Kumperensya ng mga Tagapagturo ng Relihiyon ng CES
Pagtuturo ng Relihiyon sa mga Kabataan at Young Adult - Diskusyon ng Panel


33:13

Pagtuturo ng Relihiyon sa mga Kabataan at Young Adult - Diskusyon ng Panel

Talakayan Bahagi II – Pangulong Oaks, Chad Webb, Adam Smith

Pangulong Dallin H. Oaks: Brother Webb, natutuwa akong makasama kayo. Brother Smith. Magpatuloy tayo.

Brother Chad Webb: Sige, salamat. Masaya kami na kasama namin kayo ngayon. At salamat sa magandang mensahe. Ang pakikinig sa payo ninyo ay nagdulot ng maraming tanong na pag-uusapan natin. At magsisimula tayo sa tanong na ito, tulad ng sinabi ninyo tungkol sa pagmamahal sa ating mga estudyante, at bahagi ng pagmamahal na iyan ay ituro sa kanila ang ebanghelyo at tulungan sila na maunawaan ang mga bagay na iyon na pinakamahalaga. Paano natin matitiyak na sa lahat ng iba’t ibang bagay na maaaring ituro natin, ay maipaprayoridad natin ang mga bagay na magiging kapaki-pakinabang sa ating mga estudyante?

Pangulong Oaks: Ang kakaiba sa Education System ng ating Simbahan ay ang ating responsibilidad na maghangad na matuto hindi lamang sa pamamagitan ng pag-aaral, kundi sa pamamagitan din ng pananampalataya.

Brother Adam Smith: Nang isipin ko ang mga bagay na iyon na kapaki-pakinabang na maaari nating ituro sa ating mga estudyante, nagabayan ako ng itinuro ni Pangulong Eyring na gusto kong ibahagi sa inyo. Sabi ni Pangulong Eyring, “Sa lahat ng katotohanang maaaring bigyang-diin sa scripture block na ito, alin ang makatutulong sa mga estudyante ko na mas mapalapit sa Ama sa Langit at sa Tagapagligtas at aakay sa kaligtasan?” Pagkatapos ay sinabi pa ni Pangulong Eyring, “Habang naghahanda ka ng lesson, hanapin ang mga alituntuning nakapagpapabago ng kalooban. … Ang alituntuning nakapagpapabago ng kalooban ay yaong humahantong sa pagsunod sa kagustuhan ng Diyos.”1 Ang natutuhan ko sa turong ito ni Pangulong Eyring ay na ang mga bagay na kapaki-pakinabang para sa ating mga estudyante ay personal at matibay na magkokonekta sa kanila sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Kailangang ituro natin ang mga bagay na iyon na tutulong sa estudyante na madama at maunawaan ang mga alituntunin ng ebanghelyo, lalo na ang mga katotohanang tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala at Pagkabuhay na Mag-uli—at tulungan sila na madama iyan sa praktikal na mga paraan, si Jesucristo ay may kapangyarihang magpagaling, tumulong, magpanatag at dalisayin sila. Marahil iyon ang pinakamahahalagang bagay na dapat nating pagtuunan.

Pangulong Oaks: Makapangyarihan at totoo iyan.

Brother Webb: Salamat. At konektado ito sa ideya na tiyaking natututo sila sa pamamagitan ng pananampalataya—na kumikilos sila nang may pananampalataya at may pagpapatibay ng Espiritu Santo na ang mga bagay na natututuhan at ipinamumuhay nila ay tunay na nagmumula sa ating Ama sa Langit. Kaya salamat sa inyo. Pangulong Oaks, binanggit din ninyo ang ginagampanan ng Espiritu Santo sa ating pagtuturo. Kaya’t ang tanong ko ay ano pang karagdagang mga katotohanan hinggil sa Espiritu Santo at sa Kanyang impluwensya at ginagampanan sa ating mga klase ang gusto ninyong ibahagi sa amin.

Pangulong Oaks: Sa palagay ko ang susi para mapasaatin ang Espiritu Santo ay ang pagtanggap ng sakramento. Dahil may pangako sa mga tipang ginagawa natin kapag tumatanggap tayo ng sakramento na “sa tuwina ay [mapapasaatin] ang kanyang Espiritu.” Napakahalaga niyan.

Brother Webb: Gusto ko ang sinabi ninyo. Naalala ko noong ako ay bata pang guro, maraming buwan kong pinag-aralan ang mga alituntunin na nag-aanyaya sa Espiritu Santo. At sa palagay ko talagang magandang pagkakataon para sa atin na patuloy na pag-aralan iyan. Ngunit ang isang napakahalagang bagay na napansin ko ay ang sinabi ninyo: na nakasaad sa panalangin para sa sakramento na kung palagi natin Siyang aalalahanin, mapapasaatin ang Kanyang Espiritu. At hindi lang sa sacrament o araw ng Linggo, ngunit sa tuwina—pati sa ating mga silid-aralan. Kung magtutuon tayo sa Tagapagligtas—kapag naaalala natin Siya bilang halimbawa kung paano ipamuhay ang ebanghelyo at gamitin ang Kanyang kapangyarihan at mga turo—kapag naaalala natin Siya, naaanyayahan natin ang Espiritu Santo sa pag-aaral. Sa palagay ko ang pangunahing responsibilidad o ginagampanan ng Espiritu Santo ay magpatotoo tungkol sa ating mapagmahal na Ama sa Langit at kay Jesucristo bilang sentro sa plano ng Ama sa Langit. Kaya kung nais nating anyayahan ang Espiritu Santo sa ating mga silid-aralan, magtuon tayo sa mga bagay na iyon na Kanyang patototohanan. Kaya gusto ko iyan. Salamat.

Pangulong Oaks: At pinagtibay ni Pangulong Nelson ang kahalagahan niyan ngayon sa mga salitang ito. Sabi niya, “Sa darating na mga araw, hindi magiging posible na espirituwal na makaligtas kung walang patnubay, tagubilin, at nakapagpapanatag na impluwensya ng Espiritu Santo.”2

Brother Webb: Salamat. Pinahahalagahan ko ang sinabing iyan, at ito ang nagtulak sa akin para itanong ito: Napag-usapan natin nang bahagya ang tungkol sa kung ano ang ipaprayoridad ng mga guro upang maanyayahan ang Espiritu Santo. Paano natin matutulungan ang ating mga estudyante na iprayoridad ang pinakamahalaga sa kanilang buhay?

Pangulong Oaks: Habang iniisip ko iyan sa mga araw na ito kung kailan napakaraming impluwensya ng mundo ang nakapaligid sa atin at sa ating mga estudyante, marahil kailangan nating maalala na ang mga bagay ng mundo—ang mga bagay na pinahahalagahan ng mundo—anuman ang mga ito—ay pansamantala lamang. Sa paglipas ng panahon, ang mga ito ay wala nang halaga kumpara sa mga alituntuning kinakailangan para matutuhan ang layunin ng buhay na ito at ang ating tadhana sa kawalang-hanggan. Ano ang maidadagdag mo, Brother Smith?

Brother Smith: Pangulong Oaks, habang itinuturo n’yo iyan, naisip ko ang isang banal na kasulatan noong manalangin ang Tagapagligtas bago pumasok sa Getsemani, at sinabi Niya, “At ito ang buhay na walang hanggan, na ikaw ay makilala nila na iisang Diyos na tunay, at si Jesucristo na iyong sinugo.”3 Kung tutulungan natin ang ating mga estudyante na maunawaan na kailangan nilang magpasiya kung saan nila gugugulin ang kanilang oras at kung ano ang pagtutuunan nila, makatutulong ba ito sa kanila na makilala at mahalin ang Ama sa Langit at si Jesucristo? At ang isa pang isasama ko riyan ay ang itinuro ninyo sa amin sa huling pangkalahatang kumperensya, Pangulong Oaks, at iyan ay ang magtanong ng, “Saan ito hahantong?” At ang isipin ang tanong na iyan sa kontekstong “Inaakay ba ako nito palapit sa Ama sa Langit at kay Jesucristo? Inaaakay ba ako nito na maisakatuparan ang aking banal na identidad o layunin?” At sa palagay ko naglalaan iyan ng matinding filter sa sinuman sa atin. At matutulungan din natin ang ating mga estudyante na maunawaan ang filter na ito sa pagpili nila kung saan nila gugugulin ang kanilang oras, at kung ano ang panonoorin o pakikinggan o titingnan. Kailangang sila ang pumili para sa kanilang sarili. Ngunit kung matutulungan natin silang magtanong ng, “Saan ito hahantong, at inaakay ba ako nito palapit sa Ama sa Langit at kay Jesucristo?”

Pangulong Oaks: Napakahalaga niyan, at kapaki-pakinabang iyan kung nauunawaan ng lahat ng estudyante ang alituntuning iyan.

Brother Webb: At para mabigyang-diin at mapatotohanan ng mga guro ang mga bagay na iyan upang maanyayahan ang Espiritu Santo na mapagtibay ang kahalagahan—hindi lamang ang katotohanan, kundi ang kahalagahan ng mga alituntuning iyon sa kanilang buhay. Idadagdag ko rin, kung maaari sana, ang kaugnayan. Palagay ko ang magagawa natin ay hikayatin ang mga estudyante na tuklasin ang kaugnayan ng mga alituntuning iyon sa kanilang buhay. Kung minsan tila pinag-uusapan natin ang mga bagay na ito na parang nakikipag-agawan tayo para sa kanilang oras o atensyon. At minsan kailangan nating iprayoridad ang mga bagay na pinakamahalaga. Ngunit marahil matutulungan din natin sila na maunawaan kung ano ang papel na ginagampanan ng ebanghelyo sa kanilang pang-araw-araw na buhay. Halimbawa, natutuhan ko, noong estudyante ako, na kung pananatilihin kong banal ang araw ng Sabbath, at kung pag-aaralan ko ang mga banal na kasulatan bago ako mag-aral, talagang magiging mas mahusay akong estudyante kaysa kung paghihiwalayin ko ang mga bagay na iyon at sasabihing, “Mag-uukol ako ng oras sa espirituwal, at mag-uukol ako ng oras sa sekular.” Ngunit sa bawat aspeto ng aking buhay, kapag isinama ko ang Ama sa Langit—kapag inanyayahan ko ang Kanyang Espiritu na tulungan ako—maging ang mga bagay na tila temporal sa ating mga estudyante, nakikita nila ang kaugnayan ng ebanghelyo sa mga bagay na sinisikap nilang isakatuparan sa kanilang buhay. Sa halip na mag-agawan ang mga ito para sa kanilang oras, magsasama-sama ang mga ito.

Pangulong Dallin Oaks: At maaalala natin na itinuro sa atin ng Panginoon na hindi Siya kailanman nagbigay ng anumang temporal na mga kautusan. Ang lahat ng Kanyang kautusan at tagubilin ay espirituwal.

Brother Smith: Ang isa pang naisip ko nang banggitin ninyo iyan—para sa mga estudyante man lang ng seminary—ay ang programa ng Simbahan na Mga Bata at Kabataan. Mabisang paraan iyan para maiugnay ang ebanghelyo at makagawa ng mga praktikal na mithiin na ipamuhay ang ebanghelyo upang matulungan tayo sa lahat ng aspeto ng ating buhay sa pagsisikap na maging higit na katulad ng Tagapagligtas.

Pangulong Oaks: Totoo iyan. Ngayon, gusto ko kayong tanungin na mga propesyonal na guro ng relihiyon: Ano ang natutuhan ninyo at ng inyong mga kasama tungkol sa pagtuturo ng ebanghelyo ni Jesucristo sa gitna ng pandemyang nararanasan natin?

Brother Smith: Una sa lahat, nalaman namin—masasabi kong napaalalahanan kami at nabigyang-diin ito—na mayroon tayong kahanga-hangang mga guro, at talagang mahal nila ang Diyos at ang mga estudyante at ginawa nila ang higit pa sa inaasahan sa kanila, at lubos kaming nagpapasalamat. Naisip ko rin na dahil sa pandemya lalong nabigyang-diin ang ministering na likas sa pagtuturo ng ebanghelyo. Mas humuhusay na kami sa pakikinig sa mga estudyante, sa paghiwatig sa kanilang mga pangangailangan at kakayahan at pagtugon sa mga ito, at minamahal sila saanman sila naroon, at naghahanap ng mga paraan para tulungan silang mas mapalapit sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. At sa panahon ng pandemya kung saan maraming problema, nakikita namin ang banal na tulong sa mga guro na tunay na nagsisikap na mahalin ang Diyos at ang kanilang mga estudyante at gawin ang lahat ng kanilang makakaya.

Brother Webb: Napakaganda ng sinabi mo. Salamat sa inyo at hinahangaan ko kayo. May mga guro tayo na nagsisikap na magturo nang face to face at nag-aaral na magturo nang online. Nakasuot sila ng mask na kung minsan ay hindi komportable. Kung minsan sumusuong sila sa panganib at dahil lamang ito sa malaking pagmamahal nila sa kanilang mga estudyante at sa katapatan nila sa Ama sa Langit. Nagpapasalamat ako sa lahat ng sakripisyo at pagsisikap ninyo na gawin ito sa napakahirap na panahon.

Pangulong Oaks: Ako, sa ngalan ng Unang Panguluhan, ay nagpapasalamat sa sinabi ninyo. Mahal namin kayo mga kapatid na nagtuturo sa ating mga seminary at institute, na nagtuturo ng relihiyon sa ating mga unibersidad at kolehiyo.

Brother Webb: Salamat; napakahalaga niyan. Ang isa pang gusto kong itanong sa inyo ay ang ilang bagay na itinuro ninyo sa ibang okasyon: Bakit mahalaga na nagtuturo tayo ng mga alituntunin at hindi ng mga patakaran?

Pangulong Oaks: Natutuwa ako at itinanong mo iyan. Paborito ko iyan. Sa isang artikulo sa Church News, sinabi ni Tad R. Callister, dating Sunday School President, ang tungkol sa paksang ito: “Una, ang mga patakaran ay kadalasang limitado sa isa o marahil sa ilang partikular na sitwasyon, samantalang ang mga alituntunin sa pangkalahatan ay may mas malawak na pagsasabuhay. Pangalawa, ang mga alituntunin ay lumilikha ng kapaligiran kung saan lubos na nagagamit ang kalayaan samantalang sa mga patakaran nababawasan ang kalayaan dahil sa restriksyon [at] kung minsan dinidiktahan pa tayo sa ating pagpili.” Idaragdag ko na pinalitan ng Tagapagligtas ang Batas ni Moises, na batay sa patakaran, ng mas mataas na batas ni Cristo, na batay sa alituntunin. Ganito ipinaliwanag ni Brother Callister ang alituntuning iyan. Sabi niya: “Ang mga alituntunin ay angkop sa mas mataas na batas, ang mga patakaran ay sa mas mababang batas. Ang dapat na palaging pagtuunan natin ay ang pagtuturo ng mga alituntunin ng ebanghelyo. Bakit? Dahil napakalaki ng maitutulong ng mga alituntunin na maiangat tayo sa kadakilaang selestiyal, at sa huli, mga alituntunin—hindi mga patakaran—ang mamamahala sa kahariang selestiyal.”4 Iyan ang sinabi niya.

Brother Webb: Napakaganda rin niyan. May isa pang maitutulong iyan. Kasama ko kamakailan ang isang grupo ng mga guro na nagkuwento sa akin na sa kanilang klase tila nagkaroon ng maraming—ang salitang ginamit nila ay “pagtatalo” nang magtanong ang mga estudyante at magkaroon ng iba’t ibang pananaw at ideya sa mga bagay-bagay. At gusto ko ang itinuro ninyo dahil naalala ko ang usapang iyon at natanto ko na isa mga paraan para malutas iyan ay hindi sa pagtuturo ng pagsasabuhay, kung saan magtatalu-talo sila sa pagsasabuhay ayon sa kanilang kalagayan, kundi sa pagtuturo ng alituntunin ng ebanghelyo. Gawin ang tinalakay natin—pagtuturo ng plano ng kaligtasan, ng doktrina ni Cristo, ng mga alituntunin ng ebanghelyo, at personal na pagsasabuhay sa tulong ng Espiritu Santo.

Pangulong Oaks: Maganda ang sinabi mo.

Brother Webb: Naisip ko lang na talagang praktikal at nakatutulong iyan sa sinisikap nating gawin, Pangulong Oaks. Salamat. Brother Smith, may idaragdag ka pa ba?

Brother Smith: Sige, kahalintulad din ito ng sinabi mo, Brother Webb. Sa pagtuturo din ng alituntunin sa halip ng pagsasabuhay, inaanyayahan natin ang estudyante na kumilos para sa kanilang sarili sa proseso ng pagkatuto, sa sarili nilang pag-unlad—na sa pagsunod nila sa isang alituntunin at paghingi ng personal na paghahayag, ay mapag-aaralan pa itong mabuti para sa kanilang sarili at malalaman ang pinakamainam na hakbang na gagawin kapag ipinamuhay nila ang alituntuning iyon sa personal na kalagayan nila.

Brother Webb: Salamat. Ang kasunod na tanong ay, “Sa lahat ng impluwensya—sa lahat ng tinig na naririnig sa mundo—paano natin matutulungan ang ating mga estudyante na mapaglabanan ang maraming impluwensya sa lipunan?”

Pangulong Oaks: Kailangang maunawaan natin na ang diyablo ay ama ng kasinungalingan—“isang sinungaling mula pa sa simula,”5 ayon sa banal na kasulatan. Ang pinakatuso niyang ginagawa ay haluan ng katotohanan ang kanyang mga kasinungalingan. Kaya, nauudyukan at naiimpluwensyahan ng kanyang pinaghalong katotohanan at kasinungalingan ang pagsasaliksik ng mabubuting tao. Bunga nito, isa sa pinakamahahalagang bagay na dapat nating sikaping matutuhan sa mortalidad ay ang mga turo ng Espiritu Santo na nagtutulot sa atin na maging alisto sa kung ano ang totoo—at hindi—totoo.

Brother Smith: Sa pinaghalong katotohanan at kasinungalingang ito, inaalis din ng kaaway ang katotohanan mula sa walang hanggang konteksto nito at sa lugar nito sa plano ng Diyos. Dahil diyan lumalaki ang posibilidad na mamali ang pagsasabuhay o pagkaunawa sa katotohanan. Halimbawa, ilang minuto pa lang ang nakalipas, Pangulong Oaks, itinuro ninyo nang mabuti sa amin ang tungkol sa alituntunin ng pagmamahal at ang bahagi nito sa plano ng Diyos—ang kahalagahan ng pagmamahal sa Diyos at sa ating kapwa—ang pagmamahal na iyan ang talagang dahilan kung bakit nais ng Ama sa Langit na ihanda tayo para sa buhay na walang hanggan, na siyang pinakadakila sa lahat ng kaloob ng Diyos. At ang pagmamahal natin sa Diyos ang nagtutulak sa atin na mahalin at paglingkuran nang lubos ang ating kapwa. Kaya kapag nagtagumpay ang kaaway na maihiwalay ang alituntunin ng pagmamahal mula sa konteksto nito, madali itong baluktutin. At ang maling pagkaunawa ng isang tao tungkol sa pagmamahal ay maaaring humantong sa pagsuporta sa maling adhikain. Maaari ding sumalungat sila sa mga batas ng Diyos at sa Kanyang mga propeta, dahil ang pagkahiwalay ng katotohanang iyan mula sa walang hanggang konteksto nito ay hahantong sa huwad na pagkaunawa o malabong pagkaunawa. At ginagawa iyan ng kaaway sa maraming alituntunin.

Pangulong Oaks: Marami tayong nakikitang katibayan niyan sa paligid natin, ‘di ba? Brother Webb, bilang guro, paano mo pinakamainam na sinasagot ang mga tanong tungkol sa mga inaalala ng iyong mga estudyante gaya ng mga nakababagabag na paksa sa kasaysayan ng Simbahan, mga isyu tungkol sa LGBT, mga tanong tungkol sa paano mamuhay nang nakaayon sa pamamalakad ng pamahalaan na may kaugnayan sa pandemya, at iba pa? Hindi natatapos ang mga tanong. Paano mo pinakamainam na sinasagot ang mga tanong na iyan ayon sa konteksto ng pagtuturo natin ng relihiyon?

Brother Webb: Magandang tanong iyan at laging iyang pinagdaraanan ng mga guro. Sisimulan ko sa pagsasabing natutuwa ako at pinayuhan tayo ni Apostol Pablo na magturo o magsalita ng katotohanan nang may pagmamahal. Siyempre kailangan nating ituro ang ebanghelyo. Kailangan nating ituro ang mga banal na kasulatan at ang mga turo ng mga makabagong propeta. Kailangan nating ituro ang katotohanan. Hindi makatutulong sa sinuman ang ituro ang mga bagay na hindi totoo; na hindi hahantong sa kaligayahan. Ngunit isang bagay—ang sa palagay ko ay talagang mahalaga: nang sabihin Niya na gawin iyon nang may pagmamahal, na muli ninyong binanggit ngayong gabi. Mahalagang magsimula sa mga ugnayan. Maraming ginawang pag-aaral ang malinaw na nagpapakita na nakadepende sa mga ugnayan ang pagkatuto ng mga estudyante. At para sa akin, nagsisimula ang mga ugnayang iyon sa mga guro na handang makinig—unawain ang kanilang mga estudyante at ang kanilang mga kalagayan at dumamay na sinisikap na maunawaan ang kanilang mga pangangailangan. Mahalaga rin na maunawaan na lahat ay may maiaambag, na nagpapahalaga tayo—na kailangan natin ang isa’t isa at ang karanasan ng bawat isa para magamit at matuto mula rito. Kaya’t maraming sagot sa tanong na ito, at maganda ang tanong. At para sa akin, iyon ay ang pagsasalita ng katotohanan nang may pagmamahal, at ibig sabihin niyan ay mga ugnayan na tumutulong sa mga tao na magtiwala at matuto nang magkakasama at maanyayahan ang Espiritu Santo sa karanasan sa pag-aaral.

Pangulong Oaks: Dahil sa mga sinabi mo tungkol sa mga ugnayan, naalala ko ang nabasa ko kamakailan tungkol sa magandang mensahe ng ating Young Men General President na si Steven J. Lund sa BYU Women’s Conference kamakailan. Inilarawan niya—tinukoy ang mga ugnayan bilang impluwensyang naghihikayat sa buhay ng mga yaong naghahanap ng huwaran at mentor. Sinabi niya na natuklasan ng ating mga mananaliksik na ang espirituwal na pag-unlad ng ating kabataang LDS ay nakabatay nang lubos sa tibay ng mga ugnayan nila, kabilang ang ugnayan sa mga magulang, kaibigan, at mga guro. At ang mga ugnayang iyon sa mga lider ay pinakamainam na nabubuo sa seminary at sa mga klase sa Sunday School at korum kung saan dumadalo sila nang may paggalang at pagmamahal sa kanilang mga lider at kapwa mga banal.6 Iyan ang sinabi niya. Masasabi ko na ang lahat ng ito ay humahantong sa pagpapatibay ng kahalagahan ng mga guro na nagmamahal at nakikipagtulungan sa kanilang mga estudyante. Ang tiwalang nabuo sa paraang ito ay impluwensyang nagtuturo na magpapalakas sa kanila na sagutin mismo ng kanilang sarili ang mga nakababagabag na tanong.

Brother Webb: Salamat. Talagang mahalaga iyan sa sinisikap nating maisakatuparan: ang pagpapatibay ng ugnayan. At sa ibinahagi ninyo sa amin, magagawa natin ang gayon din sa seminary upang matulungan sila na mapatibay ang iba pang mga ugnayan. Binanggit ninyo ang programa sa pagpapaunlad ng mga kabataan. Maituturo natin sila sa kanilang mga lider, bishop, at sa kanilang mga lider sa Young Women. Matutulungan natin sila sa pagpapatibay ng kanilang ugnayan sa kanilang mga magulang sa pamamagitan ng paraan ng pagsasalita natin tungkol sa pamilya at maibabaling sila sa kanilang mga magulang. Lahat ng ito ay kailangan—hindi lang sa pagpapatibay ng ating mga ugnayan sa kanila, kundi pati na rin sa kanilang ugnayan sa mga taong aakay sa kanila sa tamang landas. Kaya salamat sa pagsasabi niyan. Kasama niyan, naisip ko kung maaari nating pag-usapan pa kung paano natin ituturo ang mga pangunahing bagay na ito sa paraang hindi masasaktan o lalayo ang mga kabataan o tatalikod sa ebanghelyo. Magbabahagi ako ng isang maikling halimbawa para mailahad ang aking katanungan. Nitong huling linggo, tinawagan ako ng isang guro na nagsabing aalisin na ng isang magulang ang kanyang anak sa seminary dahil nagturo siya ng ilang alituntunin tungkol sa pamilya at kahalagahan ng pamilya. At nasaktan ang magulang na ito dahil sa kanilang pagkakaiba at kanilang pamilya at ayaw niyang maituro sa anak ang pangunahing ginagampanan ng pamilya—maging sa konteksto ng plano ng kaligtasan. Napakalungkot ng gurong ito na mawawala ang estudyanteng ito at nagtanong: “Paano ko ituturo ang katotohanan? Paano ko gagawin ito sa mundo kung saan ayaw nating mapalayo ang mga tao, ngunit kailangan nating ituro ang ebanghelyo nang puro sa ating mga estudyante?”

Pangulong Oaks: Magandang halimbawa ‘yan. Brother Smith, ano ang masasabi mo?

Brother Smith: Sige, napag-usapan na natin ang tungkol sa mga ugnayan. Ngunit naisip ko na kapag nagtitiwala ang mga estudyante sa guro—at dama na mahal sila—bubuksan nila ang kanilang puso. Minsan maaaring maging depensibo ang ilan kung nagtuturo tayo ng isang ideal o huwaran na hindi realidad ng estudyante. At nawawala ang pagiging depensibong ito kung mahal at nagtitiwala ang estudyante sa kanyang guro. Kaya, muli, talagang mahalaga ito. Nais kong bigyan-diin ang komento sa naunang tanong—pagtibayin ang mga ugnayang iyon sa mga estudyante.

Pangulong Oaks: Totoo iyan. At napakahalaga na maunawaan natin na hindi tayo obligadong sumang-ayon sa lahat ng bagay na inihaharap sa atin—ng estudyante man o ng magulang ng estudyante o ng iba pa sa lipunan. Hindi tayo narito para sumang-ayon sa lahat ng paniniwala na nagmula sa iba’t ibang ideya. Inatasan tayong ituro ang katotohanan. Ngunit upang magawa iyan, dapat maging napakaingat natin na hindi tayo tatalikod sa ating responsibilidad, na ibinigay sa atin ng Tagapagligtas, na mahalin ang ating kapwa. Anuman ang ginagawa natin ay gawin nang may pagmamahal nang sa gayon ay hindi tayo makipagtalo sa tao, ngunit gamitin natin ang ating mga turo nang sa gayon ang mga turo ang sasalungat sa mga maling paniniwala. Si Brigham Young, na isang taong may paninindigan, ay malinaw na naipaliwanag ito na nabasa ko kamakailan sa mga turo—o sa mga diskurso ni Brigham Young. Sa isa kanyang mga mensahe, sinabi niya ito: “Hindi kailanman nagbabago ang aking pagtingin sa mga tao, sa kalalakihan o kababaihan, kung katulad ko man sila ng paniniwala o hindi. Maaari ba kayong maging mga kapitbahay ko? Ako ay maaaring maging kapitbahay ninyo; at hindi ko pinakikialaman kung kayo man ay katulad ko ng paniniwala o hindi.”7 Iyan ang sinabi ni Brigham Young. Hindi ko akalaing makikita ko rito ang isang pahayag ng katotohanan na maaari tayong mamuhay nang may pagmamahal sa mga taong hindi natin kapareho ng paniniwala.

Brother Webb: Tama kayo, angkop talaga iyan sa mga guro natin ngayon. Isa iyan sa pinakamahahalagang katangian ng isang disipulo ng Tagapagligtas ngayon: manindigan sa tama at patuloy na mahalin ang mga tao at maging totoo sa pakikipag-ugnayan sa kanila sa kabila ng hindi pagkakapareho sa paniniwala.

Pangulong Oaks: Ang isa pang bahagi niyan ay kailangan nating kumilos upang ang pagiging mapagmahal at pagtanggap natin—maging sa pagtanggap sa mga nakakasama natin—ay hindi mapagkamalang pagsang-ayon sa mali nilang paniniwala. Kung minsan napakahirap gawin niyan. At nakikita natin sa mundo ng pulitika at mga komunikasyon, mula sa maraming iba’t ibang source, ang kabiguang makita iyan. Madalas inaakala ng mga tao na tinatanggap natin ang isang bagay dahil mahal natin ang mga taong sangkot dito.

Brother Webb: Lahat ng ito ay magkakaugnay, ‘di ba? Bumabalik ito sa mga ugnayan; sa pakikinig at pagdamay. At bumabalik din ito sa pagtuturo ng alituntunin. Bumabalik ito sa tinalakay natin kung bakit naniniwala tayo sa ginagawa natin, batay sa plano ng kaligtasan at doktrina ni Cristo, at pinagsasama-sama ang mga bagay na iyon at ginagawa ang pinakamahirap na bagay na iyon na inilarawan ninyo.

Pangulong Oaks: At nauugnay din ito sa una at dakilang utos na mahalin ang Diyos, at sinabi ng Tagapagligtas, “kung ako’y inyong minamahal ay tutuparin ninyo ang aking mga utos.”8 At ang pangalawang utos ay mahalin ang ating kapwa. Hindi ibig sabihin na kapag mahal natin ang ating kapwa ay hindi natin unang mahal ang Diyos at sinusunod ang Kanyang mga utos.

Brother Webb: Salamat.

Brother Smith: Nakikinita ko sa aking isipan ang isang guro na nagtuturo ng katotohanan nang may pagmamahal at ipinagtatanggol ang doktrina ni Cristo nang may tapang—ngunit minamahal din ang kanyang mga estudyante, kaya dama ng mga estudyante na ligtas sila, at nagtitiwala sila at mahal nila ang guro. Marahil may estudyanteng hindi sang-ayon sa isang aspeto ng doktrina ni Cristo—o sa isang alituntunin ng ebanghelyo—pero pumapasok pa rin siya sa klase. At pumapasok pa rin sila sa institute o seminary dahil dama nila na ligtas sila, at mapalalakas nila ang kanilang pananampalataya kay Jesucristo sa klaseng iyon. Kaya ang balanseng ito na pinag-uusapan natin ay napakahalagang magawa: ipagtanggol nang buong tapang ang katotohanan at mahalin ang mga yaong hindi sumasang-ayon sa katotohanan upang maging ligtas na lugar ang klase o institute o seminary para sa estudyante.

Pangulong Oaks: At nais kong sabihin na ang mga nakikinig sa atin na kabilang sa institute at pagtuturo ng relihiyon sa mga unibersidad at kolehiyo ay mas nahihirapan sa partikular na paksang ito. Ang mga estudyante na mas may edad na ay malamang na nag-iisip para sa kanilang sarili at mas nagtatanong kaysa sa mga estudyante sa seminary, halimbawa. Ngunit pareho lang ang mga alituntunin. Ang pagsasagawa nito ay medyo nagkakaiba ayon sa kalagayan at maturidad ng indibiduwal, ngunit ang mga alituntunin ay ang mga yaong natalakay natin.

Brother Webb: Salamat.

Pangulong Oaks: Narito ang isang tanong na magpapabago nang kaunti sa paksa, ngunit lubhang nauugnay sa ating panahon: Paano natin mahihikayat ang ating mga estudyante na itabi muna ang kanilang mga cell phone sa oras na nagtuturo tayo sa kanila?

Brother Webb: Magandang tanong iyan na konektado sa pagtatalo o hindi pagkakasunduan sa klase, dahil kung minsan iyan ang nagagawa nito, ‘di ba? Kaya—Brother Smith?

Brother Smith: Tama, talagang may oras sa pag-aaral na kailangang hindi gamitin at itabi muna ng mga estudyante ang kanilang cell phone. Marahil ang pinakamakatutulong sa kanila na magawa iyan ay ang pagtuturo nang nakahihikayat, mahusay at interesante. Sinabi sa amin minsan ni Elder—o Pangulong Ballard na tiyakin namin na mahusay at interesante ang aming pagtuturo. Ngunit naisip ko rin na kung minsan maaari nating ipagamit sa mga estudyante ang kanilang cell phone sa pag-aaral. Gamit ang resources sa ChurchofJesusChrist.org at sa Gospel Library app, talagang kung minsan kailangan nating anyayahan ang estudyante na mag-aral gamit ang content sa kanilang phone na nagpapalakas ng pananampalataya. At maaaring makatulong ito—isang positibong epekto para sa kanila sa labas ng klase—na masimulan nilang makita ang device na ito bilang isang bagay na higit pa sa isang gaming device o social media device—o sa iba, pinagmumulan ng tukso. At matututuhan nila na kung minsan, ang device ding iyon ay magagamit sa pagpapalakas ng pananampalataya kay Jesucristo. Sa palagay kakailanganin ng guro ng inspirasyon para dito—at pagbalanse. At tutulungan tayo ng Panginoon na makahanap ng mga pagkakataon na mapalakas ang pananampalataya sa pamamagitan ng paggamit ng device at maunawaan din kung minsan kapag kinakailangan itong isara at itabi muna.

Pangulong Oaks: Ang mungkahi mo na hindi dapat ipagbawal ang cell phone ay nagpagunita sa akin ng isang karanasan—10 o 15 taon na ang nakakalipas—nang bisitahin ko ang isang Sunday School class ng mga kabataang nasa edad ng Seminary. At naroon ako para ipagbawal ang cell phone. Ngunit nang masdan ko ang klase ng mga isang dosenang estudyante, natanto ko na may isang aklat ng scripture lamang sa buong silid-aralan. Lahat ay nagbabasa ng mga banal na kasulatan at sinusundan ang lesson gamit ang cell phone. Doon ko nakita na ang tanong ay hindi tungkol sa pagbabawal kundi tungkol sa pagbabalanse ng paggamit nito.

Brother Webb: Napakaganda, salamat. Pangulong Oaks, natutuwa kaming makasama kayo, salamat sa inyong payo ngayon, at naisip namin kung maaari tayong magbahagi ng ating patotoo kahit isang minuto lang, Brother Smith, ikaw na ang maunang magpatotoo, at susunod ako, at pagkatapos kayo.

Brother Smith: Salamat. Habang iniisip ko ang ating sagradong pagkakataon na magturo sa mga kabataan at young adult ng Simbahan, at yaong nasa ating mga CES institution, naisip ko ang itinuro ng ating mahal na propeta na si Pangulong Russell M. Nelson. Sabi niya: “Marami sa pinakamagigiting na mga anak [ng Diyos]—masasabi kong ang [Kanyang] pinakamahusay na pangkat … [ay] ipinadala sa mundo sa panahong ito. … [Sila] ay kabilang sa mga pinakamahusay na ipinadala ng Panginoon sa mundong ito.”9 At naniniwala ako na ang mga kabataan na nakakasalamuha natin ay ang mismong yaong itinuro ng mga propeta ng Diyos sa atin. At isang sagradong pribilehiyo sa atin na magpatotoo sa kanila tungkol sa katotohanan ni Jesucristo at ng Kanyang Pagbabayad-sala at Pagkabuhay na Mag-uli. At pinatototohanan ko ngayon na totoo ang Pagbabayad-sala at Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo; na ito ang Kanyang Simbahan; na tayo ay pinamumunuan ng Kanyang mga buhay na propeta, tagakita, at tagapaghayag; at na isinasakatuparan natin ang Kanyang layunin habang nagtuturo tayo ng mga kabataan sa mga huling araw. At ibinabahagi ko ang patotoong iyan sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Brother Webb: Amen. Gusto ko ring magpatotoo sa katotohanan ng ating mapagmahal na Ama sa Langit at ni Jesucristo bilang Tagapagligtas at Manunubos ng sanlibutan—na ito ang Kanyang Simbahan at kaharian sa Lupa. At nagpapasalamat ako nang lubos na ginugugol ko ang bawat araw ng aking buhay na nagpapatotoo tungkol sa Kanya at sa pagtuturo sa iba ng Kanyang ebanghelyo. Nagpapasalamat ako sa lahat ng nagturo sa akin at nagpala sa akin sa pamamagitan ng kanilang pananampalataya at patotoo sa Tagapagligtas, at salamat at naging bahagi ako ng gawaing ito kasama kayo sa pagtuturo ng ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo. At idaragdag ko rin na kapag naiisip ko ang pagmamahal ng ating Ama sa Langit, madalas nating napag-uusapan kung gaano kamahal ng Ama sa Langit ang ating mga estudyante. At gusto kong malaman ninyo na mahal kayo ng Ama sa Langit, at lubos ang pasasalamat Niya na nais ninyong iukol ang inyong buhay sa pagtuturo ng Kanyang mga anak, at na mahal Niya ang inyong pamilya, at kapag patuloy kayong naglingkod nang tapat sa pagtuturo sa Kanyang mga anak, pagpapalain Niya kayo at ang inyong pamilya dahil pinagpala ninyo ang Kanyang mga anak ng inyong mga turo at patotoo at mga halimbawa. Salamat sa inyo sa kung sino kayo at sa ginagawa ninyo, sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Pangulong Oaks: Amen. Idaragdag ko ang aking patotoo sa patotoo ng mga kahanga-hangang tagapaglingkod na ito ng Panginoon. Pinatototohanan ko ang Ama at ang Anak, sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo, na ito ang Kanyang gawain, at na kayo ay Kanyang mga tagapaglingkod, kapwa mga guro ng ebanghelyo ni Jesucristo. At ibinibigay ko sa inyo ang mga pagpapala ng langit habang naglilingkod kayo sa Panginoon at habang sumusulong kayo kasama ang inyong pamilya patungo sa tadhana na ipinahayag ng Diyos para sa Kanyang mga karapat-dapat na anak: ang buhay na walang hanggan. At pinatototohanan ko ito sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Lahat: Amen.