Mga Pandaigdigang Debosyonal
Ang Hindi Masambit na Kaloob na Espiritu Santo


2:3

Ang Hindi Masambit na Kaloob na Espiritu Santo

CES Devotional para sa mga Young Adult • Enero 8, 2012 • Brigham Young University

Nalulugod kami ni Sister Jensen na makasama kayo. Taos-puso kong pinasasalamatan ang koro hindi lamang sa kanilang pagkanta, kundi pati na rin sa kanilang kinanta. Ang mga himno ay nag-aanyaya sa Espiritu ng Panginoon. Nagpapadama ang mga ito ng pagpipitagan at nagtuturo sa atin ng mga doktrina ng kaharian. Ito ay gawaing lubos na nagpapakumbaba, at nanalangin ako, at patuloy na nananalangin na maging guro natin ang Espiritu Santo.

Ang mensahe ko ay may pamagat na “Ang Hindi Masambit na Kaloob na Espiritu Santo,” mga katagang mula sa Doktrina at mga Tipan: “Ang Diyos ay magbibigay sa iyo ng kaalaman sa pamamagitan ng kanyang Banal na Espiritu, oo, sa pamamagitan ng hindi masambit na kaloob na Espiritu Santo, na hindi pa naipahahayag simula pa ng pagkakatatag ng daigdig hanggang sa ngayon” (D at T 121:26). May ilang bagay akong sasabihin na maaalala ninyong mula sa mensaheng ibinigay ko sa pangkalahatang kumperensya noong Oktubre 2010. Sa oras na ibinigay sa akin para sa mensaheng ito ngayon, ipaliliwanag ko pa ang mga ito.

Ang Kahalagahan ng Espiritu Santo

Ang kahalagahan ng Espiritu Santo at ang Kanyang pagiging hindi masambit na kaloob ay maaaring bigyang-diin sa pamamagitan ng dalawang paglalarawan, na bawat isa ay may mensahe. Ang unang paglalarawan ay mula sa aklat ni Mormon at ang pangalawa ay mula sa isang pangyayari sa kasaysayan ng Simbahan.

Nang dalawin ni Jesucristo ang mga tao sa Aklat ni Mormon, Siya ay nagturo sa kanila, nagbasbas ng kanilang mga anak, nagpasimula ng sakramento, at pagkatapos ay lumisan. Bumalik ang mga tao sa kanilang mga tahanan at nagpagal hanggang gumabi upang tipunin ang iba pa sa lugar na sinabi Niyang magpapakita Siya sa kanila sa susunod na araw.

Dahil sa malaking bilang, hinati ng labindalawang disipulo ang mga tao sa labindalawang grupo upang turuan sila ng mga bagay na itinuro sa kanila ng Tagapagligtas noong nakaraang araw, at sila ay nanalangin. Sa lahat ng bagay na idinalangin nila, “sila ay nanalangin para roon sa kanilang higit na ninanais; at ninais nila na ang Espiritu Santo ay ipagkaloob sa kanila” (3 Nephi 19:9), na binigyang-diin ang Espiritu Santo at Kanyang kahalagahan na natatangi sa lahat ng banal na kasulatan.

Kasunod ng kanilang panalangin at bilang sagot sa kanilang pagsamo, bininyagan ni Nephi ang mga disipulo, pagkatapos nito “ang Espiritu Santo ay napasakanila, at sila ay napuspos ng Espiritu Santo at ng apoy” (3 Nephi 19:13). Nakatanggap sila ng matibay na patotoo tungkol sa Kanya.

At pagkatapos nito ang Tagapagligtas ay nagpakita sa kanila:

“At ito ay nangyari na, na si Jesus…[ay] lumayo nang kaunti sa kanila at iniyukod niya ang sarili sa lupa, at kanyang sinabi:

“Ama, nagpapasalamat ako sa inyo na inyong ipinagkaloob ang Espiritu Santo sa mga ito na aking pinili. …

“Ama, idinadalangin ko sa inyo na ipagkaloob ninyo ang Espiritu Santo sa kanilang lahat na maniniwala sa kanilang mga salita” (3 Nephi 19:20–21).

Wala na akong alam pang banal na kasulatan na mas mainam na nagpahayag kung gaano kahalaga sa ating Tagapagligtas ang Espiritu Santo.

Ang pangalawang paglalarawan ay mula sa mga turo ni Pangulong Brigham Young. Ang mga Banal ay nasa Winter Quarters at naghahandang mandayuhan sa Kanluran sa panahon ng tagsibol. Mahigit dalawa’t kalahating taon nang yumao si Joseph Smith nang panahong iyon. Si Pangulong Young ay may pangitain, isang panaginip, kung saan nakausap niya si Propetang Joseph Smith. Habang nakikinig kayo, pansinin kung ilang beses niyang binigyang-diin ang kahalagahan ng Espiritu ng Panginoon:

“Brother Joseph, ang mga kapatid … ay lubos na nasasabik na maunawaan ang … mga alituntunin ng pagbubuklod; at kung may ipapayo ka sa akin malugod ko itong tatanggapin.’

“Humakbang palapit sa akin si Joseph, mukhang taimtim, ngunit masayang nagwikang, ‘Sabihin mo sa mga tao na maging mapagpakumbaba at matapat at tiyaking nasa kanila ang espiritu ng Panginoon at gagabayan sila nito sa tama. Maging maingat at huwag itaboy ang marahan at banayad na tinig; ituturo nito sa inyo ang gagawin at patutunguhan; ibibigay nito ang mga bunga ng kaharian. Sabihin mo sa mga kapatid na panatilihing bukas ang kanilang puso sa paniniwala, nang sa gayon kapag dumating sa kanila ang Espiritu Santo, handa ang kanilang puso na tanggapin ito. Makikilala nila ang Espiritu ng Panginoon sa lahat ng iba pang mga espiritu; bubulong ito ng kapayapaan at galak sa kanilang kaluluwa; papalisin nito ang masamang hangarin, pagkamuhi, inggit, alitan, at lahat ng kasamaan sa kanilang puso; at ang hahangarin lamang nila ay gumawa ng kabutihan, maging makatwiran, at itatag ang kaharian ng Diyos. Sabihin mo sa mga kapatid na kung susundin nila ang espiritu ng Panginoon hindi sila magkakamali. Tiyaking masabi mo sa mga tao na panatilihin ang Espiritu ng Panginoon; at kung gagawin nila ito, matatagpuan nila ang kanilang mga sarili na inorganisa ng ating Ama tulad noong bago sila isilang sa mundong ito. Inorganisa ng ating Ama sa Langit ang pamilya. …’

“Pagkatapos ay ipinakita sa akin ni Joseph ang huwaran, kung paano ito inorganisa sa simula. Hindi ko ito mailalarawan, ngunit nakita ko ito, at nakita ko kung saan kinuha ang Priesthood mula sa mundo at kung paano pagbubuklurin ang pamilya, nang sa gayon ay magkaroon ng ganap na kawing na magdurugtong mula kay Amang Adan hanggang sa kanyang kahuli-hulihang inapo. Sinabi na muli ni Joseph, ‘Sabihin mo sa mga tao na maging mapagpakumbaba at matapat at tiyaking nasa kanila ang espiritu ng Panginoon at gagabayan sila nito sa tama’”1

Hindi lamang binigyang-diin ng salaysay na ito ang kahalagahan ng Espiritu Santo at paghangad ng Kanyang impluwensya, naisip ko rin ang mga alituntunin at katotohanang ito:

  • Hangad ng Espiritu ng Panginoon na magdulot ng kaayusan—lalo na, ang pagbuo ng pamilyang walang hanggan sa pamamagitan ng ordenansa ng pagbubuklod sa templo.

  • Hangad ng kaaway na sirain at wasakin (tingnan sa D at T 10:6–7, 22–27), lalo na ang mga pamilya tulad ng ipinakikita ngayon ng aborsiyon, diborsyo, at pagpapakasal sa kapwa babae o lalake. Itinanong ko sa aking sarili kung ang lumalaganap na gawi na ipinagpapaliban ang pag-aasawa sa inyong magkakaedad ay nag-aambag ba sa pagkakawatak-watak ng mga pamilya.

  • Ang paghahayag at kaalaman sa pamamagitan ng hindi masambit na kaloob na Espiritu Santo ay dumarating bilang sagot sa tanong, tulad ng kadalasang ginagawa ng paghahayag.

Mula sa dalawang paglalarawang ito masasabi kong mahalaga ang Espiritu Santo at dapat nating masigasig na hangarin ang Kanyang pagsama, patnubay, at mga kaloob—tunay na hindi masambit na kaloob.

Magtutuon ako ngayon sa tatlong temang ito: (1) mga misyon ng Espiritu Santo; (2) mga kundisyon para matanggap ang Espiritu Santo; at (3) paano makikilala ang patnubay ng Espiritu Santo.

Ang Misyon ng Espiritu Santo

Ang Espiritu Santo ay tinatawag na Espiritu kung minsan, angkop na tawaging Banal na Espiritu, ang Espiritu ng Diyos, ang Espiritu ng Panginoon, at ang Mang-aaliw.

Ang Espiritu Santo ay may mga misyon o responsibilidad. Magbabanggit ako ng apat.

Misyon 1—Siya ay nagpapatotoo o nagpapahayag tungkol sa Ama at sa Anak. Tunay na ipinahahayag o pinatototohanan ng Espiritu Santo ang Ama at ang Anak. Naranasan ko ito noong bata pa ako, bagama’t hindi ko ito gaanong maipaliwanag noon.

Lumaki ako na naniniwala sa Diyos sa isang mabuting pamilyang Banal sa mga Huling Araw. Ako ay nabinyagan at natanggap ko ang Espiritu Santo sa edad na walo. Hindi ko pinag-alinlanganan na buhay ang Ama at ang Anak; lalo pa nga, sa aming pamilya ay may lubos at ganap na pagkilala, pagsamba at pananampalataya sa Kanila na makikita sa regular na pagdarasal ng pamilya, pagbabasbas ng bawat kakainin, pagtitipon ng pamilya sa gabi, pagbabasa ng mga banal na kasulatan (lalo na ang Aklat ni Mormon), pagsisimba, pagsunod sa mga kautusan, at lahat ng iba pang mga bagay na ginagawa namin bilang mga Banal sa mga Huling Araw. Ako mismo noon ay hindi magamit ang mga banal na kasulatan para ituro ang doktrina na ang pangunahing ginagampanan ng Espiritu Santo ay ipahayag ang DiyosAma at Kanyang Anak na si Jesucristo, ngunit dahil sa pananampalataya ay tunay na naunawaan ko ang alituntunin.

Noong nagmisyon ako nagsimula akong mag-aral ng mga banal na kasulatan araw-araw. Ang kaalaman ko sa mga banal na kasulatan, patotoo at pananampalataya sa Diyos at Kanyang Anak na si Jesucristo ay napalakas ng banal na doktrina, mga espirituwal na karanasan, at personal na paghahayag. Alam ko sa sarili ko na ang mga salitang ito ng Tagapagligtas ay totoo: “At ang Espiritu Santo ay nagpapatotoo sa Ama at sa akin; at ibinigay ng Ama ang Espiritu Santo sa mga anak ng tao, dahil sa akin” ((3 Nephi 28:11; tingnan din ang buod ng kabanata ng 3 Nephi 27 at 3 Nephi 27:13–20).

Misyon 2—Nagpapatotoo Siya ng lahat ng katotohanan. Ipinahahayag ng Espiritu Santo ang katotohanan ng lahat ng bagay. Ang mga tapat na naghahanap na nakapagbasa ng Aklat ni Mormon at nanalangin at nagnilay-nilay nang may tunay na layunin na malaman ang katotohanan nito ay pinangakuang malalaman nila ang katotohanan nito, “at sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo malalaman [nila] ang katotohanan ng lahat ng bagay” (Moroni 10:5).

Inanyayahan ni Alma ang mga maralitang tao na pinalayas ng mga Zoramita na subukan ang kanyang mga salita. Lalo niyang binigyang-diin sa kanila na ang totoong mga salita na itinanim sa pusong nagbigay-puwang ay “magsisimulang lumaki sa loob ng inyong mga dibdib; at kapag nadama ninyo ang ganitong paglaki, kayo ay magsisimulang magsabi sa inyong sarili—talagang ito ay mabuting binhi, o na ang salita ay mabuti” (Alma 32:28) na magbubunga ng tatlong paraan na malalaman nila ang katotohanan:

  1. “Sinisimulan nitong palakihin ang aking kaluluwa,” na makikita sa mga tapat na naghahanap ng katotohanan sa pamamagitan ng pagluha, pagbuntong-hininga, pagtango, o iba pang ekspresyon na naitanim na ng Espiritu Santo ang tunay na mga salita sa kanilang mga puso.

  2. “Sinisimulan nitong liwanagin ang aking pang-unawa,” na makikita sa pagsasabing “makabuluhan iyan,” o “noon pa man ay naniniwala na ako diyan,” o sa tanong na, “Sinasabi mo ba na … ?”

  3. “Ito ay nagsisimulang maging masarap sa akin,” na makikita, halimbawa, sa mga investigator na nagsasabing “sige na magkuwento ka pa,” o “saan nga iyong simbahan ninyo?”o “maaari bang huwag ka munang umalis at turuan pa kami?”—ibig sabihin gutom sila at nais pa nilang maragdagan ang natutuhan nila.

Ipinakita sa patotoo ni Brigham Young ang mga katotohanang ito: “Kung ang lahat ng talento, kasanayan, karunungan at kahusayan ng mundo ay ipinagkaloob sa isang tao, at ang taong iyan ay ipinadala sa akin kasama ang Aklat ni Mormon, at ipinahayag, sa napakahusay na pananalita, ang katotohanan nito, na sinisikap na patunayan ito sa pamamagitan ng kanyang kaalaman at karunungan ng mundo, ito para sa akin ay matutulad sa isang usok na pumailanglang upang mapawi lamang. Ngunit kapag nakakita ako ng isang taong walang husay, o talento sa pagsasalita sa publiko, na ang masasabi lamang ay, “Alam ko, sa pamamagitan ng Espiritu Santo, na ang Aklat ni Mormon ay totoo, na si Joseph Smith ay propeta ng Panginoon.’ Ang Espiritu Santo na nasa taong iyon ay pinalilinaw ang aking pang-unawa, at ang liwanag, kaluwalhatian, at imortalidad ay nasa harapan ko; pinalilibutan ako nito, napupuspos ako nito, at alam ko para sa aking sarili na ang patotoo ng taong iyon ay totoo.”2

Misyon 3—Nagpapabanal Siya. Ang salitang sanctify ay mula sa salitang Latin at may dalawang salitang-ugat: ibig sabihin ng sanct, ay “banal” at facere, “gawin,” literal na—“gawing banal.” Sa gamit ng salita sa ating relihiyon, ang ibig sabihin ng sanctify ay dalisayin o palayain mula sa kasalanan, ang pangunahing mensahe ng ipinanumbalik na ebanghelyo.

Ang ebanghelyo ay “plano ng kaligtasan ng Diyos, [na nangyari] sa pamamagitan ng pagbabayad-sala ni Jesucristo; [at] kabilang ang mga katotohanang walang hanggan o mga batas, tipan, at kinakailangang ordenansa upang makabalik muli ang sangkatauhan sa kinaroroonan ng Diyos.”3

Ang tungkuling nagpapabanal ng Espiritu Santo ay may kaugnayan sa kahulugang ibinigay ng Tagapagligtas sa Kanyang ebanghelyo sa 3 Nephi 27:13–20, na nagtatapos sa mahalagang talatang ito: “Magsisi, lahat kayong nasa mga dulo ng mundo, at lumapit sa akin at magpabinyag sa aking pangalan, upang kayo ay pabanalin sa pamamagitan ng pagtanggap sa Espiritu Santo, upang kayo ay makatayong walang bahid-dungis sa aking harapan sa huling araw” (3 Nephi 27:20). Ang Espiritu Santo ay nagpapabanal, at dahil sa Kanya at sa pamamagitan ng walang hanggang Pagbabayad-sala makatatayo tayo nang walang bahid-dungis, malinis, at dalisay.

Sa iba’t ibang tungkulin kung saan nahawakan ko ang mga susi ng priesthood bilang hukom ng Israel, lalo na bilang bishop, nasaksihan ko ang naglilinis, nagpapabanal na kapangyarihan ng Espiritu Santo. Isang karanasan ang hindi ko malimutan, ang nangyari rito ay kumakatawan sa iba pang karanasan.

Isang umaga ng Linggo, isang binata sa kanyang early twenties ang nakipagkita sa akin na kanyang bishop. Nang linggong iyon sila ng kanyang kasintahan ay nagpatangay sa kanilang damdamin at nakalabag sa pamantayang itinatag ng Panginoon. Mapanalangin akong nakinig. Magkasama naming binasa ang mga banal na kasulatan, pati na rin ang mga salita ng mga propeta sa mga huling araw. Binigyan ko siya ng ilang babasahin, nagpataw ng angkop na mga restriksyon sa kanyang mga pribilehiyo sa Simbahan, at nagtakda ng iskedyul para sa muling pag-uusap at lumuhod kasama siya para manalangin.

Sa bawat interbyu, inireport niya ang kanyang pagbabasa, lalo na mula sa Aklat ni Mormon, at ang dalamhati sa kanyang anyo at kilos ay napalitan ng pananampalataya sa Diyos at Kanyang Anak, sa pamamagitan ng pag-asa at pagiging optimistiko, matibay na pagpapasiya, at pagbabago sa kanyang puso. Unti-unting lumakas ang kanyang espirituwalidad. Sa tamang panahon, at sa gabay ng Espiritu, inalis ko ang mga restriksyong ipinataw ko sa kanya at binigyan siya ng karapatang makibahagi sa sakramento. Habang nakaupo ako sa harapan sa sacrament meeting, tiningnan ko siya nang dumako na sa hanay na kinauupuan niya ang tinapay at pagkatapos ang tubig. Nasaksihan ko ang nagpapabanal na liwanag, kapayapaan, at pagpapatawad.

Naisip ko ang mga salita ng Tagapagligtas kina Joseph Smith at Oliver Cowdery matapos silang makibahagi sa sakramento: “Masdan, ang inyong mga kasalanan ay pinatatawad na sa inyo; kayo ay malinis na sa aking harapan; samakatwid, itaas ang inyong mga ulo at magsaya” (D at T 110:5). Tulad nina Joseph Smith at Oliver Cowdery, ang binatang ito ay nakatanggap ng kapatawaran sa kanyang mga kasalanan sa pamamagitan ng apoy at ng Espiritu Santo (tingnan sa 2 Nephi 31:17; D at T 19:31).

Hindi lamang ang binatang ito ang nakaranas ng nagpapabanal na kapangyarihan ng Espiritu Santo, tayo rin ay makararanas ng gayon ding kalayaan mula sa kasalanan tuwing araw ng Sabbath.

Misyon 4—ang guro. Sa lahat ng masasabi tungkol sa pagkatuto at pagtuturo, ibinubuod ko ito sa pagsasabi lamang na ang Espiritu Santo ay totoong guro. Sa 10 talata sa Doktrina at mga Tipan 50:13–22, ang mga talatang may odd-number ay mga tanong at ang mga talatang may even-number ay mga sagot ng Panginoon. Habang binabasa ko ang mga talata 13 at 14, pansinin ang dalawang papel na ginagampanan at ano ang ginagawa ng bawat isa:

“Samakatwid, ako, ang Panginoon ay nagtatanong sa inyo—saan ba kayo inordenan?

“Ang mangaral ng aking ebanghelyo sa pamamagitan ng Espiritu, maging ang Mang-aaliw na isinugo upang magturo ng katotohanan.”

Ang papel na ginagampanan ng Espiritu Santo ay magturo. Siya ay totoong guro! Ang papel na ginagampanan ko ay hindi ang tapusin ang materyal o lesson, sa halip bilang mayhawak ng priesthood ako ay mangangaral, magtuturo, magpapaliwanag, manghihikayat, magbababala, at mag-aanyaya sa pamamagitan ng Espiritu (tingnan sa D at T 20:59).

Ang papel na ginagampanan ko ay maging kasangkapan sa paglikha ng kapaligiran para magawa ng Espiritu ang ginagawa Niya sa banal na proseso na inilarawan sa talata 22 ng bahagi 50: “Dahil dito, siya na nangangaral at siya na nakatatanggap, ay nauunawaan ang isa’t isa, at sila ay kapwa pinagtitibay at magkasamang magsasaya.”

Tinapos ni Nephi ang kanyang pagsulat at inihayag ang kanyang mga kahinaan gayon din ang wastong pagkaunawa niya sa papel na ginagampanan ng Espiritu Santo. “At ngayon ako, si Nephi, ay hindi maisusulat ang lahat ng bagay na itinuro sa aking mga tao; ni ako ay hindi magaling sa pagsusulat, na tulad sa pagsasalita; sapagkat kapag ang isang tao ay nagsasalita sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo, ang kapangyarihan ng Espiritu Santo ang nagdadala nito sa puso ng mga anak ng tao” (2 Nephi 33:1).

Pansinin ang pang-ukol na sa. Dahil sa ating kalayaang pumili, dinadala Niya ito sa ating mga puso. Kung aanyayahan natin Siya, dadalhin Niya ito saating mga puso tulad ng itinuro sa aklat ng Apocalipsis: “Narito ako’y nakatayo sa pintuan at tumutuktok: kung ang sinoman ay duminig ng aking tinig at magbukas ng pinto, ako’y papasok sa kaniya, at hahapong kasalo niya, at siya’y kasalo ko” (Apocalipsis 3:20).

Pinatototohanan ko sa inyo na Siya ay may iba pang mahahalagang responsibilidad o misyon. Siya ang Mang-aaliw. Siya ay nagbabawal o sumusupil, Siya ay nag-aakay, nagbababala, at nagsasaway. Inaanyayahan ko kayong personal na pag-aralan ito. Ngayon magsasalita naman ako tungkol sa mga kundisyon para matanggap ang Espiritu Santo.

Mga Kundisyon para Matanggap ang Espiritu Santo

Simple lang ang mga kundisyon o hinihingi para matanggap ang Espiritu Santo. Tatlo lamang ang babanggitin ko: (1) naisin, na para sa akin ay kinapapalooban ng paghingi, hangarin, at pagkatok; (2) pagiging karapat-dapat; at (3) kahandaan;—sa espirituwal at pisikal.

Ang mga salitang naisin, paghingi, hangarin, at pagkatok ay kadalasang matatagpuan nang magkakasama sa banal na kasulatan, at mahalaga ang mga ito para matanggap ang Espiritu Santo at Kanyang hindi masambit na mga kaloob. Itinuro ni Alma na “ipinagkakaloob [ng Diyos] sa mga tao ang naaayon sa kanilang naisin” (Alma 29:4).

Itutuon ko kayo sa mga salitang ito sa Doktrina at mga Tipan 11, isang paghahayag ng Panginoon kay Hyrum Smith. Ang salitang naisin at iba pang banghay nito ay makikita nang pitong beses. Marahil ang isa sa mga pinakakilala at madalas banggitin ay nasa talata 21. Pinagsama nito ang hangarin, naisin, ang salita, at ang Espiritu—na nagbunga ng kapangyarihan ng Diyos: “Huwag hangaring ipahayag ang aking salita, kundi hangarin munang matamo ang aking salita, at pagkatapos ay kakalagan ang iyong dila; pagkatapos, kung iyong nanaisin, mapapasaiyo ang aking Espiritu at ang aking salita, oo, ang kapangyarihan ng Diyos sa ikahihikayat ng mga tao” (idinagdag ang pagbibigay-diin).

Kasunod, pagiging karapat-dapat. Upang mapasaatin ang hindi masambit na kaloob na Espiritu Santo, dapat nating sundin ang mga kautusan. Naniniwala ako na alam na ninyo ang mga kasamaang nakasasakit sa Espiritu, at hindi ko na ito babanggitin pa. Isang pangungusap mula sa aking patriarchal blessing ang gumabay sa akin: “Jay, panatilihing ligtas ang iyong katawan mula sa mga tukso at kasamaan. Mamuhay nang malinis at dalisay dahil ang Espiritu ng ating Ama sa Langit ay nananahanan sa malilinis na tabernakulo. Hindi [Siya] nananahanan sa maruruming tabernakulo.” Natuklasan ko na pinagtibay ito sa Aklat ni Mormon: “Hindi na sila pinangangalagaan pa ng Espiritu ng Panginoon; oo, lumisan ito sa kanila sapagkat ang Espiritu ng Panginoon ay hindi nananahanan sa mga hindi banal na templo” (Helaman 4:24).

Kahandaan—sa pisikal at espirituwal. Nabubuhay tayo sa napakaabalang mundo na maraming bagay ang humihingi ng ating panahon at atensyon. Hinihikayat tayo na maging nasa takdang oras sa mga pulong lalo na sa sacrament meeting, makinig sa prelude music, maghandang mapasaaatin ang Espiritu, at matanggap ang paghahayag. Nag-aayuno tayo, nagdarasal, nagninilay-nilay, pumupunta sa templo, at natututong makinig at magmasid nang mabuti.

Inilarawan ni Pangulong Joseph F. Smith ang kahandaan sa pisikal at espirituwal nang matanggap niya ang paghahayag na tinawag nating pangitain tungkol sa pagtubos sa mga patay na matatagpuan sa Doktrina at mga Tipan 138:

“Noong ikatlo ng Oktubre, sa taong isanlibo at siyam na raan at labingwalo, ako ay nakaupo sa aking silid, nagbubulay-bulay sa mga banal na kasulatan;

“At sa pagninilay-nilay tungkol sa dakilang pagbabayad-salang hain na ginawa ng Anak ng Diyos” (D at T 138:1–2).

Nakikinita ko si Pangulong Smith na nakaupo sa isang upuan, marahil yari ito sa kahoy, sa harap ng mesa na may mga banal na kasulatan at bolpen at papel. Hindi siya nakahiga sa sofa o nakasandig sa upuan.

Binigyang-diin ni Pangulong David O. McKay ang kahalagahan ng kahandaan sa espirituwal at pisikal sa kuwento tungkol kay Bishop John Wells, dating miyembro ng Presiding Bishopric, na ang anak ay namatay sa isang aksidente sa riles ng tren. Ilang linggo pagkaraan ng libing, nasa bahay ang ina, nagdadalamhati sa pagkamatay ng kanyang anak, at handa sa espirituwal at pisikal. Nagpakita ang kanyang anak at sinabi sa kanya na nang matanto niya na siya ay nasa daigdig ng espiritu, sinikap niya munang makausap ang kanyang ama ngunit hindi nangyari iyon, at sinabi niyang abalang-abala ang kanyang ama sa opisina.4

Sa marami naming General Authority training meeting, ipinaalala sa amin ng mga Pangulo ng Simbahan at Apostol na huwag maging abalang-abala sa paggawa ng gawain ng Panginoon na hindi na natin maramdaman ang mga espirituwal na pahiwatig.

Paano Makikilala ang Patnubay ng Espiritu Santo

Nahihirapan akong ituro kung paano makikilala ang patnubay, gabay at mga espirituwal na pahiwatig. Ang ganitong mga karanasan ay personal at kadalasang para sa indibiduwal at sa mga kundisyong inilarawan ko. Gayunman, may ilang mga huwaran na naranasan ko, at natutuhan sa iba.

Ang isa ay kapayapaan sa inyong isipan. Itinuro ng Panginoon sa nagugulumihanang si Oliver Cowdery ang isang matinding aral nang ipaalala Niya sa kanya, “Hindi nga ba’t ako ay nangusap ng kapayapaan sa iyong isipan hinggil sa bagay na ito?” D at T 6:23. Naniniwala ako na ang pagtanggap ng kapayapaan sa isipan ay isa sa pinakakaraniwang mga paraan para makilala ang patnubay ng Espiritu Santo. Ang kasingkahulugan ng kapayapaan ay katahimikan, katiwasayan, kaisahan, at kapanatagan, samantalang ang kabaligtaran nito ay kalituhan, kabalisaan, kaguluhan, pagtatalo, at walang kaisahan. Madalas nating gamitin ang mga salitang, “Masama ang kutob ko tungkol dito,” o “hindi ako mapalagay.” Ang gayong damdamin ay makikita sa kasunod na alituntunin: isipan at puso.

“Oo, masdan, sasabihin ko sa iyo sa iyong isipan at sa iyong puso, sa pamamagitan ng Espiritu Santo, na pasasaiyo at mananahanan sa iyong puso.

“Ngayon, masdan, ito ang diwa ng paghahayag” (D at T 8:2–3).

Natutuhan ko mula sa Unang Panguluhan at sa Korum ng Labindalawa, at sa mga sarili ko ring karanasan, na ang mga paghahayag sa isipan ay kadalasang tiyak na mga salita, ideya, maging mga pangungusap, samantalang ang mga paghahayag sa puso ay karaniwang damdamin na nauugnay sa kapayapaan. Ang mga halimbawa mula sa buhay ni Enos ay nagtuturo: Ang mga talata 3 at 9 sa kanyang salaysay ay naglalarawan ng karaniwang damdamin sa ganitong mga kataga: “ang kagalakan … ay tumimo nang malalim sa aking puso” at “ako ay nagsimulang makadama.” Sa mga talata 5 at 10 nakita natin ang kumpletong mga pangungusap, bawat isa ay nagsisimula sa “nangusap ang isang tinig sa aking [isipan], sinasabing,” at “ang tinig ng Panginoon ay sumaisip kong muli, sinasabing.”

Ang nadarama sa puso at pagtanggap ng ideya sa isipan ay itinuro nang maikli at malinaw sa ganitong mga salita kay Hyrum Smith:

“Ipagkakaloob ko sa iyo ang aking Espiritu, na siyang magbibigay-liwanag sa iyong isipan, na siyang magpupuspos sa iyong kaluluwa ng kagalakan;

“At pagkatapos ay iyong malalaman, o sa pamamagitan nito ay iyong malalaman, ang lahat ng bagay anuman ang naisin mo sa akin” (D at T 11:13–14).

Ang isa pa ay ang pag-aralan ito sa inyong isipan. Ang madalas banggiting banal na kasulatan tungkol sa pagkilala sa paghahayag at mga pahiwatig mula sa Espiritu Santo ay ang Doktrina at mga Tipan 9:7–9:

“Kailangan mong pag-aralan ito sa iyong isipan; pagkatapos kailangang itanong mo sa akin kung ito ay tama, at kung ito ay tama aking papapangyarihin na ang iyong dibdib ay mag-alab; samakatwid, madarama mo na ito ay tama.

“Subalit kung ito ay hindi tama wala kang madaramang gayon, kundi ikaw ay magkakaroon ng pagkatuliro ng pag-iisip” (D at T 9:8–9).

Matalinong itinuro ni Elder Dallin H. Oaks na ang isang tao ay maaaring may “matinding naisin na maakay ng Espiritu ng Panginoon ngunit … hindi katalinuhan ang gamitin ang naising iyan na maakay sa lahat ng bagay. Ang naising maakay ng Panginoon ay isang kalakasan, ngunit kailangang maunawaan na hinahayaan tayo ng ating Ama sa Langit sa maraming pagpapasiya para sa sarili nating pagpili. …

“Dapat nating pag-aralan ang mga bagay sa ating isipan, gamit ang katalinuhanng ibinigay ng Maylikha sa atin. Pagkatapos manalangin tayo na magabayan at kumilos ayon sa natanggap natin. Kung hindi tayo nakatanggap ng gabay, dapat tayong kumilos ayon sa matalino nating pasiya. Ang mga taong nagpipilit na hangarin ang mga paghahayag sa mga bagay na hindi pinili ng Panginoon na ibigay sa atin ay maaaring lumikha ng sagot na kathang-isip lamang nila o may kinikilingan, o maaaring makatanggap sila ng sagot sa pamamagitan ng huwad na paghahayag.”5

Matalinong itinuro ni Pangulong Boyd K Packer: “Hindi ninyo mapipilit ang mga bagay na espirituwal. Ang mga salitang tulad ng pamimilit, pamumuwersa, panggigiit ay hindi naglalarawan sa ating mga pribilehiyo na mapasaatin ang Espiritu. Hindi ninyo mapipilit ang Espiritu na tumugon tulad ng hindi ninyo mapipilit ang halaman na umusbong, o mapisa ang itlog nang wala pa sa panahon. Makalilikha kayo ng kapaligirang magpapalakas, mangangalaga at poprotekta, ngunit hindi kayo maaaring mamilit o mamuwersa: dapat ninyong hintayin ang pag-usbong.”6

“Ang iyong dibdib ay [mag-aalab],” mga kataga mula sa bahagi 9 ng Doktrina at mga Tipan. Hinggil sa pag-aalab ng dibdib na ito, bilang returned mission president ako ay natawag na maglingkod sa isang komite kasama ang iba pang mga returned president para maghanap ng paraan na mapahusay ang proselyting. Isang mungkahi ang ibinigay para matulungan ang mga misyonero na maranasan at makilala ang pag-aalab ng dibdib tulad ng itinuro sa Doktrina at mga Tipan 9:7–9. Ang committee chairman, isang miyembro ng First Quorum of the Seventy at dating mission president, ay nagbahagi ng isang pangyayaring naranasan niya sa isang miyembro ng Korum ng Labindalawa na naglibot sa kanyang mission. Sa paglilibot na ito itinuro ng mabuting mission president na ito ang kahalagahan ng tatlong talatang ito.

Pagkatapos ng isang pulong at habang nagmamaneho papunta sa isa pang pulong, sinabi ng miyembro ng Labindalawa na sa mga taon na naranasan niya, nakakita siya ng mga miyembrong nabigo sa paghahangad ng paghahayag sa pamamagitan ng pag-aalab ng dibdib, kahit matapos ang maraming pag-aayuno at panalangin. Hindi nila naunawaan na ang pag-aalab ng dibdib ay walang kinalaman sa pisikal, kundi sa tindi ng damdamin—ang kapayapaan sa isipan at nadarama sa puso na unang nabanggit.

Marami ang maaaring maiugnay sa mga tao sa Aklat ni Mormon na “nabinyagan sa pamamagitan ng apoy at ng Espiritu Santo, at hindi nila nalalaman ito” (3 Nephi 9:20).

Sa paghahayag kay Hyrum Smith, nakita natin ang apat na paraan para makilala kung paano tayo inaakay ng Espiritu: “Magtiwala ka sa Espiritung yaon na nag-aakay [1] sa paggawa ng mabuti—oo, [2] [sa paggawa] ng makatarungan, [3] [sa paglakad] nang may pagpapakumbaba, [at 4] [sa paghatol] nang matwid; at ito ang aking Espiritu” (D at T 11:12).

Sinabi ni Pangulong Gordon B. Hinckley: “Paano natin malalaman ang mga bagay ng Espiritu? Paano natin malalaman kung nagmula ito sa Diyos? Sa mga bunga nito. Kung ito ay magbubunga ng paglakas at pag-unlad, ng pananampalataya at patotoo, ng mas mahusay na paggawa ng mga bagay, ng kabanalan, kung gayon ito ay mula sa Diyos. Kung ito ang magwawasak sa atin, magdadala sa atin sa kadiliman, magpapalito at magpapabalisa sa atin, magbubunga ng kawalang-pananampalataya, kung gayon ito ay mula sa diyablo.”7

Isa pa: Isang bagay ang maaaring palagi o paulit-ulit na masasaisip ninyo. Ang katotohanang ito mula sa sulat ni Joseph Smith tungkol sa binyag para sa mga patay ay isang paraan kung paano nangungusap ang Espiritu: “Ang paksang ito ay tila baga sumasaklaw sa aking isipan, at tumitimo ito sa aking damdamin nang napakatindi” (D at T 128:1). Ang pagkakaroon ng impresyon na paulit-ulit hanggang sa kumilos tayo ay totoo at sagrado.

Noong nangungulo ako sa Cali Colombia Mission, nag-aaral ako ng banal na kasulatan isang gabi, pasado alas-10:00 n.g. Isang impresyon ang dumating sa aking isipan na tawagan ang isang elder. Kamakailan ay ininterbyu ko siya at alam ko na may ay ilang problema siya, kaya binale-wala ko ang impresyong iyon. Dumating muli ang impresyon, at gamit ang gayon ding katwiran, binale-wala ko muli iyon. Dumating ito sa ikatlong pagkakataon at sa huli ay natanto ko ang ipinahihiwatig nito, at tinawagan ko siya. Nasa higaan na ang kanyang kompanyon at ito ang sumagot. Hiniling kong makausap ang elder na ipinahiwatig sa akin na tawagan ko. Sinabi niya na wala ito sa kanyang higaan.

“Ibaba mo ang telepono at hanapin mo siya,” sabi ko.

Nakita siya sa kabilang patyo na kausap ang isang dalaga na kalilipat nang araw na iyon. Lumipat ang mga elder sa isang bagong apartment nang sumunod na araw.

Tatapusin ko ang mensahe ko sa pagbanggit sa mahalagang karanasan at matalinong payo ni Pangulong President Wilford Woodruff. Sa kanyang pagbibiyahe ikinuwento niya na nagpakita sa kanya sina Joseph Smith, Brigham Young, at iba pang mga unang lider ng Simbahan. Sa isang pagkakataon nagpakita sa kanya si Brigham Young (na yumao na tatlong araw nang nakararaan): Nang makarating kami sa aming pupuntahan, …tinanong ko si Pangulong Young kung tuturuan niya kami. Sabi niya, ‘Hindi, nakapagpatotoo na ako sa mundo. Hindi na ako magsasalita pa sa mga taong ito.’ ‘Subalit,’ sabi niya, “Naparito ako para makita ka; para bantayan ka, at tingnan ang ginagawa ng mga tao.Pagkatapos, sabi niya, gusto kong turuan mo ang mga tao—at gusto kong sundin mo mismo ang payo na ito—na dapat silang gumawa at mamuhay sa paraan na mapapasakanila ang Banal na Espiritu, sapagkat kung wala ito hindi ninyo maitatayo ang kaharian; kung walang Espiritu ng Diyos, kayo ay nanganganib na lumakad sa kadiliman, at nanganganib na di-maisakatuparan ang inyong tungkulin bilang mga apostol at elder sa simbahan at kaharian ng Diyos.’”8

Mapagkumbaba kong dalangin na lalo pa ninyong masigasig na naising maging karapat-dapat sa hindi masambit na kaloob na Espiritu Santo; na lalaki kayong may kakayahang makilala ang Kanyang mga pahiwatig at “mapanatag at malaman” (D at T 101:16) ang Ama at ang Anak sa pamamagitan ng Espiritu Santo; at na kayo ay magpapasalamat sa Kanya at sa Kanyang patnubay, sapagkat ang pagpapasalamat ay higit pang nag-aanyaya sa Espiritu.

Sa pamamagitan ng hindi masambit na kaloob na Espiritu Santo, alam ko na si Joseph Smith ay propeta ng Panunumbalik at na ang Aklat ni Mormon ay saligang bato ng ating relihiyon. Alam kong buhay ang Ama at ang Anak. Sila ay totoo. Ang Espiritu Santo ay sumasaksi sa lahat ng katotohanan. Siya ay nagpapabanal, at Siya ay nagtuturo. Tayo ay pinamumunuan ngayon ng mga buhay na propeta, tagakita, at tagapaghayag, mga totoong Apostol ng Panginoong Jesucristo. Ang 15 kalalakihang ito ay ginagabayan sa pamamagitan ng hindi masambit na kaloob na Espiritu Santo. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. Manuscript History of Brigham Young, 1846–1847, tinipon ni Elden J. Watson (1971), 529–30.

  2. Brigham Young, Deseret News, Peb. 9, 1854, 4.

  3. Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Ebanghelyo,” scriptures.lds.org.

  4. Tingnan sa David O. McKay, Gospel Ideals (1953), 525–26.

  5. Dallin H. Oaks, “Our Strengths Can Become Our Downfall,” Ensign, Okt. 1994, 13–14.

  6. Boyd K. Packer, “The Candle of the Lord,” Ensign, Ene. 1983, 53.

  7. Gordon B. Hinckley, “Inspirational Thoughts,” Ensign, Hulyo 1998, 5.

  8. Wilford Woodruff, saMga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Wilford Woodruff (2005) 131.