Pagtuturo ng Relihiyon sa mga Kabataan at Young Adult - Pambungad na Mensahe
Pangulong Dallin H. Oaks
Bahagi I
Mahal kong mga kapatid,
Nalulugod kaming makasama kayo sa pagtitipong ito ng mga guro ng seminary at institute at ng mga guro ng relihiyon sa ating mga unibersidad at kolehiyo. Masaya kami na kasama ninyo ang inyong asawa, na napakahalaga sa inyong sagradong tungkuling magturo. Dama namin ang hamon sa pagsasalita sa inyo sa natatangi at mahirap na panahong ito—sa gitna ng pandemya.
Tulad ng sinabi ni Commissioner Paul V. Johnson, pagkatapos ng aking maikling mensahe, magkakaroon tayo ng dalawang magkaibang talakayan.
Magsisimula ako sa kapangyarihan ng pagmamahal. Bakit pagmamahal sa Diyos ang unang dakilang utos? Ito ay una dahil napakahalaga nito sa pag-unawa at pagsunod sa plano at mga kautusan ng Diyos sa Kanyang mga anak. Ang pagmamahal natin sa Diyos at ang pagmamahal Niya sa atin ay ang pangunahing alituntunin ng ebanghelyo, mahalaga sa nakaiimpluwensya sa atin at sa dapat nating maalala. Mahal kayo ng Diyos bilang Kanyang mga guro. Mahal kayo ng Kanyang mga lider bilang mga guro ng Kanyang plano at salita. At mahal ninyo ang inyong mga estudyante. Ibinuod ito ni Elder Gordon B. Hinckley sa isang pangungusap sa mensaheng ibinigay niya sa mga guro maraming taon na ang nakalipas: “Wala nang iba pang mas magandang paraan para maipahayag ang pagmamahal sa Diyos kaysa sa pagpapakita ng pagmamahal sa kanyang mga anak, lalo na … sa inyong mga estudyante.”1
Mahigit 80 taon nang pumanaw ang aking ama. Ano ang pinakanaaalala ko sa pagsasamahan namin? Ang kanyang mga turo? Ang pagdidisiplina sa akin? Hindi, kundi ang pagmamahal niya sa akin.
Gayon din, naniniwala ako na ang pinakamaaalala ng mga estudyante ay ang ipinaramdam ninyo sa kanila. Maaalala nila kung paano ninyo sila magiliw na tinulungan na matutuhan ang ebanghelyo, mahiwatigan ang Espiritu, at maipamuhay ang ebanghelyo. Pagmamahal ang kapangyarihang naghihikayat sa pagtuturo.
Mga 70 taon na mula noong ako ay maging estudyante ng seminary. Ano ang pinakanaaalala ko sa aking dalawang guro sa seminary sa Vernal, Utah? Hindi ko na maalala ang mga paksa ng mga klaseng pinasukan ko, ngunit naaalala ko na pareho nila akong minahal at pinagmalasakitan.
Ang pagmamahal ay may kapangyarihan: kapangyarihang maunawaan ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo, ang plano ng kaligtasan, at maipaliwanag ang mga kautusan ng Diyos.
Kung hindi natin nauunawaan ang pagmamahal, lahat ng iba pa tungkol sa ebanghelyo ay nasasalungat o napahihina ng mga tukso ng kaaway at ng mga paniniwala ng mundo at ng mga makamundong taong nakapaligid sa atin.
Ang pangalawang paksa ko ay nauugnay sa mga paksa ng ebanghelyo na itinuturo ninyo.
Sa pagtuturo ng mga sekular na paksa, karaniwan at madalas na itinuturing ng mga guro na eksperto sila rito. Hindi iyan maaari sa pagtuturo ng mga espirituwal na alituntunin. Hindi tayo ang may awtoridad sa ebanghelyo ni Jesucristo. Ang may awtoridad ay ang Espiritu Santo, isang miyembro ng Panguluhang Diyos, na may tungkuling magpatotoo tungkol sa Ama at sa Anak sa pag-akay sa atin sa katotohanan. Pinalilinaw Niya ang ating mga turo. Kung gayon, di-tulad ng mga guro ng mga sekular na paksa, hindi tayo dapat magmagaling na sa atin nagmula ang isang ideya na nagpapatibay sa mga katotohanan ng ebanghelyo. Hindi tayo dapat kailanman kumilos sa klase o saanman nang salungat sa pananampalataya o mga turo ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo. Hindi tayo dapat magkaroon ng pansariling interes sa anumang paksang itinuturo natin.
Nagtuturo tayo dahil mahal natin ang Ama sa Langit at ang Kanyang Anak na si Jesucristo, at ang Kanyang mga anak, na ating mga estudyante. Nahihikayat tayo ng ating determinasyon na dagdagan ang kanilang kakayahang pakinggan at sundin Siya na ating Tagapagligtas.
Pinatototohanan ko ang ating Tagapagligtas na si Jesucristo, at idinadalangin ang Kanyang mga biyaya na mapasaatin habang sumusulong tayo, sa pangalan ni Jesucristo, amen.