang makeup sa kanyang mukha. Ngunit hindi na mahalaga iyon dahil may isang taong tumulong sa kanya.
Ang gurong ito ay nagtanong ng isang simpleng tanong na palagi niyang itinatanong sa iba pang mga bata. Ngunit sa pagpapadala ng pahiwatig na nagmamalasakit siya, tinanggap ni Hati ang tulong. At nakatanggap ng tulong si Hati.
Kalaunan ay ipinaliwanag niya, “Tila napakaliit lamang ng bagay na ito ngunit hindi kapani-paniwala ang kapangyarihan nito kapag sinabi mo sa isang bata, ‘Kumusta ka?’ kapag pumasok sila sa silid-aralan, at alam mo na, kahit na ang sagot nila ay ‘Ayos lang,’ ay narinig ka nila.” 12
Sinabi ng mahal na kapatid na si Jeffrey R. Holland, “Anuman ang inyong paghihirap, mga kapatid—sa isipan man o sa damdamin o sa katawan o anuman—huwag piliing wakasan ang napakahalagang buhay. Magtiwala sa Diyos. Manangan nang mahigpit sa Kanyang pagmamahal. Dapat ninyong malaman na balang-araw ay magbubukang-liwayway at maglalaho ang lahat ng pasakit sa mortalidad. Bagama’t maaari nating madama na tayo ay ‘parang basag na sisidlan,’ tulad ng sabi ng Mang-aawit, dapat nating tandaan, ang sisidlang iyan ay nasa mga kamay ng banal na magpapalayok.”13
Walang madaling paraan para sa mga taong nasa panganib. Ang mga kabataang ito ay tumutugtog ng mga instrumentong pangmusika, kumakanta sa koro, naglalaro sa mga koponan sa soccer, o nagsusupot ng mga pinamili pagkatapos ng klase. Nagsisimba sila, ang ilan sa kanila—sila ang mga kaibigan ng mga yaong pumapasok sa inyong mga klase, bagaman ang ilan ay matagal nang hindi nakikilahok sa relihiyon. Ngunit may mga bagay na madalas pare-pareho sa kanila: pagkabigo, isang bagsak na pagsusulit, pakikipaghiwalay sa karelasyon, maraming pagkakataon ng pang-aapi, stress sa pag-aaral, at ang matatawag nating kalungkutan sa kabataan.
Ang Simbahan ay nagbibigay ng atensyon sa pagpapakamatay ng kabataan kaya gumawa ng isang website na may impormasyon, mga online na video, mga tulong para sa mga taong nakadarama ng pag-iisa, mga linyang maaaring tawagan para sa tulong, at isang listahan ng mga pahiwatig na nagbababala na, tulad ni Hati, nangangailangan sila ng tulong.
Maging pamilyar sa mga resource na ito, at mas magagampanan ninyo ang inyong tungkulin bilang “isang guro na nagbuhat sa Dios.”14
Paano natin maipaparating sa isang tao na nagdurusa na alam ng Panginoon kung ano ang nararamdaman mo? Tinaglay Niya sa Kanyang sarili ang mismong mga personal na pagsubok at pagkakamali mo. Pinasan Niya ang mga ito para sa iyo para magkaroon ka ng Isang maglilingkod sa iyo nang buong pag-unawa kung paano ka nasasaktan at kung bakit.
Ang higit na pag-unawa kay Jesucristo ay makakatulong sa mga taong nawawalan ng pag-asa. Ang pagmamahal Niya para sa kanila at ang natatangi at dakilang lugar na ihinanda Niya para sa kanila sa mga kawalang-hanggan ay isang mensahe ng pag-asa. Mahal Niya sila. Kailangan nilang malaman iyon. Nakasaad sa banal na kasulatan, “Ako ang Panginoon ay kasama ninyo, at tatayo sa tabi ninyo.”15Ang Kanyang pangako na nariyan Siya ay hindi walang-saysay na salita na nakalaan para sa mga taong napakalinis o may katungkulan sa seminary council. Susuportahan Niya ang bawat isa sa ating mga kabataan—bawat isa sa atin, para sa bagay na iyon—sa pinakamadilim na oras ng ating buhay. Iyon ang kapangyarihan ng Pagbabayad-sala, at kailangan natin itong ituro nang maayos para makarating ito sa mga taong nagdurusa.
Tulungan ang mga estudyante na maghanap ng isang “talata ng kaligtasan,” isang talata sa banal na kasulatan na maaari nilang alalahanin kapag sila ay nasa isang mapanganib na sitwasyon o kapag kailangan nila ng lakas para hindi piliin ang mali. Ang “magalak, at huwag matakot, sapagkat ako ang Panginoon ay kasama ninyo”16 ay isang magandang halimbawa.
Ang buhay ay puno ng mga hamon. Walang hindi makararanas nito. Hindi ikaw, hindi ako, at hindi sila. Ang ilang kabataan ay nagdurusa dahil sa tingin nila, sila lamang ang may mga problema. Tila ang lahat ng iba ay wala namang problema. Nagkamali silang maniwala sa ideya na kung pag-aaralan mo ang mga banal na kasulatan, susundin ang mga kautusan, at magdarasal araw-araw, ang mga kabiguan, kaguluhan, kawalan ng kasikatan, at mga aksidente ay lilipas din. Hindi sa ganyang paraan mangyayari iyan. Dumarating ang mga pagsubok sa ating lahat.
Ang mga problema, hamon, pagsubok, kapighatian, paghihirap, kalungkutan—anuman ang nais ninyong itawag sa mga ito—ay bahagi ng mortal na karanasang ito para maging malakas tayo. Ang pagpapala ay sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo, maaari pa rin tayong “magalak.”17
Huwag hayaan na ang mga kinakailangang pang-akademiko sa pagtuturo ng ebanghelyo ay maging mas mahalaga sa inyo kaysa sa kapangyarihan ng Espiritu na maimpluwensyahan at mahikayat ang inyong mga estudyante. Ihanda sila na makatanggap ng inspirasyon at kumilos ayon dito. Ihanda sila na makatanggap ng personal na paghahayag tulad ng binigyang-diin ni Pangulong Nelson.18
Kapag nangyari ito, mararanasan nila ang himala ng paggabay at patnubay ng Panginoon, isang tunay na anyo ng Kanyang pagmamahal.
Bakit ko pipiliin na magsalita tungkol sa pagpapakamatay at sa mga damdamin na nauugnay dito—takot, kalungkutan, kawalan ng pag-asa, pagkabalisa, at sakit—sa isang mapitagang tagpo na tulad nito? Dahil kayo, minamahal kong mga kapatid, ay kabilang sa grupo ng “mga unang tutugon,” at kung hindi, inaanyayahan ko kayo na sumali. Ang pagpapakamatay at ang mga negatibong kaugnay nito ay totoo. Dumarami ang kaso nito sa ating mga kabataan tulad ng isang salot na umaakit maging sa mga hinirang na bata pa at puno ng pangako na maniwalang ang buhay ay walang-saysay para sa kanila. Wala nang mas malayo pa sa katotohanan kaysa rito.
Ang buhay ay madaling masira. Hindi natin alam kung kailan may mangyayari sa isang tao na talagang ikakagulat natin. Pakiramdam natin ay hindi tayo handa at hindi natin alam kung ano ang gagawin. Ngunit kung sila ay mula sa isang tahanan ng panalangin ng pamilya, pag-aaral ng banal na kasulatan, at family home evening, kung gayon ang mga kasangkapan para sa “pagpapatuloy” ay mas matatag. Gayunman, mangyari lamang na huwag magkamali na ang isa sa ating mga kabataan ay hindi nanganganib kapag ginagawa nila ang lahat ng mga bagay na ito. Isang binatilyo ang tumugon sa isang aktibidad sa family home evening na humiling sa bawat miyembro na magsulat ng isang bagay na mahalaga sa kanila. Ang 14 na taong gulang, na tila mayroon na ng lahat ng kailangan niya, ay nagsulat: “Na malaman na may isang taong nandiyan para sa akin.”
Mayroon akong malapit na kaibigan na hindi dumalo sa seminary hanggang sa huling taon niya sa hayskul. Hindi siya nagsisimba; hindi pa siya ulit nakakapagsimba simula noong 13 taong gulang siya. Dahil isa siyang mang-aawit, nagpasiya siyang subukang sumali sa koro ng seminary, at natanggap siya. (Lahat nakakasali sa seminary choir!) Hindi na niya naaalala ang alinman sa mga aralin sa klase. Gayunman, sa tuwing kakanta sila, pinupuspos ng Espiritu ang silid, at alam niya na iba ito sa koro ng paaralan na kasama niyang kumakanta sa kabilang kalye. May nadama siya na hindi pa niya nadama kahit kailan. Nadama niya ang Espiritu. Dahil mula siya sa isang sirang tahanan at walang patnubay ng ebanghelyo, hindi siya pamilyar sa Espiritu. Nagsimula siyang mahalin ang Espiritu at umasa dito. Nagkaroon siya ng matibay na patotoo sa ebanghelyo ni Jesucristo dahil “may isang taong nandyan para sa kanya.” At ngayon, pagkalipas ng maraming taon, madalas pa rin siyang nakikipag-usap sa kanyang guro sa seminary, na isang “guro na nagbuhat sa Dios.”19
Para sa mga tinuturuan ninyo na walang pinagkukunan ng suporta, na pinagkukunan ng lakas na iyon sa tahanan, ang inyong mga turo ay nagiging mahalagang bahagi ng kanilang pagkatao. Maaaring sila ang mga taong personal na nagtatanong para lamang makilahok sa higit pang talakayan tungkol sa ebanghelyo dahil ito lamang ang panahon na nadarama nila ang espirituwal na kaugnayang iyon sa kanilang buhay. Pahalagahan sana ang mga pagkakataong iyon, at maglaan ng oras para sa mga ito.
Ang paggaling ay dumadating sa pamamagitan ng Tagapagligtas, na “nagpakababa-baba sa lahat ng bagay”20para malaman Niya “ayon sa laman kung paano tutulungan ang kanyang mga tao alinsunod sa kanilang mga kahinaan.”21
Isipin ang pagkakataon kung kailan pinakain ni Jesus ang limang libong tao gamit ang ilang isda at tinapay mula sa pananghalian ng isang batang lalaki at pagkatapos ay umakyat sa bundok nang mag-isa para magdasal. Ang Kanyang mga alagad ay naglakbay patawid sa dagat ng Galilea, at habang lumalalim ang gabi, pinuntahan sila ni Jesus na lumalakad sa ibabaw ng dagat. Nang makita nila Siya, sila ay “nagsisigaw dahil sa takot,”22 at Siya ay tumugon, “Laksan ninyo ang inyong loob; ako nga: huwag kayong mangatakot.”23
Nang si Pedro ay naglakas-loob na bumaba sa gilid ng bangka noong gabing iyon sa paanyaya ng Panginoon at nagsimulang maglakad sa ibabaw ng tubig, siya ay napuno ng lakas ng loob hanggang sa tumingin siya sa ibaba at nakita niya ang maalon na dagat. Pagkatapos ay nagsisigaw siya dahil sa takot.
Tinulungan siya ni Jesus hindi nang may galit ngunit nang may awa. Inilalarawan ni Moroni ang ating sariling panghihina ng loob gamit ito: “Nawa ay dakilain ka ni Cristo, at nawa ang kanyang pagdurusa at kamatayan, … at ang kanyang awa at mahabang pagtitiis, at ang pag-asa ng kanyang kaluwalhatian at ng buhay na walang hanggan, ay mamalagi sa iyong isipan magpakailanman.”24
Nangungusap Siya sa atin dahil lahat tayo, mga kapatid, ay naglalakad sa ibabaw ng tubig.
Sa isa pang tagpo mula sa Bagong Tipan, isang grupo ang nagtipon sa paligid ng isang lalaki na “isang lumpo na nakaratay sa isang higaan.”25Tiningnan ng Panginoong Jesus ang lalaking maysakit at nadama ang pananampalataya ng mga nakapaligid sa kanya at nagsabing, “Lakasan mo ang iyong loob.”26
Sa huling dispensasyong ito, nangusap si Jesucristo sa pamamagitan ni Joseph Smith sa Kanyang mga tagapaglingkod na magmisyon at naharap sa panganib at mga kalamidad, na nagsasabing, “Magalak, maliliit na bata; sapagkat ako ay nasa inyong gitna.”27
Nakita ni Joseph Smith sa isang pangitain ang mga Apostol sa kanilang misyon sa Inglatera “na magkakasamang nakatayo sa isang bilog pagod, butas-butas ang kanilang mga damit at namamaga ang mga paa, habang nakatingin sa ibaba, at si Jesus ay nakatayo sa kanilang gitna, at hindi nila Siya nakita. Tiningnan sila ng Tagapagligtas at nanangis.”28
Nakikita ba ninyo ang huwaran? Ang nagbibigay-kakayahang kapangyarihan ni Cristo ay naipapakita sa kapayakan na nandyan Siya para sa atin—sa tuwina. Anuman ang mangyari sa atin, sasamahan Niya tayo, aaliwin Niya tayo, at pagagalingin Niya tayo kung lalapit tayo sa Kanya at gagamitin natin ang Kanyang kapangyarihan para maligtas tayo. Kadalasan, pinagagaling Niya ang sugatang puso. Paano ito nangyayari, tanong natin? Sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Pagbabayad-sala na ginagamit sa ating mga buhay ngayon, hindi sa dulo kung kailan malapit na ang huling paghuhukom, kundi araw-araw habang sinisikap nating maging katulad Niya, na mahalin kung ano ang minamahal Niya, na sundin ang Kanyang mga piniling propeta.
Kapag pinag-aaralan ko ang Pagbabayad-sala, sinisikap kong ilarawan sa isipan ang kahabag-habag na kalagayan ng mga bagay sa paligid ng Tagapagligtas habang nakaluhod Siya noon sa Halamanan ng Getsemani. At nanalangin Siya, “Ama, kung ibig mo, ilayo mo sa akin ang sarong ito; gayunma’y huwag ang kalooban ko ang mangyari kundi ang sa iyo.”29Ganito ang sabi Niya tungkol sa Kanyang pagdurusa, “Kung gaano kasidhi ay hindi mo nalalaman, oo, kung gaano kahirap dalhin ay hindi mo nalalaman.”30Kailangang maunawaan ng ating mga kabataan ang malalim na pangungusap na iyon.
“At napakita sa kaniya ang isang anghel na mula sa langit, na nagpalakas sa kaniya.”31
Sa Kanyang pangangailangan, tinataglay sa Kanyang sarili ang bigat ng lahat ng ating mga kasalanan, ang ating napakasamang mga araw, ang ating mga kahinaan at kabiguan, isang anghel ang nagpakita para aliwin Siya. Sa inyong mga pagsubok, mga kapatid, ang Panginoon ay naglalaan ng “mga anghel [sa] paligid ninyo, upang dalhin kayo.”32Mahal na mga guro, maaaring kayo ang anghel na iyon.
Nauna nang nilinaw ng Tagapagligtas sa Huling Hapunan ang Kanyang misyon at nangako ng kapayapaan, na nagsasabing, “Sa sanlibutan ay nahaharap kayo sa pag-uusig. Ngunit lakasan ninyo ang inyong loob, dinaig ko na ang sanlibutan.”33Talagang natitiyak Niya ang mangyayari sa hinaharap, talagang natitiyak Niya ang Kanyang bahagi sa pagpapatupad ng dakilang plano ng kaligtasan, kaya hinikayat Niya ang Kanyang mga disipulo, “Lakasan ninyo ang inyong loob.”
Naobserbahan ni Elder Neal A. Maxwell: “Ang hindi mailarawang paghihirap ng Getsemani ay malapit nang maranasan ni Jesus; ang pagtataksil ni Judas ay malapit nang mangyari. Pagkatapos ay darating ang paghuli at pagsasakdal kay Jesus; ang pagkalat ng Labindalawa tulad ng mga tupa; ang kakila-kilabot na paghagupit sa Tagapagligtas; ang di-makatarungang paglilitis; ang nakatutulig na sigaw ng mga tao para kay Barrabas sa halip na kay Jesus; at pagkatapos ay ang kakila-kilabot na pagpapako sa krus sa Kalbaryo. Ano ang dapat nating ikasiya? Tulad ng sinabi ni Jesus: Nadaig Niya ang sanlibutan! Ang Pagbabayad-sala ay malapit nang maisakatuparan. Ang pagkabuhay na mag-uli ng buong sangkatauhan ay sigurado na. Ang kamatayan ay malapit nang madaig—si Satanas ay nabigo sa pagpigil sa Pagbabayad-sala.”34
Maaari nating ituro ang katotohanang ipinahayag ni Pangulong Russell M. Nelson: “Kung wala ang walang hanggang Pagbabayad-sala ng ating Manunubos, wala ni isa sa atin ang magkakaroon ng pag-asang makabalik sa ating Ama sa Langit. Kung wala ang Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli, ang kamatayan na ang wakas. Dahil sa Pagbabayad-sala ng ating Tagapagligtas naging posible ang buhay na walang hanggan at kawalang-kamatayan para sa lahat.”35
Pagnilayan kung paano ninyo matutulungan ang inyong mga estudyante na maunawaan ang lakas ng Tagapagligtas, ang pagmamahal Niya para sa ating lahat, at ang paggalang Niya para sa banal na plano ng Ama. Magdasal para matulungan silang malaman na ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo ay para sa kanila at kung ano ang kahulugan nito sa kanilang mga masalimuot na buhay.
Maghikayat ng paglilingkod sa kaharian ng Diyos na naghahatid ng Espiritu ng Diyos.
Dahil sa aking paglilingkod at pamumuno sa Temple Department ng Simbahan sa loob ng mahabang panahon, ikinalulugod ko ang pagdalo sa templo at pagtingin sa mga linya ng mga kabataan—mga kabataang lalaki at babae—na pumapasok sa templo para magsagawa ng mga pagbibinyag para sa mga patay. Habang binibigyang-diin ninyo ang kapangyarihan ng templo sa inyong pagtuturo, pinagtitibay ninyo ang magandang pagkakataon na ito na kailangan nilang makilala si Jesucristo, para malaman na Siya ang pinagmumulan ng kanilang “lakas ng loob.”
Pinahahalagahan ko ang lumalaking bilang ng mga young adult na katatanggap lang ng endowment na naglilingkod bilang mga temple worker. Lahat ay nakadamit nang puti, sa tahimik at payapang kapaligiran, nakatuntong sila sa banal na lugar na nagpapatotoo sa Kanya, na Siya noon, na Siya ngayon, at na Siya ang darating.36Ang ating serbisyo sa Panginoon sa loob ng templo ay tunay na isang paraan upang madamang malapit ang Tagapagligtas.
Hikayatin ang inyong mga estudyante na palaging magkaroon ng temple recommend—limited-use o regular batay sa kanilang edad at sitwasyon—at pagkatapos ay ibahagi ang kanilang mga nadarama tungkol sa pagdalo sa templo, ang paghahayag at inspirasyon na dumarating habang inaabot nila ang higit sa buhay na ito para sa “mga bagay na mas mabuti,”37na naglilingkod sa mga yaong hindi kayang magsagawa ng mga ordenansa para sa kanilang sarili.
Sinabi ng mahal na Pangulong Nelson, “Kapag nakatuon ang ating buhay sa plano ng kaligtasan … at kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo, makadarama tayo ng kagalakan anuman ang nangyayari—o hindi nangyayari—sa ating buhay.”38
Noong ako ay naordenan bilang Apostol, sinabi ng mahal na Pangulong Monson na ako ay magiging isang natatanging saksi sa pangalan ni Jesucristo sa buong daigdig. Hindi ko binalewala ang tungkuling iyon. Pinag-aralan kong mabuti ang mga banal na kasulatan, tinutukoy ang Panginoon gamit ang Kanyang mga pangalan at titulo. Ang lahat ng ito na ibabahagi ko sa inyo ay mula sa mga talata sa banal na kasulatan na nagpapaalala sa atin ng pag-asa na nasa Kanya. Siya ang:
-
Pag-asa ng Israel.39
-
Maningning na Tala sa Umaga.40
-
Mabuting Pastol.41
-
Tagapayo.42
-
Prinsipe ng Kapayapaan.43
-
Tagapagligtas.44
-
Ilaw ng Sanglibutan.45
-
Dakilang Saserdote ng mabubuting bagay na darating.46
-
May kapangyarihan na magligtas.47
-
Nagtataglay ng lahat ng kapangyarihan.48
Ang impluwensya ni Cristo ay sumasaklaw sa lahat. Siya ay nandyan kapag tayo ay nakikibaka at nagsisikap na sumulong. At kung tayo ay magkamali, ang Kanyang “ilaw na nagliliwanag sa kadiliman”49—isa pa sa mga pangalan Niya—ay mas magliliwanag pa. Minamahal Niya tayo sa pinakamaganda at pinakamasamang bahagi ng ating buhay.
Ang pagiging disipulo ni Jesucristo ay hindi panghuhula kung ano ang nais Niyang ipagawa sa atin. Ang Kanyang landas ay ipinakita mismo ng Kanyang mga ginawa. Sa pagsunod natin sa Kanya, napapamahal sa atin ang mga bagay na mahal Niya. Habang pinaninibago natin ang ating mga tipan sa Kanya bawat linggo sa pakikibahagi ng banal na sakramento, lumalago ang ating pag-unawa sa Kanya bilang Manunubos ng Sanlibutan,50ang Espiritu ng Katotohanan,51ang Salita.52
Ituro ang kapangyarihan ng sakramento sa inyong mga estudyante, lalo na sa mga yaong ang pananampalataya ay hindi malakas at sa mga yaong hindi nauunawaan ang kahalagahan ng mahalagang ordenansang ito. Hayaan ang pagpapala ng sakramento, na “sa tuwina ay mapasaatin ang kanyang Espiritu upang makasama natin,”53na maging paksa ng inyong talakayan para ang paggamit ng nakapagpapagaling na kapangyarihan ni Jesucristo, sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala, ay maging makatotohanan.
Dagdag pa rito, tinukoy ng Tagapagligtas ang Kanyang sarili sa pamamagitan ng mga paghahayag na nagsasaad kapwa ng Kanyang banal na katangian at ng Kanyang mga walang hanggang tungkulin tulad ng mga ito:
-
“Mapanatag at malaman na ako ang Diyos.”54
-
“Magagawa ko kayong banal.”55
-
“Aking ginagawa ang … kalooban [ng Ama].”56
-
“Ako, ang Panginoon, ay … nagagalak na parangalan yaong mga naglilingkod sa akin.”57
-
“Ang aking biyaya ay sapat para sa inyo.”58
-
“Ikaw ay magkakaroon ng kapayapaan sa akin.”59
-
“Huwag matakot … sapagkat kayo ay akin.”60
Mahal kong mga kaibigan, mga kapatid, iyan ang Tagapagligtas na kilala ko, na mahal ko at iginagalang ng buong puso ko. Mula sa kaibuturan ng aking kaluluwa nagpapatotoo ako sa Kanya at sa Kanyang kabutihan at awa. Ipinangako Niya, “Sapagkat kayo ay aking mga kaibigan, at kayo ay makatatanggap ng mana kasama ko.”61
Sa katunayan, mga kapatid, si Jesucristo ang sagot palagi. Sa pag-unawa sa Kanyang misyon at sa Kanyang ebanghelyo, ang ating pagmamahal para sa Kanya at ang ating paniniwala at pag-asa sa Kanya ay nagbibigay sa atin ng lakas.
Maganda ang pagpapaliwanag dito ni Helaman: “Tandaan, tandaan na sa bato na ating Manunubos, na si Cristo, ang Anak ng Diyos, ninyo kailangang itayo ang inyong saligan; nang sa gayon kapag ipinadala ng diyablo ang kanyang malalakas na hangin, oo, ang kanyang mga palaso sa buhawi, oo, kapag ang lahat ng kanyang ulang yelo at kanyang malakas na bagyo ay humampas sa inyo, hindi ito magkakaroon ng kapangyarihan sa inyo na hilahin kayong pababa sa look ng kalungkutan at walang katapusang kapighatian, dahil sa bato kung saan kayo nakasandig, na tunay na saligan, isang saligan na kung sasandigan ng mga tao ay hindi sila maaaring bumagsak.”62
Iniiwan ko ang aking basbas na mararamdaman ninyo ang pagmamahal ng Panginoon sa inyong buhay at tutulungan ninyo ang inyong mga estudyante na maramdaman din iyon. Binabasbasan ko kayo na magkaroon ng pag-asa at “lakas ng loob” para ang Espiritu ng Panginoon ay makasama ninyo, magbigay inspirasyon sa inyo, at mahikayat kayo. Binabasbasan ko kayo na makinig sa inyong mga estudyante, na maramdaman kung ano ang hindi nila sinasabi pati na rin kung ano ang ipinapahayag nila, at na magkaroon ng inspirasyon para malaman kung ano ang nais ipagawa sa inyo ng Panginoon. Binabasbasan ko ang inyong mga pamilya, at ang inyong mga asawa. Nais kong ipaalam sa inyo ang paggalang, pag-asa, at pagmamahal na mayroon ako at ang aking mga kasamahan para sa inyo at sa mahalagang gawain na ginagawa ninyo para makapagdala ng mga kaluluwa kay Jesucristo. Nawa’y maramdaman ninyo na nakatayo sa tabi ninyo ang Panginoon habang nagpapatotoo kayo sa Kanya, ang Tagapagligtas ng sanlibutan. Si Jesucristo ang sagot palagi.
Sa pangalan ni Jesucristo, amen.
© 2019 ng Intellectual Reserve, Inc. Lahat ng karapatan ay nakalaan. Bersyon: 11/18. Pagsasalin ng “Jesus Christ Is the Answer.” Tagalog. PD60007796 893