Mga Pandaigdigang Debosyonal
Israel, Diyos ay Tumatawag


2:3

Israel, Diyos ay Tumatawag

Binabati namin kayo sa devotional broadcast na ito, saanman kayo naroon sa malaki, malawak at kahanga-hangang Simbahang ito. Salamat sa pagmamalasakit ninyong lahat na dumalo, kabilang na kayo na nasa Dixie State College campus sa aking bayan.

Marami ang Panawagan Na Lisanin ang Babilonia

Para maanyayahan natin ang Espiritu ng Panginoon, hiniling kong simulan ng himnong: “Israel, Diyos ay Tumatawag” ang miting na ito. Israel, Diyos ay tumatawag, Isa ito sa magagandang klasikong himno noong Pagpapanumbalik at nakapaloob ang marami sa mga nais kong sabihin sa inyo ngayong gabi. Maaari din sana nating idagdag ang “Mga Elder ng Israel” sa gayunding layunin. Gustung-gusto kong naririnig na inaawit ng mga missionary ang, “Paalam na, Babilonia, kami’y lilisan; sa bundok ni Ephraim maninirahan.”1 Ang mensahe ng dalawang himnong ito ay magkapareho— palaging tinatawag ng Diyos ang mga anak ni Israel sa isang lugar kung saan magiging maayos ang lahat.

Israel, Diyos ay tumatawag,

Tumatawag sa inyo.

Pagguho ng Babilonia

Ay kagustuhan ng Diyos. …

Sa Sion ay magsitungo,

At doo’y ligtas kayo. …

Sa Sion ay magsitungo!

Sion ay magpupuri.2

Tunay na ganito ang kasaysayan ng Israel sa paglipas ng mga panahon. Kapag masyado nang makasalanan o labis na ang kamunduhan o katiwalian sa lipunan, o ang buhay kasama ng mga Gentil ay sumisira na sa kagandahang-asal at mga kautusang ibinigay ng Diyos, ang mga anak ng tipan ay pinapupunta sa ilang upang muling itatag ang Sion at magsimulang muli.

Noong panahon ng Lumang Tipan si Abraham, ang ama ng ganitong tipan, ay kinailangang iligtas ang kanyang buhay mula sa mga Caldeo—ang Babylonia mismo—sa kagustuhang ilaan ang kanyang buhay sa Canaan (na tinatawag ngayong Banal na Lupain).3 Ilang henerasyon lamang ang lumipas nang ang mga inapo ni Abraham (at Isaac at Jacob)—na kilala noon na mga Israelita—ay nawalan ng kanilang Sion at naalipin sa malayong bayan ng paganong Egipto. 4 Kaya’t si Moises ay kinailangan upang akayin ang mga anak ng pangako pabalik sa ilang—sa ganitong oras sa hatinggabi, at ni walang oras para umalsa ang kanilang tinapay! “Israel, Israel, Diyos ay nagwiwika,” ang tiyak na inaawit nila sa daan. “Pakinggan at sundin S’ya!”5

Pagkaraan lamang ng ilang siglo, isang kakatwang kuwento ang nagsimula nang ang isa sa mga pamilyang Israelita na ito, na pinamunuan ng propetang si Lehi, ay inutusang lisanin ang minamahal na Jerusalem dahil, minsan pa, sinasakop sila ng Babilonia.6 Heto na naman tayo! Hindi nila alam na pupunta sila sa isang bagong kontinente at magtatatag ng isang bagong Sion,7 at nangyari nga iyon. Hindi nila alam na nangyari na itong minsan sa isang grupo ng kanilang mga ninuno na tinawag na mga Jaredita.8

Gaya ng nabanggit, ito ay pandaigdigang brodkast sa lalo pang lumalagong Simbahan, ngunit dapat malaman ng lahat ng nagdiriwang ng Panunumbalik ng ebanghelyo na ang kolonisasyon sa Amerika ay sinimulan ng isang grupong umalis sa kanilang lupang sinilangan upang makasamba ayon sa kanilang kagustuhan. Isang bantog na iskolar ng mga Puritan na nandayuhan sa Amerika ang naglarawan sa karanasang ito bilang “misyon ng Kristiyanismo sa ilang,” ang pagsisikap ng makabagong mga Israelita na mapalaya ang kanilang sarili sa kawalan ng paniniwala sa Diyos ng Lumang Daigdig at minsan pang hanapin ang landas ng kalangitan sa isang bagong lupain.9

Para sa layon ngayong gabi alalahanin ninyo ang isang huling pagtakas, ang pagtakas na naging dahilan kaya’t naisulat ang ating himno sa gabing ito. Ito’y ang ating Simbahan mismo, na pinamunuan ng ating mga propeta, na namuno sa ating mga ninuno. Sa kalupitang dinanas ni Joseph Smith sa mga estado ng New York, Pennsylvania, Ohio, Missouri, at sa huli ay pinaslang sa Illinois, nakikita natin ang muling pagsasadula ng mga anak ni Israel sa mga huling araw sa paghahanap ng tahimik na lugar. Si Brigham Young, ang Moises ng Amerika, na buong paghangang itinatawag sa kanya, ang namuno sa mga Banal papunta sa mga lambak ng mga bundok habang kinakanta ng pagod na mga Banal ang:

Makikita, lugar na nilaan,

Doon sa Kanluran,

Do’n kung saan may kapayapaan;

Biyaya at yaman.10

Sion. Ang lupang pangako. Ang Bagong Jerusalem. Nasaan ito? Maaaring, hindi natin tiyak, pero matatagpuan natin ito. Sa loob ng mahigit 4,000 taon ng kasaysayan ng pakikipagtipan, ganito ang paulit-ulit na nangyari: Tumakas at hanapin. Tumakbo at manirahan. Takasan ang Babilonia. Itayo ang mga pader ng Sion na magpoprotekta.

Hanggang sa ngayon. Hanggang sa gabing ito. Hanggang sa panahon natin.

Ang Tungkulin Natin ay Itayo ang Sion Saan Man Tayo Naroroon

Isa sa maraming kakaibang katangian ng ating dispensasyon, nitong dispensasyon ng kaganapan ng mga panahon—itong huli at pinakadakilang dispensasyon—ay ang iba-ibang paraan ng pagtatatag ng kaharian ng Diyos sa lupa. Isa sa mga tunay na kapana-panabik sa dispensasyong ito ay ang ito ang panahon ng malalaki at mabibilis na pagbabago. At ang isang bagay na nagbago ay na hindi na muling tatakas ang Simbahan ng Diyos. Hindi na nito lilisanin ang Ur, para lisanin ang Haran, para lisanin ang Canaan, para lisanin ang Jerusalem, para lisanin ang England, para lisanin ang Kirtland, para lisanin ang Nauvoo, para pumunta sa kung saan. Hindi, gaya ng sinabi ni Brigham Young sa ating lahat, “Tayo ay hinango mula sa kahirapan tungo sa kamatayan, hinango sa kamatayan tungo sa kawalan, at tayo’y naririto at mamamalagi rito.”11

Siyempre, ang pahayag na iyon ay hindi lamang tungkol sa Salt Lake Valley o sa Wasatch Front sa pangkalahatan; ito ay naging pahayag ng mga miyembro ng Simbahan sa buong mundo. Sa mga huling araw, dito sa ating dispensasyon, magiging sapat ang pag-unlad natin para tumigil na sa pagtakbo. Magiging sapat ang pag-unlad natin para maging matatag tayo at ang ating mga pamilya at ang ating pundasyon sa bawat bansa, kaanak, wika, at mamamayan sa permanenteng paraan. Ang Sion ay matatagpuan sa lahat ng dako—saanman naroon ang Simbahan. At sa pagbabagong iyan—na isa sa malalaking pagbabago sa mga huling araw—hindi na natin iniisip ang Sion bilang lugar kung saan tayo maninirahan kundi kung paano tayo maninirahan.

Tatlong Pangyayari na Humantong sa Tatlong Aral

Ngayon, para maipaliwanag nang kaunti ang bagong gawaing ito, nais kong banggitin ang tatlong karanasan namin ni Sister Holland kamakailan lamang. Kung may panahon pa sana mas marami pa akong mababanggit at gayon din kayo.

Una: Ilang taon na ang nakararaan isang batang kaibigan ko—na returned missionary—ang napabilang sa isa sa mga college basketball team sa estado. Napakagaling na binata at mahusay maglaro, pero hindi siya gaanong nakapaglaro gaya ng kanyang inasahan. Ang angkin niyang mga talento at kahusayan ay hindi ang mismong kailangan ng team na iyon sa estado ng kanilang pag-unlad. Nangyayari ito sa paglalaro. Kaya’t sa buong suporta at panghihikayat ng kanyang mga coach at kasamahan sa team, ang batang kaibigan ko ay lumipat sa ibang paaralan kung saan umasa siyang mas makapag-aambag pa siya.

Naging mas maayos naman ang takbo ng laro niya sa bagong paaralan, at di nagtagal nagsimula na siyang makapaglaro. At alam ba ninyo—Dahil sa iskedyul (na ilang taon nang ginawa) ang binatang ito ay bumalik para maglaro laban sa kanyang dating team sa tinatawag noon na Delta Center ng Salt Lake City.

Ang naganap sa larong iyon ay ikinababahala ko pa rin ngayon, at sasamantalahin ko ang pagkakataong ito para banggitin ang tungkol dito. Ang malupit na pang-aabuso ng mga manonood nang gabing iyon sa binatang ito—na Banal sa mga Huling Araw, returned-missionary, bagong kasal na nagbabayad ng kanyang ikapu, naglilingkod sa elder’s quorum, nagkakawanggawa sa kabataan sa kanyang komunidad, at sabik na naghihintay sa pagsilang ng kanilang sanggol—ang mga sinabi at ginawa at isinigaw ng mga tao nang gabing iyon sa kanya, sa kanyang asawa at mga magulang ay hindi dapat dinanas ng sinumang nilalang saanman at kailanman, anuman ang kanyang laro, o unibersidad, o anuman ang kanyang personal na desisyon tungkol sa mga ito.

Heto pa ang pinakamasakit. Ang coach ng bumisitang team na ito, na bantog sa kanyang larangan, ay bumaling sa kanya pagkatapos ng laro at nagtanong: “Ano’ng nangyayari? Tagarito ka at naging matagumpay ka. Mga kababayan mo sila. Mga kaibigan mo sila.” At ang pinakamatindi sa lahat, sinabi niya nang buong pagtataka, “Di ba’t karamihan sa mga taong ito ay mga miyembro ng iyong Simbahan?”

Ang pangalawang pangyayari: Inimbita akong magsalita sa isang stake single-adult devotional—iyon bang para sa mga edad “18-pataas” at wala pang asawa, gaya nito. Pagpasok ko sa pinto sa likod ng stake center, isang mga 30-anyos na dalaga ang halos kasabay kong pumasok. Kahit napakarami ng mga pumapasok sa chapel, mahirap na hindi siya mapansin. Batay sa naaalala ko, may ilang tattoo siya, may ilang hikaw sa tenga at ilong, naka-spike ang buhok na may iba’t ibang kulay, suot ang napakaikling palda, at blusang malalim ang tabas ng dibdib.

Tatlong tanong ang pumasok sa isipan ko: Ang babae bang ito ay puno ng problema, hindi natin ka-relihiyon, na inakay—o kaya naman ay isinama ng isang tao—sa debosyonal na ito ayon sa patnubay ng Panginoon sa pagsisikap na tulungan siyang magkaroon ng kapayapaan at patnubay ng ebanghelyo na kailangan niya sa kanyang buhay? O baka naman: Miyembro kaya siya na medyo nawalan ng pag-asa at nalihis sa mga pamantayang ipinapayo ng Simbahan na sundin ng mga miyembro nito ngunit, mabuti na lamang at nakikihalubilo pa rin siya at piniling dumalo sa aktibidad ng Simbahan sa gabing iyon. Ang ikatlong opsyon ay, “Siya ba ang stake Relief Society president?” (Kahit paano natitiyak kong hindi siya.)

Ito ang ikatlo kong halimbawa: Habang nasa paglalaan ng Kansas City Temple ilang buwan pa lang ang nakalilipas, kami ni Sister Holland ay nakituloy sa tahanan ni Brother Isaac Freestone, isang police officer at kahanga-hangang high priest sa Liberty Missouri Stake.Sa pag-uusap namin ay naikuwento niya na isang gabi ay tinawag siya para imbestigahan ang isang reklamo sa mapanganib na bahagi ng lungsod. Sa gitna ng malakas na tunog ng musika at amoy ng marijuana sa paligid, natagpuan niya ang isang babae at ilang lalaki na nag-iinuman at nagmumurahan, at lahat sila ay halatang walang pakialam sa limang maliliit na bata—mga edad dalawa hanggang walong taon—na nagsisiksikan sa isang silid, pinipilit na matulog sa maruming sahig na walang higaan, walang kutson, walang unan, walang kahit ano. Binuksan ni Brother Freestone ang mga kabinet sa kusina at refrigerator para tingnan kung may kahit isang lata o kahon ng kahit anong pagkain—pero wala talaga siyang makita. Sinabi niya na ang asong tumatahol sa bakuran ay may mas marami pang pagkain kaysa sa mga batang iyon.

Sa silid ng ina ay nakakita siya ng kutson na walang sapin, nag-iisa ito sa buong kabahayan. Naghanap pa siya hanggang sa makakita siya ng ilang kubrekama (kung ganoon nga ang maitatawag dito), isinuot ito sa kutson, at doon pinahiga ang limang bata. Habang naluluha siya ay lumuhod, nag-alay ng panalangin sa Ama sa Langit na pangalagaan sila, at nagpaalam na.

Nang tumayo siya at naglakad papunta sa pinto, isa sa mga bata, mga anim na taong gulang, ang biglang bumangon at tumakbo sa kanya, hinawakan ang kanyang kamay, at nakiusap na, “Puwede n’yo po ba akong ampunin?” Lalo siyang napaluha, ibinalik niya sa higaan ang bata, at nakita niya ang bangag na ina (nakaalis na ang kalalakihan) at sinabi dito: “Babalik ako bukas, at sana makakita ako ng ilang pagbabago sa bahay na ito pagpasok ko sa pintong ito. At marami pang magbabago pagkatapos noon. Pangako iyan.”12

Ano ba ang magkakapareho sa mga pangyayaring ito? Wala namang gaano, maliban sa nangyari ito sa amin ni Sister Holland hindi pa katagalan. At ang mga ito ay tatlong maliliit, magkakaiba, na tunay na halimbawa ng Babilonia—isang personal at kahangalan ng napakasamang pag-uugali sa isang laro ng basketbol, ang isa ay mas ukol sa kultura at nagsasaad ng hamon na kinakaharap ng mga taong kaiba sa atin ang pamumuhay, at isang napakalaki at napakabigat na bagay, na may kinalaman sa batas at kasaysayan na lubhang masalimuot kaya’t halos hindi kayang ayusin ng isa man sa atin.

Sa pagbanggit sa tatlong hamon na ito, sinadya kong huwag magbanggit tungkol sa seksuwal na pagkakasala, karahasan, o pagkalulong sa pornograpiya, kahit na maaaring mas madaling makaugnay diyan ang ilan sa inyo kaysa sa mga halimbawang ginamit ko. Pero matalino kayo para malaman kung paano isasabuhay ang mga prinsipyong binabanggit ko.

Aral 1: Huwag kailaman “Iwan sa Pintuan ang Inyong Relihiyon”

Una, tapusin muna natin ang nangyari sa basketbol. Pagkatapos ng laro noong araw na iyon, nang may reaksiyon na ang publiko at nanawagan ng paghingi ng paumanhin sa nangyari, ganito ang sabi ng isang binata: “Makinig kayo. Ang pinag-uusapan dito’y basketbol, hindi Sunday School. Kung ayaw ninyong makantiyawan ng mga manonood, huwag kayong maglaro. Mahal ang ibinayad namin para mapanood ang mga larong ito. Puwede kaming kumilos ayon sa gusto namin. Iniiwan namin sa pintuan ang aming relihiyon.”

Iniiwan namin sa pinto ang aming relihiyon”? Unang aral para sa pagtatatag ng Sion sa ika-21 siglo: Kailanman ay huwag mong “iwan sa pinto ang iyong relihiyon.” Huwag kahit kailan.

Mga bata kong kaibigan, ang ganyang uri ng pagkadisipulo ay hindi maaari—hindi ito pagiging disipulo kailanman. Gaya ng itinuro ni propetang Alma sa Young Women ng Simbahan na ipahayag bawat linggo sa kanilang tema sa Young Women, na tayo ay “tumayo bilang mga saksi ng Diyos sa lahat ng panahon at sa lahat ng bagay, at sa lahat ng lugar kung saan tayo ay maaaring naroroon,”13hindi kung minsan lamang, sa ilang lugar, o kapag nananalo ang ating team.

“Iwan sa pinto ang iyong relihiyon.”! Nagalit ako.

Aral 2: Magkapakita ng Awa, ngunit Maging Tapat sa mga Kautusan.

Pag-usapan muna natin sandali dahil may pangalawang aral dito. Ang pangalawang aral sa gabing ito sa pagtatayo ng Sion ay na sa makatuwiran kong pagkagalit (kahit paano palagi nating sinasabing makatuwiran) dapat tiyakin ko na hindi ako matutulad sa sinabi kong ginagawa ng batang tagahanga—nagagalit, nagwawala, hindi mapigil ang galit, nagrereklamo, gusto ko siyang sunggaban—lalo na sa leeg—hanggang sa bago ko ito mapansin na iniwan ko sa pinto ang aking relihiyon!Hindi,dapat may isang tao sa buhay na ito, may isang tao sa ika-21 siglo, may isang tao sa lahat ng sitwasyong ito na ipinamumuhay ang kanyang relihiyon dahil kung hindi ang matitira ay mga taong hangal na walang kagandahang-asal.

Madaling maging mabuti kapag payapa at mabuti ang buhay at kapag maayos ang lahat. Ang pagsubok ay kapag nariyan ang totoong pagsubok o tukso, kapag may pamimilit at pagod, galit at takot, o ang posibilidad ng totoong pagkakasala. Maaari ba tayong maging tapat ? Iyan ang tanong sapagkat Israel, ang Diyos ay tumatawag”. Ang gayong integridad, ang karingalan ng “Ama, patawarin mo sila; sapagka’t hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa”14—sa oras mismo na ang pagpapatawad at pang-unawa at kabaitan sa nagpako sa iyo ang huling nanaising gawin ng sinumang hindi perpektong tulad ng Tagapagligtas. Pero kailangan nating sikapin; dapat nating naising maging matatag. Anuman ang sitwasyon o problema, walang tunay na disipulo ni Cristo ang dapat na “mag-iwan sa pinto ng relihiyon niya.”

Dahil diyan naiisip ko ang babaing makulay ang buhok at may sari-saring hikaw. Paano man ang maging reaksiyon ng sinuman sa dalagang iyon, kailangang makita ang ating paniniwala sa relihiyon at katapatan sa ebanghelyo. Ibig sabihin, anuman ang ating reaksiyon sa alinmang situwasyon dapat makabuti ito, hindi lalong magpasama. Hindi tayo maaaring kumilos sa paraan na mas malaki pa ang nagawa nating kasalanan kaysa sa kanya. Hindi ibig sabihin nito na wala tayong mga opinyon, na wala tayong mga pamantayan, na binabalewala natin ang mga kautusang “dapat gawin” at “hindi dapat gawin” sa buhay. Ang ibig sabihin nito dapat nating ipamuhay ang mga pamantayang iyon at ipagtanggol ang “mga dapat gawin” at “hindi dapat gawin” sa mabuting paraan, sa abot-kaya natin, sa paraang ipinamuhay at ipinagtanggol ito ng Tagapagligtas. At ginawa Niya sa tuwina ang dapat gawin para mapabuti ang situwasyon—mula sa pagtuturo ng katotohanan, tungo sa pagpapatawad sa mga makasalanan, hanggang sa paglilinis ng templo. Dakilang kaloob ang malaman kung paano gawin ang gayong mga bagay sa tamang paraan!

Kaya, hinggil sa babaing kakaiba ang suot na damit at anyo, simulan natin sa pag-alaala na siya ay anak ng Diyos at walang-hanggan ang kanyang kahalagahan. Simulan natin sa pag-alaala na siya ay anak ng isang tao dito sa lupa at maaaring, sa ibang pagkakataon, ay maging anak ko siya. Simulan natin sa pasasalamat na dumalo siya sa aktibidad ng Simbahan, at hindi umiiwas kanino man. Sa madaling salita, sinisikap nating gawin ang pinakamainam sa ganitong situwasyon sa hangaring tulungan siyang gawin ang pinakamainam. Tahimik nating ipanalangin: Ano ba ang tamang gawin? At ano ang tamang sabihin? At sa huli, ano ba ang magpapabuti sa situwasyon at sa kanya? Ang ganitong mga pagtatanong at pagsisikap na gawin ang gagawin ng Tagapagligtas ang sa palagay ko ay ibig Niyang sabihin sa, “Huwag kayong magsihatol ayon sa anyo, kundi magsihatol kayo nang matuwid na paghatol.”15

Dahil diyan, pinaaalalahanan ko ang lahat na sa paghanap at pagtulong sa pagbabalik ng isang tupang naligaw, nasa atin rin ang malaking responsibilidad sa 99 na hindi nangaligaw—ayon sa kagustuhan at kalooban ng Pastol. May isang kawan, at tayong lahat ay dapat naroon, anuman ang kaligtasan at mga pagpapalang natatanggap ng lahat dito. Mga bata kong kapatid, hindi kailanman “babaguhin” ng Simbahang ito ang mga doktrina nito para lamang umangkop sa lipunan o maging katanggap-tanggap ito. Tanging ang seguridad ng inihayag na katotohanan ang naglalagay sa atin sa katayuan na kung saan maiaangat natin ang isang taong nababagabag o pinabayaan. Ang ating pagkahabag at pagmamahal—na mahahalagang katangian ng ating pagiging Kristiyano—ay hindi kailanman dapat ituring na pagsasapanganib sa mga kautusan. Gaya ng sinabi minsan ng kahanga-hangang si George MacDonald, “hindi tayo obligadong sabihin ang lahat ng ating [pinaniniwalaan], kundi obligado tayong huwag [matulad] sa hindi natin [pinaniniwalaan].”16

Humatol nang Matuwid

Tungkol dito—sa panawagan kapwa ng pagkahabag at katapatan sa mga kautusan—kung minsan ay may di-pagkakaunawaan, lalo na sa ating mga kabataan na nag-iisip na hindi natin dapat hatulan ang anuman, na hindi natin dapat suriin ang anumang bagay. Dapat natin silang tulungan sa bagay na iyan dahil nilinaw ng Tagapagligtas na dapat tayong humatol sa ilang bagay—gaya nang sabihin Niyang, “Huwag ninyong ibigay sa mga aso ang anomang banal, ni ihagis man ang inyong mga perlas sa harap ng mga baboy.”17 Parang paghatol na iyan. Ang isang alternatibo ay ang magpaubaya at maging katulad ng makabagong mundo na nagbibigay kaluwagan sa mga pamantayang sumisira sa kagandahang-asal, mga mungkahi na sa bandang huli ay walang tunay na mahalaga sa kawalang-hanggan o napakasagrado, at, dahil dito, hindi na mahalaga kung ano ang pananaw ng isang tao sa anumang bagay. At hindi iyan totoo.

Sa prosesong ito ng pagsusuri, hindi tayo sinasabihang isumpa ang iba, kundi sinasabihan tayong gumawa ng mga desisyon sa araw-araw na kakikitaan ng paghatol—sana, mabuting paghatol. Minsan ay tinukoy ni Elder Dallin H. Oaks ang ganitong uri ng mga desisyon bilang “paghatol sa pagitan,” na kadalasan ay dapat nating gawin para sa ating kaligtasan o para sa kaligtasan ng iba, kumpara sa tinatawag na “huling paghatol,” na magagawa lamang ng Diyos na nakaaalam sa lahat ng pangyayari.18 (Tandaan, sa talatang nabanggit kanina, sinabi ng Tagapagligtas na ang mga “paghatol sa pagitan” ay dapat “mabubuting paghatol,” hindi pagmamagaling lamang, na talagang kaiba.)

Halimbawa, dapat mabuti ang paghatol ng mga magulang hinggil sa kaligtasan at kapakanan ng kanilang mga anak sa araw-araw. Hindi sisisihin ng sinuman ang magulang na nagsasabing dapat kumain ang mga bata ng gulay o nagbabawal sa isang bata na tumawid sa matrapik na kalye. Kaya bakit sisisihin ang magulang na nag-aalala, pagtanda pa nang kaunti ng anak, kung anong oras dapat umuwi ang batang iyon sa gabi, o ano ang dapat pamantayan o pag-uugali ng kanilang mga kaibigan, o anong edad sila dapat makipagdeyt, o kung sumusubok ba sila ng seks o droga o pornograpiya? Hindi, gumagawa tayo ng mga desisyon at naninindigan at muling pinagtitibay ang ating mga pinahahalagahan—sa madaling salita, gumagawa ng “mga paghatol sa pagitan”—sa lahat ng oras, o kahit paano dapat nating gawin ito.

Ang Ilang mga Isyu at Batas ay May Walang Hanggang Kabayaran

Kapag nahaharap tayo sa gayong mga situwasyon sa masalimuot na mga isyu sa isang demokratikong lipunan, malaking hamon ito, at sa ilan, ito ay nakalilito. Maaaring magtanong ang mga kabataan, tungkol sa naging pananaw o patakarang ginawa ng Simbahan, na nagsasabing: “Hindi nga tayo naniniwala na ganoon dapat ang maging pamumuhay o ikilos natin, pero bakit kailangan nating sabihin sa ibang tao na gayon din ang gawin? Hindi ba’t may kalayaan silang pumili? Hindi ba tayo nagiging mapagmagaling at mapanghusga, na ipinipilit ang pinaniniwalaan natin sa iba, na hinihiling na kumilos sila sa gayong paraan?” Sa gayong mga situwasyon kailangan ninyong ipaliwanag nang buong ingat kung bakit ang ilang prinsipyo ay ipinagtatanggol at ang ilang kasalanan ay tinututulan saanman matagpuan ang mga ito dahil ang mga isyu at batas ukol dito ay hindi lamang sa ngayon ang bunga nito kundi sa walang hanggan. At bagama’t hindi nais saktan ang kalooban ng mga taong iba ang paniniwala sa atin, mas ayaw nating saktan ang kalooban ng Diyos, o gaya ng sabi sa banal na kasulatan, “masaktan siya na inyong tagapagbigay ng batas”19—at ang tinutukoy ko dito ay ang mabibigat na batas ng moralidad.

Para maipaliwanag iyan, gagamitin ko ang halimbawa ng mas mababang batas. Para bang sinasabi ng isang kabataan na, “Ngayong puwede na akong magmaneho, alam kong dapat akong tumigil sa pulang ilaw, pero dapat ba tayong manghusga at patigilin ang lahat sa mga pulang ilaw? Kailangan bang gawin ng lahat ang mga ginagawa natin? Di ba’t malayang pumili ang ibang tao? Kailangan bang tulad ng sa atin ang kilos nila?” Sa gayon dapat ninyong ipaliwanag kung bakit, oo, umaasa tayong silang lahat ay titigil sa pulang ilaw. At dapat ninyong gawin ito nang hindi minamaliit ang mga taong nagkakasala o kaiba ang paniniwala sa atin dahil, oo, mayroon nga silang kalayaang moral.

Mga bata kong kaibigan, maraming iba’t ibang paniniwala sa mundong ito at may moral na kalayaan para sa lahat, ngunit hindi malaya ang sinuman na kumilos na para bang pipi ang Diyos sa mga bagay na ito o na parang mahalaga lang ang mga kautusan kung nagkakasundo ang publiko ukol sa mga ito. Sa ika-21 siglo hindi na tayo makatatakas pa sa mundo. Kailangan nating ipaglaban ang mga batas at kalagayan at kapaligiran na nagtutulot ng kalayaan ng relihiyon at ang karapatan natin dito. Isang paraan iyan na maaari tayong mamuhay sa Babilonia ngunit hindi maka-Babilonia.

Wala akong alam na mas mahalagang kakayahan at integridad na dapat ipakita sa isang mundo na hindi natin matakasan maliban sa maingat na pagtahak sa landas—paninindigan sa moralidad na naaayon sa ipinahayag ng Diyos at sa mga batas na ibinigay Niya, ngunit gawin ito nang may pagkahabag, pang-unawa at pagmamahal sa kapwa. Tungkol naman sa mahirap gawin—ang ganap na matukoy ang kasalanan at ang nagkasala. May alam akong ilang pagkakaiba na mas mahirap gawin, o mas mahirap ipaliwanag, pero kailangan nating sikaping gawin ito nang may pagmamahal. Maniwala kayo, mga kapatid, sa mundong ating ginagalawan, magkakaroon tayo ng maraming pagkakataon na paunlarin ang gayong kalakasan, magpakita ng tapang, at magpakita ng habag—nang sabay-sabay. At hindi ang mga punk hairdo at mga hikaw sa inyong ilong ang tinutukoy ko.

Aral 3: Gumamit ng mga Pinahahalagahan ng Ebanghelyo para sa Kapakanan ng mga Komunidad at Bansa

Ang pinakahuli, ang mahirap na kuwento mula sa Kansas City. Ilan lang sa atin ang maaaring maging pulis o mga social service agent o hukom na uupo sa korte, ngunit tayong lahat ay dapat magmalasakit sa kapakanan ng iba at sa kaligtasan ng moralidad ng ating komunidad. Iniukol ni Elder  Quentin L. Cook ng Korum ng Labindalawa ang buong mensahe niya sa pangkalahatang kumperensya sa paksang ito dalawang taon na ang nakararaan. Hinggil sa pangangailangan na impluwensyahan natin ang lipunan bukod sa ating sariling tahanan, sinabi niyang:

“Bukod sa pagprotekta sa ating mga pamilya, dapat tayong pagmulan ng liwanag sa pagprotekta sa ating mga komunidad. Sinabi ng Tagapagligtas, “Hayaan na ang inyong ilaw ay magliwanag sa harapan ng mga taong ito, upang makita nila ang inyong mabubuting gawa at luwalhatiin nila ang inyong Ama na nasa langit.” …

“Sa tumitinding kasamaan sa ating mundo mahalagang gawing bahagi ng pampublikong diskurso ang mga pinahahalagahang batay sa paniniwala sa relihiyon. …

“Ang pananampalataya sa relihiyon ay pinagmumulan ng liwanag, kaalaman, at karunungan at kapaki-pakinabang sa lipunan sa malaking paraan.”20

Kung hindi natin ihahatid ang mga pagpapala ng ebanghelyo sa ating mga komunidad at ating bansa, ang simpleng katotohanan ay hindi tayo kailanman magkakaroon ng sapat na bilang ng kapulisan—hindi magkakaroon ng mga Isaac Freestone—na magpapatupad ng moral na pag-uugali kahit maaaring ipatupad ito. Hindi mangyayari ito. Ang mga bata sa tahanang iyon na walang pagkain o kasuotan ay mga anak ng Diyos. Ang inang iyon, na mas malaki ang pananagutan dahil mas matanda siya at dapat ay mas responsable siya, ay anak din ng Diyos. Sa gayong mga situwasyon maaaring kailangan ang mapagkastigong pagmamahal sa pormal, at legal na paraan, ngunit kailangan nating sikaping tumulong hangga’t maaari dahil hindi natin iniiwan sa pinto ang ating relihiyon, kahit na iresponsable ang ilang tahanan.

Hindi natin malulutas ang problema ng bawat tao o lipunan sa mundo ngayong gabi. Paglisan natin sa gabing ito mayroon pa ring kahirapan at kawalang-muwang, kawalan ng trabaho at pang-aabuso, karahasan at pagkaligalig sa ating kapitbahayan at mga lungsod at bansa. Hindi, hindi natin magagawa ang lahat, ngunit ayon nga sa kasabihan, may magagawa tayo kahit paano. At bilang sagot sa panawagan ng Diyos, ang “mga anak ni Israel” ang gagawa nito—hindi para takasan ang Babilonia ngayon kundi para salakayin ito. Nang hindi nagiging inosenteng gaya ng isang bata, maipamumuhay natin ang ating relihiyon sa maraming paraan at nang buong katapatan at magkakaroon tayo ng mga pagkakataon na tulungan ang mga pamilya, pagpalain ang ating kapwa, at pangalagaan ang iba, kabilang na ang susunod na henerasyon.

Mamuhay nang Makikita sa Inyo ang Pagmamahal Ninyo kay Jesucristo

Hindi ko binanggit ang salitang missionary sa gabing ito dahil baka ang maisip lang ninyo ay ang mga puting polo at name tag. Hindi lang ito tungkol dito. Isipin ninyo ang malawak na kahulugan nito—ang malaking pangangailangan—sa laging pagbabahagi ng ebanghelyo, kayo ay full-time missionary man o hindi. Ang mga Banal sa mga Huling Araw ay tinatawagan na maging lebadura sa tinapay, ang asin na hindi tumatabang, ang ilaw sa ibabaw ng bundok na hindi inilalagay sa ilalim ng takalan. Ang inyong edad—18 hanggang 30 karamihan sa inyo—ay ang panahon sa buhay ng tao kung kailan malamang na tanggapin ng mga kakilala ninyo ang ebanghelyo kung ituturo ito sa kanila. Alam natin iyan. Maraming pag-aaral na isinagawa ng Simbahan ang nagsasaad sa atin niyan.

Kaya’t simulan na ang pagtuturo! Kung tama ang ginagawa at sinasabi natin at bukas-palad na tumutulong sa ating mga salita at gawa, at kapag minadali ng Tagapagligtas ang Kanyang gawa sa kabutihan, sabihin nating wala nang panahon at narito na ang Kanyang kaluwalhatian, matatagpuan Niya tayo—ikaw at ako at tayong lahat—na ginagawa ang lahat sa abot-kaya natin, sinisikap na ipamuhay ang ebanghelyo, na pagbutihin ang ating buhay at ating Simbahan at ating lipunan sa pinakamainam na paraan. Pagdating Niya, gustung-gusto ko na abutan Niya akong ipinamumuhay ang ebanghelyo. Gusto kong masorpresa mismo sa aktong ipinalalaganap ang pananampalataya at gumagawa nang mabuti. Gusto kong sabihin sa akin ng Tagapagligtas: “Jeffrey”—dahil alam Niya ang mga pangalan natin—“nakikilala kita hindi dahil sa katungkulan mo kundi sa paraan ng iyong pamumuhay, at sa mga pamantayang sinisikap mong ipagtanggol. Nakikita ko ang katapatan ng iyong puso. Alam kong sinikap mong pagbutihin ang mga bagay sa pagiging mabuti mo mismo, at sa pagpapahayag ng aking salita at pagtatanggol ng aking ebanghelyo sa ibang tao sa pinakamahabaging paraan.”

“Alam kong hindi ka palaging nagtatagumpay,” tiyak na sasabihin Niya, “sa sarili mong mga kasalanan o sa kalagayan ng iba, pero naniniwala akong nagsikap kang mabuti. Naniniwala ako na sa puso mo ay talagang minahal mo Ako.”

Gusto kong katulad niyan ang marinig ko balang-araw dahil walang katapat iyan sa iba pang hangad ko sa buhay na ito. At gusto ko iyan para sa inyo. Gusto ko iyan para sa ating lahat. Israel, Israel, Diyos ay tumatawag---tinatawagan tayong ipamuhay ang ebanghelyo ni Jesucristo sa maliliit at malalaking paraan, at tulungan ang mga taong maaaring hindi natin katulad sa anyo o pananamit o pag-uugali, at (kung kaya mo) maglingkod ka sa iba pang paraan sa pinakamalawak na komunidad na matutulungan mo.

Para matulungan kayong gawin iyan, iniiwan ko, kasama ng aking patotoo, ang basbas ng apostol sa inyo ngayong gabi. Binabasbasan ko kayo, sa bisa ng priesthood at sa utos na natanggap ko, na malaman ninyo na mahal kayo ng Diyos, na kailangan Niya kayo dito sa huli at pinakadakilang dispensasyon kung saan napakabilis mangyari ng lahat at mas marami pang inaasahan. Binabasbasan ko kayo, sa awtoridad ng isang apostol, na masagot ang inyong mga panalangin at kabutihan, na mapawi ang inyong pangamba, na ang inyong likod at mga balikat at puso ay maging matibay para makayanan ninyo ang mga pasaning ilalagay dito. Binabasbasan ko kayo habang sinisikap ninyong magkaroon ng dalisay na puso, na inaalay ang inyong sarili bilang instrumento sa mga kamay ng Diyos sa pagtatayo ng Sion sa mga huling araw saanman kayo naroon. Binabasbasan ko kayo na maging tapat sa isa’t isa at sa mga hindi ninyo kasama na dapat ninyong tulungan. Higit sa lahat, binabasbasan ko kayo na maging mga kaibigan ng Tagapagligtas ng mundo, na personal Siyang kilalanin, at magtiwala sa Kanya.

Mahal ko ang Panginoong Jesucristo, na sinisikap kong paglingkuran. At mahal ko ang ating Ama sa Langit, na nagmalasakit nang sapat para ibigay Siya sa atin. Alam ko na, hinggil sa kaloob na iyon, tinatawag ng Diyos ang Israel sa mga huling araw at umaasa Siyang tutugon tayo at magiging higit na katulad ni Cristo, mas banal kaysa ngayon sa determinasyon nating ipamuhay ang ebanghelyo at itatag ang Sion. Alam ko rin na bibigyan Niya tayo kapwa ng lakas at kabanalan na maging tunay na mga disipulo kung isasamo natin ito. Nagpapatotoo ako sa kabanalan ng gawaing ito, sa pagmamahal at karingalan ng Makapangyarihang Diyos, at sa walang-hanggang Pagbabayad-sala ng Panginoong Jesucristo maging hanggang sa pinakaaba sa atin. Binabasbasan ko kayo na umasang magkakaroon ng kaligayahan at kabanalan, sa gabing ito at bukas at magpakailanman, sa sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. “Mga Elder ng Israel,” mga Himno, no. 198.

  2. “Israel, Diyos ay Tumatawag,” Mga Himno, blg.  6.

  3. Tingnan sa Abraham 2:3.

  4. Tingnan sa Exodo 1:7–14.

  5. “Israel, Diyos ay Tumatawag,” Mga Himno, blg.  6.

  6. Tingnan sa 1 Nephi 2:2.

  7. Tingnan sa 1 Nephi 18:22–24.

  8. Tingnan sa Ether 6:5–13.

  9. Tingan sa Perry Miller, Errand into the Wilderness (1984), 2–3.

  10. “Mga Banal, Halina,” Mga Himno, blg. 23.

  11. Brigham Young, sipi mula sa James S. Brown, Life of a Pioneer (1971), 121.

  12. Isaac Freestone, ibinahaging karanasan noong Mayo 5, 2012.

  13. Mosias 18:29.

  14. Lucas 23:44.

  15. Juan 7:24.

  16. George MacDonald, The Unspoken Sermons (2011), 264.

  17. Mateo 7:6.

  18. Tingnan sa Dallin H. Oaks, “‘Judge Not’ and Judging,” Ensign, Ago. 1999, 6–13.

  19. Doktrina at mga Tipan 64:13.

  20. Quentin L. Cook, “Magkaroon ng Liwanag!” Ensign at Liahona, Nob. 2010, 28–29.

© 2012 ng Intellectual Reserve, Inc. Lahat ng karapatan ay nakalaan. Pagsang-ayon sa Ingles: 5/12. Pagsang-ayon sa pagsasalin: 5/12. Pagsasalin ng Israel, Israel, God Is Calling. Tagalog. PD50039052 893