Pagtuturo ng Relihiyon sa mga Kabataan at Young Adult - Pagtatapos na Diskusyon
Bahagi III: Talakayan—DHO/KMO
PANGULONG OAKS: Masaya akong kasama si Kristen sa ating huling talakayan. Siya ay isang mahusay na propesyonal na guro—kabilang ang isang taon sa BYU—returned missionary, asawa, at lola. Magsasalita siya mula sa mga karanasang iyon at bilang asawa ng isang lingkod ng Panginoon. Ang layunin namin dito ay tulungan kayo bilang mga guro ng relihiyon at ang inyong asawa sa pagsuporta sa inyo.
SISTER OAKS: Pangulong Oaks, salamat at nakasama ako ngayong gabi. At nagpapasalamat akong makasama ang mga teacher. Kinakatawan ninyo ang lahat ng nagturo ng ebanghelyo at nagpala sa pamilya ko. Kakaiba kayo. Marami sa mga kaibigan at kapamilya namin ang nagnais na magkaroon ng trabahong gaya ng sa inyo, at hindi sila nabigyan ng ganyang pribilehiyo. Kaya sa katunayan, sa tingin namin ay pinili kayo ng Panginoon na maging mga guro ng Kanyang mga anak. Alam nating mahirap magturo ngayon dahil sa mga problema sa pag-enroll, problema sa lipunan, at oposisyon sa mga wastong alituntunin at katotohanan.
PANGULONG OAKS: Maaalala ninyo na sinimulan natin ang talakayan tungkol sa bisa ng pagmamahal sa ating mga ugnayan: pagmamahal ng Diyos, pagmamahal Niya sa Kanyang mga anak, pagmamahal natin sa isa’t isa, at ang pinakamahalaga para sa layuning ito, ang pagmamahal ninyo sa inyong mga estudyante. Nagpunta tayo sa part II, ang unang talakayan, at pinag-usapan natin ang “Kung paano ko ituturo ang pinakamahalaga?” at “Bakit mas mahalagang ituro ang mga alituntunin kaysa ituro ang mga patakaran?” at “Paano natin tutulungan ang ating mga estudyante na alamin ang mga ideya at pinahahalagahan ng mundo?”—sa gitna ng lahat ng ito, nang nagmamahal sa lahat.
SISTER OAKS: Alam kong narito kayo ngayong gabi para maging pinakamahusay na mga guro, at narito ang retrato ng isang key chain na ibinigay sa akin. Sabi rito, “Ipakita kung sino ka. At huwag gayahin ang iba.” Sinabi ito ni Oscar Wilde. Nang matanggap ko ito, sa una, hindi ko itinuring na papuri ito. Ngunit katunayan, isa ito sa mga pinakamagandang papuring natanggap ko, at sinasabi ko rin ito sa inyo.
Sa pagtuturo ng ebanghelyo, kayo ang pinili ng Panginoon. Kakaiba rin kayo, at kayo ay may mga katangian, kakayahan, at talento na natatangi sa inyo. Kayo ay nasa pambihirang katayuan upang madaig ang oposisyon ng mundo at ituro ang mga walang-hanggang katotohanan. Bilang magulang, lola, at ngayon ay lola-sa-tuhod, nagtitiwala ako sa inyo. Umaasa ako na ituturo ninyo sa aking pamilya ang mga wastong alituntunin upang may pananggalang sila sa kadilimang nakapaligid sa kanila. Kayo ang nagbibigay ng pananggalang laban sa masama, at sagot kayo sa mga panalangin ng aming pamilya.
PANGULONG OAKS: Salamat sa tulong ninyo sa aming pamilya at sa mga kabataan ng Simbahan na maunawaan at matanggap ang kanilang tunay na identidad bilang mga anak ng mapagmahal na Ama sa Langit. Ang pinakamagandang regalo ninyo sa aming lahat ay turuan ang mga kabataan at young adult ng mga wastong alituntunin at walang-hanggang katotohanan upang pagpalain ang kanilang buhay—mga katotohanang makakapitan nila kapag mag-isa silang nagpapasiya. Naniniwala kami na ito ang pinakaepektibong sandata para maharap nila ang mundo.
SISTER OAKS: Ang aming tahanan ay nasa tapat ng Salt Lake Temple. Sa ngayon, inaayos ito. Maraming scaffolding at trak at crane sa paligid. Tila nakatago ang templo. Ito ay pinatitibay, tulad natin sa panahong ito ng COVID-19. Nakatakip ang templo ngunit mas pinatitibay at mas pinagaganda ito. Araw-araw, lalo pa itong pinatitibay at pinatatatag ng mga trahabador. Pagkatapos ng tatlong taon, ito ay makikitang mas maganda, mas perpekto, at mas matatag anuman ang mangyari.
PANGULONG OAKS: Tayo at ang ating mga estudyante ay katulad ng templo: inaayos sa bawat araw para maging mas matatag, mas determinado, at mas tapat—kahit sa mahihirap na kalagayan. Kapag tayo ay pinatitibay, lakip ang mga ipinangakong pagpapala, tayo rin ay magiging Bahay ng Panginoon.
Ang isang dahilan kung bakit masaya akong kasama si Kristen sa pagtuturong ito ay dahil mahalaga siya sa pagkakaroon ng Espiritu sa aming tahanan. Sabi ni Pangulong Nelson sa kumperensya noong Abril, “Isa sa mga pinakabanal na lugar sa mundo ay ang ating tahanan.” Kailangan nating lahat na magsikap pa para maging tunay na banal na lugar ang ating tahanan. “Kung kayo ay may asawa, kausapin ang inyong asawa bilang inyong kapantay na katuwang sa mahalagang gawaing ito. Sa pagitan ng ngayon at ng muling pagdating ng Panginoon, ang ating mga tahanan ay kailangang maging lugar ng katahimikan at katiwasayan.”1 Mahalaga ang asawa natin para mangyari ito.
SISTER OAKS: Bilang asawa ng isang taong nangangailangan ng Espiritu para magawa ang kanyang tungkulin at gawain—tulad din ninyo—ginagawa ko ang lahat para maging banal na lugar at may pagmamahalan ang aming tahanan. At sa lahat ng oras ay kailangan ang Espiritu Santo sa ating tahanan at mga silid-aralan. Nakatulong sa amin ang COVID-19. Mas may oras kaming magkasama. Ang asawa ko, tulad ng asawa ninyo, ay nakagagawa nang mahusay sa espirituwal na kapaligiran. Ang pinanonood at binabasa at dinadala ko sa aming tahanan ay mahalaga. At hindi pwedeng may alitan sa aming tahanan, at sinisikap kong maging positibo at laging nakasuporta. Alam kong mahalaga ang suporta ko para magawa nang maayos ang mga bagay-bagay para sa aking pamilya at sa asawa ko, at sinisikap ko ito, araw-araw.
PANGULONG OAKS: Salamat, mahal ko. Ang inyong mga estudyante ay nahaharap sa malaking oposisyon sa mga paniniwala at tukso ng mundo. Ipinropesiya ito sa Aklat ni Mormon. Nabubuhay tayo sa panahong ang “lahat ng lupain sa mundo … [ay] malalango … sa kasamaan at lahat ng uri ng karumal-dumal na gawain.”2 Binalaan tayo nito laban sa mga taktika ni Satanas sa panahong ito.
Halimbawa, sa 2 Nephi 28:20 mababasa natin na “sasalantahin [ni Satanas] ang puso ng mga anak ng tao, at pupukawin sila na magalit laban sa yaong bagay na mabuti.” Lahat ng bagay mula sa away-trapiko, mga nagpoprotesta, at alitan sa pamilya ay tila lalong tumitindi. Ang inyong klase ay magsisilbing kanlungan ng kapayapaan at katiwasayan. Makapaglalaan ito ng huwaran ng pagiging magalang at mabait para maibalik ang damdamin ng inyong mga estudyante.
SISTER OAKS: Ang inyong mga klase ay maaaring maging kanilang ligtas na lugar. Ang mga alituntuning itinuro sa inyong mga klase—lalo na ang mga patotoong ibinahagi roon at ang Espiritung nadama roon—ay magpapalakas at magpoprotekta sa inyong mga estudyante.
PANGULONG OAKS: Sa talata 21, sinabi ni Satanas na kanyang gagawing “payapa” ang iba at “dahan-dahan silang aakayin” na iniisip na “mainam ang lahat sa Sion.”3
SISTER OAKS: Lagi itong pinag-uusapan, pero wala nang iba pang modernong teknolohiya na dahan-dahang nakaakay sa atin o nakaagaw ng ating pansin na gaya ng cell phone. Gusto kong ibahagi ang kuwento ng isang institute teacher—dalawang taon siyang hindi nagturo. At nang magbalik siya, nagulat daw siya. Ang madalas na mga notification at text ng phone ay umaagaw sa pansin ng mga estudyante kaya hirap silang makapag-isip at matuto sa klase. At malala pa raw, pinaghihiwa-hiwalay sila nito at inilalayo sa Espiritu. Pero naniniwala akong may pag-asa pa, at ito ay sa paghiling sa mga nakapaligid sa atin na itabi muna ang phone nila. At kung posible, maaari nating pag-usapan ang mga benepisyo at panganib ng phone sa mga minamahal at tinuturuan natin—at hayaang sabihin sa atin ng mga estudyante ang mga alalahanin nila at maghanap ng mga solusyon sa mga problema sa cell phone. Bilang mga magulang, gusto namin iyan. Gagawin namin iyan.
PANGULONG OAKS: Ang huling halimbawa, na ibinigay sa 2 Nephi 28:22, ay labis na pupurihin ni Satanas ang iba sa “[pagsasabi] sa kanila na walang impiyerno; at … hindi ako diyablo, sapagkat walang diyablo.” Ang mga turo ninyo ay tutulong sa mga estudyante na mahiwatigan ang labis na papuri ni Satanas at ang mga kasinungalingan na salungat sa mga utos ng Diyos. May ibinubunga ang mga pag-uugaling udyok ni Satanas, at ang inyong mga turo ay magbibigay ng pag-asa na matatanggap natin mula sa biyayang dulot ng pagsisisi at banal na pagpapatawad.
SISTER OAKS: Napakaganda niyan. Ikinasal ako sa isang Apostol at naobserbahan ko nang malapitan ang iba pang mga Apostol. Alam ko na talagang masunurin ang mga lingkod ng Panginoon, at hangad nila ang Espiritu ng Panginoon para gabayan sila. Alam ko rin na ang espirituwal na patnubay ay mapapasaatin, at matuturuan ninyo ang inyong mga estudyante na hanapin iyon at maging masunurin.
PANGULONG OAKS: Ang huli, sa 2 Nephi 28:32, inihayag ng Panginoon na Siya ay magiging “maawain” sa lahat ng “magsisisi … at lalapit sa [Kanya].” Palagi Niya tayong tinutulungan upang mapalakas at mailigtas tayo. Kayo ang nagtuturo ng katiyakan at pag-asang iyan sa inyong mga estudyante. Ipaalam sa kanila na ang pagsisisi ay isa sa mga pinakadakilang kaloob na nasa atin. Responsibilidad ninyong tulungan ang inyong mga estudyante na maabot ang kanilang buong potensyal at tadhana bilang mga anak ng Diyos.
SISTER OAKS: At huwag kalimutan ang pinakamabisang sandata na magagamit natin para madaig ang gayong kasamaan. Sa Alma 31:5 itinuro sa atin na “ang pangangaral ng salita [ng Diyos] ay may lakas na umakay sa mga tao na gawin yaong matwid—oo, may higit itong malakas na bisa sa isipan ng mga tao kaysa sa espada”—o, idaragdag ko, sa cell phone. Kayo ang mga guro ng salitang iyon, at nasa inyo ang kakayahan at pangakong iyon.
PANGULONG OAKS: Ituon sa Tagapagligtas ang mga itinuturo ninyo sa mga estudyante, at mapapasainyo ang kakayahang iyan. Bilang mga guro ng ebanghelyo, sa patnubay ng Espiritu Santo, ginagawa na ninyo ito, at magiging mas mahusay pa kayo. Kapag mas lumalapit kayo kay Cristo, ang mga estudyante ay mas mapapalapit sa inyo at sa Kanya. Madaragdagan ang kakayahan ninyong ituro ang katotohanang kailangan nila at mag-iibayo ang inyong kakayahang mahalin sila at mahiwatigan ang mga kailangan nila.
Minamahal kong mga kapatid, bilang karagdagan sa sinabi ko kanina, nagpapatotoo ako kay Jesucristo—na ating Tagapagligtas, ating Manunubos, ang pinuno ng Simbahang ito. Kayo ay Kanyang mga lingkod. Nagkakaisa tayo sa pagtuturo ng tunay na mga alituntunin ng ebanghelyo ni Jesucristo. Binabasbasan ko kayo—bilang Kanyang mga lingkod, Kanyang mga guro, at bilang mga ama at ina sa Sion, bilang marapat na mga lingkod ng Panginoong Jesucristo—na gampanan ang inyong mga tungkulin, sundin ang Kanyang mga utos, maging dakilang mga huwaran ng kabutihan at aral ng tunay na mga alituntunin. At binabasbasan ko kayo sa bagay na iyan habang nagpapatotoo ako sa mga katotohanang itinuro sa inyo ngayon, sa pangalan ni Jesucristo, amen.